Likha ni: Jun-Jun
Kung kasaysayan
din naman ang gagamitin, ang Maharlika
ay mula sa dalawang salitang mahar at
lingga na kapwa galing sa wikang Malayo-Polynesian
na pinag-ugatan din ng ating mga wika. Ang kahulugan ng mahar ay “malaki” at ang lingga
naman ay “ari ng lalaki”. Ginamit ito sa mga dugong-bughaw gaya ng mga Datu at
Rajah noong panahong prekolonyal dahil itinuturing na angkop na katawagan. Dahil
sila ang may pinakamataas ang ranggo at lahat ng superlatibo – pinakamagagaling,
pinakamatatapang, pinakamalalakas, pinakamatatalino, pinakamakikisig, at iba
pa.
Hindi na nalalayo na kahit ang
tagong parte ng iginagalang na pinuno ay may pinakamalaking bagay sa katawan
niya, may katotohanan man o wala. ‘May malaking bayag, may malaking
paninindigan’, angkop na maging isang pinuno ng pangkat. Gayon man, masyadong
“patriarkal” ang paniniwalang ito, tila mga kalalakihan lamang ang maaaring
mamuno ng mga tribo at sa mga pakikidigma.
Sinaunang
sistema noong Prekolonyal na Panahon
Panahon pa lamang ng mga katutubo ay kabilang na ang
maharlika sa sinaunang sistema ng lipunan. Ito’y kung paano nauuri ang mga tao
batay sa kanilang silbi sa pangkat na kinabibilangan.
Ang Panginoon ay tawag sa mga nagmamay-ari
ng mga ari-arian at malalaking lupain. Kaya mayroong terminong “Panginoong May
lupa”. Ngunit kung tutuusin, ang Panginoon
ay pinaikling “poon” lamang na may katumbas sa wikang Ingles na Milord o Milady na ibig sabihin ngayon ay ginoo o ginang. Ang
salitang “poon” ay kilala na ngayon bilang “po” na ginagamit bilang
pagpapahayag ng paggalang sa mga nakatatanda. Halimbawa’y Oo poon na ngayon ay Opo.
Ang Datu ay ang pinuno o chief
sa isang pangkat ng mga katutubo noon, partikular na ang mga tribo. Ang
terminong ito ay madalas ginagamit noon sa Luzon at Visayas. Samantalang ang Rajah na tinatawag ding Lakan ay isang salitang Hindu mula sa
Malaysia.
Ikalawa
ay ang mga Timawa ay nasa gitnang
uri at nagmamay-ari ng sariling lupa nang walang ibinibigay na regular na
kabayaran sa mga Maginoo. Ngunit nagsisilbi rin sila sa mga Datu. Maaari ring magpalit
ng pinagsisilbihan ang mga Timawa kapag sila’y nakapangasawa ng mula sa ibang
tribo.
Sumunod
ay ang mga Maharlika na karaniwang mga
mandirigmang tagalog. Halos magkatulad lamang ang kanilang mga karapatan at
obligasyon sa mga Timawa. Sa panahon ng digmaan, ang mga Maharlika ay dapat
magtanggol at magbigay-proteksiyon sa mga Datu o Maginoo. Ngunit kaiba sa mga
Timawa, hindi basta nakapagpapalit ng pinagsisilbihan ang mga Maharlika ng kanilang
Datu, kung hindi sila magbabayad ng malaking halaga sa Maginoo.
Panghuli
ay ang mga Alipin na pinakamababang
uri sa lahat ng antas. Tinatawag din sa Visayas na Uripon. Ngunit mali ang interpretasyon ng marami sa mga Alipin
bilang sunud-sunuran lamang na itinuro ng Kanluraning pag-iisip. Hindi Alipin
ang mga taong may kadena sa leeg at binebenta sa merkado bilang isang puta. Mas mabisang deskripsyon sa mga
Alipin ay mga taong May Utang. Sila
ang mga Aliping ipinanganak na may utang na, mula sa mga utang na minana sa mga
magulang na Aliping nangamatay na. Gayunpaman, wala silang kalayaan na dahil
may walang hanggang utang ay tila habambuhay nang magsisilbi sa mga Maginoo.
Ito’y katumas din ng habambuhay na kaparusahan. Mayroong dalawang uri ng
Alipin.
Ang Aliping Namamahay na binibigyan ng mga
Magino ng maliit na parte ng lupain upang makapagtrabaho ngunit magbabayad pa
rin gamit ang mga kinita. At ang Aliping
Sa Gigilid na literal na nasa gilid lagi ng mga bahay ng mga Maginoo upang
pagsilbihan sila. Mas mababa ang tingin sa Alipin
Sa Gigilid sapagkat sila’y nagiging utusan ng mga Datu sa lahat ng mga
pangangailangan nito.
Ang Maharlika
sa Konsepto ni Marcos
Nais
niyang ibalik ang kaisipan ng mga tao noon sa walang halong kolonyalismo.
Sapagkat ang kanyang paniniwalang nasa ilalim pa rin ng kolonyalismo ang bansa
sa pangalang Pilipinas dahil ito’y
ibinatay sa naging pinuno ng Espanya na si Haring Felipe II, na tinawag niyang
‘baliw’ umano. Aniya, nagpapakita ng pagiging mahinang bansa ang pagtrato
bilang isang kolonya. Kaya upang makapagsimula muli ang bansa, dapat itong
unahin sa pangalan mismo nito na pinag-ugatan ng sariling kasaysayan.
Ang
Katotohanan sa ‘Maharlika’
Kung tutuusin, ayon kay Xiao
Chua, isang historyador, maaaring iisa lang ang tingin sa mga Timawa at
Maharlika. Pareho itong nasa gitnang uri o middle
class partikular noong prekolonyal na panahon. Naninilbihan sa mga Panginoon o Maginoo ngunit hindi naman kahalintulad
ng mga Alipin o Uripon.
Sang-ayon din dito si Rolando
Borrinaga, historyador mula sa National Commission for Culture and the Arts.
Aniya, ang ibig sabihin ng Maharlika noong unang panahon ay isang uri ng tao na
malaya o free man. Mali ang
paniniwala ng iba ngayon na ito ay nangangahulugang ‘may karangalan’. Mali ang
pagtawag dito ng royal, elitista, at aristocrat na konseptong nagmula na sa
mga Kanluraning bansa.
Mga Sanggunian:
·
Morrow,
Paul. Maharlika and the Ancient Class
System. In Other Words. January 16, 2009.
·
Minor Jr.,
Cesario. Sa Ngalan ng Iba: Pagsusuri sa
Etimolohiya ng mga Salitang Aswang at Maharlika. Littlegapanise. May 21,
2008.



No comments:
Post a Comment