NAGHIHINTAY.
Ako. Ngayon. Naghihintay ako ngayon.
“Oh!
bakit hindi ka pa umuuwi? Tapos na ang rehearsal at bukas graduation na!” tanong
ng isang kilala kong boses. Si Mr. Torres pala, propesor ko. “May hinihintay
lang po Sir,” sagot ko naman. Luminga-linga siya sa paligid. Nang makita ang
hinahanap na sasakyan … “O siya, David! Sige na, mauna na ko sayo at kailangan
ko nang magpahinga para bukas,” paalam niya sa akin. Tinapik niya ang balikat
ko.
“Sige
po sir. Ingat po kayo,” sagot ko naman. “Oo nga pala, advance congratulations
pala sa iyo, Mr. Magna cum laude!” pahabot na bati sabay tawa. “Naku, salamat
po sir!” magiliw na tugon ko.
Medyo
tahimik na ang paligid. Magdidilim na rin kasi ang kalangitan dahil sa paglubog
ng araw. Pero nandito pa rin ako. Sa gilid ng gusali kung saan ang kolehiyo
niya. Nakaupo sa bench. Hinihintay siya. Siya lang.
Una
ko siyang nakita noong enrolment. Dito rin sa lugar na ‘to. Sa mismong mahabang
upuang ito. Nakapila siya sa College of Education. Doon pa lang alam ko nang
titser ang gusto niyang kunin. Dahil sa pananamit pa lang niya, halata mo nang
magiging matandang dalaga pagdating nang panahon.
Pero,
ngayong hapon, hindi ako papayag na mangyari iyon.
Nakadamit
siya noon ng kulay rosas na blouse at paldang itim na hanggang tuhod ang haba.
Naka-flat shoes dahil medyo matangkad din siya para magtakong. May shoulder bag
na may nakasilip na brown envelope at may hawak na pamaypay habang nagpupunas
ng pawis sa mukha gamit ang kabilang kamay. Morena ang kulay niya. Hindi
gaanong kaputian pero hindi rin maitim. May kahabaan ang buhok na unat na unat.
Para siyang … Para siyang dalagang Pilipina.
“Hoy
David, tara na! Ang dami nang nakapila College of Communication oh!” biglang sigaw
sa’kin ni Mark habang kumakain ng siopao, kaibigan kong gusto rin mag-Mass Comm
tulad ko. “Eh ikaw? Tapos ka na bang lumamon? Ikaw lang naman hinihintay ko
eh,” pang-aasar ko naman. May kasibaan din kasi ‘tong kaibigan ko. “Malapit na
‘to! Pumila na tayo bago pa dumami yung mga tao,” pagyaya niya sa akin.
Ayoko
pa sanang umalis dahil tinititigan ko pa rin nang pasimple ang babaeng
naghihintay sa pila ng mga estudyante. Mga dalawang dipa lang naman ang layo ng
kinauupuan ko sa kanya. Pero hinahatak na ko ni Mark. Tumayo na ko at nag-ayos
para umalis na. Palakad na ko nang biglang …
“Maria
Isabel Alcantara?”
Biglang
nagsalita noon ang student assistance officer sa enrolment ng COE. Lumapit ang
babaeng kanina ko pa tinitignan sa kanya. “Pwede na po kayong pumasok sa
office,” paliwanag ng SA officer. At sumunod sa kanya ang babae.
Nabigla
ako. Doon ko unang narinig ang pangalan niya. Maria Isabel Alcantara. Hindi ako
nagkakamali. Parang may kung anong swerte akong natanggap noong mga oras na
iyon. Kahit pangalan lang ang narinig ko mula sa kanya, mas lalo tuloy akong
naengganyong pumasok noon dito sa isang sikat na unibersidad sa Maynila para sa
academic school year ng 1998.
Mula
noon, lagi ko na siyang hinahanap. Kahit na magkalayo ang gusali ng kolehiyo
namin. Tuwing pasukan at uwian, tuwing may event sa school o sa may canteen.
Awa naman ng Diyos, madalas ko siyang makita.
Pero
hindi madali kung paano kaming nagkakilala ng personal. Sulat. Liham dito, love
letter doon! Ito ang naging tulay ko sa
kanya. Dahil sa mga mabubuti kong kaibigan na maraming koneksyon sa iba’t ibang
tao, naging paraan ko iyon para mapaabot ang mga sulat ko sa kanya.
