Sunday, August 11, 2019

ISANG KUWENTONG HINDI MASYADONG NAKAKAKILIG


Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni:
Maestro Jason B. Samson

Mga Tauhan:
·         Lalaki
·         Babae
·         Mga pasaherong naghihintay
·         Konduktor

Pangkalahatang Pagtingin:
Oras na ng uwian. Papauwi na rin ang dalawang mag-ex na magkakasalubong sa isang terminal ng tricycle kung saan sila sasakay. Dito magsisimulang magparinigan at mag-hugotan ang lahat.


Ang Pagtatanghal:
Magkakatinginan ang dalawa sa pagsasalubong nila. Akward moment ito para sa kanilang dalawa. Pero patay-malisya parehas. Palinga-linga na lang habang naghihintay ng paparating na tricycle. Pipila ang dalawa sa mga pasaherong nakahanay at naghihintay rin ng tricycle.

Hugot #1.

BABAE: Hayyy, ano ba yan! Walang tricycle. Pati ba naman tricycle na kailangan sa buhay, mawawala pa. Tricyle na nga lang matino sa mundo eh. Biruin mo, isasakay kang special. Ihahatid ka pa kahit hanggang sa bahay mo. At hindi basta-basta nagloloko. Di tulad ng iba diyan ... na mga sasakyan!

LALAKI: Ang hirap naman kasi sa ibang pasahero, hindi marunong maghintay. Gusto agad-agad! Kapag kailangan ng masasakyang, kailangan nandiyan agad! Eh paano kung busy. Paano kung may nakasakay pang ibang pasahero. Gusto kasi ng iba, lahat ng oras ay sa kanya.

BABAE: Ang tagal naman ng mga tricycle. Baka mamaya, nakahanap na ng iba ... ibang pasahero. May bagong na namang espesyal para sa kaniya. Di man lang nila naisip na may nangangailangan sa kanila na matagal nilang pinaghintay. Pero pinaghintay sa wala!

LALAKI: Ang hirap kasi sa ibang pasahero, gusto sila lang ang priority sa buhay. Akala naman niya, mahal ang ibinabayad niya. Tapos manghihingi pa ng discount. Hihingi pa ng sukli. Dapat kung anong ibinigay mo, ibigay mo ng buo. Huwag ka nang manghihingi pa ng kapalit. Lahat na lang dapat may kapalit.

BABAE: Tapos, yang mga tricycle driver na yan, hindi marurunong makuntento yan. Gusto niya maramihan. Kasi nga, mas marami mas masaya. Di nila alam, may isang nasasaktan na ... sa loob ng tricycle. Pwede namang isa lang, pero hahanap pa ... ng ibang pasahero.

LALAKI: Ako saludo ako sa mga tricycle driver. Kasi kahit pagod na sila, hindi sila nang-iiwan. Kasi alam nilang may naghihintay pa rin sa kanila. Sa kanila nga, 25 pesos lang, special ka na. Sa iba, binigay mo na't lahat, susupladahan ka pa.

BABAE: Dito na nga lang ako sa dulo ng pila. Mas okay ng ako yung pinakahuli, para hindi na ko makikipagsiksikan. Hindi na ko masasaktan pa. Hindi man ako yung una, atleast alam kong may darating pa na ako na lang mag-isa ang para sa kanya.

LALAKI: Kapag nakasakay ka na sa tricycle, humawak kang mabuti. Baka kasi mahulog ka. Tapos, kapag walang sumalo, magagalit ka. Kalsada ang dadaanan mo, at hindi kamay na laging nakaaalalay.

Isa-isang magsasalita at huhugot na rin ang iba pang pasaherong nakapila. Magugulat sina Lalaki at Babae.

Hugot #2.

PASAHERO 1: Miss, kain ka nang kain dyan. Share your blessings naman!

PASAHERO 2: Share your blessing? Pati ba naman ikaw makiki-share din? Ano ba naman ate, Kaya nga nagkanda-leche-leche ‘tong buhay ko dahil sa inyong mga nakiki-share. Mga panira kayo eh. Dapat sa inyo mawala na sa mundo!

PASAHERO 1: Oh eh di ikaw na! Sige na kainin mo na! Sana mabusog ka! Kasi pati mga pangako mo, kinain mo na!

Hugot #3.

Magtatanong si Pasahero 3 kay Pasahero 4.

PASAHERO 3: Manong magkano po padiretso sa Brgy. Maligaya?

PASAHERO 4: Singkwenta pesos po!

PASAHERO 3: Ang mahal!!!

PASAHERO 4: Mahal? Ilang beses ko nang narinig yang salitang yan! Mahal! Ni wala nga kong naramdaman sa sarili ko eh! Ni hindi ko nga naramdaman yung sinasabi mong mahal. Katulad mo rin ako … nagbabayad. Sige nga, iparamdam mo nga sakin yung mahal na yan.

Hugot #4.

Magtatanong si Pasahero 5 sa konduktor.

PASAHERO 5: Kuya, wala pa ho ba? Ang tagal naman! Nagmamadali na ko!

KONDUKTOR: Baka ho parating na. Hintay-hintay lang po. Pasensya na.

Biglang sisigaw si Pasahero 5

PASAHERO 5: Pasensya? Ha Manong, pasensya? Sa tindahan lang nakakabili ng pasensya! Binigla niyo kami! Hindi man lamang kayo nagpasabi. Ganyan na lang ba kayo lagi? Yung basta-basta na lang. Hindi niyo ba naisip yung mararamdaman namin. Yung mangyayari sa amin pagkatapos nito. Hindi! Kaya hindi ko matatangap yung pasensya ninyo!

Lalapit ang konduktor dahil sa ingay na nagaganap.

Hugot #5.

KONDUKTOR: Tumigil na nga kayo sa pagpaparinig sa isa't isa. Ang iingay ninyo kanina pa! Ikaw miss, Saan ka ba?

BABAE: Kuya, sa Brgy. Bigay Sitio Kuha Ubos-Biyaya tapos Change Jowa!

KONDUKTOR: Eh ikaw boss, saan ka?

LALAKI: Kuya, sa Brgy. Tamang Hinala Walang Tiwala Minahal mo ng Tama ikaw pa Masama!

LALAKI/BABAE: Eh ikaw kuya, tagasaan ka?

KONDUKTOR: Tagarito lang sa terminal!

Sasayaw ang konduktor at iba pang pasaherong nakapila ng budots. Mabibiwisit sina Lalaki at Babae.

LALAKI: Hmp, makapaglakad na nga lang.

BABAE: Magta-taxi na nga lang ako.

Mag-aalisan lahat ng pasahero at maiiwan lang ang konduktor. Sasayaw siyang mag-isa ng budots.

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...