Saturday, December 26, 2015

Si Bida, si Kontrabida, at ang Teleserye

Likha ni Jun-Jun


1. Bakit kapag pangit ang role ng bida, sabog at kulot ang buhok, nakausli ang ngipin, at puro tigyawat
2. Bakit lagi na lang may conference meeting ang mga mayayamang tauhan at maghapong naka-formal attire?
3. Bakit laging may very supportive na best friend ang bida?
4. Bakit laging naka-red lipstick ang kontrabida?
5. Bakit laging bisaya ang mga katulong?
6. Bakit laging huli na kung dumating ang mga pulis?

Bakit nga ba? Sa lahat ng Kapamilya, Kapuso, at Kapatid na avid fan o hindi man ng mga teleserye. May kwento ako sa inyo! Siguro’y sawang-sawa na ang mga Direktor sa panahon ngayon sa pag-iisip ng mga eksena, ng mga gimik, ng mga kwento … huwag niyo lang talagang bitawan! Dahil alam nila, relate na relate kayo. Madrama kasi ang mga buhay niyo. Parang teleserye.

TELESERYE! ‘Tele’ … pinaikling salita para sa telebisyon at ‘Serye’ na nangangahulugang may dugtungan o episodyo. Ang iba ‘Soap Opera’ ang tawag! Larawan ng pang-araw-araw na buhay lalo na nating mga Pilipino. Gustong-gusto ng marami sa atin. Kapit na kapit sa kwento. ‘Di tulad ng sa pelikula (2 hours lang) … mahaba na, libre pa. Mayroon sa umaga, mayroon din sa hapon. Limang beses sa loob ng isang Linggo. Kinabibitinan kapag nagko-commercial. Source of entertainment ika nga! Nakatutuwa, nakaiiyak, nakakikilig, nakai-inspire. Kahit kathang-isip lang.

Pangkaraniwan na lang ang mga Pinoy teleseryes ngayon. Laging tema…pag-ibig. Pag-ibig ng mayaman at mahirap. Mayaman si lalaki, mahirap si babae. Mag-aaway sa umpisa, magkakagustuhan sa kalagitnaan, magpapakasal sa dulo. Pero sikat din ang mga teleseryeng mawawalay ang anak sa magulang o kaya’y maipagpapalit sa ospital (punyeta! ang luma na nun ahh!), magkakahiwalay dahil sa trahedya, at maghahanap ng tunay na heredera. Mga teleseryeng naglalabanan sa negosyo, politikas, at angkan. Mga teleserye ng pakikiapid o kabitserye. Fantaserye naman para sa mga may super powers. Kiligserye para sa mga teenagers. At ngayon mayroon na ring kalyeserye.

Sa teleserye, hindi mawawala ang mga sampalan at sigawan, mahihimatay o magkaka-amnesia ang bida tapos matutuklasan niyang mayroon pala siyang kakambal. Malalaman niyang tunay niyang ina ang babaeng nakilala niya lang sa daan. May kidnapan at barilan pa sa construction site, at pagsabog ng kotse, bus o barko. Pero ang wakas … kadalasa’y kasalan. Tandaan na Reunion iyon ng lahat ng tauhan. May mga eksena ring magpo-propose sa gitna ng ulan o traffic. Magbubulgaran ng baho at magbubunyag ng mga lihim sa gitna ng debut, kasal, o anumang pagtitipon. May mamamatay bago mag-ending. At lalabas ang panibagong tauhan sa kalagitnaan.



Ang BIDA … laging mahirap ang papel. Pero mabait, magalang, masunurin, mapagmahal at matulungin, lahat na ng mabubuting katangian. Laging inaapi, gusgusin ang suot, wala pang makain. Pero kumpleto at masaya angs pamilya. May best friend pang laging nariyan para sa kanya. Oo! dito natin nakilala sina Mara at Esperanza na gabi-gabi nating sinasabayan sa pag-iyak. Si Santino na kailanma’y hindi yata nagkasala sa buong buhay niya. At si Amor na nagbalik para patikman sa atin ang batas ng isang api.