Nagpang-abot-abot
sa napakaraming kamay, pasa rito, pasa roon. Para lamang mabasa niya ang
dalawang pirasong yellow paper na punong-puno nang kung ano-anong kwento o
kahit anong gusto kong sabihin sa kanya. Alam kong natatanggap niya pero hindi
ako sigurado kung nababasa niya ba iyon.
Sa
sulat ko sinabi lahat-lahat. Mula sa pagpapakilala ko kung sino ako at sino
siya para sa akin. Halos dalawang beses sa isang linggo ko ginagawa iyon. Pero ang
pangalan kong nasa ibaba. Nakakatawa man malaman pero ginawa ko para hindi niya
ko makilala. Ang kalaban ni David … si Goliath.
Sa
unang taon ko sa kolehiyo, puro ganoon ang ginawa ko. Minsan, kapag may sobrang
pera, may kasamang bulaklak o tsokolate ang sulat ko sa kanya. Natapos ang
dalawang semestre na ‘secret admirer’ niya lang ako. Numanakaw ng tingin at
pasimpleng lumalapit sa kanya. Halos sampung buwang nagtatago sa pagkatao ni
‘Goliath’ na mortal na kaaway ni David mula sa lumang tipan.
Nakayanan
ko ang isang taong magsulat ng love letters para lang makausap siya. Kahit na
ako lang naman ang nagsusulat at kahit isang sagot ay wala akong natanggap. Pero
hindi doon natapos ang lahat sa sulat lang. Sawa na ko sa puro ‘Dear Maria
Isabel’, ‘Mahal kong Maria’, at ‘Aking Isabel’. Dahil alam kong kailangan ko nang
magpakilala bilang ako. Bilang si David.
Nasa
ikalawang taon na kami sa kolehiyo nang magpakilala na ko sa kanya. Hindi ko
alam. Masyadong mabilis ang mga pangyayari noon. Walang kaplano-plano ang
pagpapakilala ko ng personal sa kanya.
“Ako
si Goliath,” bitaw ko kasabay ang pagbitaw ng isang libro sa mesa kung saan
nagsusulat siya. Medyo malakas ang pagkakabagsak kaya’t nagkatinginan ang ilang
tao sa unang palapag nang napakatahimik na library. “Ssshhh!” saway ng librarian
sa akin.
Alam
kong nabigla si Maria Isabel Alcantara. Hindi sa bagsak ng libro sa mesa kundi
sa nalaman niya. Pero mas nagulat ako sa ginawa ko. Wala ko sa katinuan noong
mga oras na iyon. Marahil ay dala ng wala pang tulog dahil sa maraming projects
at assignment.
Nakatitig
lang siya sa akin. Nakayuko ako. Maya-maya, tiniklop niya ang notebook at libro
niya, hinawakan ang bag, at dali-dali tumayo para umalis ng library. Napalakas
ang pag-angat ng upuan niya. Dahilan para magtinginan ulit ang mga tao.
“Ssshhh. Ano ba kayo?!” saway na naman ng librarian. Pero hindi ko sila
pinansin. Dali-dali ko ring sinundan si Maria Isabel Alcantara.
“Ms.
Alcantara! Ms. Alcantara!” sigaw ko habang patuloy siya sa paglalakad. Hindi
siya tumigil hanggang sa mapunta kami sa may gilid ng school grounds. Nakasunod
pa rin ako. Bigla siyang humarap.
“What?!”
mataray na salita niya habang nakataas ang isang kilay. Napahiya ako bigla.
“Ikaw si Goliath? Sayo galing yung mga sulat na halos isang taong binibigay sa
akin?” nagtaas na siya ng boses. Tahimik pa rin ako. Nahihiya na kinakabahan.
Nakayuko lang.
“Bakit
ngayon ka lang nagpakilala?” mahinahon na siya, “Halos buwan-buwan akong
naghintay kung may magpapakilala sa akin na Goliath pero wala. Pinaghintay mo
‘ko ng napakatagal.” Nabigla ako. Ang nararamdaman kong kaba ay parang
napalitan ng tuwa. Unti-unti akong tumingin sa kanya. “Na-natakot ka-kasi ako,”
pautal-utal at mahinang sabi ko.
