Sunday, August 11, 2019

MAC & ARTHUR


Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni:
Maestro Jason B. Samson

Mga Tauhan:
·         Mac
·         Arthur

Pangkalahatang Pagtingin:
Matalik na magkaibigan sina Mac at Arthur. Halos kapatid na nga ang turing nila sa isa’t isa. Magkaklase sila mula pa noong sila ay nasa unang baitang at ngayong pareho na silang nasa kolehiyo, nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagkakaibigan. Ngunit masisira nga ba ito nang dahil sa pagbabagong magaganap ng isa sa kanila?

Pagtatanghal:
Papasok sa entablado sina Mac at Arthur na nagdidiskusyon.

ARTHUR: (Naiinis) Ano ka ba naman Mac? Bakit mo naman sinabi kay Mommy na ilang araw na kong hindi pumapasok sa school? Ayan tuloy, hindi ako binigyan ng allowance this week.

MAC: Bakit? Yun naman talaga ang totoo eh. Nagtanong siya kung bakit puro bagsak ang mga grades mo at late ka na umuuwi kapag gabi. Sinabi ko lang ang totoo.

ARTHUR: Yun na nga eh! Para namang hindi kita bestfriend. Last week, sinabi mo rin kay Shiela na nag-inuman kami ng mga classmates ko kaya di ako nakapunta sa debut niya.

Nakatingin lang sa kawalan si Mac habang nakikinig kay Arthur.

ARTHUR: Tapos nung isang araw, sabi mo tutulungan mo ko sa project ko sa Science, pero ano? Hindi ka sumipot sa bahay! Ano ba talagang problema mo bro? Bakit nagkakaganyan ka?

Tinitigan ni Mac si Arthur ng masama.

MAC: Wala.

ARTHUR: Eh bakit ka nga ganyan? Simula nung naging kami ni Shiela last month, kumukulo na lagi yung dugo mo sa’ming dalawa. Bakit Mac? Gusto mo rin ba si Shiela?

MAC: Hindi. Wala kong gusto sa kanya.

ARTHUR: Pwes, sagutin mo ko. Bakit ang lamig na ng turing mo sa’kin? Kaibigan mo ko di ba? Para na tayong magkapatid.

MAC: Wala nga di ba! Umalis ka na nga, marami pa kong gagawin.

Kukuhanin ni Mac ang mga libro niya at akmang aalis.

ARTHUR: Ngayon pinapaalis mo na ko! Bakit ba Mac? Ano ba talagang problema? (Naiinis na)

Hindi na makapagtitimpi pa si Mac, ibabagsak niya sa sahig ang mga libro at makapagsasalita siya nang pasigaw.

MAC: Kasi MAHAL KITA!!!

Mabibigla si Arthur. Mapapatulala sa kaibigan.

MAC: (Mahinahon na) Mahal na kita. Higit pa sa pagiging kaibigan.

ARTHUR: (Naguguluhan) Ha? A … anong mahal? A … ano bang sinasabi mo?

MAC: Nahuhulog na ang loob ko sayo. Habang tumatagal mas lumalalim ang pagtingin ko sayo. Hindi ko alam … hindi ko alam kung bakit nangyayari ito. Basta, isang araw na lang na-realize kong … gusto na kita.

ARTHUR: Mac, teka nga. Ano bang sinasabi mo? Anong mahal? Anong gusto? Mac!!! Naririnig mo ba ‘yang sinasabi mo? Mac, bakla ka?

Mapapatulala si Mac. Parang hindi alam ang isasagot.

MAC: Hindi. Ewan. Siguro. Basta ako pa rin ‘to. Si Mac. Bakla? Ako? Hi … hindi ko alam.

ARTHUR: Sabihin mo nga sa’kin, kailan pa ‘to? Matagal na ba?

MAC: Hi … hindi ko alam.

ARTHUR: P’re naman eh. Kinaibigan kita mula pa noong nasa high school tayo! Kasama ka pa namin sa basketball lagi. Tapos noon pa pala niloloko mo na kami! Hindi ka pala tunay na lalaki! At ang masama pa doon, ako pa ang gusto mo!

MAC: Bro, pasensya na. Hindi ko talaga alam ang nangyayari eh. Hanggang ngayon naguguluhan pa rin ako.

Maiinis si Arthur. Mapapalakas ang boses.

ARTHUR: Bakit hindi mo alam??? Ano ba Mac??? Niloloko mo ba ko??? Hindi na magandang biro ‘to ahh.

MAC: Arthur, hindi kita niloloko. Sinabi ko ‘to sayo kasi … Kasi nahihirapan na ko. Hindi ko na kayang itago pa sayo ang nararamdaman ko.

ARTHUR: Baliw ka ba Mac? Pareho tayong lalaki. Hindi pwede! Isa pa … magkaibigan tayo. Since grade school magkasama na tayo. Tapos … tapos ganito?

MAC: Bro, hindi naman kita pinipilit na magkagusto rin sa’kin. Gusto ko lang talagang sabihin sayo kung ano ako. Dahil ayoko nang itago ito. Ayaw kitang lokohin kasi kaibigan kita. Sinubukan ko namang pigilan pero …

Hindi na matatapos ang sasabihin ni Mac at agad na sisingit si Arthur.

ARTHUR: Tama na Mac! Pwede ba? Tama na. Siguro, tapusin na natin ‘to dito. Ayoko na … ayoko nang makita ka pa. Wala kang kwentang kaibigan Mac! Parang kapatid na turing ko sayo tapos ganito! Sinira mo Mac, sinira mo pagkakaibigan natin.

MAC: Arthur …

ARTHUR: Mac … huwag ka na ulit makikipagkita sa akin. Ayaw na kitang makita pa. Kung anuman ‘yang nararamdaman mo, pwede ba … itigil mo na ‘yan. Wala kong kaibigang sinungaling! At mas lalong wala akong kaibigang bading!

Sabay talikod ni Arthur. Hahakbang ng tatlo pero titigil. Nakatalikod lang sa kaibigang nanlulumo. Parang may pumipigil sa kanyang umalis.

Maya-maya, haharap si Arthur ulit kay Mac.

ARTHUR: May nakalimutan pala ako.

Isang malakas na suntok ang pakakawalan ni Arthur kay Mac. Tatalsik ang kaibigan at aalis na si Arthur.

Umiiyak na ngayon si Mac. Nagsisisi. Nagbalik sa kanyang ala-ala ang masasayang pagkakataon na magkasama pa silang magkaibigan.

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...