Sunday, March 26, 2017

BEKS: NOON AT NGAYON

Likha ni: Jun-Jun
#AkoSiJunJun


Gays, Bakla, Bading, Beki. Bahagi na nga sila ng ating lipunan. At ngayong tayo'y nasa 21st century na, mas tanggap na ng karamihan ang tinatawag nating mga nasa 'ikatlong kasarian'. Bagamat, pinuputakti pa rin sila ng mga batikos, diskriminasyon at mga negatibong panghuhusga, hindi maitatanggi na ang mga miyembro ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual, & Transgender) Community partikular na ang mga nasa kategorya ng 'gays' ay malaki na ang naiaambag sa mundong ito.
Ngunit sa paglipas ng panahon, kasabay ng unti-unting pagtanggap sa mga kapatid nating 'beks' ay ang unti-unti ring pagbabago ng kanilang imahe, kilos at maging personalidad. Habang tumatagal, palaki nang palaki ang pagbabagong mapapansin sa mga beki, noon at ngayon. Mula sa pagkilos, pananalita, pananamit at maging sa interes nila, ay unti-unting nagbabago. Mga pagbabagong positibo naman ang nagiging tugon para sa karamihan.
Mapapansin na karamihan sa mga beki ngayon ay hindi na masyadong nahahalata. Iyon bang sa imahe pa lamang ay hindi na agad masasabing sila ay mga gay o bakla. Kaiba sa nakasanayan nating imahe ng mga beki na punong-puno ng make-up ang mukha, nakapambabae ang suot, at malalambot at kilos o galaw. Ina na ang mga beki ngayon. Mga beking sa unang tingin ay aakalain mong mga tunay na lalaki.
Marahil ay parte na rin ito ng mga nais ng mga beki upang mas matanggap sila ng lipunan kahit papaano. Mas ginagawa nilang disente at maayos ang kanilang imahe upang mas maganda rin sa paningin ng iba. O kaya nama'y mas komportable lamang sila na magbihis at kumilos ng panglalaki kahit alam nila sa sariling pusong-babae sila. Ito ang dahilan kung bakit nauuso ang mga beking tinaguriang 'gay in a closet', 'discreet', o mas kilala sa tawag na 'paminta'.
'Paminta' o pa-men. Nagpapakalalaki kahit hindi naman talaga. Ito na ang imahe o larawan ng mga beki sa kasalukuyan. Bagamat, may mga nakikita pa rin tayong mga imahe ng nakasanayan na nating beki ay hindi maitatanggi na mas marami na ang mga paminta. Walang kaso rito at wala ring masama sa pagiging 'Paminta' o pa-men. Marahil ay nagpapakalalaki sila upang makaiwas na rin sa mga panlalait at diskriminasyon ng ibang tao.
Ang mga 'gay in a closet' ay mga beking ang imahe ay pangkaraniwan lang na lalaki. Lalaki kung pumorma. Lalaki kung kumilos. Ngunit sa kanilang personalidad malalaman ang kanilang tunay na pagkatao. Mailap na rin ang mga beking nagpapahaba ng buhok na parang babae at yung mga nagpapapalit ng kanilang sekswal na parte ng katawan na pambabae rin. Parang unti-unti na ring nawawala ang mga beking 'cross-dresser' o kung mayroon man, kakaunti na lamang.
Ang mga 'discreet gays' din ay karamihang propesyonal na. May maganda at disenteng trabaho sa buhay. Hindi na lang natin nakikita ang mga beki na nasa loob lamang ng parlors, gay pageants, o mga comedy bars. Karamihan sa mga beki ngayon ay mga nasa matataas pang posisyon na sa kani-kanilang mga larangan.
'Paminta', 'gay in a closet', o 'discreet'. Iba-iba man ang tawag sa kanila sa kasalukuyan, iisa pa rin ang kanilang katauhan, at iyon ay ang pagiging beki. Sila pa rin ang mga lahi ni Adan na nais magpaka-Eba. Sila pa rin ang mga lalaking may pusong-babae. Nag-iba nga lamang ng imahe, kilos, at personalidad. Maaaring paraan ito upang lubos na silang matanggap ng lipunan o di kaya'y bahagi na ng pagbabagong nais nila para sa kani-kanilang sarili.

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...