Likha ni: Jun-Jun
Agosto na.
Agosto na naman!
Panigurado sa mga eskwelahan ni Juan, kabisado na ng lahat
ang ipagdiriwang. Ang nag-iisa at walang iba, ang 'buwan ng wika' na tanging sa
Kamaynilaan lang yata ang prayoridad na wika.
Umpisa na naman ng kaplastikan!
Masyado nang plastik! Oo nga't nag-Barong Tagalog, Baro't
Saya at FilipiƱa sila, oo nga't nag-Sabayang Bigkasan at Interpretatibong Sayaw
sila, ngunit natuto kaya sila kung paano gamitin ang din/rin, daw/raw, ng/nang,
at paggamit ng gitling? Nalaman kaya nila ang ibig-sabihin ng Awanggan, Salipawpaw,
Kasilyas, at Sipnayan? Napaunlad kaya yung kanilang Talasalitaan? Sino ba yung
mga naka-Barong at FilipiƱa sa kasalukuyan? Sila ba yung mabubuting ehemplo ng
pagpapahalaga at pagtatanggol sa wikang pambansa o yung mga karaniwang taong
nakapambahay? Sino ba yung kanser ng lipunan ngayon? Yung mga naka-Barong o
yung mga magsasaka? Mahilig kasi tayo sa mga palamuti at kolorete lang. Yung
kung anong maganda lang. Mas binibigyang-diin natin yung Kagandahan kaysa
Katotohanan. Tigilan na natin ang kaisipang-komersyal sa Buwan ng Wika.
Nariyan pa ang mga mapagpanggap na mananagalog nang
malalalim. Akala mo'y nasa unang panahon pa. Akala mo'y mga puristang Tagalog
talaga. "Kasi nga raw" buwan ng wika. Mauulit na naman ang mga
linyang "Ang pagmamahal sa wikang Filipino ay hindi lang pang-Agosto,
kundi pang-buong taon". Ngunit ang katotohanan, matapos lang ang buwan na
ito, balik na ulit sa normal. Pambabalahura. Pambabastos. Pagkitil sa kaisipang
Filipino at pagturing sa unang wika bilang wikang pangkalye lamang.
Totoo naman. Kahit iba-iba pa ang KWF ng tema para sa
taon-taong pagdiriwang, paulit-ulit lang naman ang ginagawa ng mga guro sa
Filipino, ng mga guro sa eskwelahan. Ang pagmukhaing fashion show, talent show,
at negosyo ang selebrasyong dapat ay pagbibigay-pugay sa mga bayaning
kinalimutan na rin pati ng mga guro natin.
Gayundin sa ibang mga pagdiriwang sa mga paaralan.
Pinopromote natin ang pangangalaga sa kapaligiran o kay Mother Earth tuwing
'Science Month' pero pagkatapos, hindi pa rin tayo marunong magtapon sa tamang
basurahan. Puno pa rin ng kalat ang mga classroom natin. Isinusulong natin ang
pagkakaisa ng maraming bansa kapag 'United Nations Day' pero patuloy pa rin ang
giyera sa iba't ibang panig ng mundo. May diskriminasyon pa rin sa ibang lahi.
Marami pa rin ang mga racist. Healthy living ang layunin kung bakit may
'Nutrition Month' pero marami pa ring overweight, obese, o kaya'y malnourished.
Marami pa ring may ayaw sa gulay.
Marami tayong quiz bee kapag 'Mathematics Month' pero marami
pa ring may ayaw sa subject na Math. Laging may English Only Policy tuwing
'English Month' pero marami pa ring estudyante ang barok kung mag-Ingles.
Tuwing Pebrero naman ay may 'National Arts Month' pero mismong mga guro hindi
marunong mag-appreciate ng sining.
Anong klaseng programang pang-akademiko ba ang iniaabot
natin sa madla? Ang maging masaya? At pagkatapos ay kumita? Paano mapatataas
ang antas ng pagkatuto at kuryosidad ng mga iskolar ng akademiya kung walang
kasusta-sustansya ang ipinagdiriwang nila. Napagtatawanan lang yata tayong
lahat. Hindi ba't layunin nating ihanda sila sa mabangis at mapanghusagang
lipunan? Hindi ba't inihahanda natin sila sa mabilisang pagbabago ng panahon?
Hindi ba't sa kanila magmumula ang susunod na henerasyon ng mga lider at
propesyonal? Nakalulungkot na ganitong 'training ground' ang inilalaan ng mga
kaguruan sa eskwelahan.
Minsan-minsan o kaya'y dalas-dalasan na natin. Lagyan naman
natin ng sustansya.



No comments:
Post a Comment