Likha ni: Jun-Jun
Sa
wari ko'y
Lumipas
na ang kadiliman ng araw
Dahan-dahan
pang gumigising
At
ngayo'y babawi na …
NANG BIGLA NA LANG TUMIGIL ANG TUGTOG.
Shit, lowbat na pala ko! Hayaan mo na nga, uwian na naman. Tumingin ako sa relo
ko. Alas-kwatro na ng hapon. Sa wakas uwian ko na rin, at take-note weekend na
naman Kaso nga lang, kung di ka naman mamalasin, tambak na naman ang mga
gagawin. Palibhasa patapos na ang sem at magpa-finals na! Pero okay lang, at
least malapit na ang bakasyon. Pababa na sana ako ng hagdan pero nang nasa 2nd
floor na ko, bigla kong narinig ang pangalan ko. "Mac!!!" Akala ko naman kung sino, si Arthur lang pala. "Oh, tapos na rin klase mo?"
tanong ko. "Absent yung last period
namin kaya ito, hayahay na naman ang 3 hours namin!" sagot niya, "Pauwi ka na ba? Sabay na tayo!"
At sabay na kaming bumaba.
Mag-best friend kami. Sakto nga, sa
pangalan pa lang namin, Mac at Arthur. Oh di ba I shall return! Parehas kaming 3rd year college. Mass Comm ang
kurso ko, I.T. naman siya. High school kami nang maging magkaibigan, freshmen
pa lang mag-bestfriend na kami. Wala kaming ibang kaibigan, kami lang talaga.
At ngayon na kahit na magkaiba na kami ng course, wala pa ring kaming iwanan.
Partners-in-crime kami! Malakas mang-trip. Nagsasabihan ng mga sikreto.
Magkasama lagi sa kalokohan. Para na ngang kapatid ang turing ko sa kanya.
Palibhasa, nag-iisang anak lang ako at siya naman puro babae ang kapatid.
"Pre'
kain muna tayo, treat ko!"
biglang sabi ni Arthur habang papalabas kami ng gate ng university. "Wow! Mukhang mapera tayo ahh"
sabi ko naman sabay tawa. "Eh
nagpadala na namam si Papa kagabi. Ayon pinaghati-hatian na naman namin nila
Ate," tugon niya. "Sige ka,
tapos wala ka na namang pera! Mangungutang ka na naman sa 'kin," pabirong
sabi ko. "Pre' pera ko naman 'to!
Ikaw na nga ililibre ayaw mo pa. Kung gusto mo huwag na lang?" sagot
niya. "Ito naman di mabiro. Sige na,
manlibre ka na! Nakakagutom na eh," bigla kong sabi, "Saan ba tayo"? "Saan pa, eh di sa McDo!"
sagot niya. "McDo na naman! Halos
linggo-linggo na lang na nanlilibre ka puro sa McDo ah" pabiro kong
tugon habang naglalakad. "Ang arte
mo naman! Ikaw na nga ililibre eh. Tara na!" bigla niyang yaya.
Sumakay na kami ng jeep.
Sa loob ng McDo, umorder siya ng spaghetti
at burger. Sinamahan niya pa ng fries at coke! Ang sarap talaga kapag libre.
Palibhasa, may kaya 'tong si Arthur. Nasa abroad ang nanay at tatay niya.
Sila-sila lang ang magkakasama sa bahay. May tatlo pa siyang kapatid na babae. "Mac, kamusta kayo ni Sandra?"
tanong niya habang kumakain. "Ha?
Bakit? Ano bang meron sa'min ni Sandra?" sunod-sunod kong tanong. "Hindi ba sabi mo patay na patay ka
doon! Bakit di mo pa nililigawan?" sagot niya. "Crush ko lang iyon! Wala naman akong balak ligawan iyon,"
sagot ko at nagpatuloy ako sa pagkain. "Ano
ka ba Pre sa gwapo mong iyan, hindi malayong mapasagot mo iyon! Sige na,
ligawan mo na!" pilit pa niya. "Ayoko
nga! Saka na lang iyon," tugon ko habang patuloy sa pagkain. "Bakit Pre? Huwag mong sabihing bakla
ka?" bigla niyang tanong pero alam kong nang-aasar lang siya. Nabigla
ako! Napatigil sa pagkain. "Ha?"
tanging nasabi ko. "Ang sabi ko,
baka naman bakla ka," sagot niya. "Gago!
Hindi ahh!" seryosong sagot ko habang umiinom ng coke. "Syempre, joke lang! Ito naman seryosong-seryoso,"
sabi niya habang tumatawa, "alam ko
namang tutok ka sa pag-aaral mo at diyan sa pangarap mong maging isang writer."
