Matagal nang libangan nating mga Pilipino ang panonood ng pelikula. Sa katunayan, buwan-buwan ay iba't ibang pelikula ang ipinapalabas sa mga sinehan. Nakikipagsabayan na rin ang mga pelikulang pinoy maging sa mga foreign movies. At hindi lang mga mainstream o commercial films ng mga naglalakihang film outfit sa bansa ang kinahuhumalingan ng mga moviegoers. Pati na rin ang mga independent films o mas kilala bilang 'indie films'. Lahat nang ito 100% tatak pinoy.
Pero sa kabila ng
kaliwa't kanang pagpapalabas ng mga pelikula. Marami pa ring kritiko ng sineng
Pilipino ang humahati sa mga ito kung alin ang dapat at mahalagang panoorin at
alin din ang hindi. Ang tingin kasi ng ilang beterano na sa paggawa ng
pelikula. Ang mga palabas sa big screen ngayon ay Quality versus Quantity na.
May mga pelikulang, halos pare-pareho lang anila ang takbo ng kwento, pero ... 'WAKWENTA' o ang habol lang ay kung magkano ang kikitain. Gayundin, may mga pelikulang malalim ang istorya at may pinaghuhugutan talaga. Kaso, walang may pakialam dito. Walang tumatangkilik.
Pero ano nga ba ibig sabihin ng KALIDAD pagdating sa pelikulang Pilipino? Hindi ba, basta't pinaghirapan ang isang pelikula anuman ang takbo ng kwento nito ay masasabing dekalidad? Ang mga pelikulang sumasalamin lang ba sa mga napapanahong isyu ang maituturing na may 'kwenta'? At ang mga pelikulang kumikiliti sa mga puso at imahinasyon ng mga manonood ay hindi?
Halimbawa, ang mga pelikulang puro lang katatawanan ang tema tulad ng mga gawa nina Vice Ganda, Vic Sotto, at AiAi Delas Alas. Kung walang kwenta ang mga ito, basura rin palang maituturing kung ganoon ang mga obra ni Dolphy noon? Malaking sampal ito sa Hari ng Philippine Comedy na hinahangan ng lahat. Ganito rin ang mga pelikula noon niya kung sasabihing wala palang mapapala sa mga ganitong uri ng sine.
Isa pa, kung hindi dekalidad ang mga fantasy films ng Pinoy na puro lang special effects, sana pala walang tumangkilik sa Harry Potter, Twilight, Transformers at mga superheroes ng ibang bansa. Kung tutuusin, ito pa nga ang mga box-office sa abroad. Pero sa Pinas, pinagtatawanan lang ang mga obrang ito kapag Pinoy ang gumawa.
Ang totoo! WALANG PELIKULANG WALANG KALIDAD. Taas ang kamay akong sumasaludo sa lahat ng direktor at manunulat ng pelikula Pilipino. Drama man o comedy, romance man o horror, indie man o mainstream. Dahil hindi biro ang paggawa ng pelikula anumang tema nito. Hindi madaling gumawa ng script, kumuha ng mga artista, humanap ng sponsors, mag-shoot, mag-edit, at mamuhunan ng malaki. Dahil kung paano man binuo ang isang pelikula, mula pre-production hanggang post-production ... DEKALIDAD. Period. Walang kokontra.
Hindi mo pwedeng husgahan ang isang pelikula base lamang sa tema nito. Hindi ka pwedeng humusga dahil lang lumabag ito sa panlasa mo. Hindi ka pwedeng humusga dahil lang nagpatawa, nagpakilig, o tumakot lang 'to ng mga audience. Dahil tandaan mo, wala pa sa kalingkingan ng utak mo ang dalawang oras na panonood mo ng pelikulang ginawa nang halos ilang buwan para husgahan mo.
Kanya-kanyang panlasa ang mga moviegoers, gaya ng kanya-kanya ring bulsa para sa dalawandaang pisong bayad nito. Maraming pagpipilian, at hindi lang ikaw ang pipili. Kung kalidad man ng pelikula ang usapin sa panonood sa sinehan. Ibigay mo ito mismo sa mga manonood. Dahil para sa kanila, kaya ginawa ang isang uri ng sining na ito para sa panlasa nila at hindi lang sa iyo.
Tandaan na lang,
ang KALIDAD ng isang pelikula ay nakasalalay sa kalidad ng taong manonood nito.

No comments:
Post a Comment