Likha ni: Jun-Jun
Batiin natin sila, ang lahat ng mga service crew at maintenance personnel sa mga fast food chains o restaurants man, pati na rin ang mga saleslady/salesboy sa mga department stores o maging mga tindera sa mga kubol-kubol ng tiangge at convenient stores. Sila na kahit araw ng kapaskuhan ay inilalaan ang sarili sa pagseserbisyo sa mga costumers. Sila na dapat sana'y kasabay sa hapag ang pamilya't kaibigan sa kainan ay uunahin pang pagsilbihan ang mga hindi naman nila kakilala nang lubusan.
Batiin natin sila, ang lahat ng mga security guards sa iba't ibang establisyimento pati na rin ang mga alagad ng batas, pulis man o sundalo. Sila na kahit sa masasayang araw na ito ay nagagawa pa rin ang tungkuling matiyak ang ating seguridad para lubos na maging payapa't maayos ang lahat. Sila na kung tutuusin ay ang sariling tahanan na ang kapiling ngayon pero mas pinipiling proteksyunan ang buong bayan.
Batiin natin sila, ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan, sina Manong Driver pati na rin ang mga konduktor. Sila na patuloy ang pagkayod para makarating tayo sa lahat ng ating lakad at lakwatsa anumang oras ang nais natin. Sila na sinisiguradong komportable tayo sa mga pupuntahan nating simbahan, pasyalan, o mall. Mas kasama pa nila ang mga jeep, tricycle, taxi o motorsiklo kaysa ang mga anak at asawa sa mga araw na ito na dapat sana'y kanilang pahinga.
Batiin natin sila, ang mga alagad ng media na patuloy ang pagbabantay sa mga nangyayari sa paligid at maipaalam sa publiko ang kasalukuyang lagay ng trapiko at insidente sa lansangan. Sila na nagno-noche buena sa mga istasyon ila kasama ang mga katrabaho. Hindi naman talaga natutulog ang balita kaya kahit sa mga maliligayang araw na ito ay tapat pa rin sa paglilingkod sa sinumpaang propesyon.
Batiin natin sila, ang mga doktor, nurse, at lahat ng health workers na nasa mga ospital, gayundin ang mga call center agents at iba pang private employees. Magdamagan man ang trabaho nila at mga katrabaho ang kasama sa noche buena, magiging merry pa rin ang holidays nila dahil double-pay naman ang regalo sa kanila at para na rin sa kanilang pamilya.
Batiin din natin sila, kahit ang mga kapatid nating hindi nagdiriwang ng kapaskuhan. Wala man sa kanilang pananampalataya ang selebrasyon, isama natin sila sa pagdiriwang. "Happy Holidays" para sa kanila at sana'y masaya ring nagpapahinga kasama ang buong pamilya. Gayundin ang mga taong-lansangan, na literal sa lansangan ipagdiriwang ang pasko. Nawa'y maramdaman nila ang diwa ng araw na ito. Isama natin sila sa ating mga panalangin para sa mas masayang buhay kahit man lang sa bagong taon na darating.
Maraming di nakakapansin sa kanila, dahil mas tutok tayo sa pamilya o kaya sa pera. Pero ang serbisyo nila ay hindi mapapantayan, kaya't kung tutuusin dapat silang pasalamatan. Batiin natin silang lahat at isama sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Hesus at araw ng pagbibigayan.
Maligayang Pasko sa kanilang lahat.
Ang lipunang Pilipino ay parang soap opera na may masalimuot na kuwentong wala na yatang katapusan at tayong mga manonood ay walang magagawa kundi abangan na lang ang susunod na kabanata.
Tuesday, December 24, 2019
Sunday, August 11, 2019
SAAN NAGTATAGO SI HAPPINESS? "SA PAGKAKAIBIGAN"
Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni:
Maestro Jason B. Samson
Mga
Tauhan:
·
Jose – isang matalinong estudyante.
·
Andres – isang estudyanteng mahina sa
klase.
·
Samuel – kaibigan nina Jose at Andres.
Sa monologo ng
dalawang pangunahing tauhan magsisimula ang dula. Nasa isang gilid si Andres
habang nasa kabila naman si Jose.
------------------------ C1
---------------------------------
ANDRES: Ako … ako si Andres. Abnoy. Mahina ang utak. Lampa.
Usad-pagong. Hindi magaling. At laging kulelat. Lagi pang late! ‘Yan ang mga
lagi kong naririnig sa kanila. Sa inyo. Oo! Kayo nga! Kayo mismo. Lagi niyo na
lang akong sinasabihang mahina, tatanga-tanga, o kaya naman mabagal mag-isip.
Alam ko naman iyon eh. Hindi niyo na kailangang ulit-ulitin pa.
