Kabanata
1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya
Sa gitna ng community quarantine, nagsimula
ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tabo sakay-sakay ang higit 110 milyong
katao. Naglalayag ito sa Manila Bay galing ng lungsod Dabaw. Nasa itaas na
kubyerta ng bapor ang ilang matataas na tao sa lipunan, tulad ni Don Custodio
na dakilang alalay at tagapagsalita ng pamahalaan, si Ben Zayb na isang mamamahayag,
ang negosyanteng si Donya Victorina, si Padre Salvi, at ang mag-aalahas na si
Simoun. Napag-usapan nila ang kumikinang-kinang na puting buhanginan sa may
dalampasigan ng Manila Bay na animo’y white sand ng isang sikat na beach resort
ngunit artipisyal lamang ito na kung tawagin ay dolomite, isang uri ng
buhangin.
Ayon kay Simoun, dapat sana’y ipinamahagi
na lamang ang milyon-milyong pondo ng rehabilitasyon nito sa mga nagugutom, mga
walang trabaho, o mga manggagawang mababa ang sweldo lalo na ngayong may krisis-pangkalusugan.
Tinutulan naman ito ni Don Custodio, aniya hindi naman kakayaning pakainin o
bigyang-sustento ang lahat ng tao ng halos 389 milyong badyet lamang nito at
isa pa ito’y bahagi lang ng pagpapaganda ng siyudad na makatutulong din umano
sa mental health lalo na ngayong pandemiya. Sinabi naman ni Donya Victorina na
mas mabuting gawing subdibisyon na lamang ang mga bakanteng pampang na
tinambakan ng dolomite sand, magbibigay-oportunidad pa ito sa mga
taong-lansangan na pagala-gala lang at walang matirahan, isasangguni raw niya
ito sa real estate company ng kaniyang pamilya. Sinita naman ni Padre Salvi ang
lahat dahil sa hindi pagsunod sa mga health protocols. Napansin niyang walang
mga facemask at hindi nasusunod ang social distancing. Ngunit sinabi naman ni
Don Custodio na lahat ng nasa itaas na kubyerta ay negatibo naman ang mga swab
test. Sinagot din ni Simoun ang prayle dahil ito mismo ay walang suot na
facemask ngunit diin ni Padre Salvi na ang Diyos naman daw ang magliligtas sa
kaniya at hindi ang facemask laban sa COVID-19.
Samantala, sa ibaba na kubyerta siksikan
ang mga tao. Naroon lahat ng mga tinatawag na ‘indio’. Sama-sama ang lahat,
walang social at physical distancing, hindi lahat naka-facemask at face shield.
Ayon kay Basilio na naroon din sa ibaba, matagal nang may social distancing sa
bansa. Matagal nang hiwalay at binubukod ang mga oportunidad at pribilehiyo ng
dalawang magkaibang estado sa buhay ng mga tao, at makikita ito kahit sa
dalawang palapag pa lamang ng bapor. Kasama ni Basilio sa ibabang kubyerta ang
kaibigang si Isagani. Kausap nilang dalawa si Kapitan Basilio at ipinaliliwanag
ang panawagan ng mga mag-aaral na Academic Freeze habang nasa gitna ng
pandemiya ang bansa. Tutol naman dito si Kapitan Basilio dahil sayang daw ang
panahon. Bumaba rin si Simoun upang makita sina Basilio at Isagani, inalok niya
itong uminom ng serbesa ngunit tumanggi ang dalawa. Ayon sa mga binata may
liquor ban daw kahit sa loob ng bapor para sa mga indio dahil sa community
quarantine na ipinatutupad. Tanging mga nasa itaas na kubyerta lang daw ang
maaaring uminom ng alak. Inaasahan namang pagbaba ng lahat mula sa bapor ay
magkaka-quarantine muna ang mga pasahero sa loob ng 14 na araw bago bumalik sa
mga kani-kaniyang bahay, ngunit hindi raw ito sa pilitan.
