Likha ni: Jun-Jun
Sa oras na itinatanong ko sa sarili ko kung saan ako nagmula, isa lang nagiging sagot ko. Galing ako sa ina ko. Pero saan ba galing ang aking ina, sigurado namang sa kanyang ina rin na galing din sa ina nito. Pero, kung aayusin ko ang tanong, saan kaya galing ang tulad ko? Saan galing ang mga tao?
Sa alabok. Sa ganito tayo nagmula. Ito ang turo sa atin nina Lelong at Lelang. Kaya dito rin tayo babalik. Ayon ito sa banal na kasulatan. Pero, may mga pag-aaral na nagsasabing sa Unggoy nagmula ang tao. Base na rin sa pisikal na anyo ng tao. Matagal nang itinuturo sa atin ng mga Science teachers natin noon na sa mukha't pangangatawan ang naging basehan para ikumpara ang tao sa mga unggoy na kung tawagin ay mga Apes. Kung totoo man ang sinasabi ni Charles Darwin na nagmula ang tao sa unggoy batay sa kanyang Theory of Evolution, aba'y malaking palaisipan ito.
Aminin man natin o hindi, mas maraming patunay ang pananaliksik ni Kuya Charles. Mas may paninindigan ang eksplanasyon ng mga ekperto't siyentipiko kaysa sa mga propeta. At sa korte, mananaig ang mga may ebidensya. Kaya't mas katanggap-tanggap na tayo'y sa matsing nagmula. Tanggapin man natin o hindi. Pero, kung iisipin, tanggap rin kaya nila na nagmula tayo sa kanila? Sa ugali at pagkatao ng mga tao ngayon, ni minsan kaya natanggap rin ng mga unggoy na galing sa kanila ang mga itinuturing nilang amo sa mundong ito? O baka naman hindi lang sa unggoy nagmula ang ilan sa atin, lalo na kung ibabase natin sa ugali ng tao sa kasalukuyan.
Sa tulang "Pagtatapat ng Dalawang Matsing" hinalaw ito ni Prop. Balagot sa teorya ni Charles. Mas nais ng manunulat na sa teoryang may sapat na paliwanag ibatay ang nais niyang ipamulat sa mga mambabasa. Hindi siya bumatay sa panrelihiyong ideya ng pinagmulan ng tao. Ipinamukha niyang maaaring mapagsama ang dalawang uri ng panitikan - tula at pabula. Ngunit, hindi ang manunulat ang persona ng tula. Kundi ang mismong karakter na kaniyang kinatha. Bagamat ang manunulat ang nagbigay ng sitwasyong magiging pundasyon ng mga mambabasa, ang mga karater niya ang nagdala ng kung ano ang nais ipaliwanag ng may-akda.
"Katoto alam mo ba ang bali-balita?
Na itong tao raw sa atin nagmula."
Mababanaanag sa unang dalawang taludtod na ito, na sa matagal na panahong alam na natin na sa unggoy tayo nagmula. Ang mga matsing pala'y ngayon pa lamang nalaman ito. At para sa kanila pa lamang, ito'y mga bali-balita pa lang. Wala pang siyetipikong eksplanasyon sa kanila nagmula ang mga itinuturing nilang amo sa mundong ito.
"Kayhirap isipin ang balitang iyan
Masasabi pa nga ... isang kahunghangan
Bakit kamo igan? Ang tanong ng malay
Ang munti kong damlay ...
nagugulumihanan."
Malamang ito rin ang unang nasabi ng mga taong unang nakarinig ng teorya ni Pareng Charles. At ngayong nalaman na rin ng mga matsing ang teorya ito, mismong sila nagulumihanan. Ibang-ibang tayo sa hayop, ibang-ibang rin sila tao.
Kung may pagkakakapareho man, sa pisikal na anyo. Dahil sa lahat ng hayop sa sanlibutan, unggoy ang pinakamalapit sa imahe ng tao. Ngunit hindi ito ang tinutuon ng manunulat. Hindi sa pisikal na katangian ikinumpara ang unggoy sa tao at ang tao sa unggoy. Kundi sa ugali at/o sa asal. Ito marahil din, ang dahilan kung bakit nagtataka ang mga tropang matsing sa bali-balitang sa kanila galing ang tao. Dahil kung pagkakapareho sa ugali't asal ang tinutumbok ng manunulat, malamang syento-porsyento, hindi papayag ang mga unggoy.
"Isipin mo ito! Sabad niyang muli,
Oo nga ... ang matsing ay pauli-uli
Di naman iniwan sa dusa't pighati
Ang mahal na anak sa ibang kandili."
Nais iparating ng manunulat sa pamamagitan ng mga matsing na kailanman, hindi iniwan ng matsing ang kanilang mga supling sa iba. 'Di tulad ng tao, pinapaampon ang kanilang mga anak o kaya nama'y iniiwan para maghanap-buhay sa ibayong dagat. Mas inuunang alagaan ang hindi naman anak. Ang matsing kahit sa tindi ng hirap, hindi hinayaang mawalay sa kanila ang sariling anak. Maaari ring tumbukin ng mga matsing ang mga taong ipinalalaglag ang kanilang anak sa hirap ng buhay o kaya nama'y hindi matanggap na sila'y mga ama't ina na sa murang edad.
"Matsing ba'y nagbakod ng puno niyog
Hinayaang bunga'y sadyang mangabulok
Sa labi ng iba'y kaniyang ipinagdamot
Panighaw sa uhaw ... pamawi ng pagod."
