Sunday, November 18, 2018

DILAWAN: Kasalukuyang Konsepto sa Usaping Politikal


Likha ni: Jun-Jun

            Dilaw ang kulay ng mag-inang Cory at Noynoy Aquino na kapwa naging pangulo ng bansa. Dilaw rin ang kulay nina Mar Roxas at Leni Robredo na pambato ng Liberal Party na partido ng noo’y pangulong Noynoy Aquino sa halalan noong 2016. Sa huli, si Robredo lamang ang nanalo bilang pangalawang pangulo. Ang nagwaging pangulo, si Rodrigo Duterte na humahanga at idolo ang dating diktador at pangulong Ferndinand Marcos. Si Marcos ang pinakamahigpit na karibal ng mga Aquino sa mundo ng politika sa Pilipinas. Kaya galit ang kasalukuyang pangulong Duterte sa dilaw.
            Dilawan ka kung tagasuporta ka ng mga Aquino, o nina Roxas at Robredo, o ng Liberal Party. Dilawan ka kung kritiko ka ng pangulo ngayon at naniniwala kang walang kwenta si Marcos sa panahon ng pagkapangulo niya. Dilawan ka kung tutol ka sa Oplan Tokhang o para sa iyo ito’y EJK (Extra Judicial Killings), at ayaw mo sa Federalismo at Inflation. Dilawan ka kapag hindi mo sinusundan ang mga blogs at ayaw mo kay Mocah Uson. Dilawan ka kung mas pinaniniwalaan mo ang mga balita sa ABS-CBN na sabi nga nila’y ABiaS-CBN, GMA7, Rappler at iba pang mainstream media.


            Ganyan ang usaping politikal ngayon sa Pilipinas. Kailangan mong mamili kung dito o doon ka. Kung anong kulay ang papanigan mo. Ang pagiging dilawan ay naghahatol kung saan ka pumapanig. Ang pagkakaroon ng terminong dilawan ang patuloy na naghahati sa ating bansa. “Dilawan”, ito ang bukambibig ng bayan.
            Sabi nga ni Enriquez, ang Sikolohiyang Pilipino ay bunga ng mga kaisipan, karanasan, at oryentasyon ng mga Pilipino. Kung sa kasalukuyan, nasa isip at danas ng mga Pilipino ang naunang pagpapakilala sa pagkakaroon ng terminong “dilawan”, maaaring bahagi na nga ng kulturang Pinoy ang konsepto ng dilawan. Hindi na lamang ito isang kulay kundi isang simbolo na rin ng mga ipinaglalaban.
            Isa sa mga konsepto ng Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez ay ang Katutubo. Tumutukoy ito sa mga salitang galing at ginagamit sa Pilipinas at ang kahulugan din nito ay kinuha mula sa karanasan, kaisipan, at oryentasyong Pilipino. Ang terminong “dilawan” ay katutubo. Tayong mga Pilipino mismo ang bumuo ng konsepto nito na hinding-hindi mauunawaan ng mga banyaga kung hindi aaralin. Nabuo ang terminong ito mula sa sariling karanasan, kaisipan, at oryentasyon ng marami nating mga kababayan kaya ngayo’y nagiging bahagi na ng ating bokabularyo sa mga ordinaryo o pangkaraniwang araw.
            Nakaugat ang terminong “dilawan” sa usapin at aspektong politikal ng ating bansa. Nabuo ang konseptong ito sa panahong politika ang nasa sentro ng mga umpukan ng mga tao, politika ang nasa isip ng mga mamamayan, at politika ang nagkokontrol sa buhay ng ating mga kababayan. Lalo na sa social media, malaki ang naging papel nito sa paglawak ng konsepto ng dilawan. Nagkaroon ng sariling kahulugan, mula sa karanasan, kaisipan, at oryentasyong Pilipino.

