Isinulat ko ito noon pang
June 2015. Ngayon lang ako nagkalakas ng loob na ilabas. Pasensya na ahh, super
haba. Pinaikli ko na ‘to at inedit ng paulit-ulit pero ganito talaga kahaba eh.
Hahaha. Ayoko namang mawala sa ayos yung story kaya pinilit kong
kumpletuhin. Ito ang kwento ng summer 2015 ko. NON-VERBATIM.
‘Cause
even the stars they burn
Some
even fall to the earth
We’ve
got a lot to learn
God
knows we’re worth it
No,
I won’t give up.
“Salamat talaga! Pinasaya mo ang summer ko” sabi
niya.
Ito
ang huling pahayag na narinig ko mula sa kanya. Actually nabasa ko talaga eh
kasi text niya ‘to sa akin. Matapos kong mabasa ang pahayag na ito mula sa
cellphone ko ay agad ko nang binura ang message na ito. Actually lahat ng
message niya. Pati contact number niya binura ko na. Binlock ko na rin siya sa
facebook at binura ko na rin ang mga conversation namin sa messenger. In short,
pinutol ko lahat ng linya ng komunikasyon namin sa isa’t isa.
PART 1
Itatago ko na lang ang pagkatao ko sa pangalang Junjun para sa mahaba-habang pagkukuwento ko ng buhay ko nitong summer season. Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung paano ko uumpisahan ang lahat. Hindi ko alam kung paano ko ikukuwento ang isang chapter ng buhay ko nang hindi maja-judge ang pagkatao ko. Ang chapter ng buhay kong ito na siguro ang pinakamasaya at pinaka-challenging na kabanata ng buhay ko.
Ako si Junjun (hindi
ko tunay na pangalan). Hindi ko alam kung bakit iyan ang napili kong
pangalan, basta pumasok na lang sa isip ko. 18 years old ako noon at
estudyante, nasa college na sa kursong BS Education. In short magti-teacher ako
in the future. 3rd year na ko sa pasukan noon. Liberated akong tao! Malaya.
Overthinker. Isa akong “bakla”, proud pero hindi loud. Minsan nga hindi halata.
Pero maraming nakakaalam. Tahimik na bakla pero nasa loob ang kulo. Hindi ako
paminta o ‘gay in a closet’.
Kaya rin siguro ako naging
ganito, dahil sa environment ko. Lumaki ako na puro babae ang mga nasa paligid
ko. Ang mga Lola, si Mama, at ang ate ko ang kasama ko sa bahay sa buong buhay
ko! Dalawa lang kami ng ate kong magkapatid. Ang Papa ko naman, laging nasa
trabaho. Kahit sabado’t linggo nagtatrabaho. Lola’s boy din ako. At proud
ako doon. Mga lola ang mas nakasama ko sa paglaki. Ang mga pinsan ko rin
puro babae. Kaya ito ako, feeling babae na rin!
Last week ng March, sa
panahon na ‘to, Team Bahay ako! Halos buong linggo ng semana santa eh wala
akong ginawa kundi tumunganga habang nag-aayuno, nagdadasal, at nagbabalik-loob
sa Panginoon ang mga tao sa bahay namin. Akala mo kay babait na parang mga
madre! Nagmistula ngang kapilya ang bahay namin sa walang tigil na pagdarasal
ng mga lola ko. As usual, dahil hindi naman ako katulad nila, kung ano-ano na
lang pinaggagagawa ko sa sobra kong bored ko. Kain, tulog, basa, at kain lang
ako. Isama mo pa ang phone.
April 5, Linggo na! Sa
wakas, natapos rin ang linggo ng mahal na araw at dumating na rin ang Easter
Sunday. At officially simula na ng pagsasaya dahil summer na talaga! Sa araw na
‘to binuhos ko ang lahat ng oras ko sa pag-iinternet. Umaga pa lang nakatutok
na ko sa phone ko! Medyo nagsawa na rin kasi akong magbasa ‘no! Mabuti na lang
may wifi kami dahil kung wala, sobrang bagot na sa bahay. Kaya syempre tambay
lang ako sa bahay namin. Facebook, Twitter, Instagram, Youtube! Paikot-ikot
lang ako. Nilubos-lubos ko ang wifi namin. Sinearch ko lahat ng gusto kong
i-search. Pinanood ko lahat ng gusto kong panoorin. Nagpaikot-ikot sa social
media accounts. Hanggang sa maghahapon na ay nakatutok pa rin ako. Icha-charge
lang sandal, kakain, manonood ng TV, pagkatapos phone ulit. Wala rin naman
kasing magawang iba maliban sa pagbabasa ng libro. Maya-maya dinalaw na rin ako
ng pagkasawa.
Habang patuloy pa rin ako
sa pagsulyap sa newsfeed kahit na nakakasawa at nakakatamad na, bigla na lang
may nag-friend request sa akin. ‘Gello’ ang pangalan niya! Agad ko naman siyang
in-accept. Walang nang paligoy-ligoy. Ako naman kasi yung tipo ng taong
ina-accept lahat ng mag-friend request sakin kahit hindi ko kakilala. Iniisip
ko kasi, nag-effort yung tao na i-add ako tapos hindi ko man lang ia-accept. So
in-accept ko siya and then nagpatuloy ako sa pagtingin sa newsfeed ko.
Maya-maya, siguro after 3
or 4 minutes chinat niya ko. “Hi” sabi niya! “Hello” ang reply ko naman. Doon
na kami nag-chat. Nalaman kong Pikoy daw ang tawag sa kanya at iyon na lang ang
itawag ko sa kanya. Nagpakilala rin naman ako. Kaloka! Feeling close agad!
Nalaman ko ring taga-Tarlac siya pero nagbabakasyon lang siya dito ngayon sa
Manila.
“Pwede bang
makipag-kaibigan?” aniya.
“Pwede naman” reply ko.
Nagtanungan na kami ng mga
personal info sa isa’t isa. Halos buong araw kami magkausap sa chat. Gabi na
kami natapos, siguro mga 11 pm na iyon. Pero nung gabing iyon parang halos
sampung taon na kaming magkakilala. Parang magkaibigan na talaga kami kahit
hindi pa naming nakikita ng personal ang isa’t isa.
Kinabukasan at mga sumunod
pang araw. Puro lang kami usap, sa chat o text man. Nabubuwisit na nga sa’kin
yung mga tao sa amin kasi maghapon na kong naka-cellphone. Palibhasa walang
magawa. Nakalimutan ko na nga rin yung mga librong babasahin ko sana nung
summer na iyon dahil wala na kong ibang ginawa kundi makipag-chat o text kay
Pikoy. Pero sa kabila nun, hindi ko kailanman binigyang-kahulugan yung ginagawa
namin. Hindi ako nag-expect kahit na alam kong gwapo siya. Pero hindi ako sure,
malay ko ba kung straight siya o hindi. Hanggang sa natanong ko nga iyon sa
kanya.
