Sunday, April 30, 2017

PAANO NA ANG KWENTO NATIN?

Likha ni: Jun-Jun


NAGHIHINTAY. Ako. Ngayon. Naghihintay ako ngayon.

“Oh! bakit hindi ka pa umuuwi? Tapos na ang rehearsal at bukas graduation na!” tanong ng isang kilala kong boses. Si Mr. Torres pala, propesor ko. “May hinihintay lang po Sir,” sagot ko naman. Luminga-linga siya sa paligid. Nang makita ang hinahanap na sasakyan … “O siya, David! Sige na, mauna na ko sayo at kailangan ko nang magpahinga para bukas,” paalam niya sa akin. Tinapik niya ang balikat ko.

“Sige po sir. Ingat po kayo,” sagot ko naman. “Oo nga pala, advance congratulations pala sa iyo, Mr. Magna cum laude!” pahabot na bati sabay tawa. “Naku, salamat po sir!” magiliw na tugon ko.

Medyo tahimik na ang paligid. Magdidilim na rin kasi ang kalangitan dahil sa paglubog ng araw. Pero nandito pa rin ako. Sa gilid ng gusali kung saan ang kolehiyo niya. Nakaupo sa bench. Hinihintay siya. Siya lang.

Una ko siyang nakita noong enrolment. Dito rin sa lugar na ‘to. Sa mismong mahabang upuang ito. Nakapila siya sa College of Education. Doon pa lang alam ko nang titser ang gusto niyang kunin. Dahil sa pananamit pa lang niya, halata mo nang magiging matandang dalaga pagdating nang panahon.

Pero, ngayong hapon, hindi ako papayag na mangyari iyon.

Nakadamit siya noon ng kulay rosas na blouse at paldang itim na hanggang tuhod ang haba. Naka-flat shoes dahil medyo matangkad din siya para magtakong. May shoulder bag na may nakasilip na brown envelope at may hawak na pamaypay habang nagpupunas ng pawis sa mukha gamit ang kabilang kamay. Morena ang kulay niya. Hindi gaanong kaputian pero hindi rin maitim. May kahabaan ang buhok na unat na unat. Para siyang … Para siyang dalagang Pilipina.

“Hoy David, tara na! Ang dami nang nakapila College of Communication oh!” biglang sigaw sa’kin ni Mark habang kumakain ng siopao, kaibigan kong gusto rin mag-Mass Comm tulad ko. “Eh ikaw? Tapos ka na bang lumamon? Ikaw lang naman hinihintay ko eh,” pang-aasar ko naman. May kasibaan din kasi ‘tong kaibigan ko. “Malapit na ‘to! Pumila na tayo bago pa dumami yung mga tao,” pagyaya niya sa akin.

Ayoko pa sanang umalis dahil tinititigan ko pa rin nang pasimple ang babaeng naghihintay sa pila ng mga estudyante. Mga dalawang dipa lang naman ang layo ng kinauupuan ko sa kanya. Pero hinahatak na ko ni Mark. Tumayo na ko at nag-ayos para umalis na. Palakad na ko nang biglang …

“Maria Isabel Alcantara?”

Biglang nagsalita noon ang student assistance officer sa enrolment ng COE. Lumapit ang babaeng kanina ko pa tinitignan sa kanya. “Pwede na po kayong pumasok sa office,” paliwanag ng SA officer. At sumunod sa kanya ang babae.

Nabigla ako. Doon ko unang narinig ang pangalan niya. Maria Isabel Alcantara. Hindi ako nagkakamali. Parang may kung anong swerte akong natanggap noong mga oras na iyon. Kahit pangalan lang ang narinig ko mula sa kanya, mas lalo tuloy akong naengganyong pumasok noon dito sa isang sikat na unibersidad sa Maynila para sa academic school year ng 1998.

Mula noon, lagi ko na siyang hinahanap. Kahit na magkalayo ang gusali ng kolehiyo namin. Tuwing pasukan at uwian, tuwing may event sa school o sa may canteen. Awa naman ng Diyos, madalas ko siyang makita.

Pero hindi madali kung paano kaming nagkakilala ng personal. Sulat. Liham dito, love letter doon!  Ito ang naging tulay ko sa kanya. Dahil sa mga mabubuti kong kaibigan na maraming koneksyon sa iba’t ibang tao, naging paraan ko iyon para mapaabot ang mga sulat ko sa kanya.

Nagpang-abot-abot sa napakaraming kamay, pasa rito, pasa roon. Para lamang mabasa niya ang dalawang pirasong yellow paper na punong-puno nang kung ano-anong kwento o kahit anong gusto kong sabihin sa kanya. Alam kong natatanggap niya pero hindi ako sigurado kung nababasa niya ba iyon.

Sa sulat ko sinabi lahat-lahat. Mula sa pagpapakilala ko kung sino ako at sino siya para sa akin. Halos dalawang beses sa isang linggo ko ginagawa iyon. Pero ang pangalan kong nasa ibaba. Nakakatawa man malaman pero ginawa ko para hindi niya ko makilala. Ang kalaban ni David … si Goliath.

Sa unang taon ko sa kolehiyo, puro ganoon ang ginawa ko. Minsan, kapag may sobrang pera, may kasamang bulaklak o tsokolate ang sulat ko sa kanya. Natapos ang dalawang semestre na ‘secret admirer’ niya lang ako. Numanakaw ng tingin at pasimpleng lumalapit sa kanya. Halos sampung buwang nagtatago sa pagkatao ni ‘Goliath’ na mortal na kaaway ni David mula sa lumang tipan.

Nakayanan ko ang isang taong magsulat ng love letters para lang makausap siya. Kahit na ako lang naman ang nagsusulat at kahit isang sagot ay wala akong natanggap. Pero hindi doon natapos ang lahat sa sulat lang. Sawa na ko sa puro ‘Dear Maria Isabel’, ‘Mahal kong Maria’, at ‘Aking Isabel’. Dahil alam kong kailangan ko nang magpakilala bilang ako. Bilang si David.

Nasa ikalawang taon na kami sa kolehiyo nang magpakilala na ko sa kanya. Hindi ko alam. Masyadong mabilis ang mga pangyayari noon. Walang kaplano-plano ang pagpapakilala ko ng personal sa kanya.

