Sa mga ulap sumisilip,
Sa likod ng mga tala,
Kahit sulyap lang Darna.
- Kamikazee (Narda, 2006)
Isang
natatanging babaeng may natatangi ring lakas at popularidad sa mga Pilipinong
mambabasa ng Komiks noon at mga Pilipinong manonood naman ngayon. Si Darna. Ika
nga mismo ni Ravelo, ‘Ang Kamangha-manghang Dilag’. Sabi rin ng Kamikazee, siya
ang dalagang nababalot ng hiwaga. Bukod sa kaniya, binuhay rin ni Ravelo sina
Captain Barbell, Lastikman, at Dyesebel noon. Ngunit natatangi talaga ang
karakter ni Darna sa lahat ng mga kathang-isip na Pinoy Superheroes sa mundo ng
Komiks sa Pilipinas. Bagama't piksyon lamang, nananatili ang kasikatan ni Darna
kung sa pelikula't telebisyon lang naman ang pinag-uusapan.
Si DARNA sa isip
natin.
Sa katotohanan,
1947 pa nilikha ni Ravelo si Darna. Orihinal na pangalan nito ay 'Varga' at
nailimbag sa Bulaklak Magazine. Ngunit kalauna'y nagkaroon ng sariling
pagkakakilanlan si Varga (pagmamay-ari ng publikasyon ng Magasin) at panibagong
karakter naman si Darna (pagmamay-ari mismo ni Ravelo). Kadalasan ring
ikinukumpara ang karakter ni Darna kay 'Wonder Woman' ni William Moulton
Marston ng Amerika partikular na sa Hollywood. Bakit hindi? Pareho rin naman
silang babaeng nagliligtas ng mga naaapi at pareho lamang ng panahon sila
dumating sa imahinasyon ng kani-kanilang mga tagapagtangkilik. Ngunit ayon
mismo kay Ravelo, nakikita niya si Darna bilang kawangis ng kaniyang ina na
nagtaguyod sa kanilang pamilya nang mag-isa. Sa ganoong persepsyon niya nakita
ang isang Pinay Superhero.
Binuo ni Mars
Ravelo ang pagkatao ni Darna bilang isang dalagang pilay na lumaki sa hirap at
nagngangalang 'Narda' (binaligtad na salitang 'Darna'). Siya'y nakapulot ng
isang kakaibang bato mula sa bulalakaw sa kalawakan, at kapag ito ay kaniyang
nilunok, nagiging isa siyang ganap na maskuladong babae na tagapagtanggol ng
mga naaagrabyado. May pambihirang lakas, kakayahang lumipad at bilis ng pagkilos.
Maliban kay
Darna, hindi rin maitatanggi ang ilan pa sa mga sikat na tauhan sa kaniyang kuwento.
Sino ba naman ang hindi makalilimot kay Ding? Siya lang naman ang nakababatang
kapatid ni Narda na kadalasang nagtatago ng mahiwagang bato. Kaya nga sikat ang
linyang "Ding ... ang bato!" Gayundin ang mortal na kalaban ni Darna
– si Valentina, ang babaeng ahas. At si Lola Asay na nag-aruga sa dalaga noong
bata pa siya matapos maulila.
Makikita rin ang
pagka-Pinoy sa mismong imahe ni Darna. Inspirado ang mapulang damit ni Darna sa
pulang kulay sa ating watawat na simbolo ng katapangan. Ang mahabang tela sa
bandang ibaba ni Darna ay mukha naman ng tradisyong bahag ng mga katutubo.
Ngunit may halo ring impluwensyang banyaga ang pagsusuot ng boots na sapin sa
paa.
Itinuturing na
sa kasalukuyan si Darna bilang isang Filipino Cultural Icon. Mapababae, lalaki,
o anumang sekswalidad, bata man o matanda, kilala siya. Alam ang kuwento niya.
Isa pa, maliban sa Komiks makailang beses na ring isinapelikula at
isinatelebisyon ang karakter ni Darna.
Si DARNA sa puso
natin.
Maaaring tignan
si Darna bilang prinsipyong Feminista. Sapagkat, sa dami ng mga superhero na lalaki,
mayroon pa ring binuhay na para naman sa mga babae. Sa panahong nilikha si
Darna, sa panahong patriyarkal din ang paniniwala, nanindigan pa rin ang isang
babaeng maaari ring maging tagapagtanggol ng mga inaabuso. Tila siya ang
'Gabriela Silang' ng bagong henerasyon. Ang kaiba nga lang, tapang at lakas
lang si Silang at walang salamangka. Siya rin ang Maria Clara ng kaniyang
panahon. Mahinhin, konserbatibo, animo’y takot at duwag at sunod-sunuran tulad
ng karakter ni Rizal. Ngunit tulad ni Narda, nawawala ang pagkabahag ng buntot
kapag nilukuban na ng mahiwagang salamangka dulot ng bato. Kapag ang simpleng
si Narda ay nagiging Darna na.
Ngunit, kaiba sa
piksyong karakter, may maituturing din tayong mga Darna sa totoong buhay.
Nariyan ang mga babaeng naglilingkod sa pamahalaan, mga OFWs, Titser, Doktor,
Abugada na pawang mga kababaihan. Mga empleyadong babae na hindi na lamang
alalay o sekretarya ng among lalaki. At siyempre, ang mga ilaw ng tahanan, sila
ang mga Darna ng ating realidad.
Pero higit kailan
pa, si Darna ang makabagong Pilipina. Mga Darnang handa nang kumilos, lumaban,
at sumuong sa digmaang pang-utak, pangkamay, at pandamdamin. Sila ang mga Darnang
ngayong hindi na patitinag sa gasgas ng patriarkal na paniniwalang alipin at
parausan lamang ng kalalakihan. Mga Darnang may sarili ng desisyon sa buhay at
pananaw sa mga isyung pambayan. Mga Darnang hindi na lamang pantahanan, hindi
na rin pampamilya, pang-isports na’t pang-industriya pa. At mga Darnang hindi
na mapipikot ng kalikutan ng pag-ibig, hindi na maabuso ng mga macho, at hindi
na maloloko kahit ng sinumang Valentina. Darnang magsisilang pa ng mas maraming
Darna.
Ang paglikha ni
Ravelo kay Darna ay patunay na marami ang nananatiling tulala sa langit,
naghihintay ng sasaklolo sa kani-kanilang mga suliranin. Mga suliraning tila
salamangka na lamang ang sosolusyon. Naghihintay sila ng kahit sino lang,
walang pinipiling kasarian.
Bayani si Darna.
Kathang-isip man pero naging inspirasyon sa maraming Pilipinong naghahanap ng
mga taong maaaring sumalba mula sa kani-kanilang suliranin sa buhay. Iyon nga lamang,
dahil nga piksyon lamang, hindi rin dapat umasa sa mga tulad niyang totoong
bayani ang pansariling pag-unlad. Hindi siya mayaman. Hindi rin siya anak ng
politiko. Wala sa anumang mahiwagang bato ang ating kapalaran. Magsumikap.
Magtiyaga. Para hindi tayo naaapi. Tumulong sa mga nangangailangan. Para maging
Darna tayo sa ating kapwa.