"Pre' ikaw ba? Kamusta ka? Naka-move
on ba?" bigla kong tanong. "Ayos
lang! Okay na ko! Dalawang linggo na nakakaraan eh," mahinang tugon
niya. Bigla tuloy naging seryoso ang usapan. Kakahiwalay lang kasi sa
girlfriend niya. "O' Sige na!
Tapusin na natin ito. Marami pa kong gagawin sa bahay." sabi ko na
lang. Nagpatuloy na kami ulit sa pagkain.
Sa totoo lang, nabigla ako sa sinabi
ni Arthur. Hindi sa kung liligawan ko ba si Sandra
at hindi rin sa nakaka-move on na siya sa ex-girlfriend niyang si Shiela kahit
alam kong hindi pa. Nabigla ako sa sinabi niyang bakla ako. Kasi totoo naman
talaga. As in TRUTH! Trulalu! Beki ako! Pero walang sinuman ang nakakaalam.
Alam ko sa sarili kong bata pa lang ako, nararamdaman ko ng babae ang puso ko.
Pero kahit kailan hindi ako nagbulgar. Walang kahit na katiting na bahid ng
pagkababae ang mga kilos ko. Kahit sa pagsasalita. Kahit sina Mama't Papa,
hindi alam. Lalo na si Arthur na matagal ko ng matalik na kaibigan. Matagal ko
ng itinatago ito. Ito ang dahilan kung bakit tanging si Arthur lang ang
kaibigan ko, ayoko kasing malaman ng lahat ang pagkatao ko. Ito rin ang rason
kung bakit wala akong nililigawang babae, hangang crush lang. Minsan nga
palusot ko lang iyon. Mas nagkakagusto ako sa mga lalaki, pero hindi ko
kailanman pinahahalata. At ganoon pa man, kahit na mismong sa bestfriend ko,
hindi ako nagkagusto kahit kailan. Bestfriend lang talaga ang turing ko sa
kanya kahit alam kong tunay na lalaki siya.
Lunes ng hapon matapos ang klase ko,
nagtext sa akin si Arthur. Nagpapaturo sa assignment niya. Kahit naman alam
kong major niya iyon at mga IT students lang ang nakakaunawa pipilitin ko pa
rin intindihin iyon dahil matagal ko ng ginagawa iyon sa bestfriend ko. Ang
gawin ang assignment niya. Napakatamad kasi ni Arthur. Mahina sa klase pero
aktibo naman sa sports. Varsity player kasi siya ng university namin. Kaya
lahat ng assigment niya ako ang gumagawa. Kulang na lang ay ako na ang
mag-enroll sa kurso niya.
Alas-singko ng hapon ang usapan at sa
library ang kitaan. Pero mag-aalas-sais na ko dumating. Pumunta pa kasi ako ng
meeting sa School Organ. May proyekto kasing pinaplano at Editor-in-Chief ako.
Pagdating ko sa library, nakita ko agad ang nakanuot na noo niyang nakatingin
sa akin. Nasa may dulo siya. Kitang-kita rin na parang bagong gising siya.
Nakatulog yata sa paghihintay. Pero, habang hinihintay ko ang iba pang mga estudyante
na nagsusulat sa log-book ng library, nakatingin ako sa kanya na parang
nangangasar pa dahil nakatingin din siya sa akin. Pero sa mga sandaling iyon,
parang iba ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung ano! Parang nae-excite akong
lumapit sa kanya na nakatingin sa akin nang seryosong-seryoso. Ang tanging nasa
isip ko ng mga oras na iyon, ang gwapo-gwapo ngayon ng bestfriend ko.
Pero hindi ko inisip na nagkakagusto
ako sa kanya. Bestfriend ko siya at ayaw kong masira iyon dahil lang sa
paglalandi ko. Pagkatapos kong magsulat sa log-book. Pumunta na agad ako sa
kanya. "Mabuti dumating ka pa?"
tanong niya na mukhang mainit ang ulo. "Nag-meeting
pa kasi sa School Organ," paliwanag ko, "ikaw? Di ba may practice ka pa ng basketball ng 6:00? Sige na!
Ako na gagawa ng assignment mo!". “Hindi
na! Okay lang,” tugon niya. "Sige
na … ako na dito," sabi ko. "Okay
lang nga! Hindi na nga ko pumunta ng practice para lang makasama ka, pinaaalis
mo pa ko," bigla niyang sabi na bahagyang nakangiti na. Nagulat ako.
Medyo nataranta. "Ha?"
tanging nasabi ko. "Wala! Sabi ko,
mag-umpisa na tayo" sagot ni Arthur na nakangisi at tatawa-tawa.
Binuklat na niya ang mga libro niya. Naupo na rin ako, at nagsimula na.