Ang KONTRABIDA ... Kadalasa’y mayaman, tagapagmana ng negosyo ng pamilya, tambay pa sa opisina. Laging nakabusangot at pulang-pula ang bibig. Laging naka-cocktail dress kahit nasa bahay na at laging umiinom ng wine kapag depressed. May mga alagad na naka-sun glasses pa. Kinaiinisan natin sila. Sila na walang ginawa kundi ang gumanti. Isa ditto ang walang-kamatayang si Selina Matias ng ‘Mula sssa Puso’ na nagpasabog ng bus habang nakasakay si Claudine Barreto. Si Clara na numero-unong karibal ni Mara. At si Senyora Santibañez na walang ginawa kundi alipinin si MariMar.s

Ang pinagtataka ko lang rin, may batas ba na nagbabawal magpunas ng luha’t sipon hangga’t hindi pa tapos ang drama ng bida at kontrabida? Teleserye nga naman!

Ratings. Ito ang dahilan ng salpukan ng mga tagasubaybay ng teleserye. Ito rin kasi ang pinagbabatayan ng mga advertisers kung kaninong serye nila ilalagak ang mga produkto nila. Sa kasayasayan ng Teleserye sa bansa, ang soap na ‘Esperanza’ na pinagbidahan ni Judy Ann Santos noong 1999 ang may hawak ng pinakamataas na ratings sa balat ng telebisyon. Matapos nitong magtala ng 67%. Teleserye rin ni Judy Ann na ‘Mara Clara’ ang pinakamahabang teleseryeng tumakbo sa ating mga TV screens nang halos limang taon (1992-1997). Ang serye namang ‘Pangako Sa’yo’ ang isa na siguro sa maituturing na favorite TV series ever na ipinalabas at sinubaybayan kahit ng mga taga-ibang bansa.

Samantala, itinuturing namang pinakamalaking fantaserye sa telebisyon ang seryeng ‘Encantadia’ noong 2005 na halos lahat yata ng elemento ng mga super powers mula sa mga malilikot na isip ng mga gumawa nito ay ipinasok na sa serye. Ibang atake naman naman ang hatid ng teleseryeng ‘Be Careful with My Heart’ noong 2012. Bukod kasi na sa umaga ito ipinalabas, ito rin ang seryeng parang walang kontrabidang lumabas. Puro lang good vibes. Pero kinapitan ito nang husto ng publiko at tumakbo pa nang mahigit dalawang taon. Sinubaybayan din ng marami ang teleseryeng ‘My Husband’s Lover’ noong 2013 na matapang na nagkwento tungkol sa same-sex relationship. Ilan ito sa mga Pinoy teleseryeng tumatak sa mga Pinoy viewers.

Sa kabila ng pagkahumaling ng masang Pilipino sa mga teleserye, tumatak din ang iba’t ibang karakter na mas lalong nagpabuhay sa mga kwento nito. Dalawa na yata sa pinakatumatak at kilala ng lahat sina Mara at Clara na nagkapalitan ng kapalaran matapos silang pagpalitin sa nursery room noong sila’y mga sanggol pa lamang. Si Amor Powers na galing sa seryeng ‘Pangako Sayo’ at ang tarayan nila noon ni Claudia Buenavista. Nakilala rin si Santino, ang miracle boy na naghatid sa mga manonood na mayroong pag-asa anuman ang pagsubok sa buhay. Maging si Darna, Marina, at Dyesabel na popular na mga karakter sa mga fantaserye. Sina Maya at Ser Chief na nagdala ng positive look sa buhay sa ‘Be Careful with My Heart’. At may makakalimot pa ba kay Yaya Dub at ang kanyang mga lola sa naiiba at kauna-unahang teleserye sa pananghalian na ang settings ay sa kalye pa kaya tinawag na ‘Kalyeserye’. Bawat karakter na napapanood natin ay simbolo rin ng iba’t ibang tao sa lipunan na may kanya-kanyang kwento ng kanilang buhay. Sa mga karakter na ito, nasasalamin ng mga bawat manonood na ang teleserye ay salamin din ng pang-araw-araw na buhay.

