Sunday, April 30, 2017

SI ANDOY

Likha ni Jun-Jun

KLENG-KLANG-KLENG-KLANG. Kalansing ng latang sinisipa niya habang naglalakad sa mahabang bangketa ng kalsada sa Maynila. Mabagal ang paghakbang ng mga paa niya. Pagod na siya’t mukhang malayo ang nilakad. Pawisan. Malalim ang iniisip.



Gabi na yaon. Iba-ibang ilaw ang sasalubong sa paglinga-linga ng mga mata. Liwanag mula sa mga ilaw ng sasakyan, ng mga poste, ng mga establisyimento, ng buwan at mga bituin.

Sandaling tumigil siya sa paglalakad. Tumingin sa kalangitan. Parang mas gumuho ang ang mundo niya. Bata pa siya, nasa 20 taong gulang pataas ang edad at bakas ang pagiging estduyante sa pangangatawang hindi naman kapayatan at hindi rin katabaan. Nakasalamin sa mata, naka-long sleeve na tinupi ang manggas hanggang siko’t nakapantalon ng maong. Naka-rubber shoes at naka-ID pa. Sukbit-sukbit sa likod ang bag na may kapunuan ang laman. May kulay ubeng pasa sa bandang dulo ng kanyang bibig. Siya … SI ANDOY.

Napayuko siya’t tinititigan ang lata. “Bakla ka?” tinig na parang nagpaalala sa kanya. “Bakla ka?” ilang beses pang naulit sa iba-ibang boses ang katanungang ito. “Bakla ka?” napakunot-noo si Andoy. At biglang sinipa nang malakas ang lata na nagpatalsik nang malayo at kumalansing nang malakas.

Naalala niya ang nangyari kanina.

“Bakla ka?” tanong ni Clara na natatawa kay Andoy. Kaklase ni Andoy si Clara. “Sshh! Huwag mo namang lakasan ang boses mo!” biglang tugon ni Andoy na napatayo sa kinauupuan nilang bench. Nagtinginan tuloy ang mga nasa paligid nila.

“O’ eh bakla ka nga? Paano?” naguguluhan pero natatawa pa ring tanong ng dalaga. Napaupo na si Andoy. “Hindi ko alam. Ewan. Basta,” mahinahon na siya pero naguguluhan din.

Tumingin si Clara sa kaibigan. Ngumiti. “Sabi na eh!” sabay tawa ng malakas. Napatingin ang binata na parang naguguluhan pa rin. “Kasi naman, unang taon pa lang natin sa kolehiyo, nararamdaman ko ng may iba sayo. Eh nasa ikatlong taon na tayo! Kaya alam ko na kahit hindi mo sabihin,” paliwanag niya na pangiti-ngiti pa.

Napangiti na rin si Andoy. “Sa totoo lang, wala pang nakakaalam. Kahit sino sa mga kaklase natin. Ikaw pa lang,” naging seryoso na ang dalawa.

“Kahit yung mga kabarkada mong lalaki sa basketball?” gulat na tanong ni Clara. Tumingin sa kawalan si Andoy na mukhang kinabahan. “Hindi pa nga eh,” mahinang tugon niya. “Hindi ko alam kung paano–,” hindi na natapos ang sinasabi niya.

Sumeryoso ang mukha ng dalaga. “Eh, kailan mo balak sabihin?” tanong nito, “At paano mo sasabihin?” madiin pa niyang tanong. Yumuko lang si Andoy na nag-isip ng malalim.

“O’ ano na ngayon? Magpapalda ka na? Magme-make up ka na? Magpapatayo ka na ng parlor?” pang-aasar ni Clara. Agad namang sumagot si Andoy, “Hindi ‘no! Iba naman ako. Hindi ako tulad nila. Kumbaga, nagsisimula pa lang ako sa kung ano ako.”

“Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita. Tutulungan kitang mas makilala ang sarili mo. At sa pag-amin sa ibang tao. Para saan ba’t naging kaibigan mo ko kung hindi kita tutulungan?” payo ng dalaga na nagpagaan naman ng loob ni Andoy. Tumingin si Andoy sa kaibigan. Napabuntong-hininga. Naramdaman niyang nabunutan siya ng tinik. Ngumiti siya.

Tumayo si Clara’t kinuha ang braso ni Andoy. “Halika na nga, Mare!” asar na naman ng dalaga. Nagulat ang binata pero napatawa na lang.