“Ako si Goliath,” bitaw ko kasabay ang pagbitaw ng isang libro sa mesa kung saan nagsusulat siya. Medyo malakas ang pagkakabagsak kaya’t nagkatinginan ang ilang tao sa unang palapag nang napakatahimik na library. “Ssshhh!” saway ng librarian sa akin.

Alam kong nabigla si Maria Isabel Alcantara. Hindi sa bagsak ng libro sa mesa kundi sa nalaman niya. Pero mas nagulat ako sa ginawa ko. Wala ko sa katinuan noong mga oras na iyon. Marahil ay dala ng wala pang tulog dahil sa maraming projects at assignment.

Nakatitig lang siya sa akin. Nakayuko ako. Maya-maya, tiniklop niya ang notebook at libro niya, hinawakan ang bag, at dali-dali tumayo para umalis ng library. Napalakas ang pag-angat ng upuan niya. Dahilan para magtinginan ulit ang mga tao. “Ssshhh. Ano ba kayo?!” saway na naman ng librarian. Pero hindi ko sila pinansin. Dali-dali ko ring sinundan si Maria Isabel Alcantara.

“Ms. Alcantara! Ms. Alcantara!” sigaw ko habang patuloy siya sa paglalakad. Hindi siya tumigil hanggang sa mapunta kami sa may gilid ng school grounds. Nakasunod pa rin ako. Bigla siyang humarap.

“What?!” mataray na salita niya habang nakataas ang isang kilay. Napahiya ako bigla. “Ikaw si Goliath? Sayo galing yung mga sulat na halos isang taong binibigay sa akin?” nagtaas na siya ng boses. Tahimik pa rin ako. Nahihiya na kinakabahan. Nakayuko lang.

“Bakit ngayon ka lang nagpakilala?” mahinahon na siya, “Halos buwan-buwan akong naghintay kung may magpapakilala sa akin na Goliath pero wala. Pinaghintay mo ‘ko ng napakatagal.” Nabigla ako. Ang nararamdaman kong kaba ay parang napalitan ng tuwa. Unti-unti akong tumingin sa kanya. “Na-natakot ka-kasi ako,” pautal-utal at mahinang sabi ko.

Kumunot ang noon niya. “Sino ka ba talaga? Anong tunay mong pangalan? Goliath ba?” naguguluhang tanong niya. “Hindi,” mahina pa ring sagot ko. “Eh ano?” tanong niya ulit. “A-ako si … David,” nahihiyang sagot ko. Nagulat siya. “David … Tapos Goliath?”, tugon niya. At tumawa siya nang mahina. Tapos palakas nang palakas. Hanggang sa humalakhak siya. Napangit na lang ako. Nasiraan yata ng bait.

Natatawa ako ngayon habang naaalala yung pagkakataong iyon. Kung hindi ba naman kasi ako tanga at ‘Goliath’ pa talaga ang napili kong pen name sa mga sulat ko sa kanya. Pero ang mahalaga noon, nagkakilala na kami ng personal. Doon, mas nakilala ko siya nang husto.

Mabait siya. Sobrang bait. Hindi mo mababanaanag na marunong siyang magalit. Mahinhin din siya. Hindi gaanong madaldal pero makuwento rin na parang ako. Pansin ko ang maganda at tamang pagpapalaki sa kanya ng mga magulang niya. Napakapayak niya mamuhay. Napakanatural. Mula noon, naging magkaibigan kami. Naging magkakaibigan din pati mga kaibigan namin.

Alam niyang may kakaiba akong nararamdaman sa kanya dahil sa mga sulat ko noon pero hindi iyon naging dahilan para magkailangan kami. Mas lumalim pa ang samahan namin. Hanggang sa puntong tinanong ko na siya para maliwanagan na rin ako at siya.

“Masayo akong kasama ka David,” iyon ang tanging sabi niya sa akin, “pero hindi pa ako handa.” Alam kong natatakot pa siya. Dahil ayon nga sa mga kwento niya, buong buhay niya puro sa pag-aaral siya nakatutok. Ayaw niyang mapahiya sa mga magulang niya na parehong propesyonal na. Gusto niyang makatapos nang maganda at maging matagumpay muna. Alam ko iyon at taggap ko rin.

Lagi niyang sagot iyon sa akin. Pero kahit ganoon, hindi ako tumigil sa pagsuyo sa kanya. Hindi rin naman nagkalamat ang pagkakaibigan namin. Lalo ko pang pinatunayan sa kanya na karapat-dapat ako at kaya kong maghintay.

Naging madalas pa ang pagkikita namin noon. Palibhasa, kapwa kami masipag sa pag-aaral, nagtutulungan kami lagi sa mga assignments namin. Lagi kaming lumalabas at kumakain kung saan-saan kapag may libreng oras. Madalas kaming dalawa na lang. Wala na kaming ilangan sa isa’t isa. Kabisado na namin ang halos lahat. Pero, walang kasiguraduhan. Walang kasunduan. Wala pa.

Kahit bakasyon nagkikita kami. Wala na nga lang nakakaalam. Minsan pang sumama ako sa probinsiya nila sa Pampanga. Nakakatuwa ang pamilya nila. Hindi naman minasama ng mga magulang niya ang samahan naming dalawa. Kahit nag-iisang anak siya at babae pa. Mababait ang mga magulang niya, alam kong may pinagmanahan si Maria Isabel Alcantara.

“Darating tayo sa puntong iyan.” Tanging sagot niya kapag minsan seryoso ko siyang tinatanong. Pero kailanman hindi sumama ang loob ko. Masaya pa nga ako. Masaya akong makakilala ng tulad niya. Dahil siya ay babaeng … hindi basta-basta.

Nasa ikatlong taon na kami noon. At magkaibigan pa rin kami. Magkaibigan nga lang. Mas lalong naging busy ang buhay namin. Pero hindi naging hadlang iyon para hindi kami magkita at magkasama.

Minsan pang ngang may pumasok na kalokohan sa isip ko.

“Miss Maria Isabel Alcantara!!!” paulit-ulit kong sigaw. Nagtitinginan ang lahat ng taong nakahinto’t dumadaan. Nasa harap ako noon ng gusali ng kolehiyo nila. Wala akong damit pantaas at pang-ibaba. Tanging panloob lamang. Pero nakabalot ang mukha ko ng tuwalya. at may hawak na malaking placard na may nakasulat na “I Love You Ms. Alcantara”.

