Likha ni: Jun-Jun
Globalisasyon.
Integrasyon sa ASEAN.
Internasyonalisasyon.
Matagal nang bukambibig ito ng iba't ibang bansa. Ika nga nila, para ito sa tinatawag na "Global Competitiveness". Ilang dekada na rin bang pinag-uusapan ito at pinaplano? Kung hindi man, pinatatakbo o pinalalaganap na. Ngunit bakit sila-sila lang? Sila-silang malalaki at mayayamang bansa ang nakikinabang? Bakit naiiwan sa ere at muling bumabagsak sa lupa ang mga third-world countries tulad na lang ng Pilipinas?
Kung nararamdaman man ang tinatawag na "global competitiveness", malamang sa malamang, dito lang iyan sa kalunsuran. Dito sa siyudad. Paano naman ang mga probinsya't mga katutubo natin? Kung tutuusin nga, baka wala pa sa 10% ng buong kapuluan ang nakakaramdam nito. Dahil tanging mayayaman at mga may kapangyarihan lang ang nakakalasap ng hanging dala ng internasyonalisasyon.
Bakit laganap pa rin ang kagutuman? Marami pa rin ang walang trabaho. May krisis-pandaigdigan pa rin. Bakit marami pa rin ang nangingibang-bansa? Bakit may child labor pa rin? Bakit mataas pa rin ang populasyon? Bakit may income inequality, job-and-skill mismatch at labor discrimination pa rin? Iyan ba ang bunga ng globalisadong kasunduan na ilang taon nang lumalaganap sa napakaraming bansa? Malamang yan, sasagutin na naman nila tayo ng mga malalalim na termino, mga statistics, mga pag-aaral na sila lang naman talaga ang nakauunawa. Para tayo, "OO" na lang.
Dapat kasi ganito.
Kung gusto talaga nating pumasok sa pandaigdigang entablado at maging "globally competitive", dapat sana palakasin muna natin ang bansa. Ang hirap kasi sa atin, sugod tayo nang sugod. Laban agad nang laban. Tuloy, talo tayo sa dulo. Dahil maliit lang tayo, kumpara sa mga dambuhala't halimaw na mga bansa. Palakasin muna sana natin ang ating "identidad". Unawain at pag-aralan ang sarili natin. Kung saan tayo nagmula, kung sino tayo at ano tayo. Sapagkat ultimo wika at kultura natin, kung hindi man natin alam, kinakahiya naman.
Ang mga bansang Amerika, Tsina, Hapon, at isama na natin ang Korea. Mga bansang tinitingala natin ngayon. Inaambisyon. Bago pa man sila sumabak sa internasyonalisasyon, malakas na at pinalakas na nila ang kanilang "Lokalisasyon". Mataas ang pagpapahalaga nila sa kanilang identidad. Malaki ang respeto nila sa kultura at lalong-lalo na sa wika. Ni hindi sila kailanman pumayag na sakupin ng koloniyalismo ang mga utak ng mamamayan nila at kainin ng sistemang kultural ng ibang bansa.
Sa Pilipinas, hindi na natin makilala ang mga kababayan natin. Tuluyan nang nalunod sa kolonyalismo. Marahil ang sanhi nito ay ang pagsakop ng iba't ibang bansa natin kung babalikan ang kasaysayan. Pero hindi ito sapat na dahilan para talikuran na lang natin basta-basta ang orihinal na kung sino tayo, kung ano tayo. Kaya nga nagkakanda-leche-leche ang bansa natin ngayon dahil sa "colonial mentality" na iyan. Sakit nang maituturing ito. At anong uri ng sakit? Baka kanser na kamo. Dahil parang ang hirap hanapan ng lunas at madaling makahawa sa iba.
Ngayon, papasok tayo sa bagong laban. Ang internasyonalisasyon. Papasok tayo nang mahina. Walang laban. At anong ibebenta natin sa pandaigdigang merkado? Ang mga baon natin at maipagyayabang, impluwensya rin ng ibang bansa. Impluwesiya ng kolonyal na pag-iisip nating mga Pilipino. Kaya sa huli, pinagtatawanan tayo ng ibang bansa. Talo tayo! Hanggang sa dulo.
Tapos sasabihin ng mga ekspertong kuno, "globally competitive" na ang mga Pinoy! Ayos!
Kapatid. Huwag kang bulag at huwag na huwag kang mabubulag. Kung papasok tayo sa pandaigdigang paligsahan, alisin na natin ang kolonyal na mentalidad. Tanggalin na natin ang mga paniniwalang banyaga na hindi naman talaga swak kung tutuusin sa kulturang sariling atin. Buhayin natin ang atin! Palaganapin ang nasyonalismo, ang pagmamahal sa bansa at pagpapahalaga sa kultura. Ito ang susi para makasabay tayo sa ibang bansa sa daigdig. Makikita nila ang orihinal na tayo. Kung sino at ano tayo. Kung anong maipagmamalaki at magagawa natin sa ganitong mundo na patuloy na nagbabago. At makakasabay na rin sa modernong pagpaplano sa internasyonal na estado.

No comments:
Post a Comment