Likha ni: Jun-Jun
FILIPINO.
Minsan wika o tao ...
Pero madalas subject.
Minsan wika o tao ...
Pero madalas subject.
"Filipino lang
naman yan! Puro kwento lang naman dyan saka sulat-sulat!" Maririnig sa mga
estudyante kapag Filipino na ang paksa nila sa mga umpukan. Hindi ko alam kung
pagmamaliit ba ito sa asignaturang salamin ng kanilang identidad o sadyang ayaw
lang nila sa isang sabdyek sa paaralan na kung tutuusi'y hindi naman nagmula sa
mata ng mga banyaga. Isang subject na ating-atin. Asignaturang kinasasangkapan
ng pagkatao ng bawat Pilipino.
Ngunit ...
ANO BA ANG
ASIGNATURANG FILIPINO?
Matagal nang
nakalinya sa kurikulum sa akademiya ang asignaturang Filipino. At matagal na
ring pinag-aaralan ng mga mag-aaral sa buong bansa. Sa katunayan, isa ito sa
limang major subjects sa lahat ng paaralan, kasama ang English, Mathematics,
Science, at Makabayan. Pinag-aaralan ito mula primarya, elementarya,
sekondarya, at kahit pa sa kolehiyo. Ganito ang Filipino bilang subject sa mga
eskwelahan.
Pero ano nga ba ang
Filipino? Bilang isang asignatura, salamin ito ng kung sino tayo, at kung ano
tayo. Kung kahulugan naman nito, ang asignaturang Filipino ay pag-aaral nang
paggamit ng identidad. Identidad na binubuo ng tatlong salik: (1) Wika; (2)
Kultura; at (3) Panitikan.
Kung sinasabi ng mga guro natin sa Kasaysayan o History, o kilala bilang Social Studies, na kaya natin pinag-aaralan ang Kasaysayan ay para mahanap natin ang ating identidad, mahanap natin ang ating pagkatao o ating pinagmulan. Ngayon, ang Filipino, pinag-aaralan natin upang gamitin naman ang nahanap nating identidad. Anong silbi nang nahanap nating identidad kung hindi naman natin ito gagamitin at pakikinabangan? Iyon ang tanong.
Totoo nga't puro
kwento at sulat ang madalas na mga gawain sa sabdyek na Filipino. Ngunit, hindi
lang doon natatapos iyon. Dahil siksik, liglig, at umaapaw ang mga aktibidades
sa asignaturang ito mula Wika, Kultura, at Panitikan. Mas nahahasa ang
kasanayan ng mga mag-aaral sa pakikinig, pagsasalita, pagbasa, pagsulat, at
panonood. Ito marahil ang kaiba ng Filipino sa ibang mga sabdyek. Ito rin
marahil ang maipagmamalaki ng mga nagtuturo ng Filipino.
Ngayon ...
BAKIT BA NATIN
PINAG-AARALAN ANG ASIGNATURANG FILIPINO?
Gaya nga na ito'y
salamin ng pagkatao natin bilang Pilipino. Pinag-aaralan natin ito upang hindi
malimutan at lalo pang mapayaman ang ating identidad. Lalo na sa panahon ngayon
na unti-unti nang nilalamon ng kolonyalismo ang utak ng ilan sa atin. Marami sa
atin, ang mata'y nakapako na sa kultura ng mga dayuhan. Marami na ang nagiging
banyaga sa sarili nating bansa. Kaya't ang Filipino ay tanging sandata upang
mas mapreserba pa kung sino tayo, at ano tayo.
Hindi "LANG" at hindi "nila-LANG" ang Filipino. Hindi lang dahil puro kwento at sulat-sulat lang ang laman nito, ipagwawalang-bahala na lang natin ito at mamaliitin. Dahil kung sino man tayo ngayon at ano man tayo ngayon, maiintindihan natin ang sagot sa pamamagitan ng sabdyek na Filipino.
Kung paanong kumanta
ang Ibong Adarna at magkatuluyan sina Florante at Laura, ito ngayon ang
nagiging lunsaran ng mga ipinaglalaban ni Rizal sa kanyang Noli at El Fili.
Lahat ay dahil sa Filipino, sa wika, sa kultura, at sa panitikan ng lahat ng
Pilipino.
Sa totoo lang,
hindi naman nakakabagot o 'boring' ang asignaturang Filipino. Nakasalalay kasi
ito sa mga nagtuturo. Sa mismong guro. Kung paano ito ituturo, nakadepende rito
kung magiging masaya o boring ang sabdyek na Filipino.
Ika nga, walang
boring na subject. Meron lang ... boring na teacher.
Panghuli ...
ANG PUNTO DE BISTA
NG MAESTRO:
"Sa panahong
ito na mas namamayani ang kampanya para sa internasyonalisasyon, tila hindi na
nabibigyang-pansin ang kani-kaniyang identidad (wika, kultura, at panitikan) ng
mga bansa na lunsaran ng mga tao nito. Ito'y dahil sa paniniwalang mayroon nang
iisang pamantayan ngayon sa buong daigdig. Ngunit kung iisipin, ito'y
nakapadron at nagbibigay-pugay lamang sa mga mauunlad na bansa. Sa huli, panalo
sila't talo ang maliliit na lahing tulad natin."


No comments:
Post a Comment