Kabanata 2: Si Basilio at Si Simoun
Gabi ng Noche Buena, dinalaw ni Basilio
ang puntod ng ina sa isang gubat. Naalala pa rin niya ang tagpo ilan taon na
ang nakararaan. Taong 2016 nang mabaril ang kaniyang ina ng guardia sibil
matapos mapagkamalang nagtutulak ng ilegal na droga. Ito ang panahong marami
rin ang napapatay dahil sa operasyon ng Oplan Tokhang. Si Sisa na ina ng binata
ay isa sa mga biktimang hindi na rin nabigyan ng tunay na hustisya. Magpapasko
rin noon ng ilibing ni Basilio kasabay ng kaniyang ina ang isang lalaking
duguan at nanghihingalo, ito ma’y pinaghahanap din ng mga guardia sibil dahil
sa bintang na isang rebelede at kalaban ng gobyerno. Nadinig pa ni Basilio noon
ang wika ng nanghihingalong lalaki, ani nito “Kayong makakakita, batiin ninyo
siya at huwag kalimutan ang mga nalugmok sa dilim ng gabi.”
Paalis na sana ng gubat si Basilio dahil
aabutan na siya ng oras ng curfew at naiwan pa niya ang kaniyang quarantine
pass nang biglang nakarinig siya ng isang kaluskos. Nang tingnan niya ay si
Simoun na tila may hinuhukay ngunit nang lapitan niya pa nang husto ay naaninag
niyang iyon ay si Crisostomo Ibarra matapos alisin ng mag-aalahas ang facemask
at face shield nito. Nang magpakita siya sa mag-aalahas, agad siyang tinutukan
ng rebolber nito. Nakaramdam si Basilio ng takot ngunit pinawi rin ito ni Simoun.
Nakapag-usap ang dalawa.
Niyaya ni Simoun ang binata na umanib sa
binabalak niyang panawagan na bumaba na sa tungkulin ang Kapitan Heneral dahil
hindi na nito kayang hawakan ang bansa ngayong tumitindi ang panganib ng
COVID-19. Ngunit tinanggihan ito ni Basilio. Ayon sa binata, estudyante pa lang
siya at nais lamang ay Academic Freeze ngayong may pandemiya. Hindi raw kaya ng
maraming mag-aaral ang distance learning. Maapektuhan din daw nito ang kalidad
ng edukasyon hindi lang dahil sa walang face-toface classes kundi dahil na rin
sa nararanasang mental health problems ng mga kabataan ngayong pandemiya. Tinutulan
naman ito ni Simoun, para sa kaniya para sa mabilisang pagresolba. Aniya, kaya
nanamantala ang mga pasista ay dahil sa kawalang-kibo ng marami. Ang ilan daw
ay nakikisangkot lang sa mga isyu kapag sila’y apektado na. Kailangan na raw
lumabas ng akademiya at hindi lang sa pagpapa-trend ng #OustKapitanHeneral
kumilos ang marami. Habang nananahimik daw ang iba ay patuloy na kukunsintihin
lamang nito ang krisis ng bayan ngayong pandemiya tulad ng pagtugon sa
kulang-kulang na ayuda, kawalan ng trabaho, palaki nang palaking utang ng
pamahalaan, pagbagsak ng mga healthcare units, pagdami ng mga tinatamaan ng
virus, sa sigalot sa teritoryo, malawakang gutom, at marami pang iba. Sana raw ay
maisip ni Basilio ang mga isyung ito at huwag lamang ang isyu sa sistema ng
edukasyon lalo na’t siya ay isang medical student at maituturing ding medical
frontliner kapag nakatapos na ng pag-aaral.
Kabanata 3: Ang Pamilya ni Tales
Ang pamilya ni Tales ay nakatira malayo
sa kabayanan kasama ng iba pang pamilya. Dahil rito hindi sila madalas mabigyan
ng mga food packs kapag may mga relief operations. Hindi rin nakatanggap ang
barangay nila ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno
buhat pa nang magsimula ito. Tanging pagsasaka lang ang ikinabubuhay ni Tales
na kinikilala bilang Kabesa de Barangay. Siya rin a dating drayber ng jeep
ngunit natanggal sa pamamasada mula nang i-phase out ang mga lumang jeep. Ang
kaniyang ama na si Tandang Selo ay hindi na nakapagsalita o napipi na mula nang
maburyong sa bahay dahil sa ipinagbabawal lumabas ang mga senior citizen.