Kahit na nagsisimula na kong
intindihin ang mga assignments niya, hindi pa rin mawala-wala sa isip ko ang
mukha niya kanina habang naghihintay ako sa log-book area, sumabay pa ang
sinabi niya kanina. Hindi ko alam kung abo nang nararamdaman ko. Pero parang
wala lang naman sa kanya. Ayon, pakuya-kuyakoy na naman. Pero bigla na naman
siyang nagsalita. "Pagkatapos nito,
kain ulit tayo ha!". "Bahala
ka, basta treat mo! Kaso saan na naman?" tanong ko. "Saan pa? Eh di sa McDo!"
sagot niya habang nakade-kwatro at kagat-kagat ang dulo ng ballpen niya.
Naging mas madalas pa ang paglabas
namin ni Arthur. Palagi siyang nanlilibre, palibhasa siya ang laging may pera.
Kapalit naman noon ay ang pagtulong ko sa kanya sa pag-aaral. Palagi siyang
masaya na parang walang problema. Pero isang gabi, bisperas ng Final Exams nang
magpunta ko sa kanila para kuhanin ang mga librong pinahiram ko sa kanya,
naabutan ko siya sa bakuran nila nang lasing na lasing.
"Pre,
mukhang pa-easy-easy lang tayo ha! Finals na bukas," sabi ko. "O' ngayon?" seryosong bara niya sa'kin. Putcha, napahiya
ako. "Pre, tama na yan! Bakit ka ba
naglalasing? Noong nakaraan lang ang saya-saya mo pa ah," tanong ko. "Basta! May gumugulo lang sa isip ko,"
medyo mahinahon na siya. "Alam ko
na, sa ex mo na naman! Akala ko ba naka-move on ka na?" usisa ko pa. "Mac, pwede ba, iwanan mo muna ko,"
sumeryoso na naman ang bestfriend ko. Shit, napahiya na naman ako doon! "O' sige. Ikaw bahala. Kunin ko lang
yung mga librong hiniram mo tapos alis na rin ako," tanging sabi ko na
lang. Tumango na lang siya at nagtungo na ko sa loob. Bago pa man ako pumasok
ng pinto, lumingon ulit ako kay Arthur. Pinagmasdan ko siya habang nakatalikod
siya sa akin at patuloy pa rin sa pagtungga. Ramdam kong malungkot siya. Hindi
ko alam kung bakit ako nagkakaganito. Iba na naman ang pakiramdam ko.
Pakiramdam na huli kong naramdaman noong nagkita kami sa library noong isang
linggo. Gusto ko siyang lapitan. Yakapin. Bilang isang kaibigan. Gusto ko
siyang damayan sa problema niya kung meron man.
Pagkakuha ko ng mga libro, nagpaalam
na ko sa kanya. "Pre, una na
ko!" tango lang ulit ang isinagot niya. Lumabas ako ng gate at habang
nila-lock ang kadena tumingin ulit ako sa kanya. Kahit madilim dala ng mga
punong nakapaligid sa bakuran nila at ilaw na medyo malayo sa kung saan siya
nag-eemote, nakita ko. Kita ng dalawang mata ko, na nginitian niya ako. Ito na
naman ako. Iba na naman ang pakiramdam ko. Pero noong oras na iyon, naliwanagan
na ko. Nahuhulog na nga ang loob ko sa bestfriend ko. Iba na ang nararamdaman
ko kay Arthur.
Sabado. Sa wakas tapos na rin ang
Finals. Kaso hindi pa rin simula ang bakasyon. Kailangan pang ipasa yung mga
requirements sa natitirang subjects, kahit na mga Gen. Ed. subjects na lang.
Magpapapirma rin ng clearance. Mula pa noong miyerkules nang magsimula ang
exams ng lahat, hindi ko pa nakikita si Arthur. Kahit paramdam, wala. Ewan ko.
Baka, tutok sa pagre-review kahit alam kong hindi naman. Kamusta kaya Finals
niya? Nakasagot kaya siya? Huli kong kita sa kanya, lasing na lasing siya.
Ahmm, bahala nga siya.
Hindi ko man siya nakita sa school
nitong nagdaang mga araw. Nakikita ko pa rin siya, sa facebook nga lang. Hindi
ko alam kung anong ginagawa ko. Nitong mga ilang araw, panay akong bisita sa
account niya. Tinitingnan yung mga litrato niya. Mula pa noong high school kami
hanggang ngayon. Pero bakit ganito? Napapangiti ako sa mga litratong nakangiti
rin siya. Kahit yung mga wacky pose niya. Nangingiti ako. Ano ba 'to? Tuluyan
na ba kong nahulog sa bestfriend ko? Dati rati sa mga kaklase kong lalaki lang
ako nagkakagusto. Pero bakit ngayon, pati na sa bestfriend ko? Alam kong mali
ito. Matagal na kaming mag-bestfriend ni Arthur. Kung anuman ang nararamdaman
ko, kailangan kong tigilan ito. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin dahil
lang sa nahulog ako sa kanya.
"Mac!