“Pwede ba kong magtanong sayo
kahit personal” tanong niya.
“Sure! Ano yun?” sagot ko.
“Matanong ko lang sana kung
anong gender mo?” tanong ulit niya. Napaisip ako. Tanga ba
‘tong si Pikoy at hindi niya yata napansin ang pagkatao ko. Hindi niya ba
nabisita ang wall ko at malaman niyang bakla ako. Gayunpaman, sinagot ko ang
tanong niya.
“Bakla po ako!” sagot ko.
“Sabi na eh! Pero bakit
parang hindi halata nung binisita ko ang wall mo?” reply niya. Napangiti naman
ako nang sabihin niyang binisita niya ang wall ko.
“Ewan ko po. Normal lang
naman yung pose ko sa mga picture ko dun eh” sabi ko.
“Ahh Discreet?” tanong ulit
ni Pikoy
“Siguro. Pero hindi ako
Paminta! Baklang-bakla nga po ako eh” tugon ko.
“Ahh, okay. Siguro may
ganoon nga!” reply niya.
Napaisip tuloy ako kung
bakit natanong niya yun. “Ikaw po ba?” tanong ko.
“Ako?” tanong niya rin.
“Opo kayo po! Ano pong
gender niyo?” tanong ko ulit. Matagal bago siya nag-reply. Siguro mga 10
minutes ang hinintay ko.
“Hindi ko alam eh” sagot
niya. Nagulat ako. Inisip ko na paanong hindi niya alam, eh ang tanda niya na.
20 years old na siya at hindi niya pa alam ang gender identity niya.
“Paanong hindi mo po alam?”
tanong ko.
“Hindi ako bakla pero hindi
rin ako straight. Basta.” Sagot ni Pikoy. Naguluhan ako sa kanya. Tinanong ko
siya kung baka Bisexual siya. Pero itinanggi niya.
“Hindi eh. Hindi raw
bisexual ang tawag sa akin. Iba raw!” reply niya sakin.
Hindi ko na siya kinulit.
Wala rin naman kasing ibang nakakaalam kung ano siya kundi siya lang. At anuman
siya, bilang kaibigan, tanggap ko naman. Nalaman ko ring IT student siya at
graduating na siya sa pasukan.
“Sana naman maging
magkaibigan tayo!” sagot niya. Natawa ako sa sinabi niya.
“Ha? Bakit? Hindi pa ba
tayo magkaibigan ngayon?” tanong ko ulit.
“Basta.” Sagot niya.
“Sa FB, friends tayo! Di
naman kita kakausapin ng ganito kung hindi kita kaibigan.” reply ko.
“Haha. May isa pa kong
tanong sana sagutin mo” sabi niya ulit.
“Ano na naman yun?” tanong
ko.
“Nagka-boyfriend ka na ba?”
tanong niya.
“Ewan!” sagot ko. Hindi ko
siya sinagot kahit na alam ko sa sarili ko na may mga ilang lalaki na ring
dumaan sa buhay ko na sex & money lang umikot ang mga naging karelasyon ko.
Humaba nang humaba ang
usapan. Kung saan-saan napunta ang kuwentuhan. Hanggang sa mapag-usapan ang
posibilidad na magkita naman kami. Magkita ng personal.
At dahil doon, nagpasiya na
nga kami.
PART 2
Dahil sa pagpaplano naming
pagkikita. Naghanda ako ng husto. Di ko alam kung bakit ganito ang pakiramdam
ko. Kinakabahan na excited! Hinanda ko ang sarili ko. Para naman magmukhang
presentable ako kapag nagkita kami. Mabuti na lang at may natitira pa kong pera
dahil hindi ko alam kung sino ba ang sasagot sa aming pagkikita. Nag-practice
na rin ako ng mga sasabihin ko. Mga facial expression. Tamang pagngiti. Tamang
pakikipag-usap. Pero hindi, nahihirapan ako. Wala naman dapat practice sa
buhay. Sugod agad. Bahala na. Basta maging natural lang.
April 11, Linggo. 3pm ang
usapan namin sa isang mall. Umaga pa lang, kinakabahan na ko. Hindi ko alam ang
gagawin ko. Hindi ko ma-imagine kung anong magiging eksena mamaya. Pero inisip
ko na wala naman dapat akong ipangamba dahil wala namang ibang taong kasama namin
at wala rin namang ibang taong nakakaalam na magkikita kami. Inisip ko na lang
na magiging totoo at normal lang magiging aura ko mamaya. Bahala na!
Finally! Nagkita na kami.
Hindi ko na ikukuwento kung anong reaksyon ko nang makita ko siya, at kung ano
rin ang reaksyon niya. Medyo nagkakahiyaan lang ng kaunti. Pero naging maayos
naman agad. Nagyaya na ‘kong kumain, nagutom na rin siguro ako sa kaba at
alinlangan.
Sa kainan, unti-unti na
kaming nagkapalagayang-loob. Normal lang kilos namin. Para bang magkaibigan na
ngayon lang ulit nagkita matapos ang mahabang panahon. Walang masyadong kibuan.
Isang tanong, isang sagot. Kaso lang, mahirap talagang gumawa ng mapag-uusapan
sa mga pagkakataong iyon. Tila nawala yung daldal namin noong magka-chat kami. In
short, may kaunting hiya pa. Pagkatapos ng halos isa’t kalahating oras namin sa
kainan. Nagyaya naman siya sa isang coffee shop.
Sa coffee shop lumabas ang
totoong Junjun at Pikoy na noong mga nakaraang araw lang ay sa messenger lang
nag-uusap. Doon marami na kaming napag-usapan. Nalaman ko na magaling pala
siyang mag-drawing, ipinakita niya sa akin ang mga gawa niya mula sa phone
niya. Nalaman ko rin na ulila na pala siya. Elementary pa lang namatay na ang
Papa niya at high school naman siya ng mawala ang Mama niya. Silang dalawa na
lang ng ate niyang Teacher ang magkasama ngayon. Kaya sabi niya, baka raw
magkasundo kami ng ate niya dahil magti-teacher ako. Sa Tita niya siya nakatira
ngayon dito sa Manila habang bakasyon. Ayon sa kanya, elementary pa lang siya
ay alam na niyang hindi siya straight. Pero alam din niyang hindi siya bakla.
Hindi rin niya nakasanayang makipagkaibigan sa mga bakla. Magkakahalong babae
at lalaki ang mga kaibigan niya at wala sa kanila ang nakakaalam na isa siyang
Queer. College daw siya nang maglantad pero hindi naman sobra-sobra. Sa tingin
ko hindi mo mapapansin na hindi siya straight na lalaki, at hindi mo rin talaga
mapapansing bading. Medyo nga lang pagdating sa pagsasalita.