Masyado raw kasing delikado ang mga matatanda sa virus ngunit naniniwala naman
ang matanda na sila ang mauunang mabakunahan sa oras na magkaroon ng ng bakuna
kontra COVID-19. Dahil sa hirap ng buhay, namasukang katulong na ang anak na
babae ni Tales na si Juli sa kamag-anak nito habang ang anak na lalaking si
Tano ay patuloy na pumapasok sa kursong Criminology.
Ikinasama ng loob ni Tales ang
masalimuot na sinapit ng kaniyang pamilya. Dinamdam nang husto ng dating kabesa
ang pagsasawalang-bahala sa kanila ng gobyerno. Tuwing nagtutungo siya sa
munisipyo ay palagi siyang nakatatanggap ng sagot na maghintay lamang ng
darating na tulong. Hindi rin niya magawang tuligsain sapagkat sasagutin lamang
siya ng kaniyang mga kapitbahay na ginawang diyos-diyosan ang pamahalaan.
Laging sinasambit ng mga kapitbahay ni Tales kung ano raw bang ambag ng
magsasaka kung panay ang reklamo nito. Hindi na rin ito sinasagot ni Tales
dahil ayaw niyang mauwi ang lahat ng sa gulo. Dahil sa hindi na matanggap ni
Tales ang mga nangyayari, mag-isa siyang umalis ng kanilang tahanan. Hindi siya
nagsabi kahit kanino kung saan siya pupunta ngunit naging bulung-bulungan sa
kanilang pamayanan na sumama si Tales sa mga tulisan at planong pabagsakin ang
gobyerno.
Kabanata 4: Ang mga Tuta
Sa Los Baños, isang mañanita ang
nagaganap dahil sa pagdiriwang ng kaarawan ng isa sa mga pinuno ng mga guardia
sibil. Nagsusugal ang ilang matataas na opisyal at mga prayle sa pangunguna ng
Kapitan Heneral. Naroon din si Simoun na kilalang malapit sa Kapitan Heneral
kahit na may maitim na balak. Napakarami ang dumalo kahit pa ipinagbabawal ang
mass gathering. Habang naglalaro ng baraha, napag-usapan ng lahat ang ilang mga
usapin at panukala upang mapagdesisyunan na rin ng Kapitan Heneral.
Ayon sa isang kawani ng gobyerno, dapat
na raw tuluyang mapasara ang pinakamalaking istasyong ng telebisyon at radyo sa
bansa. Hindi na raw dapat itong bigyan pa ng panibagong prangkisa dahil sa
hindi tamang pagababyad ng buwis. Ang may-ari rin daw ng kompanyang ito ay
kinamumuhian ng Kapitan Heneral. Ngunit ng tanungin ni Simoun kung may mga
datos bang magpapatunay sa isyu ng buwis ng kompanya ay walang maipakita ang
kawani. Ayon sa mag-aalahas ay mahihirapan ipasara ang isang kompanya kung wala
naman itong nilalabag na batas. Sinabi naman ng Kapitan Heneral na gamiting
dahilan sa pagpapasara ay ang hindi pagsuporta ng himpilan sa mga polisya ng
gobyerno.
Sumunod na pinag-usapan ang pagpasa ng
Anti-Terror Law. Makatarungan daw ito sabi ng mga prayle sapagkat dumarami na
ang mga komunista na kumakalaban sa gobyerno at nagpapalaganap ng terorismo. Tinanong
ni Simoun ang isang prayle kung ano raw ba ang depinisyon niya para sa
komunismo sapagkat hindi ito malinaw sa ipinasang batas. Nababahala kasi ang
mag-aalahas dahil maaari itong magresulta ng red-tagging o basta-bastang
pagbintang sa mga taong nagbibigay lamang ng saloobin sa mga isyung panlipunan.