Kumunot
ang noon niya. “Sino ka ba talaga? Anong tunay mong pangalan? Goliath ba?”
naguguluhang tanong niya. “Hindi,” mahina pa ring sagot ko. “Eh ano?” tanong
niya ulit. “A-ako si … David,” nahihiyang sagot ko. Nagulat siya. “David …
Tapos Goliath?”, tugon niya. At tumawa siya nang mahina. Tapos palakas nang
palakas. Hanggang sa humalakhak siya. Napangit na lang ako. Nasiraan yata ng
bait.
Natatawa
ako ngayon habang naaalala yung pagkakataong iyon. Kung hindi ba naman kasi ako
tanga at ‘Goliath’ pa talaga ang napili kong pen name sa mga sulat ko sa kanya.
Pero ang mahalaga noon, nagkakilala na kami ng personal. Doon, mas nakilala ko
siya nang husto.
Mabait
siya. Sobrang bait. Hindi mo mababanaanag na marunong siyang magalit. Mahinhin
din siya. Hindi gaanong madaldal pero makuwento rin na parang ako. Pansin ko
ang maganda at tamang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya. Napakapayak
niya mamuhay. Napakanatural. Mula noon, naging magkaibigan kami. Naging
magkakaibigan din pati mga kaibigan namin.
Alam
niyang may kakaiba akong nararamdaman sa kanya dahil sa mga sulat ko noon pero
hindi iyon naging dahilan para magkailangan kami. Mas lumalim pa ang samahan
namin. Hanggang sa puntong tinanong ko na siya para maliwanagan na rin ako at
siya.
“Masayo
akong kasama ka David,” iyon ang tanging sabi niya sa akin, “pero hindi pa ako
handa.” Alam kong natatakot pa siya. Dahil ayon nga sa mga kwento niya, buong
buhay niya puro sa pag-aaral siya nakatutok. Ayaw niyang mapahiya sa mga
magulang niya na parehong propesyonal na. Gusto niyang makatapos nang maganda
at maging matagumpay muna. Alam ko iyon at taggap ko rin.
Lagi
niyang sagot iyon sa akin. Pero kahit ganoon, hindi ako tumigil sa pagsuyo sa
kanya. Hindi rin naman nagkalamat ang pagkakaibigan namin. Lalo ko pang
pinatunayan sa kanya na karapat-dapat ako at kaya kong maghintay.
Naging
madalas pa ang pagkikita namin noon. Palibhasa, kapwa kami masipag sa
pag-aaral, nagtutulungan kami lagi sa mga assignments namin. Lagi kaming
lumalabas at kumakain kung saan-saan kapag may libreng oras. Madalas kaming
dalawa na lang. Wala na kaming ilangan sa isa’t isa. Kabisado na namin ang
halos lahat. Pero, walang kasiguraduhan. Walang kasunduan. Wala pa.
Kahit
bakasyon nagkikita kami. Wala na nga lang nakakaalam. Minsan pang sumama ako sa
probinsiya nila sa Pampanga. Nakakatuwa ang pamilya nila. Hindi naman minasama
ng mga magulang niya ang samahan naming dalawa. Kahit nag-iisang anak siya at
babae pa. Mababait ang mga magulang niya, alam kong may pinagmanahan si Maria
Isabel Alcantara.
“Darating
tayo sa puntong iyan.” Tanging sagot niya kapag minsan seryoso ko siyang
tinatanong. Pero kailanman hindi sumama ang loob ko. Masaya pa nga ako. Masaya
akong makakilala ng tulad niya. Dahil siya ay babaeng … hindi basta-basta.
Nasa
ikatlong taon na kami noon. At magkaibigan pa rin kami. Magkaibigan nga lang.
Mas lalong naging busy ang buhay namin. Pero hindi naging hadlang iyon para hindi
kami magkita at magkasama.
Minsan
pang ngang may pumasok na kalokohan sa isip ko.
“Miss
Maria Isabel Alcantara!!!” paulit-ulit kong sigaw. Nagtitinginan ang lahat ng
taong nakahinto’t dumadaan. Nasa harap ako noon ng gusali ng kolehiyo nila.
Wala akong damit pantaas at pang-ibaba. Tanging panloob lamang. Pero nakabalot
ang mukha ko ng tuwalya. at may hawak na malaking placard na may nakasulat na
“I Love You Ms. Alcantara”.
Tilian.