Ano ba ang terminong “Dilawan”?
            Mula sa salitang “dilaw” o sa Ingles ay yellow. Kung nilagyan ng hulaping “–an” ang salitang dilaw. Maaaring ang isang tao ay madilaw o kaya ay nababalutan ng dilaw. Sa kaso ng mga nagbabansag na dilawan ang isang tao. Ang mga taong tinatawag nilang dilawan ay ang mga taong nababalot ng lahat ng mga gawaing labag sa nais ng nagbabansag o sabihin na nating lumalabag at nagiging kalaban sa pagsuporta sa kasalukuyang pangulo. Kasapi ka man ng partido Liberal o hindi, panatiko ka man ng pamilya Aquino o hindi, basta’t tutol ka sa mga polisiya ni Digong … dilawan ka na nga. Kahit ano pa ang iyong katwiran.
Huwag nating itanggi. Dilaw ang kulay ng partido Liberal na ngayo’y matinding karibal ng partido ng kasalukuyang administrasyon. Dilaw din ang kulay ng pamilya Aquino na kalaban naman sa mundo ng politika ng pamilya Marcos na iniidolo ng kasalukuyang pangulo. Ngunit kung babalikan, nag-ugat ang simbolo ng dilaw noong panahon ng Batas Militar na tuluyang napabagsak sa diktaturya nang maganap ang pag-aaklas sa EDSA o People Power Revolution noong 1986. Ito ang kulay ni Ninoy na numero-unong kritiko ni dating pangulong Marcos. Noong pauwi na si Ninoy sa Pilipinas na kaniya ring ikinamatay, sumikat ang kantang Tie a Yellow Ribbon. Hanggang sa pagtakbo ng balo ni Ninoy na si Cory sa pagkapangulo noong Snap Elections 1986, dilaw ang suot niya na ikinapopular ng dating presidente. Kaya naman naging trademark na ng pamilya Aquino ang kulay dilaw.


            Laganap ngayon ang mga propaganda lalo na sa social media laban sa mga makadilaw. O mga taong sumusuporta sa pamilya’t kaalyado ng mga Aquino. Ang mga pasimuno, sinasabing mga loyalista ng pamilya Marcos na muling nabuhayan ng loob nang maupo ang kasalukuyang pangulo na animo’y kahalintulad ni Apo Lakay – dating pangulong Ferdinand Marcos kung maging isang pinuno. Ang mga loyalista ni Apo ay tagasuporta na rin ni Duterte sa ngayon.
           
Kailan ba nagsimula ang terminong “Dilawan”?
            Walang partikular na petsa kung kailan nagsimula ang terminong “dilawan”. Ngunit nagsimulang umugong ang salitang ito noong panahon ng kampanya para sa Halalan 2016, kung saan naging gitgitan ang labanan ng noo’y pambato ng partido Liberal at ang ngayo’y pangulo ng bansa. Nilalahat ng mga tagasuporta ng tila bang alyansang Marcos-Duterte ang mga taong tutol sa kanila noong panahon ng eleksyon bagaman hindi lang naman ang pambato ng Liberal Party noon na si Mar Roxas ang kalaban ng kanilang pambato sa pagkapangulo.
           


