Tuesday, March 28, 2017

PELIKULANG PILIPINO: ANO NGA BA ANG DEPINISYON NG KALIDAD NITO?

Likha ni: Jun-Jun

Matagal nang libangan nating mga Pilipino ang panonood ng pelikula. Sa katunayan, buwan-buwan ay iba't ibang pelikula ang ipinapalabas sa mga sinehan. Nakikipagsabayan na rin ang mga pelikulang pinoy maging sa mga foreign movies. At hindi lang mga mainstream o commercial films ng mga naglalakihang film outfit sa bansa ang kinahuhumalingan ng mga moviegoers. Pati na rin ang mga independent films o mas kilala bilang 'indie films'. Lahat nang ito 100% tatak pinoy.


Pero sa kabila ng kaliwa't kanang pagpapalabas ng mga pelikula. Marami pa ring kritiko ng sineng Pilipino ang humahati sa mga ito kung alin ang dapat at mahalagang panoorin at alin din ang hindi. Ang tingin kasi ng ilang beterano na sa paggawa ng pelikula. Ang mga palabas sa big screen ngayon ay Quality versus Quantity na.

May mga pelikulang, halos pare-pareho lang anila ang takbo ng kwento, pero ... 'WAKWENTA' o ang habol lang ay kung magkano ang kikitain. Gayundin, may mga pelikulang malalim ang istorya at may pinaghuhugutan talaga. Kaso, walang may pakialam dito. Walang tumatangkilik.

Pero ano nga ba ibig sabihin ng KALIDAD pagdating sa pelikulang Pilipino? Hindi ba, basta't pinaghirapan ang isang pelikula anuman ang takbo ng kwento nito ay masasabing dekalidad? Ang mga pelikulang sumasalamin lang ba sa mga napapanahong isyu ang maituturing na may 'kwenta'? At ang mga pelikulang kumikiliti sa mga puso at imahinasyon ng mga manonood ay hindi?

Halimbawa, ang mga pelikulang puro lang katatawanan ang tema tulad ng mga gawa nina Vice Ganda, Vic Sotto, at AiAi Delas Alas. Kung walang kwenta ang mga ito, basura rin palang maituturing kung ganoon ang mga obra ni Dolphy noon? Malaking sampal ito sa Hari ng Philippine Comedy na hinahangan ng lahat. Ganito rin ang mga pelikula noon niya kung sasabihing wala palang mapapala sa mga ganitong uri ng sine.

Isa pa, kung hindi dekalidad ang mga fantasy films ng Pinoy na puro lang special effects, sana pala walang tumangkilik sa Harry Potter, Twilight, Transformers at mga superheroes ng ibang bansa. Kung tutuusin, ito pa nga ang mga box-office sa abroad. Pero sa Pinas, pinagtatawanan lang ang mga obrang ito kapag Pinoy ang gumawa.

Ang totoo! WALANG PELIKULANG WALANG KALIDAD. Taas ang kamay akong sumasaludo sa lahat ng direktor at manunulat ng pelikula Pilipino. Drama man o comedy, romance man o horror, indie man o mainstream. Dahil hindi biro ang paggawa ng pelikula anumang tema nito. Hindi madaling gumawa ng script, kumuha ng mga artista, humanap ng sponsors, mag-shoot, mag-edit, at mamuhunan ng malaki. Dahil kung paano man binuo ang isang pelikula, mula pre-production hanggang post-production ... DEKALIDAD. Period. Walang kokontra.

Hindi mo pwedeng husgahan ang isang pelikula base lamang sa tema nito. Hindi ka pwedeng humusga dahil lang lumabag ito sa panlasa mo. Hindi ka pwedeng humusga dahil lang nagpatawa, nagpakilig, o tumakot lang 'to ng mga audience. Dahil tandaan mo, wala pa sa kalingkingan ng utak mo ang dalawang oras na panonood mo ng pelikulang ginawa nang halos ilang buwan para husgahan mo.

Kanya-kanyang panlasa ang mga moviegoers, gaya ng kanya-kanya ring bulsa para sa dalawandaang pisong bayad nito. Maraming pagpipilian, at hindi lang ikaw ang pipili. Kung kalidad man ng pelikula ang usapin sa panonood sa sinehan. Ibigay mo ito mismo sa mga manonood. Dahil para sa kanila, kaya ginawa ang isang uri ng sining na ito para sa panlasa nila at hindi lang sa iyo.
Tandaan na lang, ang KALIDAD ng isang pelikula ay nakasalalay sa kalidad ng taong manonood nito.