Hindi naman siya sinagot ng prayle at sinabing humanap na lamang diksyonaryo
para sa kahulugan. Sinabi naman ng isang kawani ng gobyerno na walang dapat
ikatakot ang mga tao kung hindi naman talaga sila bahagi ng mga komunista at
teroristang grupo na balak pabagsakin ang gobyerno. Ipinaliwanag niya rin na
ang mga kritiko ng Anti-Terror Law ay parang mga audience lamang ng TV show na
kahit anong puna ay wala ring nagagawa dahil patuloy naman itong nanonood ng
programa. Ang kawani ng gobyernong ito ay dating TV Host ng isang sikat na
noontime show bago ito pumasok sa politika.
Huling napag-usapan ang panawagan na
Academic Freeze ng mga mag-aaral. Ayon sa isang prayle, hindi na kailangang
ihinto ang pag-aaral ng mga estudyante dahil nakahanda naman na ang mga modules
at uso na ngayong panahon ang online classes. Ngunit kinuwestiyon naman ito ni
Simoun dahil naglalabasan umano ang ilang mga maling impormasyon sa mga
learning modules habang ang online classes naman ay mahirap tugunan dahil sa
kakulangan ng mga gadgets ng bata at mahinang internet speed ng bansa. Sinagot
si Simoun ng isa na namang kawani ng gobyerno, simple lang daw ang solusyon.
Ito ay huwag mag-enroll ang bata kung hindi nito kaya ang distance learning.
Dagdag pa niya, kung gusto may paraan at kung ayaw maraming dahilan.
Dahil sa panawagang ito ng mga
estudyante, napunta ang usapan sa napapansing pagiging aktibo ng mga kabataang
at nakikisali maging sa mga isyu ng bayan. Binalaan tuloy ng Padre Salvi na
kung hahayaan ang mga kabataan sa kanilang mga ipinaglalabang prinsipyo’t
paniniwala ay maaari itong magresulta sa kanila ng pagiging pilibustero. Sumagot
naman si Simoun sa prayle at sinabing dapat pa ngang matuwa silang matatanda
sapagkat ang pakikisangkot ng mga kabataan sa mga isyu ay bunga ng kanilang
seryosong pag-aaral, ito raw ang itinuturo sa mga estudyante sa akademiya
ngayon, ang malaya, kritikal, marubdob na pagpapahalaga sa mga isyung
panlipunan. Ngunit ayon sa prayle, ang pakikisangkot ng mga estudyante ay
sumusubra na dahil tila kinakalaban na nito ang pamahalaan. Ayon naman kay
Simoun ay hindi dapat magpaapekto sa mga pagkilos na ginagawa ng mga kabataan
sapagkat pagdating panahon ay sila rin ang aani ng kanilang mga ipinaglalaban.
Husgahan na lamang sila sa panahong sila na ang namumuno at nagpapatakbo sa
bayan.
Sa mga balitaktakan, tila hindi narinig
na nagsalita ang Kapitan Heneral. Pagod raw ito at walang ganang magtrabaho.
Siya raw kasi ay “night person” na mas maganang nagtatrabaho sa gabi kaysa sa
araw. Ang sinabi lang niya ay kung may mga pangangailangan, marami raw pera ang
gobyerno at kung kulang naman ang pondo maaaring umutang sa labas ng bansa.
Kabanata 5: Ang Klase sa New Normal
Hindi
napatigil ng pandemiya ang mga klase sa paaralan. Natuloy pa rin kahit walang
face to face classes. Online ang sistema ng edukasyon, nangangailangan ito ng
matatag na internet connectivity. Kung hindi naman kakayanin ang online
learning, maaari magpatuloy sa pamamagitan ng modular learning kung saan may
mga nakaimprentang modules para sa mga estudyante na sasagutan sa kani-kanilang
mga tahanan. Ito na raw ang “new normal” na pag-aaral.