Samahan mo ako mamaya magpa-check up ha!" biglang sigaw ni Mama sa akin.
Mukhang sumasakit na naman ang ulo niya. At kailangan na naman niyang
makipagkita sa doktor niya. "Sige
po" sagot ko.
Muntik
na
Nasanay
ako sa 'king pag-iisa
Kaya
nang iwanan ang
Bakas
ng kahapon ko…
Tanghaling tapat habang nagsa-sound
trip ako nang biglang tumunog yung cellphone ko, hudyat na may nag-text. Hayyy,
hindi ko na talaga natapos ‘tong kantang ‘to! Pagtingin ko, si Arthur. Sa
wakas, nagparamdam din ang bestfriend ko. Nagyayaya, kumain daw kami! Treat
ulit niya. At sa McDo na naman. Kaso naalala ko, sasamahan ko pala si Mama sa
ospital. "Pre, di pwede ngayon,” text
ko sa kanya, “sasamahan ko si Mama
magpa-check up." Matagal bago siya nag-reply. Mga sampung minuto
makalipas, tumunog ulit ang cellphone ko. Si Arthur sumagot na. "Pre, sige na. Please!
Kailangang-kailangan lang talaga" reply niya. Mukhang may problema na
naman itong bestfriend ko. Siguro sa ex-girlfriend na naman niya. Kaso, sa
ngayon ako ang may problema. At mukhang kailangan niya ng kausap. Sino sa
kanila ni Mama ang pipiliin ko? Bahala na.
Alas-sais ng gabi. Pumunta ako kay
Arthur sa McDo. Tinawagan ko si Tita na siya na lang ang sumama kay Mama sa
ospital dahil sabi ko, may aasikasuhin lang ako. Pumayag naman siya. Naisip
kong mukhang kailangan ako ng bestfriend ko ngayon. Pero sa ngayon, isinantabi
ko muna kung anong nararamdaman ko sa bestfriend ko. Inisip kong mas kailangan niya
ng kaibigan ngayon kung may problema man siya. Lalo na't lasing siya nang huli
kong kita sa kanya at hindi rin nagparamdam man lang nitong mga nakaraang araw.
Pagbukas ko ng pinto, nakita ko na agad siya. Naka-sombrero. Nakayuko. May
ka-text. Lumapit ako. "Pre, kamusta.
Ngayon lang kita nakita ulit ha" nakangiting sabi ko. Ngumiti lang
siya. Mukha talaga siyang seryoso. Mukhang may pinagdadaanan.
Umupo ako at siya namang tayo niya. "Order lang ako ha" sabi niya
nang mahina ang boses. Parang pagod. Parang galing sa iyak. Habang nakapila
siya sa counter, tinitigan ko siya. Mukha naman siyang walang problema. Pero
parang iba na naman ang pakiramdam ko. At ngayon, bumibilis na ang pintig ng
puso ko. Bumabalik na naman yung pakiramdam ko noong huli kong kita sa kanya
noong nasa library kami. Bumabalik yung pakiramdam ko noong nakita ko siyang
ngumiti sa akin nang pumunta ako sa kanila na lasing siya. Bumabalik na naman
yung pakiramdam habang pinagmamasdan ko yung mga litrato niya sa facebook.
Nahuhulog na naman ako sa bestfriend ko. Ano na ba talaga ‘to? Bigla siyang
tumingin sa akin habang nakapila. Mukhang nahalata siyang nakatingin ako sa
kanya. Nabigla ako. Medyo nahiya. Pero ngumiti lang siya. Napangiti na lang
ako.
Kumakain na kami ng biglang nag-text
sakin si tita. Okay na daw! Nakauwi na sila ni Mama sa bahay. Kanina pa kami
kumakain ni Arthur pero hindi pa kami nag-uusap. Habang ngumunguya,
patingin-tingin lang kami sa paligid. Tahimik kami pareho. Nagpapakiramdaman.
Medyo dinig ang mga galaw namin dahil wala naman masyadong tao. Isa pa, karamihan
ng mga tao nasa dulo, kami ni Arthur nandoon lang sa lugar na pandalawang tao
lang ang mesa. Kami lang ang nakaupo sa area na iyon. Maya-maya bigla siyang
nagsalita. "Mac?" Mahina pa
rin ang boses niya. "Oh?"
tanong ko habang kumakain ng burger. Pinunasan niya ng tissue ang bibig niya
saka nagsalita ng mahina, "Mahal
kita". Natuliro ako. Napatigil sa pangunguya. Bumibilis na naman ang
tibok ng dibdib ko. Hindi ako mahinga. "Ha?"
tanging sabi ko na parang naniniguro pa. "Sabi
ko, mahal kita" sagot niya ng mahina pa rin ang boses. Shit, para
akong kinuryente. Nananaginip ba ko? Totoo ba ito o nagbibiro lang si Arthur?