Sigawan. At kantiyawan. Ito ang bumalot sa ingay sa school graounds. Maya-maya
lumabas si Maria Isabel Alcantara. Bakas sa mukha niya ang pagkagulat.
Nakakunot ang noo. Alam niyang ako iyon. Alam ko rin nahihiya siya pero tuloy
ang pangungutya ng mga tao sa kanya. Nang-aasar.
“Tumigil
ka diyan! Hindi kagandahan ang katawan mo para maghubad ka!” sigaw niyang
nang-aasar. Nagtawanan ang mga tao noon. Natawa na lang din ako sa ginawa ko.
Napahiya ako.
Pero
hindi siya nagalit sa akin. Sinakyan niya lang ako. Pareho na lang naming pinagtawanan
ang nangayari noon. Gayunpaman, hindi niya pa rin ako sinagot. Walang epekto
ang ginawa ko. Isa pang kagaguhan ang ginawa ko noon.
Napakaraming
tao ang nakatingin sa akin at isa na siya doon. Nakaapak ako noon sa pasimano
ng balkonahe ng gusali ng kolehiyo ko. Nasa ikalawang palapag ako. “Ms.
Alcantara! Kapag hindi mo pa ako sinagot! Tatalon ako dito ngayon! At hindi mo
na ako makikita pang muli ng buhay!” sigaw ko. Nagsisigawan din ang mga tao.
Parang nangungumbinsi sa kanya na tanggapin na ko na maging karelasyon niya.
Sumigaw
siya mula sa gitna ng mga tao. “Eh di tumalon ka! Mababa lang naman iyan! Ang
huhulugan mo, puro damo! Mapipilay ka lang pero hindi mamatay!”, nang-aasar na
sabi niya. Nagtawanan ulit tuloy ang lahat. Naasar ako.
Talo
na naman ako. Pinagtawanan niya ko noon nang magkita kami pagkatapos ng
kalokohan ko. “Hindi ba sabi ko sayo, darating tayo dyan. Huwag kang
magmadali.” sabi niya sa akin. Pero hindi ako nagalit. Natuwa pa ako dahil
hindi siya nagalit sa akin kahit naging sentro ng atraksyon siya roon.
Para
na kaming magkapatid kung magturingan. Napakalapit na ng loob ko sa kanya at
ganoon din naman siya sa akin. Nagkapalagayan na kami sa isa’t isa. Pero
hanggang doon lang. Wala pang kasiguraduhan kung mauuwi sa masayang katapusan o
hindi. Pero tiwala akong sa dulo, papayagan niya rin ako. Papayagan niya akong
angkinin siya … nang sa akin na.
Nagpatuloy
at nagpatuloy ang panliligaw ko sa kanya. Kahit anong okasyon magkasama kami.
Kahit araw ng pasko at bagong taon, naroon ako sa kanilang bahay. At naging
madalas pa ang pagpunta ko sa kanila. Mabuti na lamang at walang problema sa
mga magulang niya na madalang ko rin namang makita dahil sa may mga trabaho.
Naalala
ko nung araw ng mga puso. Halos tinipid ko ang allowance ko nang dalawang
linggo para lamang makabili ng bulaklak sa kanya. Mismong ako pa naghatid noon
sa classroom niya. Nainis pa siya sa akin noon dahil naging sentro na naman
siya ng usapan sa buong kolehiyo nila. Pero kahit ganoon, wala pa rin akong
natanggap na sagot. Wala pa talaga.
Nagpatuloy
ako sa pagsuyo sa kanya. Nagpatuloy rin ako sa paghihintay.
Nasa
ikaapat na taon na kami ngayon. Malapit
na kaming grumaduweyt. Sa totoo lang, bukas na talaga. Siya bilang isang
guro at ako naman bilang alagad ng midya. Pero hanggang sa mga oras na ito.
Naghihintay pa rin ako sa sagot niya. At kahit ngayong gabi, literal akong
naghihintay sa kanya. Dahil ngayong gabi niya rin sasabihin ang desisyong
hinintay ko at alam kong pinag-isipan niya sa loob ng apat na taon.
Napakatagal, pero alam ko nasa tamang pagkakataon lang talaga.