Isang
mag-aaral ang nais nang huminto ng pag-aaral. Siya si Placido Penitente. Ayaw
na niyang magpatuloy hindi dahil walang face to face na klase kundi dahil sa
matagal nang kabulukan ng sistemang pang-edukasyon. Aniya, pumapasok na lamang
ang mga estudyante kahit noong wala pang pandemiya para lang gumawa ng mga
ipinapagawa ng mga guro at hindi na para matuto. Ang paggawa at pagpapasa ng
mga requirements ay tanda na agad ng pasadong grado. Sa madaling salita,
pumapasok na lamang ang mga estudyante para pumasa at hindi na para may matutunan
pa. At ngayong online at modular ang sistema, lalo lang nitong palalalain ang
problema sa edukasyon, ang unti-unting kawalan ng kalidad at tuluyang kawalan
ng ganap na pagkatuto.
Ngunit ayon din kay Placido, hindi ito
kasalanan ng mga guro, biktima rin daw sila ng bulok na sistema. Kasalanan daw
ito ng nakasanayang sistema at paniniwala na ang edukasyon ay tulay lamang para
sa trabaho. Nag-aaral lang ang tao sa ekswelahan para magkatrabaho sa
hinaharap. Hindi raw ito ang layunin ng edukasyon. Ang layunin ng edukasyon ay
para maging marunong ang tao sa buhay, sa pamumuhay, at pakikipamuhay. Ang
layunin ng edukasyon ay para makilala ng tao ang mundo at makipagkaibigan dito.
Ang layunin ng edukasyon ay para tumakas ang tao sa kamangmangan na nagpahirap
at nagpaalipin sa sangkatauhan. Ang itinakdang sistema ang dahilan kung kaya’t
walang oportunidad ang mga taong nakapagtapos ng pag-aaral, walang magandang
trabaho at sapat na sweldo ang mga taong nagpakahusay sa akademiya. Sinayang ng
bulok ng sistema ang kahusayan ng mga iskolar na nangibang-bansa na lamang para
doon gamitin ang pinag-aralan imbes na sa sariling bayan. Kaya naman ang mga
dayuhan ang nakikinabang sa galling at talino ng mga Pilipino.
Kahit na ayaw na ni Placido ay
nagpatuloy siya sa pag-aaral dahil sa pamimilit ng ina. Hindi rin naman
mahihirapan sa distance learning si Placido sapagkat kaya naman ng pamilya na
itaguyod ang kaniyang pag-aaral, mayroong sapat na gadget at internet
connectivity sa bahay ng mag-aaral. Ang inaalala niya lang ay ang iba pang
kamag-aral tulad ni Isagani na kaniyang kaibigan na hindi galling sa mayamang
pamilya. Paniguradong modular ang pipiliin ng kaniyang kaibigan dahil wala
itong pag-aaring gadget at nagtutungo lang sa mga computer shops kapag may mga
gawaing pampaaralan na dapat tapusin. Kung si Placido nga lang ang masusunod,
nais niyang mag-modular na lang din dahil ayaw na niyang maging guro si Padre
Millon, ang prayle nagtuturo sa kanila ng Pisika at iba pang sangay ng agham.
Ayaw na ayaw ni Placido sa gurong ito dahil hindi naman daw ito nagtuturo sa
klase, bagkus puro tanong lang sa mga estudyante at kapag hindi nasagot ang
tanong ay saka ipapahiya. Hindi rin gusto ni Placido ang klase ni Padre Millon
dahil nauuwi lang lagi sa sermon ang pagtuturo ng prayle sa halip na mga
aralin.
Kabanata 6: Sina Maria Clara, Juli, at iba pang
Kababaihan
Madalas
marinig ang paniniwalang ‘sa likod ng tagumpay ng lalaki ay isang babae’ kaya
kahit sa gitna ng pandemiya, mga kababaihan ang makikitang nangunguna.
Nabalitaan ng mga taga-San Diego ang pamumuno ni Jacinta Arden, ang punong
ministro ng bansang New Zealand kung paano nito hinawakan ang kaniyang
pamahalaan sa kabila ng pagkalat ng virus sa buon mundo. Hinangaan siya ng mga
lider ng iba’t ibang bansa dahil sa maagap na pagtugon sa noo’y pagsisimula pa
lamang ng hawaan. Agad siyang nagpatupad ng kabi-kabilang lockdown at nagbigay
ng agarang tulong sa mga maaapektuhan ng pagsasara ng kanilang ekonomiya.
