Likha ni: Jun-Jun
Bumukas ang mga
mata ko at nagising sa ingay sa paligid. Pagkakita ko, nagkakagulo sila. Nakita
ko ang pagbubuntalan nina Kiko at Hiro. Murahan, batukan, sipaan. At sa harapan
ko pa talaga. Isang dipa lang ang layo sa'kin. Wala si Ma'am Resurrecion nang
mga oras na iyon. Nagtitinginan lang ang mga kaklase kong babae. Yung mga
lalaki naman, sige lang ang sigaw imbes na awatin ang kanina pang nagrarambol.
"Hoy, ang
ingay niyo!" sigaw ko. Pero wala yatang nakarinig sa akin. Sumigaw ulit
ako, "tigilan niyo na yan!" Wala pa ring nakarinig dahil sa lakas ng
mga hiyaw ng mga lalaki.
Maya-maya, mas
lumakas ang sigaw. Nakita kong may hawak na arm chair si Kiko at balak na ibato
ito kay Hiro. Alam kong pwedeng mapilay si Hiro na nasa harapan ko lang sa
bigat ng kahoy na upuang 'to. Pero noong inihagis na ni Kiko ang upuan,
madaling naka-iwas si Hiro. Naaninag ko ang mabigat na kahoy na upuan.
"Putcha! Papunta sa'kin" sabi ko sarili ko. Ngunit, ang bagal. Parang
bumagal ang oras. Parang binibigyan pa ko ng pagkakataon para umalis sa
kinauupuan ko. Binalot ako ng kaba. Pero, bakit ganoon? Hindi ko maigalaw ang
katawan ko. Ang hirap. Napapikit na lang ako. Hinintay ko ang malakas na
hambalos sa akin ng mabigat na arm chair.
Bigla akong nahulog
sa upuan ko. Napadilat ako. Napatingin sa akin si Hiro na katabi ko. "Tol,
anyare sayo?" tanong niya. Tumingin ako sa paligid. Nabigla ako. Nakaupo
silang lahat ng maayos habang kumokopya sa nakasulat sa pisara. Nakita ko ring
naka-upo si Ma'am Resurrecion doon sa teacher's table. Nakita ko pang hirap na
hirap siya sa pagkakaupo dahil sa katabaan at kalakihan. Napaisip tuloy ako.
Napahinga ng malalim. "Putcha! Panaginip lang pala. Akala ko kung ano
na!" pabulong na sabi ko.
Sa pagkakaayos
ko ng upo. Biglang nahulog ang ballpen ko. Agad kong pinulot ito. Pero, biglang
napausog ang upuan ko. Bigla rin akong nahilo. Pagtingin ko sa kanila,
nagkakagulo na sila. Nagtaka ako. Nakita kong gumegewang na ang techer's table
kung saan naroon si Ma'am na hindi na rin mapakali. Nagtatakbuhan na rin ang
mga tao sa corridor. Hindi na rin mapakali ang mga kaklase ko. Umuuga ang
klasrum namin. "Lumilindol!" sabi ko sa sarili ko. Agad akong
napatayo nang magtakbuhan na rin palabas ang mga kaklase ko. Narinig ko ang pagbagsak
ng ceiling fan sa harapan. Nakita kong nagulat si Ma'am at napatumba siya sa
kinauupuan niya. Nakita ko ring unti-unti nabibiyak ang dingding ng blackboard
na nasa likod lang ni Ma'am. Hindi pa rin siya makatayo sa pagkakatumba niya
dala ng kanyang napakalaking tiyan. Matanda na si Ma'am. Naaawa ako, pero
konting segundo na lang at mabibiyak na ang dingding at guguho ito. Nakita kong
nakatingin sa akin si Ma'am. Tinatawag ang pangalan ko. Napatingin ulit ako sa
dingding na nagka-crack na. Hindi ko alam ang gagawin ko. "Paano ba
'to?" naisip ko. Naririnig ko pa rin ang pangalan kong tinatawag niya.
Napakunot na lang ako ng noo at napapikit.
Naririnig ko pa
rin ang pangalan ko. Maya-maya, nakaramdam ako ng hampas sa batok ko. Napadilat
ako bigla. Napatingin ako sa paligid. Nakita ko ang sarili ko na nakaupo.
Nabigla ako. Nakita kong nakatingin sa'kin lahat. Nakita kong nasa harapan ko
na nakatayo ang matabang si Ma'am Resurrecion. "Ano? Matutulog ka na lang
sa klase ko?" tanong niyang medyo galit habang nakataas ang kilay.
Napaisip ako. Napahinga ako ng malalim. "Putcha! Panaginip lang pala.
Akala ko kung ano na!" pabulong na sabi ko.
No comments:
Post a Comment