Tilian. Sigawan. At kantiyawan. Ito ang bumalot sa ingay sa school graounds. Maya-maya lumabas si Maria Isabel Alcantara. Bakas sa mukha niya ang pagkagulat. Nakakunot ang noo. Alam niyang ako iyon. Alam ko rin nahihiya siya pero tuloy ang pangungutya ng mga tao sa kanya. Nang-aasar.

“Tumigil ka diyan! Hindi kagandahan ang katawan mo para maghubad ka!” sigaw niyang nang-aasar. Nagtawanan ang mga tao noon. Natawa na lang din ako sa ginawa ko. Napahiya ako.

Pero hindi siya nagalit sa akin. Sinakyan niya lang ako. Pareho na lang naming pinagtawanan ang nangayari noon. Gayunpaman, hindi niya pa rin ako sinagot. Walang epekto ang ginawa ko. Isa pang kagaguhan ang ginawa ko noon.

Napakaraming tao ang nakatingin sa akin at isa na siya doon. Nakaapak ako noon sa pasimano ng balkonahe ng gusali ng kolehiyo ko. Nasa ikalawang palapag ako. “Ms. Alcantara! Kapag hindi mo pa ako sinagot! Tatalon ako dito ngayon! At hindi mo na ako makikita pang muli ng buhay!” sigaw ko. Nagsisigawan din ang mga tao. Parang nangungumbinsi sa kanya na tanggapin na ko na maging karelasyon niya.

Sumigaw siya mula sa gitna ng mga tao. “Eh di tumalon ka! Mababa lang naman iyan! Ang huhulugan mo, puro damo! Mapipilay ka lang pero hindi mamatay!”, nang-aasar na sabi niya. Nagtawanan ulit tuloy ang lahat. Naasar ako.

Talo na naman ako. Pinagtawanan niya ko noon nang magkita kami pagkatapos ng kalokohan ko. “Hindi ba sabi ko sayo, darating tayo dyan. Huwag kang magmadali.” sabi niya sa akin. Pero hindi ako nagalit. Natuwa pa ako dahil hindi siya nagalit sa akin kahit naging sentro ng atraksyon siya roon.

Para na kaming magkapatid kung magturingan. Napakalapit na ng loob ko sa kanya at ganoon din naman siya sa akin. Nagkapalagayan na kami sa isa’t isa. Pero hanggang doon lang. Wala pang kasiguraduhan kung mauuwi sa masayang katapusan o hindi. Pero tiwala akong sa dulo, papayagan niya rin ako. Papayagan niya akong angkinin siya … nang sa akin na.

Nagpatuloy at nagpatuloy ang panliligaw ko sa kanya. Kahit anong okasyon magkasama kami. Kahit araw ng pasko at bagong taon, naroon ako sa kanilang bahay. At naging madalas pa ang pagpunta ko sa kanila. Mabuti na lamang at walang problema sa mga magulang niya na madalang ko rin namang makita dahil sa may mga trabaho.

Naalala ko nung araw ng mga puso. Halos tinipid ko ang allowance ko nang dalawang linggo para lamang makabili ng bulaklak sa kanya. Mismong ako pa naghatid noon sa classroom niya. Nainis pa siya sa akin noon dahil naging sentro na naman siya ng usapan sa buong kolehiyo nila. Pero kahit ganoon, wala pa rin akong natanggap na sagot. Wala pa talaga.

Nagpatuloy ako sa pagsuyo sa kanya. Nagpatuloy rin ako sa paghihintay.

Nasa ikaapat na taon na kami ngayon. Malapit  na kaming grumaduweyt. Sa totoo lang, bukas na talaga. Siya bilang isang guro at ako naman bilang alagad ng midya. Pero hanggang sa mga oras na ito. Naghihintay pa rin ako sa sagot niya. At kahit ngayong gabi, literal akong naghihintay sa kanya. Dahil ngayong gabi niya rin sasabihin ang desisyong hinintay ko at alam kong pinag-isipan niya sa loob ng apat na taon. Napakatagal, pero alam ko nasa tamang pagkakataon lang talaga.

Pero hindi naging madali ang huling taon naming ito sa kolehiyo. Hunyo pa lang, alam naming dalawa na magiging puspusan ang huling dalawang semestre ng taon. Mas lalo akong naging abala sa Thesis ko at pati siya. May mga pagkakataon na halos isang linggo kaming hindi nagkikita. Hindi na rin ako madalas makapunta sa bahay nila noon. At kahit sa gusali ng kolehiyo nila para makausap siya.

Madugo pareho ang naging kalbaryo ng thesis naming dalawa. Dahil kailangan naming ipasa ito at gawing matagumpay naging madalang ang paglabas namin. Minsan nga’t nagkakasalubong kami at nagngingitian at kaunting kamustahan na lang dahil sa pagmamadali.

Pero hindi naging hadlang iyon para matigil ang pagkakaibigan namin lalo na ang pagsusuyo ko sa kanya. Sinusulit namin ang mga pagkakatong nagkakaroon kami ng libreng oras. Kahit isang beses sa isang linggo. Nagagawa pa rin namin yung mga dati na naming ginagawa. Kumakain ng sabay, nagtutulungan sa ilang paperworks, namamasyal, nanonood ng pelikula, at iba pa.

Sa wakas, natapos ang unang semestre. Nakalusot ang thesis ko at ang thesis niya. Pero hindi doon natapos ang kalbaryo naming dalawa. Dahil mas naging matindi pa pala ang pansamantalang paghihiwalay namin. Iyon ay apara sa internship namin o OJT (On the Job Training).

Nag-OJT ako sa isang sikat na radio station sa Quezon City. Siya naman, sa isang pampublikong eskwelahan na medyo malayo rin sa unibersidad namin. Halos apat na buwan ang itinagal ng internship. Dahil wala pang makabagong teknolohiya para sa komunikasyon maliban sa telepono, madalas na lang kaming magkita sa pamantasan. Masuwerte na kung matiyempuhan namin ang mga araw na libre ang oras namin at pwedeng lumabas para kumain at mamasyal.

Ngunit ang pinakamatindi sa lahat, ay nang magkaroon na ng lamat ang pagkakaibigan namin at nang muntik nang paglayo ng loob niya sa akin. Ito ay nang makilala ko si Shiela. Isang intern din sa radio station kung saan ako nakadestino ng OJT. Taga-ibang unibersidad siya. Maganda, maputi, at mabait din.