Sino-sino ang mga maituturing na “Dilawan”?
Ganoon na nga, dilawan nang maituturing ang lahat ng mga tutol sa pangulo. Kahit na walang nagtatakda kung ang mga tutol ay lehitimong tagasuporta ng mga Aquino at ng Liberal Party.
Ngunit kung tutuusin, ang partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban ay isa ring dilawan. Isa sa mga tagapagtatag nito noong panahon ng Batas Militar ay si dating senador Ninoy Aquino, isa pang Aquino at ang orihinal na karibal ni Marcos sa politika. Ang partido ring ito ang nagsulong noon upang maisakatuparan ng People Power sa EDSA. Ito rin ang nagdala sa pagkapangulo sa unang Aquino na naging pangulo noong 1986. Isiping mabuti, ang “laban” sa pangalan ng partido ay ang sumisimbolo sa L-sign ng mga tagasuporta ng mga Aquino na tinatawag na dilawan. Kaya’t maituturing din ang pangulong Duterte na isang dilawan dahil ang partidong PDP-Laban ang nagdala sa kanya sa Malacanang.
Maging ang bise-presidente na si Leni Robredo ay maituturing na dilawan ayon sa mga tagasuporta ng kasalukuyang adminstrasyon. Matindi kasi ang labanan nina Robredo at Bongbong Marcos (anak ni F.E. Marcos) sa pagkapangalawang Pangulo noong 2016. Halos dikit ang resulta at ngayo’y may nakabitin pang electoral protest na inihain ng nabigong si Marcos. Ayon sa anak ni Apo, nadaya siya sa nakaraang eleksyon. Ngunit kung tutuusin, hindi ba’t ang mga Marcos din ang nasa likod ng napakaruming eleksyon noong 1986 kung saan naglaban sina Apo at Cory?
Ang ilang mga senador na patuloy na tumututol sa administrasyon ay binabansagan ding mga dilawan. Tulad nina Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Franklyn Drilon. Si Leila De Lima na una nang ipinakulong ng adminstrasyong Duterte dahil umano sa kaso ng droga ay maituturing na dilawan. Hindi pa man pangulo si Duterte ay may hidwaan na sila ni De Lima lalo na ang pagtutol ng huli sa umano’y Davao Death Squad o mga pagpatay ng ilang hinihinalang kriminal sa Davao. At siyempre, si Senador Antonio Trillanes na kahit hindi taga-Liberal Party ay itinuturing na ring dilawan dahil numero unong kritiko ng pangulo.
Mga tagasuporta rin ng administrasyon ang mga nagbabansag kung ang isang tao ay dilawan. Makikita ito sa mga kilos at gawi ng isang tao kung tutol siya o hindi sa pangulo. Kapag hindi, tila awtomatikong dilawan na.

Konklusyon
Nakikita ng marami ang konsepto ng pagiging dilawan sa partido Liberal na naitaguyod noong 1946 ni dating pangulong Manuel A. Roxas. Kaya naman kung iisipin, matagal na pa lang mayroong mga dilawan at ang lolo mismo ni Mar Roxas ang nagpasimula nito. Sa totoo lang, ang partidong ito na tinatawag na dilawan ay naitaguyod upang maisulong ang ideolohiya at prinsipyo ng liberalismo na unang umusbong noong ika-17 siglo sa Europa. Para sa kanila, dapat ilimita ang kapangyarihan ng mga may kapangyarihan upang walang pang-aabusong mangyari. Tinatawag ito ni Dr. Claudio na Negative Notion of Freedom, dahil ang mga indibidwal ay dapat malaya mula sa excess of power ng mga nasa pwesto. Nalilimita ang kapangyarihan nito sa pamamagitan ng notion of rights o mga karapatan. Mayroon tayong Right to Speak kaya naman mayroon tayong Freedom of Expression.
Maaaring hindi ito nakikitang konsepto ng mga nagbabansag sa mga taong dilawan. Kung tutuusin, ang kalayaan ng mga taong ito na magbansag at magsalita ng laban sa mga nasa kapangyarihan bago pa man maupo si Pangulong Duterte ay karapatang isinusulong ng mga nasa liberalismong prinsipyo. Naiiba ang konsepto ng mga ipinaglalaban ng mga taong binabansagang “dilawan” dahil sa mga propagandang ipinakakalat upang kamuhian ng mas maraming Pilipino ang lahat ng mga nasa partido Liberal at maisulong ang mga polisiya ng alyansang Marcos-Duterte para sa sinasabi nilang tunay na pagbabago ng lipunan.
Dapat bago tingnan nila ‘yung kulay, dapat tignan nila kung may saysay ba ‘yung sinasabi. Meron bang dahilan para umalma sa mga patayan na nangyayari? (Aquino, 2018). Sa mga nangyayari ngayon sa kasalukuyan, mas lalong ipinapakita ng mga binabansagang dilawan ang kanilang ideolohiya’t prinsipyo. Patunay na walang makahihinto sa kanilang mga isinusulong at ipinaglalaban kahit ang isang munting terminong lamang.