Pero
hindi naging madali ang huling taon naming ito sa kolehiyo. Hunyo pa lang, alam
naming dalawa na magiging puspusan ang huling dalawang semestre ng taon. Mas
lalo akong naging abala sa Thesis ko at pati siya. May mga pagkakataon na halos
isang linggo kaming hindi nagkikita. Hindi na rin ako madalas makapunta sa
bahay nila noon. At kahit sa gusali ng kolehiyo nila para makausap siya.
Madugo
pareho ang naging kalbaryo ng thesis naming dalawa. Dahil kailangan naming
ipasa ito at gawing matagumpay naging madalang ang paglabas namin. Minsan nga’t
nagkakasalubong kami at nagngingitian at kaunting kamustahan na lang dahil sa
pagmamadali.
Pero
hindi naging hadlang iyon para matigil ang pagkakaibigan namin lalo na ang
pagsusuyo ko sa kanya. Sinusulit namin ang mga pagkakatong nagkakaroon kami ng
libreng oras. Kahit isang beses sa isang linggo. Nagagawa pa rin namin yung mga
dati na naming ginagawa. Kumakain ng sabay, nagtutulungan sa ilang paperworks,
namamasyal, nanonood ng pelikula, at iba pa.
Sa
wakas, natapos ang unang semestre. Nakalusot ang thesis ko at ang thesis niya.
Pero hindi doon natapos ang kalbaryo naming dalawa. Dahil mas naging matindi pa
pala ang pansamantalang paghihiwalay namin. Iyon ay apara sa internship namin o
OJT (On the Job Training).
Nag-OJT
ako sa isang sikat na radio station sa Quezon City. Siya naman, sa isang
pampublikong eskwelahan na medyo malayo rin sa unibersidad namin. Halos apat na
buwan ang itinagal ng internship. Dahil wala pang makabagong teknolohiya para
sa komunikasyon maliban sa telepono, madalas na lang kaming magkita sa
pamantasan. Masuwerte na kung matiyempuhan namin ang mga araw na libre ang oras
namin at pwedeng lumabas para kumain at mamasyal.
Ngunit
ang pinakamatindi sa lahat, ay nang magkaroon na ng lamat ang pagkakaibigan
namin at nang muntik nang paglayo ng loob niya sa akin. Ito ay nang makilala ko
si Shiela. Isang intern din sa radio station kung saan ako nakadestino ng OJT. Taga-ibang
unibersidad siya. Maganda, maputi, at mabait din.
Minsan
pagkatapos ng oras ng OJT namin. Lumalabas kaming mga intern. Kumakain,
namamasyal, o kung ano na lang magawa. Naging magkaibigan kami ni Shiela.
Nagkalapit din ang loob namin. Nagtutulungan pagdating sa internship. Magiliw
rin siya at madaldal. Masayang kasama lalo na sa kwentuhan.
Noong
nagkaroon ng pagkakataon na binigyan kami pareho ng assignment na halos project
na rin namin sa OJT, naging abala kaming dalawang mag-partner. Halos buong araw
at buong magdamag kami magkasama dahil sa project na ibinigay sa amin na
kailangan nang matinding research at interviews sa iba’t ibang tao, pagpunta sa
iba-ibang lugar, at pagkuha ng mga impormasyon.
Dahil
sa palagiang pagsasama namin ni Shiela. Hindi ko rin maitatangging nagandahan
ako sa kanya. Masaya din siyang kasama. Naakit din ako sa kasipagan at kabaitan
niyang babae. Sa katunayan, maging mga kasamahan ko sa internship, nahumaling
sa kanya. Aaminin ko, nagkaroon ako ng kaunting pagtingin kay Shiela. Lalo na’t
dalawa lang kami sa project. Medyo nahulog din ang loob ko sa kanya.
Mas
lalo tuloy naging madalang ang pagkikita namin ni Maria Isabel Alcantara. Pero
alam naman naming pareho na kailangan naming gawin iyon para makapag-martsa sa
darating na graduation. Gayunpaman, hindi ko sinabi sa kanya ang tungkol kay
Shiela. Ang alam lang niya, may matinding project akong pinagkakaabalahan.
Ayokong magkaroon ng malisya sa kanya ang samahan namin ng ka-OJT ko. Pero,
dumating sa puntong hindi ko inaasahang mangyayari.