Minsan pagkatapos ng oras ng OJT namin. Lumalabas kaming mga intern. Kumakain, namamasyal, o kung ano na lang magawa. Naging magkaibigan kami ni Shiela. Nagkalapit din ang loob namin. Nagtutulungan pagdating sa internship. Magiliw rin siya at madaldal. Masayang kasama lalo na sa kwentuhan.

Noong nagkaroon ng pagkakataon na binigyan kami pareho ng assignment na halos project na rin namin sa OJT, naging abala kaming dalawang mag-partner. Halos buong araw at buong magdamag kami magkasama dahil sa project na ibinigay sa amin na kailangan nang matinding research at interviews sa iba’t ibang tao, pagpunta sa iba-ibang lugar, at pagkuha ng mga impormasyon.

Dahil sa palagiang pagsasama namin ni Shiela. Hindi ko rin maitatangging nagandahan ako sa kanya. Masaya din siyang kasama. Naakit din ako sa kasipagan at kabaitan niyang babae. Sa katunayan, maging mga kasamahan ko sa internship, nahumaling sa kanya. Aaminin ko, nagkaroon ako ng kaunting pagtingin kay Shiela. Lalo na’t dalawa lang kami sa project. Medyo nahulog din ang loob ko sa kanya.

Mas lalo tuloy naging madalang ang pagkikita namin ni Maria Isabel Alcantara. Pero alam naman naming pareho na kailangan naming gawin iyon para makapag-martsa sa darating na graduation. Gayunpaman, hindi ko sinabi sa kanya ang tungkol kay Shiela. Ang alam lang niya, may matinding project akong pinagkakaabalahan. Ayokong magkaroon ng malisya sa kanya ang samahan namin ng ka-OJT ko. Pero, dumating sa puntong hindi ko inaasahang mangyayari.

Kumakain kami sa isang food chain noon ni Shiela. Nag-uusap sa mga susunod naming hakbang para mas mapadali na ang project na ibinigay sa amin. Malapit na rin kasi noong matapos ang internship. Pero sa food chain ding iyon nagkita kami ni Maria Isabel Alcantara. Kasama ang mga student teachers din sa school ng OJT nila. Pagpasok pa lang nila, nagkita na kami ni Maria Isabel Alcantara. Napatingin siya sa akin. Ngumiti ako na akmang gustong puntahan siya. Pero nabaling ang tingin niya kay Shiela na noon ay may ginagawa. Medyo nagulat siya. Naging balisa.

Parang napahiya ako. Tatayo na sana ako nang kausapin ako ni Shiela tungkol sa project namin. Hindi na ako nakaalis sa kinauupuan ko. Nakita kong niyaya na ni Maria Isabel Alacantara ang mga kasamahan niya palabas ng food chain. Parang nadurog ako bigla noon. Hindi ko man lang siya nakausap kahit sandali o kahit nalapitan man lang para makamusta. Hindi ko man lang nasagot ang parang gumulo sa isipan niya nang makita niyang may kasama akong babae.

Matapos ang meeting naming dalawa ni Shiela. Humangos ako papunta sa bahay nila Maria Isabel Alcantara. Kahit alam kong alas-diyes na ng gabi at maaga pa ang pasok ko bukas, hindi ako nagdalawang-isip na kausapin siya. Kahit sandali lang. Tumakbo ako nang tumakbo. Pagharap ko sa bahay nila. Nakita ko siya. Si Maria Isabel Alcantara.

Nasa gate siya, napatingin sa akin. Alam kong malalim ang iniisip niya. At naroon ako sa malalim na pag-iisip niyang iyon. Kalmado siya. Walang reaksyon ang mukha. Ngumiti na lang siya sa akin, ngunit alam kong may nakatago sa mga ngiting iyon.

“Pwede ba kitang kausapin?” tanong ko sa kanya. “Gabi na, maaga pa ang pasok natin bukas,” sagot niya. Akmang ila-lock na niya ang gate nang magsalita ako. “Si Shiela iyon. Nakalimutan kong sabihing partner ko siya sa project namin sa internship. Nagmi-meeting kami kanina sa mga gagawin namin,” sambit ko habang napatulala siya.

Matagal bago siya sumagot. Muli niyang binuksan ang gate. “Hindi naman kita pinagpapaliwanag at hindi mo naman kailangang banggitin pa sa akin kung sino siya,” sarkastikong tugon niya sa akin na nagkukunwaring tumatawa. Napahiya ako.

Bigla siyang nagsalita ng seryoso. “Hindi naman kita pinipilit na ibaling lang sa akin ang atensyon mo. Pero hindi mo ba kayang maghintay?” sambit niyang parang may mabigat na nararamdaman. Tahimik ang paligid. Natulala ako.

Nagpatuloy siya. “Ako rin naman David. Nangulila ako sa loob ng apat na buwan. Hindi ako sanay na wala na yung taong maghihintay sa’kin tuwing uwian para lang lumabas at mamasyal. Hindi ako sanay na walang nagpupunta dito sa bahay para lang tulungan ako o magpatulong sa’kin sa mga assignment. Hindi ako sanay na wala nang nang-aasar o dumadaldal sa’kin. Nangungulila ako David dahil sinanay mo ko. Sinanay mo ko,” at tuluyan nang tumulo ang mga luha niya. Pinipilit niyang huwag ipakitang umiiyak siya pero hindi niya kaya. Binuksan ko agad ang gate at tumungo sa kanya. Niyakap ko siya nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit.

Naaalala ko. Naaalala ko ngayon iyon. Ngayong oras na alam kong maririnig ko sa kanya ang matamis na sagot na halos apat na taong hinintay ko. Masaya ako para sa kanya. Masaya ako para sa aming dalawa. Dahil sa wakas, maliliwanagan na ako.

Natapos ang OJT namin noon. Sa wakas din, graduation na lang ang hinihintay namin. Pero hindi pa rin kami masyadong nagpapansinan ni Maria Isabel Alcantara. Hindi ko alam noon, parang nawawalan na tuloy ako ng pag-asa. Parang dahil sa hindi magandang nangyari, nagkalamat na ang pagkakaibigan namin. Hindi ko na siya nati-tiyempuhan kapag uwian nila. Kahit sa library, hindi ko na siya nakakasabay. Kapag pumupunta ako sa bahay nila, laging walang tao.

Marahil, abala lang sa mga ipinapasang requirements para sa graduation namin. Kahit naman ako, marami pa kong problema sa mga papeles ko sa unibersidad kaya kailangan kong tapusin na iyon bago pa ako maabutan ng martsa ng graduation.