Dumating sa puntong siya
naman ang nagtanong sa akin. Kadalasan ay puro sa mga pinagkakaabalahan ko
lately ang mga tanong niya. Medyo weird nga yata yung mga sagot ko dahil baka
hindi siya makrelate pero salamat na lang at naiintindihan niya ako. Bilib nga
daw siya sa akin dahil ang sipag ko daw at alam niyang mahirap ang trabaho ng
teacher dahil sa ate niya. Pero sabi ko rin na nakakabilib din siya dahil sa magaling
naman siya sa technology. Ayon naman sa kanya, bata
pa lang siya ay talagang mahilig na siyang mangkalikot ng mga bagay-bagay. At
noong nasa high school siya, mas lalo raw siyang nalulong sa computer. Ganoon
naman siguro iyon, basta’t alam mong mahal mo at gusto mo ang mga ginagawa mo,
hinding-hindi ka mahihirapan at magsasawa.
Napag-usapan din namin ang
kanya-kanya naming buhay pag-ibig. Sabi niya, mukhang naimpluwensiyahan yata
niya ng katamaran ang last na naging partner niya dahil super sipag daw non.
Dahil inaamin naman niyang tamad siyang estudyante. Kaya nga sabi niya, baka
raw maimpluwensiyahan niya rin ako ng katamaran lalo na’t Education ang course
ko. Sabi ko naman, nakadepende sa tao kung maiimpluwensiyahan siya ng ugali ng
mga kasama niya. At para sa akin, hindi naman ganoon kasama kung tamad ang tao,
baka may mas gusto lang talagang tutukan o gawin. Isa pa, hindi naman siya
mukhang bad influence sa akin. Ang amo-amo nga ng mukha niya eh!
Matapos ang matagal naming pag-uusap, nagpasiya na kaming
umuwi. Sa paglakad-lakad namin sa mall, hindi maiaalis sa isip ko ang pangamba
dahil sa takot kong makita ako ng mga kaibigan o kakilala ko na may kasama ako,
lalo na’t lalaki. Ayoko namang dumihan ang isip nila at isiping rumerenta ako
ng lalaki. Kahit na hindi naman siya mukhang call boy. Gayunpaman, naging
maganda naman ang araw ko ngayon. Dahil hindi na lang sa chat ko kausap si
Pikoy kundi sa personal na. Sa dami nga ng aming napagkuwentuhan ay para bang
matagal na kaming magkaibigan.
Habang naglalakad upang
hanapin ang exit. May nasabi sa akin ni Pikoy.
“Sana naman maulit ito”
aniya.
“Sure! Marami pa namang
araw. Nagsisimula pa lang ang summer!” sabi ko.
“So magkaibigan na talaga
tayo?” tanong niya.
“Pupunta ba ko ngayon kung
hindi pa tayo magkaibigan!” sagot ko.
Umuwi na ko. Wala akong
pinagsabihan sa mga nangyari sa araw ko. Hindi ko pa rin ikinukwento kahit
kanino ang bago kong kaibigan.
Matapos ang pagkikita
naming iyon ni Pikoy, nasundan pa yun ng maraming pagkikita. At dahil walang
pasok, halos araw-araw kaming nagkikita. Maliban na lang kung kailangan kong
pumunta ng school. Minsan naman sa text o chat lang kami nag-uusap. At sa bawat
araw ng summer, paulit-ulit lang ang mga ginagawa ko. Minsan nasa school sa
umaga, Vice-President kasi ako ng organization namin sa school. Tapos sa hapon
naman kami magkikita. Minsan nga nagsisinungaling na ko kay Mama na pupunta ako
ng school pero ang totoo eh makikipagkita lang ako. Palibhasa, nakakabagot sa
bahay.
Sa mga sumunod na araw, mas
marami pang nagpag-usapan at naging madalas pa ang pagkikita na parang naging routine
na ng buhay naming dalawa ang mga nangyayari. Habang tumatagal ay mas
nakikilala namin ang isa’t isa. Marami pa akong nalaman sa kanya at ganoon din
naman siya sa akin.
Habang tumatagal ang aming
samahan, aaminin ko na parang mas lumalapit ang mga sarili namin sa isa’t isa
at siguro hindi rin naman siya manhid, napapansin niya rin iyon. Pero ayokong
bigyan ng malisya o ibang kahulugan ang unti-unting pag-iiba ng turingan namin
pareho. Baka naman kasi iba lang talaga ang interpretasyon sa akin. Baka naman
masyado lang siyang palakaibigan at minsan malambing kaya naiisip kong hindi na
lang magkaibigan ang turingan namin sa isa’t isa. Dahil kung iisipin, para lang
kaming magkapatid. Nagagawa na naming magbatukan minsan. Naglolokohan. At dumarating
sa puntong binubully na namin ang isa’t isa. Ganoon na kami ka-close! Kahit na
wala pang isang buwan kaming magkakilala. Siguro’y dahil na rin sa sabik nga
ako sa presensya ng lalaki dahil lumaki akong puro babae ang kasama sa bahay at
maging mga kaibigan ko. Ngunit hindi ko inaasahan ang mga susunod na mangyayari
sa aming dalawa.
April 20, Lunes. Ordinaryong araw para sa
akin. Pero hindi ko inaasahang ito ang araw na magpapabago sa takbo ng buhay
ko. Umaga pa lang niyaya niya ulit akong lumabas kami. Sumang-ayon naman ako.
Pero ngayon hindi lang sa mall kami pumunta. Tinext niya ko na magkita kami sa
isang kilalang simbahan. Gusto raw niya kasing magbawas ng kasalanan! Ako
naman, kahit hindi ganoon karelihiyoso, sumang-ayon naman ako.
Kinahapunan, nagkita na
naman kami ni Pikoy. Sa simbahan na sinabi niya sa akin kami nagkita. Pero
hindi kami nagmisa. Niyaya niya ko sa Adoration Chapel. Dahil mas tahimik daw
doon at mas makakapag-concentrate kaming magdasal. Sa totoo lang, ngayon na lang
ulit ako nakapasok sa isang adoration chapel. Napakatahimik. Napaka-solemn ng
lugar.
Nakita kong nagdasal na si
Pikoy. Ako naman sinubukan din yung ginagawa niya. Pero doon ko naranasan ang
katahimikan sa buhay. Ang sarap sa pakiramdam. Para talagang kinakausap ko si
Lord. Ewan ko pero matapos ang halos 30 minutes naming pagdarasal doon ay parang
ang gaan-gaan ng kalooban ko.