Lumilitaw naman sa saknong na ito ang pagiging madamot ng mga tao na iba sa mga matsing. Ang matsing, kahit na saging lang ang pangunahing pagkain, hindi naman kailanman ipinagdamot sa kapwa nila. 'Di tulad ng tao, lalo na ang mga nakaaangat sa buhay, kahit na gaano karami ang kinakain at halos buto't balat na ang mga pulubi sa lansangan, hindi man bigyan kahit barya lamang. Kahit lamang-tiyan, hindi marunong mamahagi ng biyayang nakamtan.
"Sa lahi ba natin ... ay may mapag-imbot
Ari ng iba ... pilit na inabot
Nungkang ang kapalit karangalang handog
Nang kinikilalang mahabaging Diyos."
Sa sumunod na saknong, pinalitaw ng matsing na ang tao ay hindi nila katulad, sapagkat ang tao ay ganid at/o makasarili. May ugali ang taong hinihila pababa ang mga taong nasa itaas upang sila ang mangibabaw sa lahat. Sa madaling salita, crab mentality. 'Di tulad ng mga matsing, ayaw ng taong nalalamangan sila ng kapwa. Gusto lagi ng tao na sa kanya lamang ang karangalan. Na para bang nais niyang maging Diyos. Ang mga matsing, kahit palambi-lambitin lang, hindi naman nagawang pabagsakin ang kapwa nila matsing.
"Bagama't sa atin ay may pagdaramdam
Di naman nauwi, sa walang hangganv kaguluhan
Tunay ngang dadaming ... normal sa nilalang
Ngunit hindi daan nang libong kamatayan."
Mapagtanim ng galit. Ito ang isa pang kaibahan ng tao sa unggoy. Hindi mapagmataas ang mga matsing tulad ng mga tao, na hindi marunong humingi ng tawad. Ugali rin ng tao ang mandamay ng iba, upang lumaki nang lumaki ang gulong pinasukan niya. Ang matsing, nagkakaroon din ng pagdaramdam sa isa't isa ngunit hindi naman ito nagtatagal at agad rin namang naaayos.
"Lahi ba natin ... kapuwa ay siniil?
Sa maling paratang, hatid ay hilahil
Di lang sa sarili ... maging sa kapiging
Pati na sa mga mumunti nilang anghel."
Isa pang ugali at/o asal nang tao na ibang-iba sa mga matsing ay ang pagiging mapagparatang. Nagbibintang kahit na walang kasiguraduhan. Maling paratang, ibinibintang sa iba para lang makatakas sa kasalanan o kaya'y may maidawit lang.
"Tayo ba'y nangwasak ng buhay ng iba
At hayaang mata'y mamugto sa luha
Nang mumunting supling na nangaulila
Sa bisig ng inang sakbibi nang dusa."
Ang tao rin ay masyadong inggitero't inggitera. Pinipilit na sirain ang buhay ng kapwa, para lamang sa pansariling interes. Walang pakialam kung may natatapakan o naaagrabyado na. Ito rin ang mga taong mapanira, mga taong walang ginawa kundi pakialaman ang buhay ng iba. Hindi marunong tumingin sa salamin para sa sarilung kamalian.
Sa kamangmangan nga ... tayo umiiral
Sa balat ng lupa, sa mundong ibabaw
Ngunit sa ati'y wala damdaming gahaman
Diwang mapangwasak ... pusok sukaban.
Wala ngang alam sa mundo ang mga unggoy. Di tulad ng tao na may mataas na kakayahang intelektwal. Pero kung sa pag-uugali't kilos ng tao, sadyang maipagmamalaki ang sa mga matsing. Di sila ang pinagmulan ng tao. Di sila ang pinagmulan ng mga asal ng tao.
Kung hindi matanggap ng tao na sa unggoy siya nanggaling, bakit hindi rin natin pakinggan ang panig ng mga matsing. Kung sila ba'y payag na tayo'y nanggaling sa kanila. Bagama't malabong mangyari ang sitwasyong inihayag ng manunulat, na makapagsalita ang mga matsing. Hindi naman malabong mangyari na maaari ngang kwestyunin tayo ng mga matsing na sa kanila tayo galing. Kung sa mga ipinaliwanag ng manunulat, ibang-iba ang unggoy sa tao at ang tao sa unggoy.
Ngunit kung kinukwestyon ng manunulat ang pinagmulan ng tao na unggoy dahil na rin aa ugali't asal nito, anong klase kayang hayop natin naituturing ang pinagmulan natin? Hayop na kapareho ng ugali't asal natin. Malamang na ibang hayop ang pinagmulan ng tao o kaya nama'y tao mismo ang pinagmulan ng tao. Mahirap isipin. Oo. Dahil kahit ang Diyos na siyang dakilang lumikha ng lahat, malabong gumawa siya ng nilalang na ganito ang asal at pag-uugali.
Sa pagiging madamot, ganid, mapagtanim ng galit, mapagparatang, inggitero't inggitera, at iba pang kasuklam-suklam na kilos ng tao, pinatuyan ng manunulat sa pamamagitan ng mga matsing na siyang naging persona't karakter ng may-akda na sadyang katangi-tangi ang tao. Patunay na hanggang ngayon, wala pa ring nakaaalam kung saan tayo nagmula.
"TAO ... Mag Isip Ka! Ikaw ba ... sa amin nagmula?"
Ito ang huling pahayag ng matsing, hindi sa kapawa matsing kundi mismong sa mga itinuturing nilang amo sa mundong ito.

No comments:
Post a Comment