Sunday, January 6, 2019

ANG MALAYANG PAGKATUTO


Likha ni: Jun-Jun

Lahat ay may kalayaang matuto.
Lahat ay dapat matuto nang malaya.


Lagi nating naririnig, hindi lang natatapos sa apat na sulok ng silid-aralan ang pagkatuto. Totoo. Hindi lang dapat. Dahil bilog ang mundo, walang sulok ang pedestal ng karunungan. At dahil paikot, malaya tayong tumuklas, malaya tayong matuto. Walang hangganan. Dapat nga naman tayong maging malaya, lalo na sa karunungan. Tuklasin natin ang mga ideya't konsepto sa mundo na may kinalaman sa ating pagkatao. Huwag nating ikulong ang pagtuklas para lamang sa mga edukado't elitista. Huwag nating limitahan ang pagkatuto para lamang sa mga dalubhasa't eksperto.

Hangaan natin ang mga edukador na may kaisipang tulad sa balon, sa lalim ay nangangailangan ng salok. May tamang timpla ng damdamin para sa mga iskolar ng mundo, ikaw na tumutuklas at natututo. Patayin natin ang mga walang saysay sa akademiya. Ang mga pinaglumaan na't wala namang naiambag. Ang mga ginagawang Diyos ang libro at walang inobasyon. Dapat silang sunugin. Hindi ito ang pumapanday sa utak natin.

Mabuhay ka! Iskolar ng akademiyang taglay ang isang malaya at makabuluhang edukasyon. Kasiyahan ang mga tunay na nagsisikap makapagtapos upang hindi na maging pabigat at pasanin pa ng bayan sa mga susunod na panahon. Nawa'y ang mga binhi ng pagkatutong itinanim nila ay anihin sa mga panahong ito upang busugin ang mga isip na gutom sa tunay na dunong ng buhay.

Higit sa lahat, sikaping maging bukal sa mga positibong pagbabago ng daigdig, ng kalawakan. Kausapin natin ang mundo. Makipagkaibigan tayo. Ngunit huwag kalilimutan ang mga nasimulan at mga nagpasimula. Sila ang ating inspirasyon. Tulad ng layon nila, iahon natin ang mga nagdarahop sa kaignorantehan ng lipunan. Hindi mabibigo ang bayang ito hangga’t may mga iskolar na patuloy na kumakapit at kumakatig sa kalayaan at kabuluhan ng karunungan.

Iisa lang ang mandato natin, ito ay ang matuto. Matuto sa malayang pag-iisip at makabuluhang kamalayan. Hindi pa tapos ang laban sa kamangmangan. Hangga't ang diwa ng katalinuhan ay nananatili lamang sa mga numero't estadistika, magpapatuloy ang aktibismo. Magdidigmaan ang mga utak ng mga pare-parehong panalo. Walang matatalo. Tanging ang mga bobo. Hindi na kailangan ng bayan ang mga hangal. Mag-aral. Matuto. Tumuklas sa kapwa-tao.

Ang pag-iisip ay isang proseso na ang mga imahinasyon o nasa utak lamang ng may-ari nito (tao) na tinatawag na persepsiyon ay bumabangon o lumilitaw at namamanipula o napapagalaw. Kailangang pabangunin o palitawin. Kailangang manipulahin o pagalawin. Sapagkat ito ang layunin ng tao sa mundo. Pakilusin ang mga persepsiyon upang lumaya ang pagkatuto, lumaya sa kawalang-kaalaman.

Palayain din sana ang lipunan. Ang tunay na tahanan ng mga iskolar ng bayan. Ito ang makikinabang sa dunong ng mga nagpapakadalubhasa. Huwag balahurain, bagkus paunlarin. Mamamatay ang lipunang walang malay.

Palayain ang pagkatuto ng balana, upang lumaya ang lipunan. Lumaya sa kaignorantehan, lumaya sa kasakiman sa karunungan. Ang mga iskolar ng akademiya ang magpapatuloy ng salinlahi ng malaya at makabuluhang dunong para sa bayan.

Anuman ang nais matutunan, sinuman ang nais paniwalaaan, mananatiling edukasyon ang tanging armas sa pagpapalaya ng isip at pagpapaunlad ng sarili.

Matuto ka. Lumaya ka.

No comments:

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...