Pagkatapos naming magdasal
sa Adoration Chapel umalis na rin kami. Tulad ng nakagawian namin pagkatapos
kumain ay tumambay sa mga coffe shop. Nag-usap ng mga bagay na pwedeng
pag-usapan. Ngayon naman medyo personal ang mga napag-usapan namin. Nalaman
kong hindi pala siya palakaibigang tao. Hindi daw niya alam kung bakit! Basta
hindi raw siya tulad ng tao na maraming kaibigan. May mga kaibigan naman pero
hindi niya masyadong close. Iyon bang hindi niya nasasabihan ng mga sikreto at
nakukuwentuhan ng personal na buhay niya. Tanging mga ex-partners lang daw
talaga niya ang lubos na nakakakilala sa tunay na kung sino siya.
Gabi na pero nasa loob pa
rin kami ng coffee shop, patuloy ang kuwentuhan. Pero
sa pagkakataong iyon, nag-usap kami ni Pikoy nang matino at seryoso.
Habang abala kami sa
pagdudutdot ng aming cellphone kahit patuloy ang kuwentuhan namin. Si Pikoy ang
unang nagsalita. Sa pamamagitan ng text.
“Jun, usap tayo pwede?”
text niya kahit na magkaharap lang naman kami. Bigla akong napatingin sa kanya
at ngumiti.
“Anong trip mo? Ang tagal
na nating nag-uusap” biro ko.
“Yung usapang seryoso” sabi
niya na parang naasar sa pambabara ko.
“Bakit? Puro kalokohan lang
ba yung mga pinag-usapan natin noon pa mang una tayong nagkakilala?” biro ko
ulit.
“Ano ka ba? Seryoso ako!
May common sense ka naman di ba.” Seryoso na talagang sabi niya. Parang
nasaktan naman ako doon sa pagkakasabi niya.
“Okay. Ano ba kasi yun?”
sabi ko.
Pero sa totoo lang,
binabalak ko talagang tapusin agad ang seryoso naming usapan dahil alam ko kung
saan iyon pupunta. Iba na kasi! Iba na ang feeling ko kung saan pupunta ang
usapan namin. Face-to-face na kaming nag-uusap at hindi na pwedeng mag-iba ng
eksena tulad dati na nasa text at chat lang. At sa totoo lang, nawawala na ako
sa sarili nung mga oras na iyon.
“Ano ba talagang meron sa
atin?” bigla niyang tanong.
“Ewan!” tangi kong nasagot.
“Wala ka naman
kakwenta-kwentang kausap.” sabi niya.
“Ewan ko nga eh!” sabi ko
na may halong tawa.
“Pwede ba kasi, seryosohin
mo naman!” medyo galit na sabi niya.
“Eh wala naman kasi akong
magagawa kung anuman tayo ngayon” tugon ko sa kanya.
“Ano ba namang sagot iyan?
bigla niyang tugon.
“Eh kasi hindi ko alam ang
isasagot ko!” sagot ko sa kaniya na parang nawawalan na ng gana.
May kung anong katahimikan
sa loob ng coffee shop.
“Bakit napapansin mo rin
ba?” ako naman ang nagsimula.
“Ako pa ba? Alam mo noong
nag-friend request ako sayo noon, hinanda ko na sarili ko!” sagot niya. Aaminin
ko, napangiti rin ako. Speechless din.
“O’ ngayon?” tanging nasabi
ko sa kanya kasi parang hindi niya naman sinagot yung tanong ko.
“Ewan ko sayo. So okay na
ba?” sabi niya.
“Ikaw?” sagot ko.
Pareho kaming napangiti.
Mula sa oras na iyon. Parang
naging malinaw na lahat kahit wala naman masyadong gumugulo sa isip ko kahit
noong una pa lang na magka-chat kami. Ngayon pareho na naming alam kung ano
bang meron sa amin. Pero sa totoo lang, wala namang nagbago. Hindi na nga lang
parang magkaibigan.
Habang naglalakad pauwi.
Nag-usap kami ulit ng seryoso. Pinangako naming sa isa’t isa na wala munang
makakalam kahit sino, kaibigan man o pamilya. Kahit sa social media, wala muna
kaming ipaaalam.
PART 3
Tuluyan nang nabago ang
araw-araw na mayroon ako mula ng maging kami ni Pikoy. Mas lumalim pa ang
samahan namin pero hindi namin pinapa-OA ang isa’t isa. Para lang kaming magkapatid
o magkabarkada kapag nasa labas. Kahit officially na kami na, hindi kami
kailanman nagho-holding hands o kahit akbay. Walang hawakan kung saan-saan. Wala
rin kaming tawagan sa isa’t isa tulad ng Baby, Mahal, or Honey. At syempre ang
pinakamalahaga, pilit naming pinipigil ang temptasyon. Pinilit naming maging
normal lang ang lahat. Maging natural lang sa ibang tao.
Kahit enjoy kami ni Pikoy sa
mga araw na walang pang pasok dahil summer, hindi ko pa rin kinalimutan ang mga
responsibilidad ko sa school. Lalo na’t mataas ang posisyon ko sa isang sikat
at aktibong organization sa university namin. Kaya kahit bakasyon, minsan ay
nasa school ako. Sa hapon na nga lang kami nagkikita dahil minsan sa umaga nasa
org ako.
Nabago na talaga ang
lifestyle ko. Parang oras-oras kailangan lagi akong online. Hindi talaga namin ipinaalam sa iba ang tungkol sa amin. Kahit mismong
sa social media na pwede namang ilagay na ‘in a relationship’ pero ako na ang
nakiusap sa kanya na ayokong maglagay ng ganoon. Gusto kong maging normal lang
ang lahat ng tungkol sa amin. Nagpi-picture kaming dalawa pero wala kaming
in-upload sa social media kahit man lang isa.
Kahit na may mga
pagkakataon na kasama ko ang mga kaklase ko at maging mga kaibigan. Kahit na
super ka-close ko na sila. Hindi ko nagawang magkuwento ng tungkol sa kung ano
bang nagaganap sa personal na buhay ko sa kasalukuyan. Kahit na parang gustong-gusto
ko nang sabihin sa kanila, hindi ko pa rin ginagawa. Sa isip ko, sa tamang
panahon na lang.
Tinawag namin ang isa’t isa
bilang mag-Partner, ‘Love Partner’ kumbaga. Hindi ko naman kasi siya matatawag
na boyfriend dahil hindi naman siya straight boy. Hindi niya ko pwedeng
tawaging girlfriend dahil hindi ako straight na girl. Kaya minabuti naming
‘Partners’ ang itawag sa relationship namin. Komportable kami sa ganoong set-up
ng relationship.
“Ka-chat ko si ate kagabi”
sabi niya habang nanonood.
