Likha ni Jun-Jun
Ayon
kay Acelajado (1994), kung sariling wika ang gagamitin sa pag-aaral o pagtuturo
ng anumang aralin, mas madaling matututo ang mga mag-aaral sapagkat konsepto na
lang tungkol sa pinag-aaralan ang kailangang pag-isipan nang mabuti. Sa
madaling salita, madaling sabihin ang iniisip ng isang tao kung sariling wika
niya ang gagamitin at mas madaling palaganapin ang pagkatuto sa eskwela lalo na
sa mga basiko o batayang kaalaman kapag ang inang wika o mother tongue ang
laging ginagamit.
Huwag
na nating itanggi pa, wikang Ingles ang midyum ng dalawa sa pangunahing
asignatura sa eskwelahan na Agham (Science) at Matematika (Mathematics).
Marahil sa dahilang lahat ng mga kaisipan bumabalot sa asignaturang ito ay
orihinal na nagmula sa mga kanluraning bansa. Kaya naman tinitingnan din natin
maging ang mga teknikal na salita nito bilang bahagi ng midyum na ginagamit sa
pagtuturo. Nakapaloob sa iisang lenggwaheng impluwensiya ng mga banyaga, ngunit
sa totoo lang, malaki itong kalokohan!
Alalahanin
nating isa sa mga barayti ng wika ang "jargon" o mga terminong
ginagamit lamang sa iisang larangan o disiplina at hindi ito pagmamay-ari ng
kahit anupamang wika sa buong mundo. Teknikal ang mga salitang ito, minsan pa
nga'y operational ang pagkakagamit. Ibig-sabihin,
eksklusibo lamang sa mga disiplinang pinag-aaralan o larangang
pinagkakadalubhasaan.
Napakahalaga
ng asignaturang Agham, ika nga "Science
is a systematized body of knowledge". Ang Science mismo ay nanggaling
sa salitang Latin na "scientia" na nangangahulugang karunungan. Samantalang
ang Matematika ay "the abstract science of number, quantity, and
space". Numerikal at lohikal ang pag-aaral ng mga espasyo sa pagbabagong
ng buhay. Nagaganap ito upang lubos na maisakatuparan ang karunungan. Ngunit
kung ang karunungang tinutukoy rito ay limitado lamang sa mga taong nakauunawa
ng iisang midyum nito, paniguradong walang maipupunlang dunong. Kung ang Agham ang
daluyan ng buhay at lunsaran ng kaalaman, marapat lamang na buksan ito sa
wikang nais gamitin ng sinumang nag-aaral o gustong matuto nito.
Marahil
din ay kaya nangungulelat ang ilan sa mga estudyante ng dalawang asignaturang
ito ay dahil sa pagpipilit ng ilang guro at/o administrador na gamiting midyum
ng pagtuturo ang nakasanayan na sa mga ganitong uri asignatura. Sa tingin kasi
ng ilan, baduy o korning maituturing ang paggamit ng 'mother tongue' o unang
wikang natutuhan ng isang tao buhat sa kanyang lugar na sinilangan o
kinalakihan. Marami kasing mga terminong walang tiyak na katumbas sa isang
partikular na wikang gagamitin, maliban na lamang sa Ingles na pangunahing wika
sa mga disiplinang ito. Napakalahing dagok tuloy sa mga mag-aaral na pagsabayin
ang pag-unawa sa mismong aralin at pag-intindi sa midyum na ginagamit sa pagtuturo.
Kaya naman nagiging bunga nito ang pagkabagot at kawalan ng mabisang pagpokus
sa pinag-aaralan.
Pero
isipin natin, mas naunawaan natin noon kina Ka Ernie Baron at Kuya Kim Atienza
ang mga impormasyong may kinalaman sa Science at Trivia dahil ipinaliwanag nila
ito sa midyum na maiintindihan ng lahat. Naging popular din sa mga batang 90s
ang programang Sineskwela, Mathinik at ang ngayo'y Knowldege Channel dahil
natuto tayong buksan ang isip sa mga bagay na bahagi ng ating buhay gamit ang
pambansang wika.
Mismong si Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang nagsabing maaaring gamiting midyum ang wikang Filipino sa mga asignaturang tulad na lamang ng Agham at Matematika, ngunit malaking katangahan kung ituturo gamit ang midyum na wikang Filipino nang isinasalin nang husto ang lahat maging mga teknikal na salita nito. Totoo namang hindi bagay kung isasalin pa natin sa wikang Filipino ang mga terminolohiya sa asignaturang Science at Mathematics ngunit maaari pa rin nating maihatid sa klase ang mga aralin sa paraang mas magaan at mas madaling maintindihan.
Halimbawa
ay ang kahulugan ng Carbon Dioxide.
Carbon
Dioxide is a chemical compound. It is consists of a carbon covalently double
bonded to two oxygen atom. Its chemical formula is CO2.
Ito
naman ang salin ng kahulugan ayon mismo sa wikipedia.
Ang
KARBON DIOKSIDO (carbon dioxide) ay isang kompuwestong kemikal na binubuo ng
dalawang mga atomong oksiheno na kobalenteng nakakawing sa isang atomong
karbono. Ang pormulang kemikal ng karbon dioksido ay CO2.
Mapapansing
gumawa ng tuwirang salin sa teknikal na salitang "carbon dioxide"
bilang karbon dioksido. Anong nangyari? Mas lalo yatang lumala ang jargon nito.