Kumakain
kami sa isang food chain noon ni Shiela. Nag-uusap sa mga susunod naming
hakbang para mas mapadali na ang project na ibinigay sa amin. Malapit na rin
kasi noong matapos ang internship. Pero sa food chain ding iyon nagkita kami ni
Maria Isabel Alcantara. Kasama ang mga student teachers din sa school ng OJT
nila. Pagpasok pa lang nila, nagkita na kami ni Maria Isabel Alcantara.
Napatingin siya sa akin. Ngumiti ako na akmang gustong puntahan siya. Pero
nabaling ang tingin niya kay Shiela na noon ay may ginagawa. Medyo nagulat
siya. Naging balisa.
Parang
napahiya ako. Tatayo na sana ako nang kausapin ako ni Shiela tungkol sa project
namin. Hindi na ako nakaalis sa kinauupuan ko. Nakita kong niyaya na ni Maria
Isabel Alacantara ang mga kasamahan niya palabas ng food chain. Parang nadurog
ako bigla noon. Hindi ko man lang siya nakausap kahit sandali o kahit nalapitan
man lang para makamusta. Hindi ko man lang nasagot ang parang gumulo sa isipan
niya nang makita niyang may kasama akong babae.
Matapos
ang meeting naming dalawa ni Shiela. Humangos ako papunta sa bahay nila Maria
Isabel Alcantara. Kahit alam kong alas-diyes na ng gabi at maaga pa ang pasok
ko bukas, hindi ako nagdalawang-isip na kausapin siya. Kahit sandali lang.
Tumakbo ako nang tumakbo. Pagharap ko sa bahay nila. Nakita ko siya. Si Maria
Isabel Alcantara.
Nasa
gate siya, napatingin sa akin. Alam kong malalim ang iniisip niya. At naroon
ako sa malalim na pag-iisip niyang iyon. Kalmado siya. Walang reaksyon ang
mukha. Ngumiti na lang siya sa akin, ngunit alam kong may nakatago sa mga
ngiting iyon.
“Pwede
ba kitang kausapin?” tanong ko sa kanya. “Gabi na, maaga pa ang pasok natin bukas,”
sagot niya. Akmang ila-lock na niya ang gate nang magsalita ako. “Si Shiela
iyon. Nakalimutan kong sabihing partner ko siya sa project namin sa internship.
Nagmi-meeting kami kanina sa mga gagawin namin,” sambit ko habang napatulala
siya.
Matagal
bago siya sumagot. Muli niyang binuksan ang gate. “Hindi naman kita
pinagpapaliwanag at hindi mo naman kailangang banggitin pa sa akin kung sino
siya,” sarkastikong tugon niya sa akin na nagkukunwaring tumatawa. Napahiya
ako.
Bigla
siyang nagsalita ng seryoso. “Hindi naman kita pinipilit na ibaling lang sa
akin ang atensyon mo. Pero hindi mo ba kayang maghintay?” sambit niyang parang
may mabigat na nararamdaman. Tahimik ang paligid. Natulala ako.
Nagpatuloy
siya. “Ako rin naman David. Nangulila ako sa loob ng apat na buwan. Hindi ako
sanay na wala na yung taong maghihintay sa’kin tuwing uwian para lang lumabas
at mamasyal. Hindi ako sanay na walang nagpupunta dito sa bahay para lang
tulungan ako o magpatulong sa’kin sa mga assignment. Hindi ako sanay na wala
nang nang-aasar o dumadaldal sa’kin. Nangungulila ako David dahil sinanay mo ko.
Sinanay mo ko,” at tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. Pinipilit niyang
huwag ipakitang umiiyak siya pero hindi niya kaya. Binuksan ko agad ang gate at
tumungo sa kanya. Niyakap ko siya nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit.
Naaalala
ko. Naaalala ko ngayon iyon. Ngayong oras na alam kong maririnig ko sa kanya
ang matamis na sagot na halos apat na taong hinintay ko. Masaya ako para sa
kanya. Masaya ako para sa aming dalawa. Dahil sa wakas, maliliwanagan na ako.
Natapos
ang OJT namin noon. Sa wakas din, graduation na lang ang hinihintay namin. Pero
hindi pa rin kami masyadong nagpapansinan ni Maria Isabel Alcantara. Hindi ko
alam noon, parang nawawalan na tuloy ako ng pag-asa. Parang dahil sa hindi
magandang nangyari, nagkalamat na ang pagkakaibigan namin. Hindi ko na siya
nati-tiyempuhan kapag uwian nila. Kahit sa library, hindi ko na siya
nakakasabay. Kapag pumupunta ako sa bahay nila, laging walang tao.
