Saturday, February 13, 2016

SILENSYA

Likha ni: Jun-Jun

Sa gitna ng ingay ng klase
Tahimik siyang nasa isang tabi
Walang imik, walang ingay
Hindi mo mapapansin
Ngunit kahit na
Kahit na walang kang marinig sa kanya
Ramdam ko siya
Siya bilang si Maria Clara
Huwarang anak, mabuting ate
At tunay na kabarkada.

'Di ko napapansing nayayamot siya
Kahit alam kong kulung-kulo na
Kumikilos nang kusa sa mga trabaho niya
Pinalaki ng tama
Kaya naman kahanga-hanga
Malaki ang respeto ko sa kanya
Pagkat siya'y larawan ng tunay na Pilipina
Mahinhin, pero 'di mahina
Konserbatibo, ngunit 'di duwag
Tulad ng mahal na birheng si Maria
Tunay na may takot sa Diyos
At Matalino.
'Di ka nagmamaganda
Dahil authomatic na
'Di ka maarte at mayabang
Kung ano ka?
Totoong tao at kaibigan
Ganoon ka.

Sa kanyang angking kagandahan
Nagkakagulo ang lahi ni Adan
Ngunit kahit minsan, di ko nasubukan
'Di ko sinubukang maghulog sa kanya
'Pagkat ayoko
Basta't ayoko lang, mahirap na
Ayoko nang muling magkasala pa
Maganda siya
Walang bahid, walang duda
Mapasaloob man o sa labas niya
Siya'y may puso para kaninuman
Alam kong kapag dumating ang araw
Siya'y mabuti ring ina at katipan
Tulad na mabuti ring kaibigan.

Ako'y nagpapasalamat sa iyong ama't ina
'Pagkat bumuo sila ng isang prinsesa
Karapat-dapat ka ngang igalang
Ikaw na
Ikaw na talaga
Ikaw na ang pinagpala sa babaeng lahat
Salamat sa tiwala mo sa akin
Salamat sa pagkakaibigan natin
Ngayong ikaw ang aking Valentina
Tanggapin mo itong aking obra
Sadyang simple lang, tulad mo
Ngunit ang mensahe'y tagos sa buto
Likha ito ng seryosong side ko
Si Jun-Jun na kaibigan at kasing-ganda mo.


(Tula para sa aking matalik na kaibigan)

SALUDO

Likha ni: Jun-Jun

Saludo ako sa pagpasok niya sa kwadradong silid-aralan
Ngiting may kaba't panginginig ang dala niyang huwaran
Bawat pagsipat sa mga nasa upuan
Ay maaari at kayang-kaya niyang paglaruan.

Saludo ako sa walang patumanggi niyang pagsasalita
Gramatika'y perpekto, at talagang makata
Bagong pakulo, sa utak nami'y itatala
Kahit kalokohan, may kwenta man o wala.

Saludo ako kahit mahirap siyang patulan
Dahil sa talas ng malikot niyang isipan
Kumukulo man ang dugo sa kanya ng PLMarian
Siya'y sumumpa na ang patas ay laging nariyan.

Saludo ako sa mataas na respetong ibinibigay sa kanya
Saludo ako sa parokyang pagmamay-ari niya.

(Soneto para sa aking hinahangaang propesor sa kolehiyo)

WALIS TINGTING (Isang Tula)

Likha ni: Jun-Jun

Kahoy na hinabi mula sa kawayan
Ginagamit panlinis sa mga lansangan
Mga street sweepers ito ang kailangan
Upang trabaho'y maging magaan.

Bawat tingting ay sa tao kumakatawan
Kaya't buong walis ay parang pagkakaibigan
Maputol man ang isa, tuloy ang kapitan
Dahil sa taling nagpapasikip ng hawakan.

Gamitin man isang tingting, 'di pwede kailanman
Tulad ng taong hindi mabubuhay ng siya lang
Kaya't maganda kung marami ang nagtutulungan
Trabaho'y magiging madali at walang mahihirapan.

Sa tulong ng tali, nagpapatuloy ang samahan
Ngunit minsan, pagkaputol ay 'di rin maiiwasan
Kaya't agad inaayos ng sinuman
Upang magamit at muling magkahawakan.

Hawakan ng kamay, hindi maaaring pantayan
Kaya't ang walis tingting, tulad rin ng barkadahan
Dahil magkakasama hanggang mapunta sa lagayan
Kapag tapos na ang misyon sa mundong ginalawan.


