Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni
Maestro Jason B. Samson
Sa Panulat at Direksyon ni
Maestro Jason B. Samson
Mga Tauhan:
· Inday Bebang
– Kasambahay
·
Lalaki sa
telepono
Pangkalahatang
Pagtingin:
Matagal nang
kasambahay si Inday Bebang sa pamilya Buenavista. Halos kapamilya na rin ang
turing sa kanya ng mga ito. Pinagkakatiwalaan siya ng pamilya sa lahat ng bagay
dahil sa pagiging masipag at masunurin. Ngunit malalagay sa alanganin si Inday
Bebang dahil lamang sa isang pagkakamali?
Ang Pagtatanghal:
Magbubukas ang dula habang nakaupo si Bebang sa
sofa.
Production Number …
NARRATION: Siya si Bernardo Carpio Policarpo. Mas kilala sa pangalang
Bebang. Iyon ang tawag sa kanya ng nanay niya, ng tatay niya, ng mga kapatid
niya, ng mga kaibigan niya, kahit ng … ng boyfriend niya (Magiging Pabebe). Basta! Bebang ang pangalan niya. Hindi siya
nakatapos ng pag-aaral. Hanggang grade 4 lang siya. Pero marunong siyang
magbasa, magsulat, at magbilang. Marunong din siya sa mga gawaing-bahay. Kaya
niyang maglaba, mamalantsa, magluto, at mag-alaga ng bata. Kaya siya namasukan
bilang kasambahay. Kasambahay sa isang mayamang pamilya. Ang Pamilya
Buenavista.
NARRATION: Mabait ang pamilya Buenavista. Hindi nila kailanman
pinaramdam kay Bebang na hindi siya parte ng kanilang pamilya. Ang Sir niya?
Mabait. Siya mismo ang nagpapasweldo kay Bebang. Siya rin Boss sa bahay. Siya
kasi ang may pinakamalaking kita sa pamilya. Isa pa, isa siyang sundalo. Mataas
na ang ranggo sa Armed Forces of the Philippines. Ang Ma’am niya? Matulungin.
Kahit na kasambahay lang siya, tinutulungan pa rin siya sa mga trabaho sa
mansiyon nila. Ang mga anak nila? Magagalang at masisipag mag-aral.
Napakagandang pamilya nila. Perpekto ang pamilya Buenavista.
NARRATION: Iyon nga lang, binigyan nila si Bebang ng bansag. Tinawag
nila siyang Inday. Kaya sa mansiyon nila, Inday Bebang ang tawag nila. Sa
tuwing nag-uutos ila, Inday Bebang ang tawag nila. Inday Bebang, pakibuksan ang
gate! Inday Bebang, pahingi ng tubig! Inday Bebang, pakilinis ng kwarto ko!
Puro Inday Bebang … minsan nga, Inday na lang ang tawag nila kay Bebang. Sa
katunayan nga, binigyan pa nila ko ng cellphone. For emergency purposes daw.
Napakabait talaga nila.
NARRATION: Pero isang gabi, dalawa lang sila Inday at Ma’am niya sa
mansiyon. Mag-aalas-dose na ng hatinggabi. Wala pa ang Sir niya. Si Ma’am niya,
nakatulog na sa paghihintay. Yung anak nilang lalaki, nag-sleep over sa
kaklase. Yung anak nilang babae, umattend ng party. Yung bunso, nag-camping sa
school. Nanonood si Inday noon ng TV. Pinapanood niya si Claudine Barretto.
Sinasabayan siya sa pag-iyak. Ang galing-galing kasi niyang umarte. Pang-Best
Actress talaga. Nang biglang tumunog ang cellphone ni Inday.
Tunog ng cellphone …
BEBANG: Hello, Buenavista Residence … Sino po ito?
LALAKI: Hello, Inday! Ang sir mo ‘to. Sinong nandyan sa bahay?
BEBANG: Ay sir kayo pala. Kami lang po ni Ma’am ang nandito sa bahay.
Wala pa ho ang mga bata.