Marahil,
abala lang sa mga ipinapasang requirements para sa graduation namin. Kahit
naman ako, marami pa kong problema sa mga papeles ko sa unibersidad kaya
kailangan kong tapusin na iyon bago pa ako maabutan ng martsa ng graduation.
Napadaan
ako noon sa gusali ng kolehiyo nila. Nagkakagulo. Naglabas na kasi ang kolehiyo
nila ng mga latin honors. Nakapaskil iyon sa bulletin board nila na
pinagkakaguluhan ng mga naghahabaang leeg na mga estudyante ng College of
Education. Nakisingit na rin ako dahil baka doon makita ko si Maria Isabel
Alcantara. Habang hinahanap ko siya sa mga nagtutulakan. Napalingon ako sa
nakapaskil. At nabigla ako. Nanlaki ang mga mata ko nang bumungad sa akin ang
pangalan niya. Kasama siya sa mga Magna Cum Laude ng kolehiyo nila. Bigla akong
nakaramdam ng natuwa. Halos ako ang naglulundag para sa kanya. Ganoon pa man,
hindi ko siya nakita sa dami ng mga taong naroon. Wala siya.
Bumalik
ako sa gusali namin para sa ilan pang papeles na kulang ko. Papaakyat na ako ng
hagdan nang bigla akong may narinig. “David!!!!!!!!”, malakas na sigaw. Kilala
ko ang boses na iyon. Paglingon ko, nakita kong nakatayo sa di kalayuan,
nakangiti at mukhang masayang-masaya. Siya si Maria Isabel Alcantara.
Humangos
siya nang takbo sa akin. Niyakap ako ng mahigpit. Nagulat ako bigla. Pero
masaya ako, hindi dahil sa yakap niya kundi dahil nagpakita na siya sa akin
muli. Senyales iyon na maayos na ulit ang samahan namin. Balik na ulit sa dati
ang pagkakaibigan namin.
“David!
Alam mo ba?” masayang tanong niya. “Ano iyon?” naguguluhang tanong ko rin.
Bigla siyang napasigaw. “Magna Cum Laude ka!!!” Nagtinginan tuloy ang mga taong
nasa paligid namin. Nabigla ako. Pero may halong tuwa’t saya. Hindi ko alam
kung anong gagawin ko. Napakaswerte naming dalawa. Pareho kami.
“Teka,
pati ikaw! Magna Cum Laude ka!” tugon ko sa kanya na masayang-masaya rin. “Oo
kanina ko pa alam!” masaya ring sagot niya. Ibang klaseng tuwa ang naramdaman
ko noon. Pareho kaming nagtagumpay. Kapwa kami masayang-masaya para sa isa’t
isa nang araw na iyon.
Naghihintay.
Ako. Ngayon. Naghihintay ako ngayon.
Hinihintay
pa rin siyang lumabas sa gusali ng kolehiyo niya. Gabi na. Bumukas na ang mga
ilaw sa poste at ng mga gusali ng unibersidad. Kakaunti na lang ang mga tao sa
campus. Bukas na ang graduation. Pero ngayon pa lang, ramdam ko na ang
tagumpay. Hindi lamang tagumpay ko kundi pati na rin ng sa kanya.
Nangako
siya sa akin, pagkatapos ng final rehearsal at bago ang mismong graduation, may
sasabihin siya sa akin na napakahalaga. At alam ko kung ano iyon. Matagal kong
hinintay ang araw na ito. Halos apat na taon akong naghintay para sa
pagkakataong ito. Nakayanan kong magsulat ng mga love letters, nakayanan kong
mapahiya sa maraming tao, nakayanan kong umasa sa mga araw na tinatanong ko
siya, nakayanan ko ang pagsubok na dumating sa amin noong OJT, nakayanan ko
lahat. Kaya’t masayang-masaya ako ngayon.
Sa
wakas. bumaba na siya ng hagdan. Nakangiti pero pansin ko ang pagod niya. Dala
siguro ng final rehearsal kanina. “Nainip ka na ba?,” nakangiting tanong niya.
