Likha ni: Jun-Jun
Dilaw
ang kulay ng mag-inang Cory at Noynoy Aquino na kapwa naging pangulo ng bansa. Dilaw
rin ang kulay nina Mar Roxas at Leni Robredo na pambato ng Liberal Party na
partido ng noo’y pangulong Noynoy Aquino sa halalan noong 2016. Sa huli, si
Robredo lamang ang nanalo bilang pangalawang pangulo. Ang nagwaging pangulo, si
Rodrigo Duterte na humahanga at idolo ang dating diktador at pangulong
Ferndinand Marcos. Si Marcos ang pinakamahigpit na karibal ng mga Aquino sa
mundo ng politika sa Pilipinas. Kaya galit ang kasalukuyang pangulong Duterte
sa dilaw.
Ganyan
ang usaping politikal ngayon sa Pilipinas. Kailangan mong mamili kung dito o
doon ka. Kung anong kulay ang papanigan mo. Ang pagiging dilawan ay naghahatol
kung saan ka pumapanig. Ang pagkakaroon ng terminong dilawan ang patuloy na
naghahati sa ating bansa. “Dilawan”, ito ang bukambibig ng bayan.
Sabi
nga ni Enriquez, ang Sikolohiyang Pilipino ay bunga ng mga kaisipan, karanasan,
at oryentasyon ng mga Pilipino. Kung sa kasalukuyan, nasa isip at danas ng mga
Pilipino ang naunang pagpapakilala sa pagkakaroon ng terminong “dilawan”,
maaaring bahagi na nga ng kulturang Pinoy ang konsepto ng dilawan. Hindi na
lamang ito isang kulay kundi isang simbolo na rin ng mga ipinaglalaban.
Isa
sa mga konsepto ng Sikolohiyang Pilipino ni Virgilio Enriquez ay ang Katutubo.
Tumutukoy ito sa mga salitang galing at ginagamit sa Pilipinas at ang kahulugan
din nito ay kinuha mula sa karanasan, kaisipan, at oryentasyong Pilipino. Ang
terminong “dilawan” ay katutubo. Tayong mga Pilipino mismo ang bumuo ng
konsepto nito na hinding-hindi mauunawaan ng mga banyaga kung hindi aaralin.
Nabuo ang terminong ito mula sa sariling karanasan, kaisipan, at oryentasyon ng
marami nating mga kababayan kaya ngayo’y nagiging bahagi na ng ating
bokabularyo sa mga ordinaryo o pangkaraniwang araw.
Nakaugat
ang terminong “dilawan” sa usapin at aspektong politikal ng ating bansa. Nabuo
ang konseptong ito sa panahong politika ang nasa sentro ng mga umpukan ng mga
tao, politika ang nasa isip ng mga mamamayan, at politika ang nagkokontrol sa
buhay ng ating mga kababayan. Lalo na sa social media, malaki ang naging papel
nito sa paglawak ng konsepto ng dilawan. Nagkaroon ng sariling kahulugan, mula
sa karanasan, kaisipan, at oryentasyong Pilipino.
Ano
ba ang terminong “Dilawan”?
Mula sa salitang “dilaw” o sa Ingles ay
yellow. Kung nilagyan ng hulaping
“–an” ang salitang dilaw. Maaaring ang isang tao ay madilaw o kaya ay
nababalutan ng dilaw. Sa kaso ng mga nagbabansag na dilawan ang isang tao. Ang
mga taong tinatawag nilang dilawan ay ang mga taong nababalot ng lahat ng mga
gawaing labag sa nais ng nagbabansag o sabihin na nating lumalabag at nagiging
kalaban sa pagsuporta sa kasalukuyang pangulo. Kasapi ka man ng partido Liberal
o hindi, panatiko ka man ng pamilya Aquino o hindi, basta’t tutol ka sa mga
polisiya ni Digong … dilawan ka na nga. Kahit ano pa ang iyong katwiran.
Laganap
ngayon ang mga propaganda lalo na sa social media laban sa mga makadilaw. O mga
taong sumusuporta sa pamilya’t kaalyado ng mga Aquino. Ang mga pasimuno, sinasabing
mga loyalista ng pamilya Marcos na muling nabuhayan ng loob nang maupo ang
kasalukuyang pangulo na animo’y kahalintulad ni Apo Lakay – dating pangulong
Ferdinand Marcos kung maging isang pinuno. Ang mga loyalista ni Apo ay
tagasuporta na rin ni Duterte sa ngayon.
Kailan
ba nagsimula ang terminong “Dilawan”?
Walang
partikular na petsa kung kailan nagsimula ang terminong “dilawan”. Ngunit
nagsimulang umugong ang salitang ito noong panahon ng kampanya para sa Halalan
2016, kung saan naging gitgitan ang labanan ng noo’y pambato ng partido Liberal
at ang ngayo’y pangulo ng bansa. Nilalahat ng mga tagasuporta ng tila bang
alyansang Marcos-Duterte ang mga taong tutol sa kanila noong panahon ng
eleksyon bagaman hindi lang naman ang pambato ng Liberal Party noon na si Mar
Roxas ang kalaban ng kanilang pambato sa pagkapangulo.
Sino-sino
ang mga maituturing na “Dilawan”?
Ganoon na nga,
dilawan nang maituturing ang lahat ng mga tutol sa pangulo. Kahit na walang
nagtatakda kung ang mga tutol ay lehitimong tagasuporta ng mga Aquino at ng
Liberal Party.