“O?” sabi ko.
“Baka dito na ko mag-aral
sa Manila!” bigla niyang sabi.
“Ano ka ba? Kung kailan graduating
ka na saka ka pa magta-transfer!” sabi ko.
“Bakit bawal ba?” tanong
niya.
“Isang taon na lang,
pahihirapan mo pa yung sarili mo!” sagot ko.
“Eh paano tayo?
Long-Distance Relationship?” tanong niya ulit.
“Eh ganoon talaga!” sabi
ko.
“Ano ka? Sampung buwan din
yun ‘no. Baka kapag bumalik ako dito hindi mo na ko kilala” biro niya.
“Baka naman hindi ka na
bumalik dito sa Maynila” sagot ko.
“Eh kung ikaw na lang kaya
mag-transfer sa Tarlac!” bigla niyang sinabi.
“Eh kung sampalin ako ng mama
ko!” biro ko.
Sabay kaming tumawa. Hindi
pa namin alam kung anong magiging set-up namin pagkatapos ng summer. Alam
naming isa sa amin ang dapat magsakripisyo para maging mabuti ang lahat. Pero
sinisiguro namin na anuman ang mangyari ay hinding-hindi namin bibitawan ang
isa’t isa.
Masarap ang feeling kapag
alam mong may katuwang ka sa buhay. Yung bang may taong itinuturing kang
special. Kahit na hindi kami very sweet sa isa’t isa, iyon ay dahil ayaw naming
magsawa kami pareho. Para lang kaming magbarkada kapag magkasama. Nagbabatuhan
ng jokes. Nagbabasagan ng trip. Ayaw naming maging masyadong romantic ang
relasyon namin gaya ng sa natural na boy-girl relationship. Ayaw rin naming
nababastos ang isa’t isa. Kaya hindi kami nagpapadala sa libog ng kalamnan
namin. Gusto kong irespeto namin parehas ang sarili namin. Ayokong matulad kami
sa ibang M2M Couple na sex lang ang laging nasa isip. Ayokong abusuhin si Pikoy
at maging siya ayaw niya nun. Hindi siya katulad ng mga lalaking dumaan sa
buhay ko. Aaminin ko naman, bago dumating si Pikoy may mga lalaki na rin namang
nagpatibok ng puso ko, hindi nga lang ganitong seryoso. In short, flirting
lang.
Dumaan pa ang mga araw,
dapat na naming sulitin ang mga araw dahil malapit-lapit naring matapos ang
summer. Ayon naman kay Pikoy, binabalak niya pa rin na mag-transfer dito from
Tarlac ng school kahit na graduating na siya. Ayaw niya raw kasi sa long-distance
relationship. Pero para sa akin, anuman ang maging desisyon niya ay
susuportahan ko.
“Happy
Monthsary!” biglang text niya.
Magkahalong
gulat at kilig ang naramdaman ko. Nalaman ko na alas-12 na pala at May 20 na
ang date sa phone ko. Isang buwan na kami. Nakahiga na ko sa kwarto, gusto ko
sanang sumigaw pero bawal, baka magising ang buong barangay.
May
20, Miyerkules! Isang buwan na kami. Nagising ako na
may “Good Morning” na text ni Pikoy. Nagulat ako dahil kadalasan, tanghali na
siyang bumati dahil tanghali na siya magising. Bumati rin ako syempre! Parang
ordinaryo lang naman ang araw na ito. Sa totoo lang, inaasahan ko nang aabot
kami ng isang buwan. Yung mga nakaka-flirt ko kasi noon, tatlong araw lang
tapos na kami. Pero dahil sa serious relationship nga ang napatunayan ko, hindi
ko na maitatangging hahaba nang ganito ang sa amin. Sana nga lang hindi lang
monthsary, sana pati na rin anniversary.
Habang
kumakain kami, nabanggit niya na gusto niyang mag-outing kami bago matapos ang
bakasyon. Bago ko magbalik sa school. Gusto niya sanang katapusan ng buwan pero
sinabi kong may outreach program kami ng organization sa Nueva Ecija at iyon
ang araw ng balik namin dito sa Manila. Kaya nagpasya kami na kinabukasan ng
lang noon na June 1, huling hirit sa tag-init. Nasabi rin ni Pikoy na baka raw
sa mga susunod na araw ay bumalik muna siya sa Tarlac para ayusin yung
pag-transfer niya. Tuloy na tuloy na talaga ang paglipat niya rito kahit last
year na niya. Hindi ko lang talaga alam kung papayagan siya ng school at kung
pwede iyon.
“Paano
kung ipagpalit mo ko sa straight na lalaki?” bigla niyang tanong.
Nabigla
ako.
“Ha?
Ano ba?” tanging nasabi ko.
“Eh
paano nga kung ganoon?” tanong niya ulit.
“Eh
paano kung ipagpalit mo rin ako sa straight na babae?” balik ko ng tanong sa
kanya.
“Alam
nating hindi mangyayari yun” sagot niya.
“Oh,
alam mo pala ang sagot eh.” tugon ko.
Ipinaliwanag
ko kay Pikoy na iyon ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw ko pang ipaalam sa mga
kaibigan namin ang tungkol sa amin. Dahil baka masira at hindi na magpatuloy.
Alam mo naman kasi ang mga tao, ayaw na ayaw nakikitang masaya ang iba. Mas
gusto ko munang patibayin ang relasyon naming bago naming ipaalam sa lahat ang
tungkol sa amin.
Gabi
na, pero magkasama pa rin kami, sa coffee shop. Napagpasyahan naming pumunta
ulit sa simbahan malapit sa amin kung saan kami nagpunta noong naging kami.
Walang misa pero may mga taong nagdarasal sa loob. Naupo kami at nagpahinga.
“Basta
Junjun ha. Walang iwanan” pabulong na sabi ni Pikoy sabay ngiti.
“Ano
ba? Para ka namang mamamatay na bukas.” pabulong ko ring biro.
“Eh
syempre hindi natin alam ang panahon. Baka mamaya bigla na lang ako kuhanin,
sige ka!” sagot niya.
“Grabe
ka naman!” sagot ko naman.
“Hindi.
Eh kasi baka hindi ka na bumalik pag pumunta ka sa Nueva Ecija eh.” Sagot niya.
“Malamang!
Wala naman akong kamag-anak doon. Saka Outreach Program iyon. Baka ikaw ang hindi
na bumalik ha.” tugon ko.
“Hindi
ah. Babalik agad ako! Mabilis lang naman ako” sagot niya.
Nanahimik
kami sandali. At bigla ulit siyang nagsalita.
“Basta
anuman ang mangyayari, mahal na mahal kita.” sabi niya ulit.