Mga Sanggunian:
·         ABS-CBN News. Tindig Pilipinas to public: End hatred caused by ‘dilawan’, ‘dutertard’ tags. ABS-CBN. April 1, 2018.
·         Claudio, Lissandro. Basagan ng Trip: What is Liberalism, LP, & Yellow really mean. Rappler. July 17, 2017
·         Cupin, Bea. On ‘dilawan’ tag, Aquino says listen to message before looking at color. Rappler. September 21, 2017.
·         Gabito, Bryan. We the Dutertards, You the Dilawan. Inquirer.net. 2017

Thursday, November 15, 2018

MEME: Ang Paglaganap nito sa Social Media


Likha ni: Jun-Jun

            Ang meme (binibigkas ng /miːm/) ay ideya, kilos, o estilong nagiging simbolo sa kasanayang kultural ng tao sa isang partikular na penomena na karaniwang matatagpuan sa mga social networking sites o mas kilala sa tawag na social media. Kumikilos ang meme bilang yunit ng mga kasanayang kultural, simboliko, at mga gawain na maaaring maipalaganap hindi sa pamamagitan ng genes sa maraming tao kundi sa pamamagitan ng teksto. Sa kasalukuyan, bahagi na ng kulturang popular ang mga meme at nakikipagsabayan sa mga pampublikong diskurso.




            Ang salitang meme ay pagpapaikli (minodelo sa gene) ng “mimeme” (mula sa sinaunang Griyego na “mīmēma”, na nangangahulugang ginayang bagay o gayahin (mime) at inimbento ng isang bayolohistang si Richard Dawkins noong 1976 bilang isang konsepto para sa pagtalakay ng mga prinsipyong ebolusyonaryo sa pagpapaliwanag ng pagkalat o paglaganap ng mga ideya at mga penomenang kultural. Ang mga halimbawang ibinigay sa artikulong ito ay kinabibilangan ng mga himig, mga catch phrase, fashion, at teknolohiya.
Ang mga modernong meme ay nakikita bilang isang larawang nilalagyan ng mga makahulugang salita sa layuning makapagpahayag ng isang simbolismo. Kadalasang intensyon ng mga meme ay makapagpatawa o manukso sa publiko sa pamamagitan ng pagtatambal ng mga litrato at salitang wala namang koneksyon sa isa’t isa. Subalit, ang ilang mga meme ay mas malalim at pilosopikal ang nilalaman.
Ayon kay Cecil Adams ng theStraightDope.com ang konsepto ng mga meme ay “maaaring malaliman o may pagkabulgar”. Maaaring hindi literal ang pagpapakahulugan ng isang meme, maaaring may metaporikal ito. Gayundin, maaaring bulgar o obvious ang ipinapahayag. Ito’y batay na rin sa kung paano binabasa ito ng taong nakakakita.

Mga Gumagamit ng mga Meme
            Malaking bilang ng mga gumagamit ng mga meme ay mga taong nasa mundo ng Internet. Kadalasa’y mga millennials o pinanganak mula 1981 hanggang 1996 at mga post-millenials (Generation Y) o pinanganak mula 1997 hanggang kasalukuyan. Naging popular ito lalo na nang lumakas ang pwersa ng social media bilang instrumento ng pag-uugnayan ng mga tao sa pamamagitan ng internet kahit ito’y magkakalayo ng lugar.


Sa internet, partikular sa social media, dahil sa kagyat at madaliang komunikasyon nagiging mabilis ang pagkalat ng mga modernong meme. Sa pamamagitan ng facebook, twitter, instagram, at iba pang mga social networking sites, nagkaroon ng mga nakatutuwa at agaw-atensyong mga meme na tungkol sa mga sikat na personalidad, di-inaasahang pangyayari, o kaya nama’y mga isyung panlipunan. Walang tiyak na petsa kung kailan sumikat ang meme ngunit sa tuwing nagkakaroon ng mga bago o kakaibang pangyayari sa lipunan ay nagkakaroon ng pagkakataon upang ikonekta ito sa kultural na aspeto ng lipunan.