“Hindi naman,” sagot ko. “Alam mo, dito kita unang nakita,” banggit ko, “dito
ako nakaupo at nakapila ka naman diyan. Nag-eenrol pa lang tayo noon.” Natawa
kami pareho. Apat na taon na pala ang nakalipas. Pero hindi pa rin kumukupas
ang ganda niya. Maganda pa rin siya tulad noong unang beses ko siyang nakita.
At mas lalo gumanda pa ngayon. Bukod-tangi siya sa lahat ng babaeng nakilala
ko. Si Maria Isabel Alcantara.
“David.”
simula niya. “Hindi ba sabi ko sayo, may sasabihin akong mahalaga.” Nakangiti
lang ako. Masaya lang. Handa na ako. “Ms. Alacantara, apat na taong kitang
sinuyo. Napakaraming nangyari. At ngayon, gusto ko nang maliwanagan. Gusto ko
nang malaman ang sagot mo.” masayang sabi ko.
“David.
Napakasaya mong maging kaibigan. Masarap kang kasama. Parang kapatid na nga ang
turing ko sayo. Napakabuti mong tao. Magaan ang loob sa iyo nina Mama at Papa,
at ng mga kaibigan ko. Sana huwag magbago iyon.” sambit niya. “Oo naman. At mas
magiging masaya ka pa kapag naging nobyo mo na ko,” sagot kong parang
nang-aasar. Pero sa totoo lang, seryoso ako sa sinabi ko.
“Pe-pero
David … Hi-hindi kasi eh,” pautal-utal na sabi niya. Medyo naguluhan ako. “Ha?”
tanong ko. “Hindi David. Ma-magkaibigan tayo. Sa-sana, hindi magbago i-iyon,”
nahihiyang sabi niya. Naguluhan na talaga ako. “Magkaibigan naman tayo? Di ba?”
tugon ko. “Oo. Pero hanggang doon lang. Hanggang kaibigan lang talaga,”
diretsong sagot niya. Natahimik ako bigla. Hindi ko alam kung anong sasabihin
ko.
Tahimik
ang paligid. Nakayuko siya habang nakatitig ako sa kanya. “David, kaibigan lang
ang turing ko sa iyo. Hindi pa ako handa. Pero di ba …” pinutol ko ang sinasabi
niya. “Pa-paanong kaibigan? A-ano ba ‘to? Niloloko mo lang ba ko?” medyo tumaas
na ang boses ko. Sinubukan niyang magpaliwanag. “David. Magaan ang loob ko
sayo. Mahal kita pero … bilang kaibigan lang,” sagot niya. “Ha? Ano bang
sinasabi mo?” tuluyan nang gumulo ang isip ko.
Hinawakan niya ang kamay ko. “David …,” hindi na natuloy ang sasabihin
niya. Binitiwan ko ang kamay niya. Tinalikuran ko siya’t umalis ako. Naglakad
nang mabilis hanggang sa tumakbo ako sa malayo, palabas na ng campus. Hindi ko
na siya nilingon. Gulong-gulo ang isip ko.
Sumakay
ako bigla ng jeep. Walang ibang pasahero, ako lang mag-isa. Nararamdaman kong
nadudurog ang puso ko. Masakit. Gusto kong magalit pero pinipigil ko ang sarili
ko. Gusto kong umiyak pero hindi lumalabas ang luha ko. Para akong
pinagbagsakan ng langit. Parang galit sa akin ang mundo. ‘Ano ba ‘to?’ Sa isip
ko. Sana panaginip lang lahat ng ito. Apat na taon ang hinintay ko, para lang
ba dito? Ang sakit.
Ramdam
ko ang harurot ng jeep. Ramdam ko ang hanging sumasampal sa mukha ko. Dinig ko
ang mga ingay ng mga sasakyan sa kalsada. At ramdam na ramdam ko ang sakit.
Hindi ko na kaya. Nagbalik sa alaala ko ang lahat. Nagbalik ang halos apat na
taon.
Hindi
ko alam ang susunod na gagawin ko. Graduation ko na bukas. Pero parang hindi ko
kaya. Hindi ko kayang harapin ang sarili ko. Nagpaka-tanga ba ako o hindi?
Hindi ko na alam ang mga susunod na mangyayari. Sa kwento ko, sa kwento naming
dalawa. Ni Maria Isabel Alcantara. Ang kwento namin. Paano na?
WAKAS.

No comments:
Post a Comment