Hindi ko alam kung matutuwa ba ko, dahil nahuhulog na rin naman ang loob ko sa
kanya o maiilang dahil bestfriend ko siya. Napatingin na lang ako sa pagkain.
Pero hindi na ko nakasubo pa. Nawalan na ko ng gana. Nilalaro ko na lang ng
tinidor ang spaghetti. Bigla ulit siyang nagsalita. "Nagulat ka ba? Ako rin eh! Nung araw na nakipag-break ako kay
Shiela. Yun ay dahil nahuhulog na kasi ako sayo Pre!" Tuloy-tuloy
niyang salita habang nakayuko at parang nahihiya. Noong mga oras na iyon,
naguguluhan ako. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Ano ito? Akala ko ako lang ang
nagkakagusto sa kanya. Napatanong ako bigla. "Pre, bakla ka?" Napatingin siya sakin. "Hindi. Ewan! Hindi ko alam. Basta
naramdaman ko na lang noong nagkakalabuan na kami ni Shiela" naguguluhang
sagot niya. Hindi pa rin magkasalu-salubong ang mga mata namin. Tuwing titingin
ako, yuyuko siya. Kapag tumitingin naman siya, napapayuko ako. Nahihiya kami
pareho sa isa't isa.
"Mac,
hindi ko alam. Basta, nitong mga nakaraang linggo. Iba na ang pakiramdam ko
kapag kasama kita. Pakiramdam ko, ang saya-saya ko" paliwanag niya
habang nakatingin siya sakin at nakayuko ako "Noong martes ng gabi, noong pumunta ka sa bahay at naabutan mo
kong lasing. Dahil sayo iyon. Naguguluhan na kasi talaga ko. Hindi ko na alam
ang gagawin ko. Noong mga araw na hindi ako nagpapakita sayo, dahil iyon sa
nag-iisip ako. ". Tahimik pa
rin ako. Walang kibo. Pero ngayon, hindi na ko nabigla. Hinahayaan ko na lang
siya magsalita. "Mac, magsalita ka
naman. Nahihiya na nga ko sayo eh. Magsalita ka!" nahihiyang utos niya.
Napakagat ako sa labi. Parang may gusto akong sabihin pero hindi ko kayang
gawin. Kinakabahan na naman ako. "Uy,
Pre. Magsalita ka" pilit niya pa.
Mula sa pananahimik
ko, nagsalita na ko. Pero hindi ko akalain ang salitang lumabas sa bibig ko. "Parehas lang tayo" sabi ko. Kahit
nakayuko ako, kita kong bahagyang lumaki ang mga mata niya. Nabigla rin yata. "Parehas lang tayo ng
nararamdaman" dagdag ko nang nakatingin sa kanya "Hindi ko alam kung kailan ito nagsimula. Basta't tuwing nakikita
kita, nahuhulog ako sayo". Isang bagay rin ang ipinagtapat ko sa
kanya. "Pre, matagal na kong
nagkakagusto sa lalaki." Napakunot siya ng noo. "Mac, bakla ka?" tanong niya. "Ewan. Siguro. Matagal na kong ganito. Wala lang nakakaalam. Hindi
ko rin nagawang sabihin sa iyo dati pa dahil baka magalit ka"
paliwanag ko. "So, gusto mo rin
ako?" tanong niya ulit. "Obvious
ba?" tugon ko na may halong pang-aasar. Napangiti kaming dalawa.
Ang kanina'y seryoso
at parang naguguluhang mukha ni Arthur ay napalitan ng ngiti. "Eh parehas lang pala tayo!"
sabi niyang nakangiti pero mahina pa rin. "Loko
ka talaga" tanging nasabi ko. "Parehas
lang pala tayo ng nararamdaman eh, so ano na?" tanong niya na parang
may gustong iparating. Hindi ako tanga para maguluhan sa gusto niyang sabihin.
Pero inisip ko na iba ang mangyayari sa amin. Hindi na lang kami magkaibigan
kapag nagkataon. Iba na ang relasyon namin sa isa't isa. Hindi na lang kami
mag-bestfriend. "Pre, mahal na kita.
Nakakahiya man pero ganito talaga. Ikaw ba? Mahal mo rin ba ko?" hirit
na naman niya. Mula sa pagkakayuko, inangat ko ang mukha ko at nagsalita na rin
para maliwanagan na kaming dalawa "Matagal
na". Tugon ko ng may halong ngiting parang nahihiya. Unti-unting
ngumiti si Arthur ng ngiting abot tenga. Ako naman, nakangiti na rin. Ngayon,
malinaw na sa amin ang lahat. Parehas kami ng nararamdaman. Parehas naming
mahal ang isa't isa. At alam man naming kakaiba ang relasyong ito. Ang
mahalaga, masaya kaming hindi na lang magkaibigan ang turingan sa isa't isa.