Nagtuloy-tuloy ang pang-aasar ni Clara kay Andoy habang naglalakad papalayo.

Nakatingin pa rin sa kalangitan si Andoy, pinagmamasdan ang maliwanag na buwan at mga nagniningning  na bituin. Maririnig niya ang ingay ng mga batang naglalaro. Mapapatingin siya.

Nakikita niya ngayon ang mga batang lalaki na naglalaro ng Chinese Garter. Maingay. Mapapansin ni Andoy ang mga batang lalaking masyadong malambot kumilos na parang mga babae. Mapapangiti siya. Pero mapapahawak siya sa pasa na nasa dulo ng kanyang bibig. Mawawala ang ngiti sa labi at mapapalitan ng lungkot.

Naalala na naman niya ang nangyari kanina.

“Bakla ka?” pasigaw na tanong ni Ronald. Mukhang kumulo ang dugo sa nalaman. Tahimik si Andoy na nakayuko habang nakaupo sa pasimano ng bangketa. “Kaya pala! Kaya pala si Clara na ang lagi mong kasama.Kaya pala lagi kang nakadikit sa’kin na parang aso!” galit na si Ronald. Mabuti’t walang tao noon.

Tumingala’t sumagot si Andoy, “Pero wala naman akong balak–”. Hindi na siya nakapagsalita pa. “Eh ano yung sinasabi mong gusto mo ‘ko? Ano yun?” naguguluhang tanong ng nagpupuyos sag alit na binata.

Yumuko ulit si Andoy. Hindi makasagot. “Ano?!” pasigaw na sabi ni Ronald. Nagulat si Andoy na parang nagalit.

“P’re naman eh. Kinaibigan kita mula pa noong nasa high school tayo! Kasama ka pa namin sa basketball lagi. Tapos noon pa pala niloloko mo na kami! Hindi ka pala tunay na lalaki! At ang masama pa doon, ako pa ang gusto mo!” mahabang paliwanag ni Ronald na nadidismaya.

Naiiyak na si Andoy pero pinipigil niya. Unti-unti siyang tumayo habang pinagmamasdan ni Ronald. Nagsalita siya nang mahinahon, “Hindi ko alam. Hanggang ngayon naguguluhan pa rin ako.” Mas lalong uminit ang ulo ni Ronald.

“Hindi ko ginusto ‘to P’re. Hindi ko rin ginusto na magkagusto sayo. Kaibigan kita pero unti-unting nahuhulog ang loob ko sayo.” tumutulo na ang luha sa isang mata ni Andoy pero matapang siya’t pinipigilan pa rin niya. Nakatingin na sa kawalan si Ronald.

Nagpatuloy si Andoy kahit nahihirapan na sa pagpigil ng luha. “P’re, hindi naman kita pinipilit na magkagusto rin sa’kin. Gusto ko lang talagang sabihin sayo kung ano ako. Dahil ayoko nang itago ito. Ayaw kitang lokohin kasi kaibigan kita.” Matigas pa rin ang kaibigan niyang hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin.

Napalingon si Ronald sa kaibigan. Galit ang mukha niya. Nagkatitigan sila. “Pre …” akmang lalapitan siya ni Andoy. Umangat ang kamao ni Ronald. At isang malakas na suntok ang ibinigay ni kay Andoy sa mukha. Natumba si Andoy. Nahulog din ang kanyang salamin sa mata.

Galit pa rin ang mababakas sa mukha ni Ronald. Mabilis itong naglakad paalis. Si Andoy, naiwang nakahandusay sa sahig.

Tuluyan nang lumabas ang mga luha sa mga mata ni Andoy. Hindi sa sakit ng suntok na nararamdaman niya. Kundi sa sakit nang iwan siya ng kaibigan niya.

Naalala niya ang mga pagkakataong magkasama silang lagi ni Ronald. Habang kumakain, nagtatawanan. Habang nasa silid-aklatan, nagtutulungan. Habang naglalakad, nagbabatukan at nagbibiruan.

Patuloy ang pagluha ni Andoy. Pinunasan ng kamay ang mga luha na parang bata. Isinuot ang salamin sa mata.

May darating na mga estudyante. Tumayo si Andoy kahit nahihirapan at lumakad nang marahan paalis.

Dumadaloy na ang luha ni Andoy habang hawak-hawak ang pasa sa bibig. Nakatingin pa rin siya sa mga batang naglalaro. Magkahalong lungkot at inggit ang nararamdaman niya habang pinagmamasdan ang mga bata, lungkot dahil sa pagkawala ng kaibigan at inggit naman dahil sa mga batang lalaking matapang na ipinapakita kung ano sila.