Pinagmulan ng mga Meme

            Unang ipinakilala ang meme ni Richard Dawkins, isang evolutionary biologist noong 1976 sa kanyang librong The Selfish Gene. Mula ito sa salitang griyego na “mimema” na nangangahulugang something imitated o may pagkahuwad o panggagaya. Inilarawan ni Dawkins ang mga meme bilang isang uri ng pagpapalaganap ng kultura, na nagiging paraan ng tao upang maipadala ng mga alaala at kultural na karanasan sa ibang tao. Para sa kanya, ang meme ay isang yunit ng pagkopya sa sarili upang ipahayag ang ikinikilos ng tao at pag-unlad ng kultura nito. Kinikopya ng tao ang konteksto ng kanyang mga ginagawa sa araw-araw sa konteksto ng kulturang mauunawaan ng ibang tao. Sa pangongopyang ito, mas nagiging malikhain at masining ang tao na gumagamit ng mga larawan, teksto, disenyo, at iba pang bagay upang ikumpara sa gawain ng tao.
           Mapapansin na ang mga meme ay isang imitation o pangongopya ng tao sa kanyang pang-araw-araw na kilos o gawain sa buhay bilang isang simbolismo ng usaping kultural lalo na sa ating bansa. Nagiging popular, nagiging viral, at isini-share ng maraming tao sa social media hindi lang dahil ay nakatutuwang mensahe kundi nauunawaan ng tao batay sa kanya ring kultura. Hindi ito papansinin ng tao at dededmahin lamang kung walang koneksyon ito sa kanyang buhay.

Meme vs. Gene
            Kung ang meme ay isang ideya o pag-aasal na kumakalat mula isang tao tungo sa isa pang tao sa loob ng isang kultura, kaiba naman ito sa tinatawag na gene. Ang gene o hene (na tinatawag ding “kamani” ayon sa kontrobersyal na Maugnaying Talasalitaang Pang-Agham Ingles-Pilipino) ay isang molekular na yunit ng pagmamana ng katangian sa isang organismo. Ang mga buhay na organismo ay nakadepende sa gene dahil ito ay tumutukoy sa mga protina at gumaganang kadena ng RNA o ribonucleic acid.
Kung organismo ang sentro ng paglaganap ng gene, kultura naman ang sentro ng meme. Sa madaling salita, ang mga tagapagtaguyod ng konseptong ito ay tumutukoy sa mga meme bilang mga katulad na kasanayang kultural sa mga gene na nagrereplika sa sarili nito, nagmu-mutate at tumutugon sa mga pressure na selektibo.

Pahabol Sabi
            Sa kabila ng pagiging bahagi ng kulturang popular ng mga meme, napapatunayan ng taong ang kanyang kultura ay likas at buhay. Ang kanyang mga pangkaraniwang kilos at gawain ay sumasalamin sa kultura ng nakararaming tao. Kaya nagva-viral, kaya naisi-share ito dahil nauunawaan ng tao ang kulturang mayroon ang isa pang tao. Ang malikot na isipan ng tao at ang sining ay nagsasanib sa pagbuo ng mga meme. Ang paglaganap ng mga ito’y senyales na malikhain at malalim mag-isip ang mga tao sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang buhay.



Malaki na ang ambag ng mga meme sa social media upang makipag-ugnayan hindi na lamang ng kanilang nais iparating at nalalaman kundi maipalaganap ang sariling kultura. Ang paglaganap nito’y hindi na maiiwasan, bagkus mapauunlad pa sa mga darating na panahon.

Mga Sanggunian:

Gil, Paul (2018). What is a Meme?. Lifewire.
Santos, Kyle Jharry. Memes Bilang Midyum Ng Pambubulas Sa Mataas Na                                           Paaralang Pang-Agham Ng Marikina
Atran, Scott (2001). The Trouble with Memes (PDF). Human Nature
McNamara, Adam (2011). Can we measure memes?. Frontiers in Evolutionary                                   Neuroscience
Dawkins' speech on the 30th anniversary of the publication of The Selfish Gene,                              Dawkins 2006


El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...