Hindi na namin
natapos ang pagkain. Pareho kaming nawalan na ng gana dahil sa mga nangyari.
Lumabas kami ng McDo at naupo sa gilid, sa may parking lot. Naupo kami sa may
pasimano. Tahimik pa rin. Medyo may ilangan pero hindi na katulad na
hiyang-hiya kami sa sarili namin. "Arthur,
hindi ba mali 'tong ginagawa natin?" tanong ko habang pinagmamasdan
ang mga sasakyang dumadaan sa lansangan. Matagal bago nagsalita si Arthur.
Sumagot lang siya nang tumingin ako aa kanya. Ngumiti muna siya at saka
nagsalita. "Eh di gawin nating
tama" sagot niya. "Para namang
napakadali noon" tugon ko. "Basta
gawin nating tama!" dugtong niya.
"Basta
Pre, wala munang makakaalam ha" pakiusap ko. "Syempre naman. Isa pa, ang pangit naman ng ‘Pre!’ Hindi na lang
tayo mag-bestfriend ngayon" tugon naman niya. "Eh, anong gusto mo?" tanong ko. "Bahala ka" sagot niya. Palinga-linga siya sa paligid.
Siguro'y nag-iisip. "Kailangan ba
talaga may tawagan tayo sa isa't isa?" ako naman ang nagtanong. "Oo, para mas espesyal"
nakangiting sagot niya. Maya-maya bigla siyang napangiti. "Oh, bakit?" usisa ko. "Alam ko na!" nakangiting sabi niya. "Ano naman iyon?" tanong ko ulit. "McDo!" sagot niya habang nakabungisngis. Nagtaka ko.
Hindi ko alam kung matatawa ako o maaasar. "Ha?
McDo?" nagtatakang sagot ko. "Oo,
McDo! Nandito na tayo eh. Para nga kapag may nagtanong kung bakit, sasabihin
lang natin 'kasi love ko 'to!" nakatawang paliwanag niya. Noong una,
nakornihan ako. Natawa ako. Pero ilang saglit lang, naisip kong tama naman
talaga. Mahal naman namin talaga ang isa't isa. Walang duda.
Dumating ang
bakasyon. Naging mas malapit pa kami ni Arthur. Iba sa nakasanayan naming
dalawa. Alam naming higit na sa kaibigan ang relasyon namin. Pero kung
magturingan kami, para pa rin naman kaming mag-bestfriend. Parang magkapatid.
Nagbabatukan. Nagkukulitan. Magkasama sa kalokohan. Dahil sa walang pasok,
naging madalas kaming magkasama. Lagi kaming lumalabas. Nag-aadventure. Pero
hindi pa rin namin ipinaaalam kahit kanino ang tungkol sa amin. Alam naming
darating ang panahon na malalaman din ng lahat ang tungkol sa aming dalawa.
Pero hangga't hindi pa, susulitin muna namin ang mga sandaling magkasama kami
nang walang problema.
Isang
gabi, magkasama kami sa kwarto ko. Wala sa bahay noon si Mama. Nakaupo kaming
dalawa sa kama. Nagbabasa ako habang naglalaro naman sa cellphone niya si
Arthur. Tahimik ang paligid. Tanging tunog lang ng nilalaro ni Arthur ang
maririnig. Ang ilaw lang ng lampshade ang nakabukas kaya’t medyo madilim din
ang paligid. Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa nang hawakan ni Arthur ang kamay
ko. Napatingin ako sa kanya. Pero ngumiti lang siya sa akin. Ngumiti na lang
ako. Maya-maya pa ay diniinan ni Arthur ang pagkakahawak niya sa kamay ko na
parang may gustong iparating. Napaisip tuloy ako nang hindi maganda. Tumingin
ako ako sa kanya. “Bakit?” tanong ko.
Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya sa akin. Tinitigan niya ko. Mas lalo
akong nagtaka. Nang bigla niya kong hinalikan. Nahulog ang hawak kong libro sa
sahig. Binitiwan naman niya ang cellphone niya. Naramdaman ko ang dampi ng labi
niya sa labi ko. Marunong siyang humalik. Hindi ako umiwas. Hindi ko siya
tinulak palayo. Sa halip, pinagbigyan ko siya. Hinalikan ko ang best friend ko
na ngayon ay karelasyon ko.
Habang
nakalapat ang mga labi namin sa isa’t isa. Niyakap niya ako nang mahigpit.
Ganoon din naman ang ginawa ko sa kanya. Naramdaman ko na lang na parang
tinatanggal na niya ang pang-itaas kong damit. Nang matanggal, nagsalita siya. “McDo, I love you” mahinang boses niya
na parang nang-aakit. “I love you too McDo!”
sinagot ko siya. At muling naglapat ang mga labi namin. Nangyari na nga ang
iniisip ko. Nagtalik na kami. Ipinaramdam namin kung gaano namin kamahal ang
isa’t isa nang gabing iyon. Pareho naming ibinigay ang ligayang hinahanap naming
dalawa. Sinulit namin ang magdamag na iyon at hindi naman namin binigo ang
aming mga sarili. Matapos ang pangyayaring iyon, natulog kami nang magkasama.