“Ano
ba? May sakit ka ba? Para ka kasing nagpapaalam na eh! Aminin mo nga, may AIDS
ka ba? Punyeta ka!” pabirong sabi ko.
“Wala!
Bakit? Masama bang magsabi ng I Love You sa mahal mo?” sagot niya. “Siguraduhin
mo lang ha. Umayos ka nasa simbahan tayo!” Tugon ko.
Natawa
na lang ako sa sinabi niya. Pero nagtataka pa rin ako dahil parang iba ang tono
niya. Hindi ko na lang inintindi yun. Baka siguro dahil naka-isang buwan na
kami.
Sa
kwarto ko bago matulog, nag-message sa akin si Pikoy. Nagulat ako dahil naka-record
ang message niya. Pero nang akala ko’y simpleng mensahe niya lang ito,
nagkamali ako. Naka-record ang boses niya habang kinakanta ng acapela ang
kantang ‘I Won’t Give Up’ ni Jason Mraz. Hindi ko alam kung
kikiligin ba ako o matatawa dahil sa pinaggagagawa niya. May boses naman siya
kahit papaano pero nakokornihan ako. Pagkatapos, nag-message siya sa akin na
pakinggan ko lang daw ang yun kapag namimiss niya ko. Naisip ko tuloy bigla na
para namang nagpapaalam na siya. Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon.
Pero
hindi ko inaakala ang mga susunod na mangyayari pagkatapos ng araw na iyon.
PART 4
Kinabukasan.
Enrollment na sa school kaya maaga akong umalis dahil sa mahabang pila na naman.
Inabot na ko ng tanghali sa dami ng proseso ng enrollment. Kasabay ko ang mga
kaklase ko sa pila at kahit buong araw na kami magkakasama, hindi ko pa rin
binabanggit sa kanila ang kasalukuyang nangyayari sa buhay ko. Tanghali na pero
napansin kong hindi pa rin nagpaparamdam si Pikoy at wala pa akong natatanggap
na mensahe mula sa kaniya. Pero inisip ko rin na baka busy lang siya o kaya
naman ay kasalukuyan nang bumiyahe ng Tarlac.
Maghahapon
na ng matapos ang enrollment. Nakauwi na rin ako ng bahay. Nakakapagod ang araw
na iyon pero hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa rin talagang paramdam si
Pikoy. Sa text o sa chat man, wala pa talagang paramdam.
Umabot
na rin ang gabi, bagaman hindi naman ako naghihintay ng kanyang text pero medyo
namimiss ko rin siya kahit papaano. Mula nang oras na iyon, hinintay ko siyang
mag-online. Pero wala talaga. Hanggang sa pagtulog ko, wala pa ring text.
Inisip ko na baka nga busy lang talaga siya. Hinayaan ko na lang siya, natulog
at umasa na baka bukas magparamdam na rin siya.
Kinabukasan,
Biyernes. Ako na mismo ang nag-chat sa kaniya. Nag-message ako ng ‘Good
Morning’. Pero lumipas ang maghapon, hindi man lamang siya nag-reply. Hindi
niya rin na-seen ang mensahe ko. Parang hindi na tuloy ako sanay na hindi siya
nararamdaman. Tinext ko ulit siya dahil baka wala lang internet nang
magtanghali na. Pero wala pa rin akong natanggap na reply. Hinintay ko siya
buong araw na mag-online pero nabigo ako.
Maggagabi
na pero wala pa ring Pikoy na nagparamdam sa akin, medyo nabwisit na ko kaya gumawa
na lang ako ng ibang bagay para malibang at medyo makalimutan si Pikoy. Iniisip
ko pa rin sa mga oras na iyon na baka marami lang talaga siyang ginagawa. Nakaligo,
nakakain na ako. Pero hanggang sa matapos ang gabi, nakatulog na ko at lahat
nang parang walang nangyari sa araw ko.
Ikatlong
araw nang walang paramdam si Pikoy. Idinaan ko na lang sa iba ang pagka-inip sa
kanya. Pero sa pagkakataong iyon, hindi ako maka-focus sa mga ginagawa ko. Nasa
isip ko pa rin si Pikoy. Inisip kung ano bang ginagawa niya? Gaano ba siya
ka-busy at parang nakalimutan niya na yata ako? Isa lang ang nararamdaman ko
nang mga oras na iyon, namimiss ko na talaga si Pikoy. Namimiss ko na siya.
Naubos
na naman ang maghapon ko sa kaiisip sa kanya. Nang maggabi na, ako na mismo ang
tumawag sa kanya sa cellphone. Pero walang sumasagot. Ring lang nang ring.
Paulit-ulit akong sumubok na tumawag sa kanya pero wala doon kahit isa ang
kanyang sinagot. Nabwisit na talaga ako at tinext ko na siya.
Matutulog
na ako pero hindi pa rin siya nagre-reply. Sa oras na iyon, naisip ko yung mga
huling moment namin Pikoy. Yung mga message niyang parang nagpapaalam. Mga
mensaheng parang hindi na kami magkikita kailanman. Pero hindi ko iniisip na
patay na siya. Imposible naman iyon! Pero ayoko ring isiping may ginagawa na
siyang kabalastugan. Malikot akong mag-isip pero sa pagkakataong iyon, ayokong
patakbuhin ang isip ko at isipin ang mga bagay na alam kong makakasakit lang sa
akin. Isa pa, ayokong manghinala. Buo ang tiwala ko kay Pikoy.
May
26, Martes. Limang araw nang walang paramdaman si Pikoy. Walang text, walang
chat. Hindi pa rin siya nag-oonline. Hanggang sa mga oras na iyon, ayokong
mag-isip ng iba. Aaminin ko, hindi na ako komportable ngayon na walang si Pikoy.
Nasanay na akong nariyan siya lagi. Kaya medyo nakaka-stress ang mga araw na
nagdaang wala man lamang kaming kahit katiting na komunikasyon ng taong
nagpahayag sa akin pagmamahal mahigit isang buwan na ang nakakaraan.
Nasa
school ako nang araw na iyon para sa paghahanda sa darating na Outreach Program
ng organization namin sa school sa darating na Huwebes sa Nueva Ecija. Kahit
papaano ay gumaan na ang loob ko dahil medyo naging busy pero hindi pa rin
maalis sa isip ko si Pikoy.
Kinagabihan,
habang nag-aayos ako ng mga gamit. Tumunog ang phone ko, pop-up sa messenger
ko. Galing ito kay Pikoy. Laking tuwa ko dahil sa wakas nagparamdam siya. Pero
nagtaka ako dahil medyo mahaba ng message niya.