KOREANOVELA: ANG PAGKAIN NG SISTEMA SA K-DRAMA

Likha ni: Jun-Jun
#AkoSiJunJun

Isa ka rin ba sa mga Pinoy na kinain na ng sistema ng K-Drama?
'K-Drama' o Korean Drama, mas kilala sa tawag na 'koreanovela'. Mula kasi nang dumating ang bagong milenyo o ang dekada 2000, dumating din ang bagong timpla ng mga drama sa telebisyon. Bagong panlasa sa mga Pilipinong panatiko ng mga teleserye. Kinahumalingan ito lalo na ng mga kabataan at naging bahagi na ng pop culture hanggang sa kasalukuyan.
Bagama't nakilala natin noong dekada '90 sina Marimar, Rosalinda, at Maria Mercedes na mula sa mga teleserye ng Mexico at tinawag nating 'Mexicanovela', mas naging patok sa panlasa ng mga Pinoy sa pagpasok ng 21st Century ang mga drama buhat mismo rito sa Asya. At kahit na tumatak ang mga seryeng mula sa Taiwan, Japan, at China, pinaka-paborito pa rin ng lahat ang 'koreanovela' o mga telenobelang mula sa bansang Korea.


Mula kina Jun Pyo, Jan Di, at Vivian, hanggang kina Mateo Do at Steffi Cheon, naging produkto sila ng K-Dramang inibig nang husto nating mga Pilipino. Ilan sa mga hindi malilimutang koreanovela na nagpa-ibig sa atin ay ang Boys Over Flowers, My Girl, Princess Hours, Jewel in the Palace, Lovers in Paris, Full House, Stairway to Heaven, My Love from the Star, at marami pang iba. Dahil sa mga ito, nakilala natin sina Lee Min Ho at Rain, dalawa sa tinitingalang Korean Superstars.
Koreanovela. Ito ang mga seryeng kilala bilang mga 'light drama' na bumago sa panlasa ng 'heavy drama' ng mga soap opera natin at nakasanayan nang napapanood sa Pinoy television. Mga dramang halos paulit-ulit na lang ang takbo ng kwento. At mga seryeng pinaglumaan na ng panahon.
Marahil ang isa sa mga salik na nagustuhan ng mga Pinoy sa mga koreanovela ay ang tema ng mga serye nila. Kaiba kasi sa mga Pinoy Drama, napaka-light, simple, at hindi mabibigat ang pinaghuhugutan ng mga istorya ng K-Drama. Ngunit kahit gaano kasimple ang mga tema nito ay napakalakas naman ng impact sa mga manonood. Lalo na kung 'romantic-comedy' ang tema na karaniwan naman talaga sa mga koreanovela.
Sa mga kwento naman ng mga K-Drama, ibang-iba rin ito sa Pinoy Drama. Napaka-payak ng kwento at hindi na pinahahaba pa kaya't lubos na naiintindihan ng mga manonood. Hindi tulad sa ilang mga teleseryeng Pinoy na pilit pinahahaba ang kwento para lamang sa kapakanan ng ratings. Kaya't ang nagiging bunga ay 'sawa' factor ng mga manonood.
Mapapansin din na hindi mabibigat ang mga eksena sa koreanovela. Madalas na hindi nag-uumpisa sa pagkabata ng mga pangunahing tauhan hanggang sa mga pinagdaanan nito paglaki tulad sa mga Pinoy soap opera. Isa pa, may pagka-'mysterious' ang mga K-Drama na nagpapatingkad pa lalo ng kwento. Hindi rin masyadong bayolente, hindi masekswal, at hindi rin marahas ang mga eksena. Sa halip, mas lumulutang ang saya, kilig, excitement, at charm ng mga koreanovela. Kaya naman, hindi maitatanggi na kinahuhumalingan ito ng marami sa atin.
Sa katunayan, gumawa na rin ang mga Pinoy ng mga sariling bersyon ng ilang mga sikat na koreanovela. Tulad ng Pinoy version ng My Girl, Lovers in Paris, Stairway to Heaven, Full House, Baker King, at iba pa. At nauuso na rin sa iba't ibang TV Network sa bansa ang paggawa ng mga Pinoy teleserye na 'light drama' ang tema. Siguro ay impluwensya na rin ito ng pagsikat ng mga K-Drama.
Bahagi ng tinatawag na 'Korean Wave' ang pagsikat ng mga koreanovela sa bansa. Sa totoo lang, maging porma ng mga koreano at kahit kultura nila ay minsang ginagaya na rin ng ilang mga Pinoy. Kaya't napakalakas ng 'K-Pop' o korean popularity. Ang pagbabagong ito ay nangangahulugan lamang na malawak mag-isip ang mga Pilipino. Ang pagtuklas sa panibagong imaheng ito sa mundo ng telebisyon ay napakagandang paraan din sa pag-unlad ng sarili nating imaheng pang-midya at panlibangan.
Hindi naman masama ang pagkahumaling natin sa mga Korean Drama o 'K-Drama'. Huwag lang sana tayong magpapakain nang todo-todo sa sistema ng mga koreanovela. Dahil baka sa mga susunod na taon ay hindi na natin kilala nang husto ang mga Pinoy Drama na sumasalamin sa ating sariling kultura.