Napadaan ako noon sa gusali ng kolehiyo nila. Nagkakagulo. Naglabas na kasi ang kolehiyo nila ng mga latin honors. Nakapaskil iyon sa bulletin board nila na pinagkakaguluhan ng mga naghahabaang leeg na mga estudyante ng College of Education. Nakisingit na rin ako dahil baka doon makita ko si Maria Isabel Alcantara. Habang hinahanap ko siya sa mga nagtutulakan. Napalingon ako sa nakapaskil. At nabigla ako. Nanlaki ang mga mata ko nang bumungad sa akin ang pangalan niya. Kasama siya sa mga Magna Cum Laude ng kolehiyo nila. Bigla akong nakaramdam ng natuwa. Halos ako ang naglulundag para sa kanya. Ganoon pa man, hindi ko siya nakita sa dami ng mga taong naroon. Wala siya.

Bumalik ako sa gusali namin para sa ilan pang papeles na kulang ko. Papaakyat na ako ng hagdan nang bigla akong may narinig. “David!!!!!!!!”, malakas na sigaw. Kilala ko ang boses na iyon. Paglingon ko, nakita kong nakatayo sa di kalayuan, nakangiti at mukhang masayang-masaya. Siya si Maria Isabel Alcantara.

Humangos siya nang takbo sa akin. Niyakap ako ng mahigpit. Nagulat ako bigla. Pero masaya ako, hindi dahil sa yakap niya kundi dahil nagpakita na siya sa akin muli. Senyales iyon na maayos na ulit ang samahan namin. Balik na ulit sa dati ang pagkakaibigan namin.

“David! Alam mo ba?” masayang tanong niya. “Ano iyon?” naguguluhang tanong ko rin. Bigla siyang napasigaw. “Magna Cum Laude ka!!!” Nagtinginan tuloy ang mga taong nasa paligid namin. Nabigla ako. Pero may halong tuwa’t saya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Napakaswerte naming dalawa. Pareho kami.

“Teka, pati ikaw! Magna Cum Laude ka!” tugon ko sa kanya na masayang-masaya rin. “Oo kanina ko pa alam!” masaya ring sagot niya. Ibang klaseng tuwa ang naramdaman ko noon. Pareho kaming nagtagumpay. Kapwa kami masayang-masaya para sa isa’t isa nang araw na iyon.

Naghihintay. Ako. Ngayon. Naghihintay ako ngayon.

Hinihintay pa rin siyang lumabas sa gusali ng kolehiyo niya. Gabi na. Bumukas na ang mga ilaw sa poste at ng mga gusali ng unibersidad. Kakaunti na lang ang mga tao sa campus. Bukas na ang graduation. Pero ngayon pa lang, ramdam ko na ang tagumpay. Hindi lamang tagumpay ko kundi pati na rin ng sa kanya.

Nangako siya sa akin, pagkatapos ng final rehearsal at bago ang mismong graduation, may sasabihin siya sa akin na napakahalaga. At alam ko kung ano iyon. Matagal kong hinintay ang araw na ito. Halos apat na taon akong naghintay para sa pagkakataong ito. Nakayanan kong magsulat ng mga love letters, nakayanan kong mapahiya sa maraming tao, nakayanan kong umasa sa mga araw na tinatanong ko siya, nakayanan ko ang pagsubok na dumating sa amin noong OJT, nakayanan ko lahat. Kaya’t masayang-masaya ako ngayon.

Sa wakas. bumaba na siya ng hagdan. Nakangiti pero pansin ko ang pagod niya. Dala siguro ng final rehearsal kanina. “Nainip ka na ba?,” nakangiting tanong niya. “Hindi naman,” sagot ko. “Alam mo, dito kita unang nakita,” banggit ko, “dito ako nakaupo at nakapila ka naman diyan. Nag-eenrol pa lang tayo noon.” Natawa kami pareho. Apat na taon na pala ang nakalipas. Pero hindi pa rin kumukupas ang ganda niya. Maganda pa rin siya tulad noong unang beses ko siyang nakita. At mas lalo gumanda pa ngayon. Bukod-tangi siya sa lahat ng babaeng nakilala ko. Si Maria Isabel Alcantara.

“David.” simula niya. “Hindi ba sabi ko sayo, may sasabihin akong mahalaga.” Nakangiti lang ako. Masaya lang. Handa na ako. “Ms. Alacantara, apat na taong kitang sinuyo. Napakaraming nangyari. At ngayon, gusto ko nang maliwanagan. Gusto ko nang malaman ang sagot mo.” masayang sabi ko.

“David. Napakasaya mong maging kaibigan. Masarap kang kasama. Parang kapatid na nga ang turing ko sayo. Napakabuti mong tao. Magaan ang loob sa iyo nina Mama at Papa, at ng mga kaibigan ko. Sana huwag magbago iyon.” sambit niya. “Oo naman. At mas magiging masaya ka pa kapag naging nobyo mo na ko,” sagot kong parang nang-aasar. Pero sa totoo lang, seryoso ako sa sinabi ko.

“Pe-pero David … Hi-hindi kasi eh,” pautal-utal na sabi niya. Medyo naguluhan ako. “Ha?” tanong ko. “Hindi David. Ma-magkaibigan tayo. Sa-sana, hindi magbago i-iyon,” nahihiyang sabi niya. Naguluhan na talaga ako. “Magkaibigan naman tayo? Di ba?” tugon ko. “Oo. Pero hanggang doon lang. Hanggang kaibigan lang talaga,” diretsong sagot niya. Natahimik ako bigla. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko.

Tahimik ang paligid. Nakayuko siya habang nakatitig ako sa kanya. “David, kaibigan lang ang turing ko sa iyo. Hindi pa ako handa. Pero di ba …” pinutol ko ang sinasabi niya. “Pa-paanong kaibigan? A-ano ba ‘to? Niloloko mo lang ba ko?” medyo tumaas na ang boses ko. Sinubukan niyang magpaliwanag. “David. Magaan ang loob ko sayo. Mahal kita pero … bilang kaibigan lang,” sagot niya. “Ha? Ano bang sinasabi mo?” tuluyan nang gumulo ang isip ko.  Hinawakan niya ang kamay ko. “David …,” hindi na natuloy ang sasabihin niya. Binitiwan ko ang kamay niya. Tinalikuran ko siya’t umalis ako. Naglakad nang mabilis hanggang sa tumakbo ako sa malayo, palabas na ng campus. Hindi ko na siya nilingon. Gulong-gulo ang isip ko.