At maging ang mga jargon sa loob ng pahayag ng kahulugan nito ay isinalin ng
direkta. Tila nababoy ang termino. Kung anong bigkas sa teknikalidad nito ay
pinagmukhang ganoon din binaybay sa wikang Filipino. Nawala na ang esensya ng
kahulugan dahil punto por punto na ang pagkakasalin na salita-sa-salita.
Maaari
sanang ganito:
Ang Carbon Dioxide ay pinaghalong kemikal na binubuo ng isang carbon na nakakawing ng dalawang beses sa dalawang atom mula sa oxygen (isang uri ng gas para mabuhay at makahinga ang tao). Ang chemical formula nito ay CO2.
Ngayon mapapansin na gumaan kahit papaano ang kahulugan. Ginawang operational ang pagbibigay-paliwanag sa bawat jargon na nasa loob ng pahayag. Mula sa isinaling kahulugan ng carbon dioxide, makatutulong pang lalo ang pagpapaliwanag nito sa tulong ng mga ilustrasyon. Naipaliwanag hindi gamit ang iisang midyum ng pagtuturo lamang kundi sa pagpapahayag na mas mauunawaan ng lahat. Hindi purong Ingles, hindi purong Filipino. Nanatili rin ang mga jargon.
Gamitin
naman nating halimbawa ang kahulugan ng Integer.
Integer
is a Latin word meaning "whole" and a number that can be written
without a fractional or decimal component.
The
set of integers {... -2, -1, 0, 1, 2, ...} consists of Zero (0); the Positive
Numbers (1, 2, 3, …), also called Whole/Natural or Counting Numbers; and its
inverses, the Negative Numbers (-1, -2, -3, ...)

Ito
naman ang salin ng kahulugan ayon mismo sa wikipedia.
Ang
BAUMBILANG (Ingles: Integer na mula sa Latin na integer) na literal na
nangangahulugang "buo": ito ay
likas na bilang na kabilang ang 0, ang mga positibong bilang (1, 2, 3, ...) at
kanilang mga negatibong bilang (-1, -2, -3, ...). Ito ang mga numerong hindi na
kailangang isulat na bahagi ng isang praksiyon at hating-bilang o desimal na
pumapatak sa loob ng isang pangkat (set) {... -2, -1, 0, 1, 2, ...}.
Mapapansin
na punto por punto rin ang pagsasalin. Maging ang mismong salitang
"Integer" ay isinalin sa Filipino bilang "Buumbilang" o
"buong mga bilang". Bagaman maaari nang maintindihan, medyo
komplikado pa rin ang pagpapahayag sapagkata alinlangan ang pagsasalin.
Maaari
sanang ganito:
Ang
Integer ay salitang Latin na nangangahulugang "buo" o sa Ingles ay
"whole". Ito ay mga numerong maaaring ipakita/isulat nang hindi
fractional component. Ibig sabihin, ang integer ay mga "whole number"
at hindi fractional o maging decimal number.
Ang
mga set ng integers {... -2, -1, 0, 1, 2, ...} ay binubuo ng Zero (0); Positive
Numbers (1, 2, 3, ...) na tinatawag ding Whole/Natural o Counting Numbers na
mas malaki sa zero; at ang kabaligtaran nitong Negative Numbers (-1, -2, -3,
...) na mas maliit naman sa zero.
Mapapansin
naman na naging magaan na ang pagpapakahulugan. Hindi isinalin ng tuwiran ang
mga teknikal na salita. Ginamit pa rin ito kahit na nasa wikang Filipino na ang
midyum ng pagpapahayag. At gaya sa halimbawang ibinigay sa Agham naipaliwanag
hindi gamit ang iisang midyum ng pagtuturo lamang kundi sa pagpapahayag na mas
mauunawaan ng lahat. Hindi purong Ingles, hindi purong Filipino. Nanatili rin
ang mga jargon.
Isang
malaking kamangmangan kung isasalin lahat sa wikang Filipino nang punto por
punto ang bawat salita. Mas lalong hindi mauunawaan, mawawalan pa ng esensya ang
pagpapaliwanag. Maling akala ng ilan na dapat ay magkaroon muna ng salin sa
ating wika ang mga salitang pagmamay-ari mismo ng mga disiplina at hindi lang
naman sa pagsasalin nito sa magaang paraam gamit ang wikang Filipino, mas
magiging mabisa ang pagpapaunawa sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga
ilustrasyon at mga konspetong may kinalaman sa aralin. Maaari pa rin namang
gamitin ang nasa midyum ng Ingles kung sagrado ang mga ideyang nakapaloob at
alinlangang maisalin ngunit ang pagtuturo sana'y nasa mother tongue na ng mga
mag-aaral. Sa pagsasalin naman, gamiting gabay ang ortograpiyang mula KWF.
Sa
huli, hindi dapat pinagpipilian ang wikang Ingles at Filipino na maging midyum
sa pagtuturo. Hindi rin dapat ikahon sa iisa lang. Maaaring pagsamahin, gawing
pantulong ang isa't isa sa mas mabisang pag-unawa. Sa ganitong paraan, magiging
epektibo ang pagtuturo at pagkatuto sa loob ng klase. Hindi lang magaan para sa
mga mag-aaral, kundi pati na rin sa guro. Mas mapauunlad ang kamalayan sa mga asignaturang
Agham at Matematika. Ngayo'y hindi na lang mula sa mata ng mga banyaga, inangkin
at inilapat na rin natin sa paraang swak at katanggap-tanggap. Hindi na
masyadong komplikado. Kaya na natin.