Ganito
ko naaalala ang message niya sa akin mula sa messenger: (Non-verbatim)
“Hi
Junjun, kamusta ka! Sorry pala at ngayon lang ako nakapagreply sayo. May sasabihin
sana ako sayong importante. Sa ilang araw ko kasing hindi pagpaparamdam sayo,
iyon ay hindi dahil busy ako. Kundi dahil nag-isip ako nang matagal at
nagdesisyon para sa ating dalawa. Alam ko, napakarami mong pangarap at priority
mo talaga ang pag-aaral mo. Masipag ka. Kaya gusto kong ipagpatuloy mo yon.
Napansin ko kasi na mula nang maging mag-partner tayo lagi na lang tayo
magkasama. Ayokong matulad ka sa huling partner ko na nasira ang pag-aaral nang
maging kami. Gusto kong maging matagumpay ka sa buhay mo. Ipagpatuloy mo yung
mga pangarap mo. Ayoko maging dahilan ako ng pagkasira ng buhay mo. Siguro
kapag parehas na tayong professional, pwede na nating ipagpatuloy ito. Pasensya
na rin pala pero hindi na ako makakabalik diyan. Hindi pumayag si Ate na
mag-transfer ako. Dito na ko magpapatuloy ng college. Sana talaga maintindihan
mo. Junjun, maraming salamat talaga sa lahat. Salamat sa isang buwan, sana
kahit papaano napasaya kita kasi ako talagang napasaya mo ng sobra.
Hinding-hindi kita makakalimutan. Hanggang sa muli Junjun. MAHAL NA MAHAL KITA.
”
Nanginig
ako ng mabasa ko ang message ni Pikoy. Parang gumuho ang mundo ko. Nagdilim ang
paningin ko’t uminit bigla ang tenga ko. Hindi ko na nagawang mag-reply pa. Isa
pa, agad din siyang nag-offline pagka-send niya sa akin ng message. Para akong
bulkan na gustong sumabog. Gusto kong magwala pero hindi ko magawa. Gusto kong
umiyak pero ayaw bumagsak ng mga luha ko. Sa totoo lang, natulala na lang ako.
Hindi
ko alam ang gagawin ko. Kung ano-anong pumasok sa isip ko. Nagbalik sa alaala
ko ang lahat. Mula nang mag-friend request siya sa akin, sa una naming
pagkikita, sa pagtatapat niya sa akin, hanggang sa mag-isang buwan ang relasyon
namin. Nagbalik rin sa alaala ko ang mga huling sandali na magkasama at
magkausap kami. Mga salita niyang parang nagpapaalam. Naisip ko, siguro ay nag-iisip
na rin siya noong mga oras na iyon tungkol sa desisyon niyang ito. Hindi ko
matanggap na ganito na lang ang lahat. Wala na. Tapos na.
Para
akong nadurog. Hindi ko maintindihan ang mga sinabi niya. Binasa ko ulit ang
message niya dahil baka mali lang ang pagkakabasa ko. Pero ganoon talaga. Sa
pangalawang beses kong pagbasa, mas lalo akong naliwanagan. Mas lalo akong
nadurog.
Maya-maya
tumunog ang phone ko, may nagtext naman – si Pikoy ulit.
“Salamat talaga! Pinasaya mo ang summer ko” sabi
niya.
Ito
ang huling pahayag na narinig ko mula sa kanya. Actually nabasa ko talaga eh
kasi text niya ‘to sa akin. Matapos kong mabasa ang pahayag na ito mula sa
cellphone ko ay agad ko nang binura ang message na ito. Actually lahat ng
message niya. Pati contact number niya binura ko na. Binlock ko na rin siya sa
facebook at binura ko na rin ang mga conversation namin sa messenger. In short,
pinutol ko lahat ng linya ng komunikasyon namin sa isa’t isa.
Pagkatapos,
nag-log out ako. Napatulala ako. Natahimik nang ilang minuto.
Kung
magkikita man kami gusto ko siyang sampalin nang kaliwa’t kanan. Wala akong
makausap, wala akong masabihan ng nararamdaman ko, dahil wala rin namang
nakakaalam ng tungkol sa amin. Buong gabi, nakatulala lang ako. Hindi ko pa rin
lubos na maisip na tapos na ang lahat. At ang mas masakit pa, parang ganoon
lang ka-simple para sa kanya iyon. Sa chat kami nagkakilala at sa chat din natapos
ang lahat. Parang isang malaking palabas ang lahat.
Pero
ang mas pinagtataka ko ng gabing iyon, bakit hindi ako makaiyak? Gusto kong
umiyak pero ayaw tumulo ng mga luha ko. Pinipilit ko pero hindi talaga magawang
bumagsak.
Gabi
na. Habang nakahiga ako, hindi ako makatulog at hindi pa rin maalis sa akin ang
mga nangyari kanina. Naisip ko ang buong summer season katuwang si Pikoy.
Marami pa lang mababago pagdating ng araw ng bukas, naisip ko. Hindi na
matutuloy ang pag-aaral niya dito. Hindi na rin matutuloy ang outing namin next
week. Nang oras na yun, nagsimula nang dumaloy ang luha ko. Naramdaman ko ang
init ng mga luha ko sa pisngi ko. Init na kanina ko pa hinihintay. Pilit kong
pinipigil ang pag-iyak ko. Natatakot akong marinig o mapansin sa labas ng
kwarto. Pero kahit anong gawin ko’y hindi ko mapigil ang sakit. Mas naramdaman
ko pa tuloy ang sakit sa dibdib ko sa nakababasag na katahimikan sa kalaliman
ng gabi.
Kinabukasan,
kahit mahirap, pinilit kong bumangon upang magtungo sa school para magbayad ng
tuition. Kasabay ko sa pagbabayad ang mga kakalase ko. Normal pa rin ang kilos
ko. Nakapagbibiro pa ako. Hindi mahahalatang may dinaramdam ako. Naisip kong
iwanan muna ang mga problema sa bahay. At sa tagal naming nakapila, pero hindi
pa rin sumagi sa isip ko na sabihin sa mga kaibigan ko ang problemang dinadala
ko. Gusto ko man, pero sinarili ko na lang muna. Kahit masakit pinilit kong
itinago ang bigat sa dibdib ko.
Magtatanghali
na nang matapos akong makapagbayad ng tuition. Dumiretso ako sa kabilang campus
ng university namin. Magkakaroon kami ng meeting tungkol sa 3-Day Outreach
Program sa Nueva Ecija na magaganap na bukas. Gayundin, hindi ko masabi sa mga
kasamahan ko sa organization ang mga dinaramdam ko. Oo lang ako ng oo sa mga
sinasabi nila. Hindi ako maka-focus. Natapos ang meeting nang wala akong
naintindihan. Ang tanging naintindihan ko ay kailangang maaga kami bukas para
hindi maiwanan ng bus.