Sumakay ako bigla ng jeep. Walang ibang pasahero, ako lang mag-isa. Nararamdaman kong nadudurog ang puso ko. Masakit. Gusto kong magalit pero pinipigil ko ang sarili ko. Gusto kong umiyak pero hindi lumalabas ang luha ko. Para akong pinagbagsakan ng langit. Parang galit sa akin ang mundo. ‘Ano ba ‘to?’ Sa isip ko. Sana panaginip lang lahat ng ito. Apat na taon ang hinintay ko, para lang ba dito? Ang sakit.

Ramdam ko ang harurot ng jeep. Ramdam ko ang hanging sumasampal sa mukha ko. Dinig ko ang mga ingay ng mga sasakyan sa kalsada. At ramdam na ramdam ko ang sakit. Hindi ko na kaya. Nagbalik sa alaala ko ang lahat. Nagbalik ang halos apat na taon.

Hindi ko alam ang susunod na gagawin ko. Graduation ko na bukas. Pero parang hindi ko kaya. Hindi ko kayang harapin ang sarili ko. Nagpaka-tanga ba ako o hindi? Hindi ko na alam ang mga susunod na mangyayari. Sa kwento ko, sa kwento naming dalawa. Ni Maria Isabel Alcantara. Ang kwento namin. Paano na?




WAKAS.

SI ANDOY

Likha ni Jun-Jun

KLENG-KLANG-KLENG-KLANG. Kalansing ng latang sinisipa niya habang naglalakad sa mahabang bangketa ng kalsada sa Maynila. Mabagal ang paghakbang ng mga paa niya. Pagod na siya’t mukhang malayo ang nilakad. Pawisan. Malalim ang iniisip.



Gabi na yaon. Iba-ibang ilaw ang sasalubong sa paglinga-linga ng mga mata. Liwanag mula sa mga ilaw ng sasakyan, ng mga poste, ng mga establisyimento, ng buwan at mga bituin.

Sandaling tumigil siya sa paglalakad. Tumingin sa kalangitan. Parang mas gumuho ang ang mundo niya. Bata pa siya, nasa 20 taong gulang pataas ang edad at bakas ang pagiging estduyante sa pangangatawang hindi naman kapayatan at hindi rin katabaan. Nakasalamin sa mata, naka-long sleeve na tinupi ang manggas hanggang siko’t nakapantalon ng maong. Naka-rubber shoes at naka-ID pa. Sukbit-sukbit sa likod ang bag na may kapunuan ang laman. May kulay ubeng pasa sa bandang dulo ng kanyang bibig. Siya … SI ANDOY.

Napayuko siya’t tinititigan ang lata. “Bakla ka?” tinig na parang nagpaalala sa kanya. “Bakla ka?” ilang beses pang naulit sa iba-ibang boses ang katanungang ito. “Bakla ka?” napakunot-noo si Andoy. At biglang sinipa nang malakas ang lata na nagpatalsik nang malayo at kumalansing nang malakas.

Naalala niya ang nangyari kanina.

“Bakla ka?” tanong ni Clara na natatawa kay Andoy. Kaklase ni Andoy si Clara. “Sshh! Huwag mo namang lakasan ang boses mo!” biglang tugon ni Andoy na napatayo sa kinauupuan nilang bench. Nagtinginan tuloy ang mga nasa paligid nila.

“O’ eh bakla ka nga? Paano?” naguguluhan pero natatawa pa ring tanong ng dalaga. Napaupo na si Andoy. “Hindi ko alam. Ewan. Basta,” mahinahon na siya pero naguguluhan din.

Tumingin si Clara sa kaibigan. Ngumiti. “Sabi na eh!” sabay tawa ng malakas. Napatingin ang binata na parang naguguluhan pa rin. “Kasi naman, unang taon pa lang natin sa kolehiyo, nararamdaman ko ng may iba sayo. Eh nasa ikatlong taon na tayo! Kaya alam ko na kahit hindi mo sabihin,” paliwanag niya na pangiti-ngiti pa.

Napangiti na rin si Andoy. “Sa totoo lang, wala pang nakakaalam. Kahit sino sa mga kaklase natin. Ikaw pa lang,” naging seryoso na ang dalawa.

“Kahit yung mga kabarkada mong lalaki sa basketball?” gulat na tanong ni Clara. Tumingin sa kawalan si Andoy na mukhang kinabahan. “Hindi pa nga eh,” mahinang tugon niya. “Hindi ko alam kung paano–,” hindi na natapos ang sinasabi niya.

Sumeryoso ang mukha ng dalaga. “Eh, kailan mo balak sabihin?” tanong nito, “At paano mo sasabihin?” madiin pa niyang tanong. Yumuko lang si Andoy na nag-isip ng malalim.

“O’ ano na ngayon? Magpapalda ka na? Magme-make up ka na? Magpapatayo ka na ng parlor?” pang-aasar ni Clara. Agad namang sumagot si Andoy, “Hindi ‘no! Iba naman ako. Hindi ako tulad nila. Kumbaga, nagsisimula pa lang ako sa kung ano ako.”

“Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita. Tutulungan kitang mas makilala ang sarili mo. At sa pag-amin sa ibang tao. Para saan ba’t naging kaibigan mo ko kung hindi kita tutulungan?” payo ng dalaga na nagpagaan naman ng loob ni Andoy. Tumingin si Andoy sa kaibigan. Napabuntong-hininga. Naramdaman niyang nabunutan siya ng tinik. Ngumiti siya.

Tumayo si Clara’t kinuha ang braso ni Andoy. “Halika na nga, Mare!” asar na naman ng dalaga. Nagulat ang binata pero napatawa na lang.

Nagtuloy-tuloy ang pang-aasar ni Clara kay Andoy habang naglalakad papalayo.

Nakatingin pa rin sa kalangitan si Andoy, pinagmamasdan ang maliwanag na buwan at mga nagniningning  na bituin. Maririnig niya ang ingay ng mga batang naglalaro. Mapapatingin siya.

Nakikita niya ngayon ang mga batang lalaki na naglalaro ng Chinese Garter. Maingay. Mapapansin ni Andoy ang mga batang lalaking masyadong malambot kumilos na parang mga babae. Mapapangiti siya. Pero mapapahawak siya sa pasa na nasa dulo ng kanyang bibig. Mawawala ang ngiti sa labi at mapapalitan ng lungkot.