Natulog nang masaya kasama ang isa’t isa sa iisang kama.
Natapos ang buwan ng
Abril nang halos araw-araw kaming nagkikita. Minsan naman pumupunta siya bahay
o kaya ako ang pumupunta sa kanila. Ang alam lang ng mga tao sa bahay namin ay
magkaibigan lang kami. Sa mga ganoong pagkakataon, mas nakilala pa namin ang
isa't isa. Nalaman naming dalawa na marami pa palang kaming sikreto at hindi pa
alam. "McDo, mahal na mahal
kita" lagi niyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito. Hindi ko
naman siya binibigo dahil ibinabalik ko sa kanya ang tamis ng pahayag na ito. “McDo, mahal na mahal din kita”. Hindi
ko lubos na maisip na ang taong magpapaligaya sa akin ay nasa akin na pala. Na
kaibigan ko lang pala.
Kalagitnaan ng buwan
ng Mayo, medyo naging busy kami dahil ilang linggo na lamang ay balik-normal na
ang lahat. Pasukan na ulit. Naging busy kami ni Arthur dahil sa enrollment at
iba pang kakailanganing gawin aa university. Medyo naging madalang ang
pagkikita namin pero hindi naman napuputol ang komunikasyon dahil mayroong text,
chat, o call. Pero ilang araw bago matapos ang buwan, naging madalang ang
pagpaparamdam ni Arthur. Hanggang sa wala nang text at tawag o kahit presensya
man lang niya ang nagpapakita sa akin. Minsan naman pinupuntahan ko siya sa
kanila. Pero laging walang tao. Nakasarado. Nagtaka ako. Nasaan na si Arthur?
Busy lang kaya siya? Sana hindi niya nakakalimutang may McDo (hindi yung
fastfood) na naghihintay sa kanya.
Dumating ang araw ng
pasukan pero hindi pa rin nagpakita kahit paramdam si Arthur. Inisip kong baka
nagbakasyon lang sa probinsya at hindi na nakapagpaalam. Ngayon lang kami
nagkahiwalay ng ganito katagal ni Arthur kahit noong magkaibigan pa lang kami.
Kadalasang isang linggo lang ang itinatagal noon pero iba na ngayon. Nag-aalala
na ko. Pero, ganoon pa man, excited akong pumasok sa unang araw ng balik ng
klase. Baka kasi doon ko na lang ulit makita ang McDo ko. Natutuliro ako buong
maghapon sa room. Kanina, nabulol-bulol ako sa pagpapakilala ng sarili sa harap
dahil si Arthur pa rin ang nasa isip ko. Hinihintay na baka sakaling dumating o
sumilip man lang sa bintana. Pero natapos ang unang araw ng pasukan, hindi pa
rin siya nagparamdam. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Nami-miss ko na
ang dati kong bestfriend.
Para maliwanagan na
talaga ako, nagtungo ako sa building ng college niya. Doon nakita ko si Flor,
kasama ko siya sa School Organ at siya lang ang taong kakilala kong classmate
ni Arthur last semester. Agad ko siyang tinawag, nilapitan. Tinanong ko agad
kung nasaan si Arthur. Pero ang kanyang sagot, "Hindi ko alam eh. Ang nadinig ko hindi raw nag-enroll
ngayon." Natanga ako. Nagpaalam na sa akin si Flor. Ako naman, balisa.
Ano ito? Hindi nag-enroll si Arthur! Nasaan na ba talaga siya?
Naglalakad na ko
pauwi nang hindi ko alam na malapit na pala ako sa bahay namin. Hanggang
ngayon, naguguluhan pa rin ako. Hindi ko maintindihan ang lahat. Ang daming
tanong sa isip ko. Bakit ayaw magpakita ni Arthur? Bakit hindi siya nag-enroll?
Nasaan na siya? Kamusta na kaya siya? At, nakalimutan na niya ba ako? Huwag naman
sana, sa isip ko. Hanggang sa pagbukas ko ng gate ng bahay namin, hindi ko
namalayang tumulo na pala ang luha ko. Hindi na ko nagtaka. Alam ko na. Iba na
ang naiisip ko. Baka iniwan na ko ng McDo ko. Baka iniwan na ko ng kaibigan ko.
Lumipas ang mga linggo.
