Sunday, August 11, 2019

MARIA ISABEL ALCANTARA

Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni:
Maestro Jason B. Samson

Mga Tauhan:
·         Maria Isabel Alcantara – Guro
·         Abogado
·         Aling Estella – Ina ni Cassandra
·         Hukom
·         Mga tao sa hukuman

Pangkalahatang Pagtingin:
Si Maria Isabel Alcantara ay isang napakahusay na guro. Ngunit nabago ang kanyang buhay mula nang masiraan siya ng bait. Hanggang sa inaakusahan siya ng pagpatay sa kanyang estudyante. Paano niya matatakasan ang bangungot ng kanyang buhay?


Ang Pagtatanghal:
Magbubukas ang dula sa isang hukuman. Papasok sa loob ng sesyon si Maria Isabel Alcantara.

HUKOM: People of the Philippines versus Maria Isabel Alcantara.

ABOGADO: Maria Isabel Alcantara? Ikaw ba si Maria Isabel Alcantara?

MIA: (Natatakot) O … opo! Ako po yun.

ABOGADO: Sige, ipakilala mo sa hukumang ito ang iyong sarili! Simulan mo!

MIA: Ako si Maria Isabel Alcantara. Apat na pung taong gulang. Byuda. Walang anak. Nag-iisa man ako sa bahay, pero hindi sa buhay. Marami akong anak, dahil isa akong guro. Isang mahusay na guro. Matagumpay ako sa karera ko sa pagtuturo. Kabi-kabilang parangal at papuri ang natatanggap ko.

MIA: (Nagboboses-bata) Sa katunayan nga, paborito ako ng mga bata. Sabi nila, ako raw ang pinakamagaling nilang titser. Lagi nila ‘kong binibigyan ng gifts. Lagi nila kong niyayakap. Gustong-gusto nila ko. Mahal na mahal nila ako. Ang mga estudyante ko. Kaya mahal na mahal ko rin sila.

Biglang tatayo si Maria Isabel Alcantara.

MIA: (Nagagalit) Pero, sinungaling sila! Ayaw naman talaga nila sa akin. Kasi raw, masungit ako. Istrikta raw ako. Eh paano akong hindi magsusungit sa kanila … napakaiingay nila. Konting kibot, ingay! Konting bagay, ingay! Nagsusungit ako dahil gusto ko silang disiplinahin. Ayaw nila sa’kin? Kung ayaw nila sa akin, pwes mas ayaw ko sa kanila.

MIA: (Natatawa) Pero alam kong nagbibiro lang sila. Hahahaha! Nagbibiro lang ang mga yun. Alam ko naman gusto talaga nila ko. Hahahaha! Kasi lagi ko silang pinatatawa. Lagi ko rin silang pinapauwi ng maaga. Marami rin akong regalo at sorpresa sa kanila. Hahahaha! Gusto nila ko. Favorite nila ko!

ABOGADO: Maupo ka. Huwag kang tatayo hangga’t wala kaming sinasabi. Mrs. Maria Isabel Alcantara, may estudyante ka bang nagngangalang Cassandra Delos Santos?

MIA: (Natatakot) Cassandra? Cassandra Delos Santos? Oo! Kilala ko siya. Bakit? Nasaan si Cassandra? May problema bas a kanya? Anong nangyari sa kanya?

MIA: (Iiyak) Si Cassandra. Ang pinakapaborito kong estudyante. Si Cassandra Delos Santos. Napakabait ng batang iyon. Napakagalang. At napakamasayahin. Gustong-gusto ko siya. Mahal na mahal ko ang batang iyon.

Biglang tatayo si Aling Estella na galit na galit.

STELLA: Hayop ka! Sinungaling! Pinatay mo ang anak ko! Pinatay mo si Cassandra! (Iiyak) Pinatay mo siya. Pinatay mo ang anak ko. Magbabayad ka! Magbabayad ka!

MIA: (Natatakot) Pinatay ko? Wala! Wala akong pinapatay! Sinong magbabayad? Wala akong dapat panagutan. Wala akong pinatay.

Biglang tatayo si Maria Isabel Alcantara.

MIA: (Nagagalit) Hindi ako mamamatay tao! Ang tanging gusto ko lang ay matuto ang mga estudyante ko, pero hindi ako mamamatay tao! Hindi! Hindi!

Medyo magkakagulo sa loob ng hukuman.

HUKOM: Order in the court. Order in the court!