Naging tanyag din si Tsai Ing-Wen na pangulo ng bansang Taiwan nang maiwasan
ang malawakang pagkalat ng virus kahit katabi lang ng kanilang isla ang bansang
Tsina na pinagmulan ng mapanganib na sakit. Sa katunayan, noong natataranta na
ang daigdig at hindi na mapakali sa delubyong nangyayari ay nasa halos nasa 400
kumpirmadong kaso lang ng mga tinamaan ng sakit mayroon ang Taiwan noong ika-14
ng Abril, 2020. Patunay lang na kakikitaan ng potensyal ang mga kababaihan sa
panahon ng pangangailangan.
Samantala,
hindi rin magkandaugaga si Maria Clara sa pagtulong sa mga naaapektuhan ng
virus kahit na nasa kumbento na siya at kasalukuyang nagmomongha. Siya mismo ay
nagparehistro na maging miyembro ng kilalang organisasyon sa bansa tuwing
panahong ng krisis, ang Red Cross. Nagpatayo siya ng mga tent sa labas ng mga
ospital upang magamit ng mga nagsisiksikang pasyenteng tinamaan ng sakit.
Ginamit niya rin ang sarili niyang ipon para ipambili ng mga Personal
Protective Equipment (PPE) para sa mga manggagawang medical na nangunguna sa
pagtugon sa mapaminsalang virus. Nagbigay sila ng mga kasama niyang mongha ng
mga relief package sa mga nawalan ng trabaho dahil sa mga lockdown. Ang
simpleng anak-anakan lamang noon ng mayamang mangangalakal na si Kapitan Tiago
ay naging pilantropo na rin tulad ng kaniyang amain. Itinuturing tuloy siyang
anghel ng mga taga-San Diego, ang iba pa nga’y kinikilala siyang Darna ng
totoong buhay, isang kilalang superhero mula sa Komiks.
Isa
nga sa naisip ni Maria Clara at iba pang mongha na mabilis na tutugon sa
nagugutom na mga kababayan ay ang pagbibigay ng libre at mainit na lugaw. Bukod
kasi sa mura lang ang mga sangkap nito ay pinakamabilis din itong lutuin at
agad na mapanglalamang tiyan. Subalit sa kalagitnaan ng pagrarasyon nila ng mga
lugaw ay sinalubong sila ng mga guardia sibil na nagbabantay ng mga lansangan
sa oras ng curfew. Anila, bawal na raw lumabas kapag gabi upang mapigilan ang
pagkalat ng virus. Nagtaka naman ang mga mongha sa pagbabawal sa kanila, tanong
pa nila na kung sa gabi lang daw ba kumakalat ang virus kaya nagpapatupad ng
curfew. Sinabi rin nila na nagbibigay sila ng mga libreng lugaw sa mga
bahay-bahay upang makatulong sa mga nagugutom ngunit muli silang pinagbawalan
dahil ayon mismo sa mga guardia sibil, ‘lugaw is not essential’. Nabigla naman
sina Maria Clara, wala silang nagawa at bumalik na lang ng kumbento. Ngunit
bago sila umalis, nanghingi rin ng kaunting lugaw ang mga guardia sibil dahil
gusto raw nilang mainitan ang kanilang mga tiyan lalo na’t buong magdamag
silang magbabantay ng mga iskinita’t kalsadahan.
Nang mamasukan si Juli bilang katulong
sa tiyahing si Hermana Penchang dahil sa kawalan ng hanapbuhay ng pamilya,
abot-abot na panlalait ang kaniyang naranasan na naging sanhi upang hindi na niya
ituloy ang paninilbihan kahit sa sarili niyang kamag-anak. Sa halip, bumalik
siya sa kanilang pamayanan upang makapag-isip ng plano na makatutulong sa mga
nangangailangan ngayong pandemiya. Itinayo niya ang isang naiibang programa na
makapagbibigay ng simpleng ayuda para sa mga naghihirap sa panahong ito.
Inilunsad niya ang ‘community pantry’ kung saan hinikayat niya ang mga
nakaaangat sa buhay na magbigay ng sobra-sobrang supply ng pagkain at
magsisilbing ‘pantry’ ng mga taong nangangailangan ngayon lalo na ng pagkain.
