Sunday, August 11, 2019

SAAN NAGTATAGO SI HAPPINESS? "SA PANININDIGAN"

Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni:
Maestro Jason B. Samson

Mga Tauhan:
·         Ligaya – isang estudyanteng sinubok ang paninindigan matapos masangkot sa isang malaking eskandalo sa kanyang paaralan.

Magsisimula ang dula sa pagpaparinig ng iba’t ibang tunog ng mga tanong nagsasalita sa iba’t ibang emosyon.


Isang maikling monologo ni Ligaya habang nakaupo. Biglang sisigaw.

LIGAYA: Oo!!! Ako … si Ligaya.

------------------------ B1 ---------------------------------

LIGAYA: Tama kayo ng nadinig! Ligaya ang pangalan ko. Ibig sabihin, walang poot. Walang galit. Sa pangalan, kilala ko ang sarili ko. Alam ko ang kahulugan niya. Pero ako, yung mismong ako, tila hindi ko na yata kilala ang sarili ko. Hindi ko siya makilala. Hindi ko na rin siya makita … at maramdaman. Dahil sa isang ... iskandalo!

Maririnig ni Ligaya ang isa-isang boses ng mga taong nasa likod niya na may kinalaman sa kaniya hanggang sa manghina siya.

BABAE 1: (Nagagalit) Nakakahiya ka! Honor student ka pa naman. Pero nagawa mong mandaya. Kami nga itong halos hirap na hirap na sa mga exams, pero ikaw! Ikaw na nga matalino, manadaraya ka pa!

LALAKI 1: (Nang-aasar) Buti na lang nakipaghiwalay na ko sayo. Dahil kung hindi, baka mapasama pa ako. Baka hindi ako maka-graduate tulad mo! Matalino, pero mandaraya? Nakakahiya ka! Cheater!

BABAE 2: (Nanghihinayang) Bes, pasensiya na ahh. Pinagbawalan na kasi ako ni Mommy na makipagkaibigan sayo. Ayaw na niyang makita na kasama kita kahit saan dahil doon sa nangyari. Sorry bes ahh.

LALAKI 2: (Nagmamakaawa) Pasensiya na talaga. Ako naman talaga ang may utos sayo na nakawin natin yung kopya ng mga exam sa office. Nadamay ka pa. Sana mapatawad mo pa ako.

Dalawang beses na uulitin ang mga pahayag.

Sa huling sultada, sabay-sabay na sasabihin ang mga pahayag.

Muling sisigaw si Ligaya

LIGAYA: Tama na! Tigilan niyo na ko! Hindi ako mandaraya! Ilang beses ko bang sasabihin na hindi ako nandaya. Matalino ako, masipag, pero kailanman hindi ko magagawang mandaya! Hindi ko kailangang mandaya para tumaas ang mga grades ko. Hindi ako mandaraya!

BABAE 1: (Nagagalit) Kumalat na sa lahat. Sa facebook, sa twitter, at kung saan-saan pa na nandaya ka. Nahuli ka na nga eh! Tapos ngayon, nagagawa mo pang magsinungaling.

LALAKI 1: (Nang-aasar) Grabe ka! Ang lakas pa rin talaga ng loob mo no? Wala kang kahiya-hiya. Kaya pala lagi kang perfect sa exams kasi mandaraya ka!

BABAE 2: (Nanghihinayang) Nabalitaan din kasi ni Mommy Bes eh! Yung kaso mo sa Student Discipline Office, nalaman niya. Kaya huwag na muna tayong magsabay pauwi Bes ahh.

LALAKI 2: (Nagmamakaawa) Patawad, dahil sa akin hindi ka na rin makaka-graduate. Dapat talaga, ako lang yung may kaso eh. Pati tuloy ikaw. Patawarin mo ako.

Dalawang beses na uulitin ang mga pahayag.

Sa huling sultada, sabay-sabay na sasabihin ang mga pahayag.

Muling sisigaw si Ligaya

LIGAYA: Oo!!! Oo na! Ako nga ito. Si Ligaya, yung madaraya. Oo! Mandaraya na ko. Nandaya ako. Totoo, pumasok ako sa principal's office at ninakaw ang mga kopya ng exams. Totoo, gumawa pa ko ng kodigo para sa sagot ng lahat ng exams. Pero hindi ako masamang tao. Hindi. At hinding-hindi.

LIGAYA: Naririndi na ko sa inyo. Hindi ko na kayo maintindihan. Kung galit kayo sa’kin, dahil nandaya ako sige iwanan niyo ko. Iwanan niya na ko. At huwag na huwag niyo na kong babalikan pa.

Biglang tatayo sa kinauupuan si Ligaya. Hindi na galit sa pagsasalita.

LIGAYA: Malapit na ang graduation, gusto kong makasiguro na gagraduate ako with honors. Kaya nagpakasiguro ako. Pumasok ako ng principal's office nang walang paalam. Hinanap ko ang mga kopya ng final exams sa lahat ng subjects. Kinuha ko lahat nang iyon. Inuwi ko at nireview. Gumawa pa ko ng kopya ng mga sagot para masiguro kong perfect ang mga scores ko. Oo! Nandaya nga ako!

Titingin sa kawalan si Ligaya.

LIGAYA: (Nagdudusa) Ligaya … nasaan ka na ba talaga? Hindi na kita makita, o marinig, o maramdaman. Ako yung sinisisi nila dahil sa kagagawan mo. Nagmamakaawa ako sayo. Tulungan mo ako. Dahil sa kasalanan mo, baka hindi ko na matupad pa ang nga pangarap ko. Hindi mo ba talaga ko tutulungan? Iiwanan mo na lang din ba ako? Tulad nila.

------------------------ B2 ---------------------------------

Tutugtog ang kantang “Sino ako” ni Regine Velasquez.
Nakatulala lamang si Ligaya.

Pagkatapos ng kanta. Magsasalita ulit si Ligaya.

LIGAYA: Oo. Natukso ako. Natukso ako ng kapalaran ko. Niloko ako ng sariling ako. Pero maniwala kayo sa’kin, hindi ko ‘yon ginusto. Hindi ko ginustong mandaya. Sana, sa muling pagkakataon, maintindihan niyo ako. Ginawa ko yun dahil sa pressure. Sa pressure ng mga magulang ko. Nandaya ako para siuradong makaka-graduate ako with honors. Pero ... Hindi. Hindi ako masamang tao.

Titingin ng diretso si Ligaya.

LIGAYA: Kung ayaw niyo kong patawarin, habambuhay akong hihingi ng tawad sa inyo. Mom … Dad … I’m sorry, hindi ako gagraduate.

------------------------ B3 ---------------------------------

Mahihimatay si Ligaya.

Magdidilim ang entablado.

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...