Ngunit kung
tutuusin, ang partido ni Pangulong Duterte na PDP-Laban ay isa ring dilawan.
Isa sa mga tagapagtatag nito noong panahon ng Batas Militar ay si dating
senador Ninoy Aquino, isa pang Aquino at ang orihinal na karibal ni Marcos sa
politika. Ang partido ring ito ang nagsulong noon upang maisakatuparan ng
People Power sa EDSA. Ito rin ang nagdala sa pagkapangulo sa unang Aquino na
naging pangulo noong 1986. Isiping mabuti, ang “laban” sa pangalan ng partido
ay ang sumisimbolo sa L-sign ng mga tagasuporta ng mga Aquino na tinatawag na
dilawan. Kaya’t maituturing din ang pangulong Duterte na isang dilawan dahil
ang partidong PDP-Laban ang nagdala sa kanya sa Malacanang.
Maging ang
bise-presidente na si Leni Robredo ay maituturing na dilawan ayon sa mga tagasuporta
ng kasalukuyang adminstrasyon. Matindi kasi ang labanan nina Robredo at Bongbong
Marcos (anak ni F.E. Marcos) sa pagkapangalawang Pangulo noong 2016. Halos
dikit ang resulta at ngayo’y may nakabitin pang electoral protest na inihain ng
nabigong si Marcos. Ayon sa anak ni Apo, nadaya siya sa nakaraang eleksyon.
Ngunit kung tutuusin, hindi ba’t ang mga Marcos din ang nasa likod ng
napakaruming eleksyon noong 1986 kung saan naglaban sina Apo at Cory?
Ang ilang mga
senador na patuloy na tumututol sa administrasyon ay binabansagan ding mga
dilawan. Tulad nina Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Franklyn Drilon. Si
Leila De Lima na una nang ipinakulong ng adminstrasyong Duterte dahil umano sa
kaso ng droga ay maituturing na dilawan. Hindi pa man pangulo si Duterte ay may
hidwaan na sila ni De Lima lalo na ang pagtutol ng huli sa umano’y Davao Death
Squad o mga pagpatay ng ilang hinihinalang kriminal sa Davao. At siyempre, si
Senador Antonio Trillanes na kahit hindi taga-Liberal Party ay itinuturing na
ring dilawan dahil numero unong kritiko ng pangulo.
Mga tagasuporta
rin ng administrasyon ang mga nagbabansag kung ang isang tao ay dilawan.
Makikita ito sa mga kilos at gawi ng isang tao kung tutol siya o hindi sa
pangulo. Kapag hindi, tila awtomatikong dilawan na.
Konklusyon
Nakikita ng marami
ang konsepto ng pagiging dilawan sa partido Liberal na naitaguyod noong 1946 ni
dating pangulong Manuel A. Roxas. Kaya naman kung iisipin, matagal na pa lang
mayroong mga dilawan at ang lolo mismo ni Mar Roxas ang nagpasimula nito. Sa
totoo lang, ang partidong ito na tinatawag na dilawan ay naitaguyod upang
maisulong ang ideolohiya at prinsipyo ng liberalismo na unang umusbong noong
ika-17 siglo sa Europa. Para sa kanila, dapat ilimita ang kapangyarihan ng mga
may kapangyarihan upang walang pang-aabusong mangyari. Tinatawag ito ni Dr.
Claudio na Negative Notion of Freedom,
dahil ang mga indibidwal ay dapat malaya mula sa excess of power ng mga nasa pwesto. Nalilimita ang kapangyarihan
nito sa pamamagitan ng notion of rights
o mga karapatan. Mayroon tayong Right to
Speak kaya naman mayroon tayong Freedom
of Expression.
Maaaring hindi ito
nakikitang konsepto ng mga nagbabansag sa mga taong dilawan. Kung tutuusin, ang
kalayaan ng mga taong ito na magbansag at magsalita ng laban sa mga nasa
kapangyarihan bago pa man maupo si Pangulong Duterte ay karapatang isinusulong
ng mga nasa liberalismong prinsipyo. Naiiba ang konsepto ng mga ipinaglalaban
ng mga taong binabansagang “dilawan” dahil sa mga propagandang ipinakakalat
upang kamuhian ng mas maraming Pilipino ang lahat ng mga nasa partido Liberal
at maisulong ang mga polisiya ng alyansang Marcos-Duterte para sa sinasabi
nilang tunay na pagbabago ng lipunan.
Dapat bago tingnan
nila ‘yung kulay, dapat tignan nila kung may saysay ba ‘yung sinasabi. Meron
bang dahilan para umalma sa mga patayan na nangyayari? (Aquino, 2018). Sa mga
nangyayari ngayon sa kasalukuyan, mas lalong ipinapakita ng mga binabansagang
dilawan ang kanilang ideolohiya’t prinsipyo. Patunay na walang makahihinto sa
kanilang mga isinusulong at ipinaglalaban kahit ang isang munting terminong
lamang.
Mga Sanggunian:
·
ABS-CBN News. Tindig
Pilipinas to public: End hatred caused by ‘dilawan’, ‘dutertard’ tags. ABS-CBN.
April 1, 2018.
·
Claudio, Lissandro. Basagan
ng Trip: What is Liberalism, LP, & Yellow really mean. Rappler. July
17, 2017
·
Cupin, Bea. On
‘dilawan’ tag, Aquino says listen to message before looking at color.
Rappler. September 21, 2017.
·
Gabito, Bryan. We the
Dutertards, You the Dilawan. Inquirer.net. 2017


No comments:
Post a Comment