Pag-uwi
sa bahay, naramdaman ko na naman ang sakit. Wala akong mapagsabihan ng mga
nararamdaman ko, kahit ang mga lola ko. Ewan ko pero natatakot ako.
Napag-isip-isip ko na kailangan kong magpahinga. Kailangan kong mapag-isa.
Gusto ko muna ng kaunting katahimikan. Kaya nagdesisyon akong huwag na lang
sumama sa Outreach Program bukas sa Nueva Ecija. Idinahilan ko na lang na may
aasikasuhin akong scholarship sa mga susunod na araw at mas kailangan kong
gawin iyon.
Kinabukasan,
hindi ko alam ang gagawin ko. Pilit kong inaaliw ang sarili ko sa pamamagitan
ng mga pinagkakaabalahan ko tuwing free time ko pero hindi maalis sa isip ko si
Pikoy. Pilit na bumabalik ang mga alaala noong kami pa. Ngunit normal pa rin
ang kilos ko sa bahay. Parang nagbalik lang ako sa dating Junjun. Nanonood ng
TV, Kumakain kasabay ang mga lola, nag-iinternet, nagbabasa, at marami pang iba
na dati ko namang gawain wala pa man si Pikoy.
Dumaan
ang mga araw. Nagawa ko rin na sumama sa mga iba ko pang kaibigan at maging mga
kababata ko sa tuwing lumalabas sila upang mamasyal pero hindi ko rin nagawa,
ni isang beses na sabihin sa kanila ang nararamdaman ko sa panahon na iyon.
Naisip ko rin na parang ngayon lang pala kami nagkita-kita ulit matapos ang
mahabang panahon. Ngayon lang ulit kami nagkita-kita. Ganoon pa rin naman ako.
Mapagbiro, bully, malakas ang trip, madaldal. Ginawa ko iyon para naman
mabawas-bawasan ang bigat sa dibdib ko.
Personal
kong desisyon na hindi ipaalam na naging kami ni Pikoy sa mga kaibigan,
kaklase, at kahit sa pamilya ko. At hindi ko rin sinabi sa kanila ang dinamdam
kong sakit buhat ng paghihiwalay namin. Hindi ako nagkuwento ng kahit ano.
Ginawa ko iyon dahil ayokong mahusgahan kami lalo na ako. Ayokong mapagtawanan
ako. In short, walang nakakaalam ng tungkol sa nangyari sa akin nitong summer.
Nagsimula’t nagwakas ng ganoon lang, walang sinumang nakakaalam. Mas mabuti na
rin iyon naisip ko, kaso mas masakit pala dahil wala akong malabasan ng sakit
sa dibdib ko. Walang akong mahanap na mapag-iyakan. Mag-isa lang ako. Tinatago
ang sakit at nagpapanggap na okay lang ako.
Last
week na ng bakasyon. Pagkagising ko, nag-isip ako na kailangan ko nang sulitin
ito. Kalimutan ko muna kahit minsan ang mga problemang iniisip ko. Darating din
naman ang araw na makakalimutan ķo ang mga nangyari last summer, syempre dahil
magiging busy na ulit ako sa school. Inisip kong dahil unang araw ito ng buwan
at last week na ng bakasyon, kailangan ko nang gawin lahat ng gusto kong gawin.
Kalimutan na ang mga problema at mag-move on na para sa bagong chapter ng buhay
ko.
Kasabay
nang pagmu-move on ay itinuring ko na lang na isang magandang karanasan at aral
para sa akin ang mga nangyari nitong summer. Siguro’y inihanda ako ni Lord sa
pamamagitan ni Pikoy kapag dumating na nga talaga ang panahon na makikilala ko
ang taong para talaga sa akin. Naisip kong magpasalamat na lang at hindi naging
boring ang summer vacation ko. Kahit papaano, nagkaroon ng twist ang buhay ko.Minsan
nga, kapag naririnig ko ang kantang ‘I won’t give up’, napapangiti na lang ako.
Naaalala ko lang siya.
Sa
pagkakataong iyon na sinusulit ko na ang mga huling araw ng summer, nagbalik
ako sa normal kong buhay bilang si Junjun.
Masaya
na ko ulit kung anong meron ako ngayon. In fact, okay na talaga ‘ko. Mas marami
pa rin pa lang blessings ang bigay ni Lord. At iyon ang mas mahalagang isipin.
Mas naging focus na ako sa paghahanda ko para sa darating na pasukan. Dahil nga
3rd year college na ko, kailangan ko na nang magseryoso. Mas
naging active ako sa organization namin. Mas pinagtuunang pansin ko na lang ang
pag-aaral ko.
Makalipas
ang isang linggo, June 8, Lunes. Pasukan na ulit sa school. Balik sa normal na
ulit. Simula na ulit ng tunay na pakikipagsapalaran. Gumising ako nang wala
nang stress at wala nang ibang iniisip kundi ang ikabubuti ko. Panibagong kabanata
na ito. Nagtungo ako ng chool na parang walang nangyaring kakaiba noong summer.
Parang nagbakasyon lang ako sa malayong lugar at naka-experience ng bagong
adventure sa buhay. Alam ko sa sarili kong hindi pa ako 100% nakaka-move on.
Pero dahil sa bagong yugto ng buhay kong ito, umaasa akong makakapagsimula muli
nang mas masayang buhay.
Isinulat
ko ang pagkahaba-habang kuwento ng summer vacation ko ng mga huling araw bago
magbalik sa school dahil alam kong ito lang ang paraan para mailabas ko ang mga
naramdaman ko noong mga panahon na iyon. Kaysa naman mahusgahan at mapagtawanan
ako ng mga kaibigan ko kung ikuwento ko man ito, kahit papaano ay nabawasan at
tuluyan nang naubos ang bigat sa kalooban ko. Magkahalo mang saya at lungkot
ang naranasan ko, ang mahalaga ay hindi naging boring ang summer ko. Alam ko at
umaasa akong darating din ang araw na makakalimutan ko siya, pero ang chapter
ng buhay kong kasama siya ay mananatili, hindi para maging sakit sa dibdib
kundi para maging inspirasyon sa akin na maging mas matibay pa bilang ako.
I
won’t give up
Even
if the skies get rough
I’m
giving you all my love
I’m
still looking up.
Sa
huli, ako pa rin naman si Junjun (syempre hindi ko pa rin tunay na pangalan).
Iyon ang hindi nagbago at hinding-hindi magbabago. At ngayon pa lang, excited
na ako sa summer vacation next year! Ano kayang mangyayari? Bahala na.
“Move
on. It’s just a chapter in the past. But
don’t close the book. Just turn the page.”
-
Brooklyn Copeland
WAKAS.
2 comments:
NAPAKAGANDANG KARANASAN. <3
Salamat
Post a Comment