Tumayo si Andoy sa kinauupuan. Nagpatuloy sa paglalakad. Napatigil siya bigla, nakita niya ang isang nakasuot ng maikling shorts na hanggang kuyukot at pambabaeng kamisetang kulay rosas. Mahaba man ang buhok nito’y bakas pa rin ang pagiging lalaki sa pangangatawan. May hawak na sigarilyo’t kaharap ang isang lalaking nakasando’t nakapantalon. Matikas ang katawan at patingin-tingin sa paligid habang kinakausap. Maya-maya’y sabay umalis ang dalawa. Hawak ng lalaki ang bewang ng lalaking nakapambabaeng suot na parang mag-nobyo.

Napabuntong-hininga si Andoy. Naalala na naman niya ang nagyari kanina.



“Bakla ka?”. Nagulat si Andoy mula sa pagkakatulala at malalim na pag-iisip. Tumingin siya mula sa nagsalita. Isang lalaki ang tumambad sa kanyang mga mata. Makisig ang katawan nito. Naka-sandong puti at maong na pantaloon. Mukhang bagong ligo na may tootpick pa sa bibig. Kahit papaano’y may itsura ang lalaking parang nasa 25 taong gulang pataas.

Nagbalik sa ulirat si Andoy. Napatingin sa paligid. Maggagabi na pala. Napakaraming tao sa paligid. Mga palakad-lakad, mga tindero’t tindera ng kung ano-ano, mga batang naglalaro, mga magkakasintahan, mga estudyante. Unti-unti nang bumubukas ang mga ilaw ng mga poste, sasakyan, at mga gusali.

“Anong sinasabi mo?” tanong ni Andoy sa lalaki. Nagulat siya sa pagkakausap sa lalaki. Sumagot ang lalaki, “Mukhang may problema ka Sir”. Lumapit pa ng kaunti ang lalaki kay Andoy. “Gusto mo ba Sir … pawiin natin iyan?” patawa-tawang sabi nito.

Nagulat si Andoy. Tinitigan ng masama ang lalaki. “Mura lang ako Sir, huwag kang mag-alala” pang-aasar pa ng lalaki.

Napayuko muli si Andoy. Tumingin-tingin ulit sa paligid. Nang makakuha ng tiyempong walang nakakarinig at nakakakita, tumingin siya sa lalaki. Ang mukha ng lalaki, parang nang-aakit na nang-aasar. Unti-unting tinitigan siya ni Andoy at ngumiti.

Sa loob ng isang kwarto, may isang maliit na kama at isang bentilador. Kulay kahel ang ilaw na masakit sa mata. Nakaupo si Andoy sa gilid ng kama, malalim pa rin ang iniisip. Sa kabilang gilid, nagtatanggal ng sapatos ang lalaki. Tahimik ang loob ng silid.

“Masama na ba ‘kong tao, kapag inamin kong bakla ako?” tanong ni Andoy na nakatulala. Napatigil sa ginagawa ang lalaki. Napatingin sa nakatulala. “Atlis, alam mo sa sarili mo kung sino ka.” sagot ng lalaki na nakatingin pa rin sa nakatulala.

“Pero ang tanong, masama na ba ko?” tanong ulit ni Andoy. Tumugon ang lalaking katabi, “Eh sino ho bang mabuti? Sino rin ang masama? Nakasisiguro po ba silang mabuti o masama sila?”

Tumingin si Andoy sa lalaki. Mukhang hindi pa rin nasasagot ang tanong niya, yumuko ulit siya. “Sir, bakit niyo iisipin ang ibang tao na tanggapin kayo kung kayo mismo hindi niyo matanggap-tanggap sa sarili niyo?” payo ng lalaki sabay hubad ng sandong suot.

Lumapit ang lalaki kay Andoy at nagtanong ulit. “Sir … pers taym mo po ba?”, ngumiting parang nang-aasar.

Tumingin si Andoy. Ngumiti siya. Namatay ang ilaw sa kwarto.

Nakangiti si Andoy. Iniisip ang nangyari sa isang silid kasama ang hindi kilalang lalaki kanina. Nakatingin sa ilog na nasa harapan niya habang nasa tulay at dumaraan sa likod niya ang mga sasakyan. Nakangiti siya pero kita pa rin ang lungkot sa mukha.