Naalala na naman niya ang nangyari kanina.

“Bakla ka?” pasigaw na tanong ni Ronald. Mukhang kumulo ang dugo sa nalaman. Tahimik si Andoy na nakayuko habang nakaupo sa pasimano ng bangketa. “Kaya pala! Kaya pala si Clara na ang lagi mong kasama.Kaya pala lagi kang nakadikit sa’kin na parang aso!” galit na si Ronald. Mabuti’t walang tao noon.

Tumingala’t sumagot si Andoy, “Pero wala naman akong balak–”. Hindi na siya nakapagsalita pa. “Eh ano yung sinasabi mong gusto mo ‘ko? Ano yun?” naguguluhang tanong ng nagpupuyos sag alit na binata.

Yumuko ulit si Andoy. Hindi makasagot. “Ano?!” pasigaw na sabi ni Ronald. Nagulat si Andoy na parang nagalit.

“P’re naman eh. Kinaibigan kita mula pa noong nasa high school tayo! Kasama ka pa namin sa basketball lagi. Tapos noon pa pala niloloko mo na kami! Hindi ka pala tunay na lalaki! At ang masama pa doon, ako pa ang gusto mo!” mahabang paliwanag ni Ronald na nadidismaya.

Naiiyak na si Andoy pero pinipigil niya. Unti-unti siyang tumayo habang pinagmamasdan ni Ronald. Nagsalita siya nang mahinahon, “Hindi ko alam. Hanggang ngayon naguguluhan pa rin ako.” Mas lalong uminit ang ulo ni Ronald.

“Hindi ko ginusto ‘to P’re. Hindi ko rin ginusto na magkagusto sayo. Kaibigan kita pero unti-unting nahuhulog ang loob ko sayo.” tumutulo na ang luha sa isang mata ni Andoy pero matapang siya’t pinipigilan pa rin niya. Nakatingin na sa kawalan si Ronald.

Nagpatuloy si Andoy kahit nahihirapan na sa pagpigil ng luha. “P’re, hindi naman kita pinipilit na magkagusto rin sa’kin. Gusto ko lang talagang sabihin sayo kung ano ako. Dahil ayoko nang itago ito. Ayaw kitang lokohin kasi kaibigan kita.” Matigas pa rin ang kaibigan niyang hanggang ngayon ay naguguluhan pa rin.

Napalingon si Ronald sa kaibigan. Galit ang mukha niya. Nagkatitigan sila. “Pre …” akmang lalapitan siya ni Andoy. Umangat ang kamao ni Ronald. At isang malakas na suntok ang ibinigay ni kay Andoy sa mukha. Natumba si Andoy. Nahulog din ang kanyang salamin sa mata.

Galit pa rin ang mababakas sa mukha ni Ronald. Mabilis itong naglakad paalis. Si Andoy, naiwang nakahandusay sa sahig.

Tuluyan nang lumabas ang mga luha sa mga mata ni Andoy. Hindi sa sakit ng suntok na nararamdaman niya. Kundi sa sakit nang iwan siya ng kaibigan niya.

Naalala niya ang mga pagkakataong magkasama silang lagi ni Ronald. Habang kumakain, nagtatawanan. Habang nasa silid-aklatan, nagtutulungan. Habang naglalakad, nagbabatukan at nagbibiruan.

Patuloy ang pagluha ni Andoy. Pinunasan ng kamay ang mga luha na parang bata. Isinuot ang salamin sa mata.

May darating na mga estudyante. Tumayo si Andoy kahit nahihirapan at lumakad nang marahan paalis.

Dumadaloy na ang luha ni Andoy habang hawak-hawak ang pasa sa bibig. Nakatingin pa rin siya sa mga batang naglalaro. Magkahalong lungkot at inggit ang nararamdaman niya habang pinagmamasdan ang mga bata, lungkot dahil sa pagkawala ng kaibigan at inggit naman dahil sa mga batang lalaking matapang na ipinapakita kung ano sila.

Tumayo si Andoy sa kinauupuan. Nagpatuloy sa paglalakad. Napatigil siya bigla, nakita niya ang isang nakasuot ng maikling shorts na hanggang kuyukot at pambabaeng kamisetang kulay rosas. Mahaba man ang buhok nito’y bakas pa rin ang pagiging lalaki sa pangangatawan. May hawak na sigarilyo’t kaharap ang isang lalaking nakasando’t nakapantalon. Matikas ang katawan at patingin-tingin sa paligid habang kinakausap. Maya-maya’y sabay umalis ang dalawa. Hawak ng lalaki ang bewang ng lalaking nakapambabaeng suot na parang mag-nobyo.

Napabuntong-hininga si Andoy. Naalala na naman niya ang nagyari kanina.



“Bakla ka?”. Nagulat si Andoy mula sa pagkakatulala at malalim na pag-iisip. Tumingin siya mula sa nagsalita. Isang lalaki ang tumambad sa kanyang mga mata. Makisig ang katawan nito. Naka-sandong puti at maong na pantaloon. Mukhang bagong ligo na may tootpick pa sa bibig. Kahit papaano’y may itsura ang lalaking parang nasa 25 taong gulang pataas.

Nagbalik sa ulirat si Andoy. Napatingin sa paligid. Maggagabi na pala. Napakaraming tao sa paligid. Mga palakad-lakad, mga tindero’t tindera ng kung ano-ano, mga batang naglalaro, mga magkakasintahan, mga estudyante. Unti-unti nang bumubukas ang mga ilaw ng mga poste, sasakyan, at mga gusali.

“Anong sinasabi mo?” tanong ni Andoy sa lalaki. Nagulat siya sa pagkakausap sa lalaki. Sumagot ang lalaki, “Mukhang may problema ka Sir”. Lumapit pa ng kaunti ang lalaki kay Andoy. “Gusto mo ba Sir … pawiin natin iyan?” patawa-tawang sabi nito.

Nagulat si Andoy. Tinitigan ng masama ang lalaki. “Mura lang ako Sir, huwag kang mag-alala” pang-aasar pa ng lalaki.

Napayuko muli si Andoy. Tumingin-tingin ulit sa paligid. Nang makakuha ng tiyempong walang nakakarinig at nakakakita, tumingin siya sa lalaki. Ang mukha ng lalaki, parang nang-aakit na nang-aasar. Unti-unting tinitigan siya ni Andoy at ngumiti.