Aniya, magbigay ayon sa kakayahan at kumuha ayon sa pangangailangan. Isang
paniniwala na naging sanhi naman ng paninira sa kaniya.
Maraming mga opisyal ng gobyerno, mga prayle,
at ilang mga guardia sibil ang pumuna sa mga pagkilos ni Juli tungkol sa
programang community pantry. Maliban kasi sa nagiging sanhi ng kawalan ng
social distancing dahil sa pag-uunahan at pagsisiksikan ng ilan na makakuha ng
mga pagkain ay iniimpluwensiyahan pa raw ni Juli ang isip ng mga tao na hindi
sila tinutulungan o nagkukulang na ang pagseserbisyo ng pamahalaan. Ngunit ang
tugon ng dalaga ay dapat pa nga na matuwa ang pamahalaan dahil pagkakawanggawa
ang ipinapakita ng mga taong nagbibigay ng donasyon sapagkat kulang naman
talaga ang ayudang ibinibigay ng gobyerno. Hindi sumang-ayon dito ang ilang
opisyal at tinawag pa nila si Juli na alagad ng mga komunista at NPA na gustong
magpabagsak sa gobyerno. Binalaan nila si Juli at mga kasamahan nitong itigil
na ang pagsasagawa ng community pantry dahil baka hindi lang red-tagging ang
makuha nila kundi mas higit pa sa inaasahan. Napilitan tuloy si Juli na ihinto
ang kaniyang programa, nalungkot tuloy ang ilan lalo na ang mga taong ilang
araw na ring kumakalam ang sikmura at umaasa lang sa mga ganitong libreng serbisyo.
Kinumpiska naman ng mga guardia sibil ang mga natirang gulay, prutas, itlog, de
lata, bigas, at iba pa mula sa isinarang community pantry.
Maliban kina Maria Clara, Juli, at
kanilang mga kasamahan, may isa pang babaeng tumutulong sa mga nangangailangan
sa gitna ng pandemiya. Bago pa man kumalat ang virus, nagbibigay na ng babala’t
impormasyon ang babaeng ito sa kaniyang programa sa radyo ukol sa mapaminsalang
sakit. Nang magkaroon ng lockdown at walang masakyan ang mga medical workers
dahil pagtigil ng mga pampublikong sasakyan na pumasada, naglaan ang babaeng
ito ng mga libreng shuttle bus para masakyan ng mga manggagawang nangunguna sa
pagpuksa ng sakuna. Nagpatayo rin siya ng mga dormitoryo sa mga manggagawang
natatakot umuwi sa kani-kanilang tahanan sa pangambang may dala-dala silang
virus, nagpatahi rin siya ng PPEs na ibinigay sa mga ospital, at naglunsad ng
isang telekonsultasyon para sa mga ngangailangan ng tugon sa mental na
kalusugan ng ilang mga matagal nang nakakulong sa kani-kanilang bahay at may
mga personal na suliranin. Subalit ang babaeng ito ay inuulan ng batikos dahil
daw sa pang-aagaw ng atensyon at pakikipagkompitensya pa sa pamahalaan sa
usapin ng pagtulong. Ngunit ipinagtatanggol naman siya ng kaniyang mga
tagasuporta at sinasabing mas may kakayahan pa siya sa pamamahala ng krisis na
ito kaysa sa Kapitan Heneral na walang ginagawa kundi magtalumpati lang
lingo-linggo ukol sa kalagayan ng bansa. Gayunpaman, matapang ang babaeng ito
at patuloy sa pagbibigay ng agarang serbisyo sa mga naaapektuhan ng pandemiya.
Ang babaeng ito ay nagngangalang Leonor.
Ang kuwento ay magpapatuloy hangga’t hindi pa
nabibigyan ng lunas ang
mapaminsalang virus na kumakalat. Ngunit tandan
na bago pa man dumating ang COVID-19 na sanhi ng pandemiyang nararanasan,
matagal nang may sakit ang lipunang Pilipino. Isang sakit na mahirap malunasan,
tila kanser na pumapatay sa katawan ng bayan.