Naalala niya ulit.

Nakaupo siya sa kama, hubad ang pang-itaas at nababalot ng kumot ang pang-ibaba. Nakahiga’t tulog ang lalaki sa kabilang dako, nakataas pa ang kamay nito at naghihilik. Tumutulo na ang luha ni Andoy. Patuloy ang luha ngunit walang ingay. Pinipigil niyang may makarinig na lumuluha siya kahit dalawa lamang sila sa kwarto.

Dumadaloy na ang luha ni Andoy na kanina’y nakangiti. Nakatingin pa rin sa ilog. Nais niyang sumigaw pero hindi niya maibuka ang bibig. Nais niyang magsalita ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bungaga.

Naglalakad na siya ngayon. Naging mabagal ang lakad niya nang mapansin ang maraming taong naglalakad. May mga matatandang nagbebenta ng mga kandila’t rosaryo, may nagbebenta ng sampaguita, may nagbebenta ng mga kakanin. Nasa may simabahan na siya.

Nasa labas lamang siya. Nais man niyang pumasok, parang ayaw ng kanyang mga paa. Diretso ang tingin niya sa may altar. Mukha na parang nagdarasal, na parang nagmamakaawa, na parang may sinisisi. Gumuhit sa kanyang kanang pisngi ang isang luhang lumabas sa kanyang mata.


Bumukas ngayon ang pinto, “Andoy? Ikaw na ba yan? Diyos ko, dis oras na ng gabi ah” tinig ng isang babaeng may katandaan na. Balisa pa rin si Andoy na nagmano sa kanyang ina. Nagtataka ang ina sa kilos ng anak.

“Kumain ka na ba? Ipagluluto kita? Ano? Tubig? Nauuhaw ka ba?” sunod-sunod na tanong ng ina habang papaupo si Andoy sa salas. Ang bukas lamang na ilaw ay sa kusina, ayos na para maliwanagan nang kaunti ang buong bahay.  Tahimik ang paligid. Walang natanggap na sagot ang ina.

Sinundan ng tingin ng ina ang anak. Nakita niyang nakaupo si Andoy na malalim ang iniisip. Nilapitan niya ito. Niyakap, idiin ang ulo ng anak sa dibdib ng ina. Pagpapakitang siya ang karamay.

“Anong problema anak?” marahang tanong ng ina na parang alam na rin naman ang sagot. At saka binitiwan ang pagkakayakap at naupo sa tabi.

Tumingin lang si Andoy na mugto na ang mata. Hinawakan ng ina ang mga pisngi ng anak. Niyakap ito. Tuluyan ng dumaloy ang luha ni Andoy.

Habang yakap-yakap, nagsalita ang binata. “Ma, may sasabihin po ako.”

Hinarap ng ina ang umiiyak na anak. “Alam ko anak … alam ko.” Medyo nagulat na may pagtataka si Andoy sa marahang sabi ng ina.

“Anak … ina ako. Nanay mo ‘ko. Sa akin ka galing. Nararamdaman ko ang nararamdaman mo. Bata ka pa lang alam ko na. Napansin ko na. At wala akong tutol doon.” mahinang tugon ng ina sa nagtatakang anak.

“Ma–” magsasalita sana si Andoy pero napayuko na lamang ito. “Anak, kailanman hindi naging masama ang pagpapakatotoo. Hindi itatakwil ng ina ang anak nito kahit ano pa ito.” payo ng ina.

“Walang masama doon Andoy. At kung masama man iyon, ngayon pa lang, ako mismo ang hihingi ko ng tawad sa Maykapal.” pahabol ng ina.

Hinawakan ni Andoy ang kamay ng ina.

“Pero natatakot ako, Ma.” pag-aalala ni Andoy. “Sshh, huwag kang matakot. Hindi kailanman kinatatakutan ang katotohanan. Huwag kang matakot kung ano at sino ka.” tugon naman ng ina.

Niyakap ni Andoy ang ina. Mahigpit. Hindi na siya lumuluha.

Higit pa sa pagtanggap ng mga kaibigan ay ang pagtanggap ng taong kilala siya nang lubusan ang mas mahalaga para sa kanya. Gumaan na ang pakiramdam ni Andoy. May halong takot pero namamayani ang galak.

Ngayong gabi, mas nakilala na niya ang sarili niya. Kung ano siya at kung sino siya. Handa na niyang harapin ang sarili niya. Siya nga mismo. Si Andoy.





WAKAS.

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...