Sa loob ng isang kwarto, may isang maliit na kama at isang bentilador. Kulay kahel ang ilaw na masakit sa mata. Nakaupo si Andoy sa gilid ng kama, malalim pa rin ang iniisip. Sa kabilang gilid, nagtatanggal ng sapatos ang lalaki. Tahimik ang loob ng silid.

“Masama na ba ‘kong tao, kapag inamin kong bakla ako?” tanong ni Andoy na nakatulala. Napatigil sa ginagawa ang lalaki. Napatingin sa nakatulala. “Atlis, alam mo sa sarili mo kung sino ka.” sagot ng lalaki na nakatingin pa rin sa nakatulala.

“Pero ang tanong, masama na ba ko?” tanong ulit ni Andoy. Tumugon ang lalaking katabi, “Eh sino ho bang mabuti? Sino rin ang masama? Nakasisiguro po ba silang mabuti o masama sila?”

Tumingin si Andoy sa lalaki. Mukhang hindi pa rin nasasagot ang tanong niya, yumuko ulit siya. “Sir, bakit niyo iisipin ang ibang tao na tanggapin kayo kung kayo mismo hindi niyo matanggap-tanggap sa sarili niyo?” payo ng lalaki sabay hubad ng sandong suot.

Lumapit ang lalaki kay Andoy at nagtanong ulit. “Sir … pers taym mo po ba?”, ngumiting parang nang-aasar.

Tumingin si Andoy. Ngumiti siya. Namatay ang ilaw sa kwarto.

Nakangiti si Andoy. Iniisip ang nangyari sa isang silid kasama ang hindi kilalang lalaki kanina. Nakatingin sa ilog na nasa harapan niya habang nasa tulay at dumaraan sa likod niya ang mga sasakyan. Nakangiti siya pero kita pa rin ang lungkot sa mukha.

Naalala niya ulit.

Nakaupo siya sa kama, hubad ang pang-itaas at nababalot ng kumot ang pang-ibaba. Nakahiga’t tulog ang lalaki sa kabilang dako, nakataas pa ang kamay nito at naghihilik. Tumutulo na ang luha ni Andoy. Patuloy ang luha ngunit walang ingay. Pinipigil niyang may makarinig na lumuluha siya kahit dalawa lamang sila sa kwarto.

Dumadaloy na ang luha ni Andoy na kanina’y nakangiti. Nakatingin pa rin sa ilog. Nais niyang sumigaw pero hindi niya maibuka ang bibig. Nais niyang magsalita ngunit walang boses na lumalabas sa kanyang bungaga.

Naglalakad na siya ngayon. Naging mabagal ang lakad niya nang mapansin ang maraming taong naglalakad. May mga matatandang nagbebenta ng mga kandila’t rosaryo, may nagbebenta ng sampaguita, may nagbebenta ng mga kakanin. Nasa may simabahan na siya.

Nasa labas lamang siya. Nais man niyang pumasok, parang ayaw ng kanyang mga paa. Diretso ang tingin niya sa may altar. Mukha na parang nagdarasal, na parang nagmamakaawa, na parang may sinisisi. Gumuhit sa kanyang kanang pisngi ang isang luhang lumabas sa kanyang mata.


Bumukas ngayon ang pinto, “Andoy? Ikaw na ba yan? Diyos ko, dis oras na ng gabi ah” tinig ng isang babaeng may katandaan na. Balisa pa rin si Andoy na nagmano sa kanyang ina. Nagtataka ang ina sa kilos ng anak.

“Kumain ka na ba? Ipagluluto kita? Ano? Tubig? Nauuhaw ka ba?” sunod-sunod na tanong ng ina habang papaupo si Andoy sa salas. Ang bukas lamang na ilaw ay sa kusina, ayos na para maliwanagan nang kaunti ang buong bahay.  Tahimik ang paligid. Walang natanggap na sagot ang ina.

Sinundan ng tingin ng ina ang anak. Nakita niyang nakaupo si Andoy na malalim ang iniisip. Nilapitan niya ito. Niyakap, idiin ang ulo ng anak sa dibdib ng ina. Pagpapakitang siya ang karamay.

“Anong problema anak?” marahang tanong ng ina na parang alam na rin naman ang sagot. At saka binitiwan ang pagkakayakap at naupo sa tabi.

Tumingin lang si Andoy na mugto na ang mata. Hinawakan ng ina ang mga pisngi ng anak. Niyakap ito. Tuluyan ng dumaloy ang luha ni Andoy.

Habang yakap-yakap, nagsalita ang binata. “Ma, may sasabihin po ako.”

Hinarap ng ina ang umiiyak na anak. “Alam ko anak … alam ko.” Medyo nagulat na may pagtataka si Andoy sa marahang sabi ng ina.

“Anak … ina ako. Nanay mo ‘ko. Sa akin ka galing. Nararamdaman ko ang nararamdaman mo. Bata ka pa lang alam ko na. Napansin ko na. At wala akong tutol doon.” mahinang tugon ng ina sa nagtatakang anak.

“Ma–” magsasalita sana si Andoy pero napayuko na lamang ito. “Anak, kailanman hindi naging masama ang pagpapakatotoo. Hindi itatakwil ng ina ang anak nito kahit ano pa ito.” payo ng ina.

“Walang masama doon Andoy. At kung masama man iyon, ngayon pa lang, ako mismo ang hihingi ko ng tawad sa Maykapal.” pahabol ng ina.

Hinawakan ni Andoy ang kamay ng ina.

“Pero natatakot ako, Ma.” pag-aalala ni Andoy. “Sshh, huwag kang matakot. Hindi kailanman kinatatakutan ang katotohanan. Huwag kang matakot kung ano at sino ka.” tugon naman ng ina.

Niyakap ni Andoy ang ina. Mahigpit. Hindi na siya lumuluha.

Higit pa sa pagtanggap ng mga kaibigan ay ang pagtanggap ng taong kilala siya nang lubusan ang mas mahalaga para sa kanya. Gumaan na ang pakiramdam ni Andoy. May halong takot pero namamayani ang galak.

Ngayong gabi, mas nakilala na niya ang sarili niya. Kung ano siya at kung sino siya. Handa na niyang harapin ang sarili niya. Siya nga mismo. Si Andoy.





WAKAS.

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...