Buwan na ng Agosto. Bagamat walang kasiguraduhan, hindi ko pa rin inisip na
nakalimutan na ko ni Arthur. Hindi na siya tumawag, nag-text o nag-chat man
lang. Hindi ko na rin nakikitang naka-online siya. Kuntento na ko sa
patingin-tingin sa mga pictures niya sa facebook. Wala na kong nabalitaan
tungkol sa kanya. Dumating na ang Mid-Term Exams. Naaalala ko tuloy yung mga
panahong tinutulungan ko siyang mag-review at gumawa ng mga assignments niya.
Hayyy, naluluha na naman ako. Bakit ba kasi ganito? Pwede namang makipag-usap
ng maayos kung ayaw na niya. Bakit kailangan pa niyang manakit ng damdamin?
Hindi lang naman ako basta tao. Dati niya kong bestfriend. Matalik na kaibigan.
At karelasyon.
Kinahapunan, matapos
ang exam. Pababa na ko ng hagdan para umuwi ng biglang tumunog ang cellphone
ko. Nag-vibrate. May nag-text. Nakita kong si Arthur ang nag-text pero napansin
kong medyo mahaba-haba. Nagulat ako. Nataranta. "McDo, Mac, Pre, Bestfriend. Ako 'to si Arthur. Gusto ko lang
sanang magpasalamat sa iyo sa lahat. Hindi lang dahil naging McDo kita kundi
dahil naging bestfriend kita ng matagal na panahon. Masakit man pero hindi na
ko makakabalik dyan. Nandito na ko Amerika, ipinetisyon na ko nila Mama't Papa
kasama sila Ate. Noong april ko pa inaasikaso ang pag-alis ko, hindi ko lang
sinabi sayo. Iyon ang dahilan kaya binuhos ko lahat ng oras ko sayo noong
summer. Gusto ko sanang masulit ang pagsasama natin. Basta, McDo, anuman ang
mangyari mahal na mahal na mahal kita. Alam kong magkikita pa tayo, at kapag
nangyari iyon sana matuloy pa natin 'to. Hanggang sa muli. Salamat.
Paalam." text niya habang ako nanghihina. Parang hindi ko maihakbang
ang mga paa ko pababa. Hindi ko pinahalatang malapit nang tumulo ang luha ko
dahil marami akong kasabay na estudyanteng pababa rin ng hagdan. Pero sa loob
ko, gusto ko nang sumabog. Gusto ko ng umiyak. Ganoon pa man, hindi na magulo
ang isip ko. Naliwanagan na ko.
Hindi ko alam ang
gagawin ko. Lumabas ako ng university pero hindi ko alam kung saan ako dadalhin
ng mga paa ko. Gabi na. Sumakay ako ng jeep ng walang kamalay-malay. Umandar
ang jeep. Nakatingin lang ako sa bintana ng tahimik. Hanggang sa nararamdaman
ko na lang na dumadaloy na pala ang luha ko sa pisngi. Mabuti't walang tao sa
jeep maliban sa driver at isang pasaherong natutulog sa dulo. Doon naramdaman
ko ang sakit. Sakit na mawalan, hindi lang ng karelasyon kundi ng isang
kaibigan. Maya-maya, natanaw ko ang sign ng isang fastfood chain. McDo.
Dali-dali akong pumara. Pero hindi ko pa rin alam kung bakit. Bumaba ako ng
jeep at bigla akong may narinig na malakas na busina. Peeep!!! Muntik na pala
kong mabundol ng isa pang jeep. Minura pa ko ng driver. Putcha naman, parang
galit sa akin ang mundo. Bakit ba ganito?
Pumasok ako ng McDo.
Naupo. Hindi ko alam ang gagawin ko. Binasa ko ulit ang text ni Arthur,
nagbaka-sakaling nagkamali lang ako ng pagbasa. Pero hindi. Ganoon talaga. Mas
lalo ko pa tuloy naramdaman ang saksak sa puso ko. Para kong dinurog. Para kong
sinampal. Pero ngayon, hindi na ko umiyak. Napaisip ako. Okay lang! Maswerte pa
rin naman ako, dahil mayroon isang taong hindi ko lang naging bestfriend.
Naging bahagi rin ng buhay-pag-ibig ko kahit na ISANG KABANATA lang.
Tumayo ako, pumunta
sa counter. Umorder ako ng spaghetti, burger, fries, at coke! Kumain ako. Sumumpa
ako na sa pag-ubos ko ng lahat ng ito ngayong gabi, kakalimutan ko ang lahat.
Magsisimula ulit ako. Magsisimula ako ng panibagong kabanata. At maya-maya’y
bigla nang tumugtog ang music sa McDo.
Tuloy pa rin ang awit
ng buhay ko
Nagbago man ang hugis
ng puso mo
Handa na 'kong
hamunin ang aking mundo
'Pagkat tuloy pa rin.
WAKAS.
Move on. It is just a chapter in the past. But don’t
close the book! Just turn the page.
--- Brooklyn Copeland
---

No comments:
Post a Comment