Maling Akala (Isang Dagli)

Likha ni: Jun-Jun

Bumukas ang mga mata ko at nagising sa ingay sa paligid. Pagkakita ko, nagkakagulo sila. Nakita ko ang pagbubuntalan nina Kiko at Hiro. Murahan, batukan, sipaan. At sa harapan ko pa talaga. Isang dipa lang ang layo sa'kin. Wala si Ma'am Resurrecion nang mga oras na iyon. Nagtitinginan lang ang mga kaklase kong babae. Yung mga lalaki naman, sige lang ang sigaw imbes na awatin ang kanina pang nagrarambol.

"Hoy, ang ingay niyo!" sigaw ko. Pero wala yatang nakarinig sa akin. Sumigaw ulit ako, "tigilan niyo na yan!" Wala pa ring nakarinig dahil sa lakas ng mga hiyaw ng mga lalaki.

Maya-maya, mas lumakas ang sigaw. Nakita kong may hawak na arm chair si Kiko at balak na ibato ito kay Hiro. Alam kong pwedeng mapilay si Hiro na nasa harapan ko lang sa bigat ng kahoy na upuang 'to. Pero noong inihagis na ni Kiko ang upuan, madaling naka-iwas si Hiro. Naaninag ko ang mabigat na kahoy na upuan. "Putcha! Papunta sa'kin" sabi ko sarili ko. Ngunit, ang bagal. Parang bumagal ang oras. Parang binibigyan pa ko ng pagkakataon para umalis sa kinauupuan ko. Binalot ako ng kaba. Pero, bakit ganoon? Hindi ko maigalaw ang katawan ko. Ang hirap. Napapikit na lang ako. Hinintay ko ang malakas na hambalos sa akin ng mabigat na arm chair.

Bigla akong nahulog sa upuan ko. Napadilat ako. Napatingin sa akin si Hiro na katabi ko. "Tol, anyare sayo?" tanong niya. Tumingin ako sa paligid. Nabigla ako. Nakaupo silang lahat ng maayos habang kumokopya sa nakasulat sa pisara. Nakita ko ring naka-upo si Ma'am Resurrecion doon sa teacher's table. Nakita ko pang hirap na hirap siya sa pagkakaupo dahil sa katabaan at kalakihan. Napaisip tuloy ako. Napahinga ng malalim. "Putcha! Panaginip lang pala. Akala ko kung ano na!" pabulong na sabi ko.

Sa pagkakaayos ko ng upo. Biglang nahulog ang ballpen ko. Agad kong pinulot ito. Pero, biglang napausog ang upuan ko. Bigla rin akong nahilo. Pagtingin ko sa kanila, nagkakagulo na sila. Nagtaka ako. Nakita kong gumegewang na ang techer's table kung saan naroon si Ma'am na hindi na rin mapakali. Nagtatakbuhan na rin ang mga tao sa corridor. Hindi na rin mapakali ang mga kaklase ko. Umuuga ang klasrum namin. "Lumilindol!" sabi ko sa sarili ko. Agad akong napatayo nang magtakbuhan na rin palabas ang mga kaklase ko. Narinig ko ang pagbagsak ng ceiling fan sa harapan. Nakita kong nagulat si Ma'am at napatumba siya sa kinauupuan niya. Nakita ko ring unti-unti nabibiyak ang dingding ng blackboard na nasa likod lang ni Ma'am. Hindi pa rin siya makatayo sa pagkakatumba niya dala ng kanyang napakalaking tiyan. Matanda na si Ma'am. Naaawa ako, pero konting segundo na lang at mabibiyak na ang dingding at guguho ito. Nakita kong nakatingin sa akin si Ma'am. Tinatawag ang pangalan ko. Napatingin ulit ako sa dingding na nagka-crack na. Hindi ko alam ang gagawin ko. "Paano ba 'to?" naisip ko. Naririnig ko pa rin ang pangalan kong tinatawag niya. Napakunot na lang ako ng noo at napapikit.


Naririnig ko pa rin ang pangalan ko. Maya-maya, nakaramdam ako ng hampas sa batok ko. Napadilat ako bigla. Napatingin ako sa paligid. Nakita ko ang sarili ko na nakaupo. Nabigla ako. Nakita kong nakatingin sa'kin lahat. Nakita kong nasa harapan ko na nakatayo ang matabang si Ma'am Resurrecion. "Ano? Matutulog ka na lang sa klase ko?" tanong niyang medyo galit habang nakataas ang kilay. Napaisip ako. Napahinga ako ng malalim. "Putcha! Panaginip lang pala. Akala ko kung ano na!" pabulong na sabi ko.

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...