LALAKI: Wala kong pakialam sa mga bata! Nasaan ang ma’am mo?!
BEBANG: Ah eh, nasa kwarto po sir.
LALAKI: Anong ginagawa?
BEBANG: Ah eh, tulog na po yata. Nakatulog na sa kakahintay sa inyo.
LALAKI: Akyatin mo nga! I-check mo kung tulog na talaga!
BEBANG: Ah sir, hindi naman po ako pumapasok ng kwarto niyo di ba? Baka
magalit si ma’am.
LALAKI: Bakit? Sino ba ang boss mo sa bahay?
BEBANG: Kayo po sir. (Natatakot)
LALAKI: Sinong nagpapasweldo sayo?
BEBANG: Kayo po sir. (Mangiyak-ngiyak)
LALAKI: Oh! Eh di ako ang sundin mo! Umakyat ka na at i-check mo kung
tulog na ang ma’am mo! Ngayon na!
BEBANG: Ito na po sir aakyat na.
Pupunta sa gilid na kunwari’y kwarto …
BEBANG: Sir, tulog na po si ma’am.
LALAKI: I-check mo nga kung mahimbing na! Lapitan mo!
BEBANG: Sir? Lalapitan ko po? Baka po magising si ma’am. Mapapagalitan
po ako. (Natatakot)
LALAKI: Ano ba? Sino ba ang boss mo sa bahay?
BEBANG: Kayo po sir. (Natatakot)
LALAKI: Sinong nagpapasweldo sayo?
BEBANG: Kayo po sir. (Mangiyak-ngiyak)
LALAKI: Oh ano na? Lapitan mo na ang i-check mo kung mahimbing na!
BEBANG: Ito na po sir, lalapitan na po.
Lalapitan ni Bebang ang kama …
BEBANG: Sir, tulog na po. Mahimbing na ang tulog ni ma’am.
LALAKI: Sigurado ka Inday?
BEBANG: Opo sir, mahimbing na mahimbing na.
LALAKI: Ngayon, kumuha ka ng unan! Tapos italukbong mo sa mukha ng ma’am
mo!
BEBANG: Ha? Sir? Bakit po?
LALAKI: Huwag ka nang maraming tanong! Basta kumuha ka ng unan tapos
italukbong mo sa ma’am mo hanggang sa mawalan na siya ng hininga! Ngayon na!
BEBANG: Sir, baka po mamatay si ma’am. (Takot na takot)
LALAKI: Malamang mamamatay nga yan! At iyon ang gusto kong mangyari!
Kaya gawin mo na.
BEBANG: Sir, bakit po?
LALAKI: Sundin mo na alang ako Inday! Sino bang boss mo sa bahay?
BEBANG: Kayo po sir. (Natatakot)
LALAKI: Sinong nagpapasweldo sayo?
BEBANG: Kayo po sir. (Mangiyak-ngiyak)
LALAKI: Oh, gawin mo na! Kumuha ka na ng unan at italukbong mo sa ma’am
mo hanggang sa mawalan na siya ng hininga.
BEBANG: Ito na po sir. Gagawin na po.
Kukuha si Bebang ng unan at itatalukbong sa ma’am
niya hanggang sa mawalan na ito ng hininga …
BEBANG: Sir … Sir … (Mangiyak-ngiyak)
LALAKI: Oh, ano nang nangyari?
Umiiyak si Bebang …
BEBANG: Sir, patay na si ma’am! Hindi na siya humihinga! Patay na siya!
LALAKI: Hahahaha! Magaling Inday! Magaling! Maasahan ka talaga. Hayaan
mo’t dodoblehin ko ang sweldo mo, Inday Maria …
Magtataka si Bebang sa narinig …
BEBANG: Sir? Sinong Inday Maria?
LALAKI: Ikaw? Di ba ikaw si Inday Maria?
BEBANG: Sir, si Inday Bebang po ako! Hindi po ako si Inday Maria!
Magugulat ang lalaki …
LALAKI: Ha? Ganoon ba? Ay sorry! Wrong number!
Magugulantang si Bebang …

No comments:
Post a Comment