MIA: (Masaya) Cassandra … halika iha! Sabihin mo sa kanila ang totoo. Halika! Sabihin mong wala akong kasalanan. Sabihin mo! (Biglang iiyak) Sabihin mo anak … Cassandra … Sabihin mo ang totoo.

MIA: (Natatawa) Naalala mo ba Cassandra? Di ba sinamahan pa kita sa canteen. Tapos bumili ka ng paborito mong tsokolate. Naaalala mo pa ba yun Cassandra?

ABOGADO: Maupo ka Mrs. Alcantara. Pwede ba, hindi ka maaaring tumayo hangga’t hindi ka pinapatayo. At hindi ka maaaring magsalita hangga’t hindi ka kinakausap.

Uupo si Maria Isabel Alcantara

ABOGADO: Ngayon Mrs. Maria Isabel Alcantara, sabihin mo sa amin. Naririto ba si Cassandra? Nakikita mo siya?

MIA: (Nag-aatubili) Oo! Nandito siya! Nandito si Cassandra. Naroon siya! Nakangiti. Masayang-masayang nakangiti sa akin. Ayun siya.

Tuturo sa dulo. Mapapatingin ang lahat sa likod kahit wala namang taong naroroon roon.

Tatayo na naman si Aling Stella na galit na galit habang umiiyak.

STELLA: Sinungaling! Isa kang baliw! Baliw ka! Pinatay mo ang anak ko. Baliw ka! Kaya ka nagkakaganyan dahil nag-iisa ka lang. Walang nagmamahal sayo! Wala kang kasama sa buhay. Wala! Kahit mga estudyante mo, ayaw sayo! Kasi … isa kang baliw! Wala kang kwentang titser. Dahil baliw ka! Baliw!

MIA: (Natatakot) Baliw? Sinong baliw? Hindi ako baliw. Hindi ako mamamatay-tao. Hindi ako kailanman mababaliw at hinding-hindi ko magagawang pumatay. Hindi! Hindi ako baliw!

MIA: (Iiyak) Hindi totoong baliw ako. Hindi totoong mag-isa lang ako. Maraming nagmamahal sa akin. Marami. Gusto ako ng mga estudyante ko. Nandyan din mga co-teachers ko. Sila, sila ang mga kasama ko sa buhay. Mahal nila ko gaya ng mahal ko rin sila.

MIA: (Natatawa) Hahahaha Gusto ako ng mga estudyante ko, lalo na si Cassandra. Sinabi niya sa akin na favorite niya ko. Hahahaha

STELLA: Tingnan niyo na! Baliw siya! Sinong maniniwala sa pinagsasasabi niya, nasisiraan na siya ng bait. Dapat sa kanya sa ospital at hindi sa kulungan!

Biglang sisigaw si Maria Isabel Alcantara.

MIA: Pagmamahal! Iyon ang kailangan ko. Oo! Nag-iisa ako. Nag-iisa lang ako. Nangungulila ako sa pagmamahal ng mga estudyante ko. Pero hindi ko kailanman magagawa ang mga sinasabi ninyo. Isa akong guro. Hinding-hindi ko kayang pumatay. Hindi ako mamamatay-tao at hinding-hindi ako baliw.

ABOGADO: Mrs. Stella, tayo po ay nasa proseso. Maupo po kayo! Mrs. Maria Isabel Alcantara, magpatuloy tayo. Sagutin mo kami ng diretso. Nang walang paligoy-ligoy. Ano ho bang alam ninyo sa pagkamatay ng estudyante ninyong si Cassandra?

Tatayo na namang muli si Maria Isabel Alcantara, lalakad papuntang harapan ng hukuman. Kahit pinipigilan siya, magpapatuloy sa pagpapaliwanag.

MIA: (Nakatulala) Pinatay. Pinatay siya. Pinatay ang estudyante kong si Cassandra. (Biglang sisigaw) Pinatay siya! Walang habas na pinatay.

MIA: (Nagagalit) Sa likod ng gusali ng paaralan. Sa tambakan ng basurahan. Malupa at maputik ang lugar na iyon. Maraming puno’t halaman. Walang masyadong tao ang dumadayo. Hubad ang kanyang uniporme. Basag ang bungo. Bali ang mga buto. Sira ang buo niyang pagkatao. Pinatay siya roon. Pinatay si Cassandra. At ang pumatay? Kilala ko. Kilala ko ang pumatay sa kanya. Siya … ay si … si …

Biglang mahihimatay si Maria Isabel Alcantara. Magkakagulo ang lahat.

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...