Sunday, March 26, 2017

BEKS: NOON AT NGAYON

Likha ni: Jun-Jun
#AkoSiJunJun


Gays, Bakla, Bading, Beki. Bahagi na nga sila ng ating lipunan. At ngayong tayo'y nasa 21st century na, mas tanggap na ng karamihan ang tinatawag nating mga nasa 'ikatlong kasarian'. Bagamat, pinuputakti pa rin sila ng mga batikos, diskriminasyon at mga negatibong panghuhusga, hindi maitatanggi na ang mga miyembro ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual, & Transgender) Community partikular na ang mga nasa kategorya ng 'gays' ay malaki na ang naiaambag sa mundong ito.
Ngunit sa paglipas ng panahon, kasabay ng unti-unting pagtanggap sa mga kapatid nating 'beks' ay ang unti-unti ring pagbabago ng kanilang imahe, kilos at maging personalidad. Habang tumatagal, palaki nang palaki ang pagbabagong mapapansin sa mga beki, noon at ngayon. Mula sa pagkilos, pananalita, pananamit at maging sa interes nila, ay unti-unting nagbabago. Mga pagbabagong positibo naman ang nagiging tugon para sa karamihan.
Mapapansin na karamihan sa mga beki ngayon ay hindi na masyadong nahahalata. Iyon bang sa imahe pa lamang ay hindi na agad masasabing sila ay mga gay o bakla. Kaiba sa nakasanayan nating imahe ng mga beki na punong-puno ng make-up ang mukha, nakapambabae ang suot, at malalambot at kilos o galaw. Ina na ang mga beki ngayon. Mga beking sa unang tingin ay aakalain mong mga tunay na lalaki.
Marahil ay parte na rin ito ng mga nais ng mga beki upang mas matanggap sila ng lipunan kahit papaano. Mas ginagawa nilang disente at maayos ang kanilang imahe upang mas maganda rin sa paningin ng iba. O kaya nama'y mas komportable lamang sila na magbihis at kumilos ng panglalaki kahit alam nila sa sariling pusong-babae sila. Ito ang dahilan kung bakit nauuso ang mga beking tinaguriang 'gay in a closet', 'discreet', o mas kilala sa tawag na 'paminta'.
'Paminta' o pa-men. Nagpapakalalaki kahit hindi naman talaga. Ito na ang imahe o larawan ng mga beki sa kasalukuyan. Bagamat, may mga nakikita pa rin tayong mga imahe ng nakasanayan na nating beki ay hindi maitatanggi na mas marami na ang mga paminta. Walang kaso rito at wala ring masama sa pagiging 'Paminta' o pa-men. Marahil ay nagpapakalalaki sila upang makaiwas na rin sa mga panlalait at diskriminasyon ng ibang tao.
Ang mga 'gay in a closet' ay mga beking ang imahe ay pangkaraniwan lang na lalaki. Lalaki kung pumorma. Lalaki kung kumilos. Ngunit sa kanilang personalidad malalaman ang kanilang tunay na pagkatao. Mailap na rin ang mga beking nagpapahaba ng buhok na parang babae at yung mga nagpapapalit ng kanilang sekswal na parte ng katawan na pambabae rin. Parang unti-unti na ring nawawala ang mga beking 'cross-dresser' o kung mayroon man, kakaunti na lamang.
Ang mga 'discreet gays' din ay karamihang propesyonal na. May maganda at disenteng trabaho sa buhay. Hindi na lang natin nakikita ang mga beki na nasa loob lamang ng parlors, gay pageants, o mga comedy bars. Karamihan sa mga beki ngayon ay mga nasa matataas pang posisyon na sa kani-kanilang mga larangan.
'Paminta', 'gay in a closet', o 'discreet'. Iba-iba man ang tawag sa kanila sa kasalukuyan, iisa pa rin ang kanilang katauhan, at iyon ay ang pagiging beki. Sila pa rin ang mga lahi ni Adan na nais magpaka-Eba. Sila pa rin ang mga lalaking may pusong-babae. Nag-iba nga lamang ng imahe, kilos, at personalidad. Maaaring paraan ito upang lubos na silang matanggap ng lipunan o di kaya'y bahagi na ng pagbabagong nais nila para sa kani-kanilang sarili.

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...