Bukod din sa mga teleserye ng Pinoy, umaangkat din tayo ng mga teleserye maging ng ibang bansa. Pinaka-popular na rito ang serye mula pa sa bansang Mexico, ang ‘MariMar’ na kauna-unahan sa bansa noong 1997. Nagkaroon na rin ng Pinoy version ito. Tumatak rin ang mga koreanovela o mga teleserye ng bansang Korea. Isa na rito ang ‘Boys Over Flowers’ noong 2009 na bersyon ng mga taga-Korea sa ‘Meteor Garden’ ng bansang Taiwan. Ipinalabas din ito sa Pilipinas noong 2003 at naging phenomenal sa maraming manonood. Marami rin ang hindi makalilimot sa ‘My Love from the Stars’ na noong 2013 ipinalabas sa Pinas. Hindi malilimutan ang kakaibang kwento nito na pagmamahalan ng isang tao at isang Alien. Ilan lamang ito sa mga teleserye ng ibang bansa na sinubaybayan ng marami sa atin. Sa kabila ng ibang kultura, tinanggap ito ng Pinoy viewers at naging pamantayan na rin ng ilang soap operang gawa mula sa atin.

Sa kasalukuyan, kahit laganap na ang social media, hindi maikakailang, makapangyarihan pa rin ang telebisyon at ito pa rin ang numero-unong source of entertainment ng bayan. Bukod kasi sa libre ito, masang-masa pa ang dating. Malaking porsyento rin ng mga timeslot sa telebisyon ang mga teleserye na matagal nang nagpapaikot sa mga utak ng masa. Ngunit sa kabila ng pagtangkilik ng malaking bahagi ng populasyon ng bansa sa mga teleserye, masyado pa rin konserbatibo ang ilang manonood. Mismong ang mga TV networks ay hindi pa gaanong bukas ang isip na lumabas naman ng kahon sa pagbuo ng mga bago at kakaibang teleserye. O mga teleseryeng labas na sa nakasanayan na. Bagay na dapat sanang maisip ng mga creators, writers, at directors ng mga soap opera sa atin upang mai-upgrade ang linya ng pagkukwento sa telebisyon.

Pero, kung tutuusin, sumasalamin pa rin sa kasalukuyan ang mga kwento ng mga teleserye ng Pinoy. Kaakibat pa rin nito ang kulturang Pilipino. Hindi pa rin maitatanggi na tungkol sa kahirapan, sosyo-pulitikal, at pang-aalipin ang mga mabubuong konsepto sa mga soap opera natin bukod sa pag-ibig na laging sentro ng kwento. At hindi rin maikakailang pagpapahalaga ng pamilya ang layunin ng bawat seryeng ito. Kaya naman nananatiling number 1 fan nito ang pamilyang Pilipino.

Sa kabuuan, bahagi na nga talaga ng buhay nating mga Pinoy ang mga teleserye. Nakakaaliw pero aminin natin na nakapag-bibigay rin ng aral, pag-asa, at inspirasyon. Ano’t ano pa man ang maging tema ng bida, ng kontrabida, at ng teleserye. Tanggapin na lamang natin ‘to! Kung makapagsasalita nga lamang ang mga soap operang ito, isa lang ang masasabi nila. “Walang makakapigil sa samin!” (Pabebe Girls)

Ang lipunang Pilipino ay parang teleserye na may masalimuot na kuwentong wala na yatang katapusan, at tayong mga Pilipinong manonood ay walang magagawa kundi abangan na lang ang susunod na kabanata.

Mga Sanggnian
*https://www.google.com.ph/gfe_rd=cr&ei=3jSCVqyfLq7C8AfU6qP4DQ&gws_rd=ssl#q=pinoy+teleserye+wiki
*http://catanduanestribune.com/article/3BGA
*http://www.philstar.com/entertainment/2014/05/18/1324370/perks-and-lures-teleserye

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...