Bersyon ni JBS
Noong
unang panahon, masaganang nakabibingwit ng yamang dagat ang mga tao. Tanging
isda pa lamang ang nakukuha sa karagatan. Ang kani-kanilang mga nahuhuling isda
ay ipinagbibili sa mga palengke habang ang iba ay inuuwi sa bahay upang makain
ng pamilya.
Subalit ang masaganang pangingisda ay
naging daan sa kasakiman ng ilan sa kagustuhang makapabingwit nang mas marami
at kumita nang mas malaki. May mga nangingisda sa araw man o gabi para makarami
ng huli, may mga nagpapasabog ng dinamita upang madaling makapangisda, may nagbubuhos
ng mga kemikal sa tubig upang agad na lumutang ang mga isdang namamatay.
Hanggang sa masira maging ang tahanan ng mga isda sa kailaliman ng karagatan. Naghari
ang kasakiman ng tao sa paghahanapbuhay.
Dahil sa mga nangyari, nagalit ang diyosa
ng karagatan. Ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan para protektahan ang
lahat ng mga natitira pang isda. Itinago niya ang lahat ng mga isda upang hindi
mahuli at makuha ng sinuman upang pagkakitaan. Nalugmok naman ang mga
mangingisda dahil sa kawalan ng huli. Unti-unting nalugi ang kanilang negosyo
at nagtiis na lang sa pagkain ng gulay.
Nagsisi ang lahat dahil sa pang-aabusong
ginawa sa karagatan. Tuwing madaling-araw ay lumalabas ang mga mangingisda
hindi para manghuli kundi para manalangin sa diyosa ng karagatan na muling
ibahagi ang yamang dagat nito. Nangako silang hindi na muling sasamantalahin
ang mga biyaya ng katubigan. Naawa naman ang diyosa. Nakita niya ang sinseridad
sa pagsisisi ng mga mangingisda. Mula rito'y muli niyang ibinahagi ang mga isda
sa mga tao. Natuwa ang mga mangingisda, mayroon na sila muling
ipanghahanapbuhay at ipangkakain sa pamilya. Ngunit napansin nilang ang
kanilang nahuhuling isda ay iba sa nakasanayan nilang mabingwit. Kakaiba ang
isdang ito. Malaki, mataba, at maputi subalit punong-puno ito ng napakaraming
tinik. Napansin nilang masasarapan ang tao dahil sa hugis at anyo nito pero
mahihirapan din ang tao na kainin ang ganitong uri ng isda sa dami ng tinik.
Gayunpaman ay hinuli nila ang mga ito, ibinenta sa palengke, at ipinakain sa
pamilya.
Naisip nilang maaaring biyaya ng diyosa ng
karagatan ang malaki, mataba, at maputing isda ito subalit kaparusahan din
dahil sa dami ng mga tinik. Dito nila naunawaan na ang pagkain ng isdang ito ay
hindi karaniwan, kailangang paghirapang tanggalin ang mga tinik upang matikman
ang tunay na sarap nito. Katulad ng kanilang pangingisda, kailangang paghirapan
nang husto at iwasang maging sakim upang makahuli nang mas marami.
Ang isdang ito
ay kilala na ngayon bilang BANGUS.

No comments:
Post a Comment