JOSE: Ako … ako si Jose. Medals? Marami ako niyan. Pero kasiyahan
sa buhay, mukhang wala akong maramdaman. Parang hindi ako masaya. Marami nga
akong natatanggap na mga medals, maraming humahanga at umiidolo sa’kin, proud
na proud sa’kin ang pamilya’t eskwelahan ko. Pero … parang hindi ako masaya.
Parang hindi ko maramdaman yung tuwa sa kabila ng mga natatanggap ko. Wala
akong maramdamang kasiyahan.
ANDRES: Mahina na kung mahina! Tanga na kung tanga! Eh ano naman!
Wala naman may pakialam sa’kin. Kasi wala na naman akong kasama sa buhay. Wala
na. Lahat sila, iniwan na ko. Girlfriend? Kaibigan? Wala nang nagmamahal
sa'kin. Kasiyahan? Hindi ko na maramdaman yan! Hinding-hindi na.
JOSE: Masaya dahil sa medals? Hindi! Hindi ako masaya. Minsan nga
napapansin ko yung mga kaklase kong humahanga sa akin. Wala silang mga medal.
Tagahanga ko lang sila. Pero sila ang tunay masaya. Sila ang totoong
nakakaramdam ng kasiyahan. Kung anong meron lang sila, kuntento na sila.
Kasiyahan? Para sa kanila ang mga 'yon. Hindi para sa’kin
Maghaharapan ang dalawa.
ANDRES: Sinungaling!
Magtataka si Jose.
JOSE: Sinong sinungaling?
ANDRES: Sino pa ba? Eh di ikaw! Ikaw ang sinungaling.
------------------------ C2
---------------------------------
JOSE: Ako? Sinungaling? Bakit naman? Totoo naman yung mga sinasabi
ko, na kahit matagumpay ako sa pag-aaral … hindi ko magawang maging masaya.
ANDRES: Sinungaling! Hindi mo ko maloloko. Masyado kang
mapagpanggap. Sinasabi mo lang yan para hindi ako mapanghinaan pa lalo ng loob.
Pero ang totoo, nagmamalaki ka pa.
JOSE: Ano bang sinasabi mo? Akala mo ba madali lang para sa’kin
lahat ng mga natatanggap kong tagumpay? Hindi. Pareho lang tayo ng nararanasan,
ang pinagkaiba lang ay kung ano yung pinaghuhugutan natin.
ANDRES: Pwede ba Jose tumigil ka na! Tumigil ka na sa
pagpapanggap. Akala ko pa naman kaibigan kita. Pero nung nasa itaas ka na,
iniwan mo ko sa baba. Tumaas na ang tingin mo sa sarili mo, habang ako …
minamaliit mo na lang.
JOSE: Bro, ano ba? Hindi totoo iyan. Hindi mo kasi ako
naiintindihan.
ANDRES: Oo. Hindi kita naiintindihan. Hindi kasi ako makaintindi.
Hindi ako marunong umunawa. Dahil mahina ang utak ko. Dahil bobo ako.
JOSE: Bro, wala na kong pakialam kung ano nang tingin mo sa sarili
mo. Hindi ko kasalanan na maging matalino ako. Hindi ko kasalanan kung palagi
na lang akong may medals. Hindi ko kasalanan kung bakit lagi na lang akong
pinupuri ng iba.
ANDRES: So, kasalanan ko. Kasalanan ko na naging matalino ka. At
kasalanan ko rin kung ako hindi. Kasalanan ko na bobo ako! Jose, wala nang
nagtitiwala sa'kin. Wala nang pumupuri sa mga ginagawa ko. Wala nang
nakakaintindi sa'kin. Kaya nga siguro oras na ... para pati sarili ko mawala
na.
Ilalabas ni Andres ang baril sa bulsa
niya at itututok sa sintido.
Magugulat si Jose.
------------------------ C3
---------------------------------
JOSE: Bro, Andres! Anong ginagawa mo? Hindi solusyon 'yan. Hindi
'yan ang mga sagot sa mga problema mo! Bitawan mo yan!
ANDRES: Ako … ako si Andres. Abnoy. Mahina ang utak. Lampa.
Usad-pagong. Hindi magaling. At laging kulelat. Lagi pang late! ‘Yan ang mga
lagi kong naririnig sa kanila. Sa inyo. Oo! Kayo nga! Kayo mismo. Lagi niyo na
lang akong sinasabihang mahina, tatanga-tanga, o kaya naman mabagal mag-isip.
Alam ko naman iyon eh. Hindi niyo na kailangang ulit-ulitin pa.
JOSE: Bro, kaibigan mo 'ko. Kung may problema, pwede nating
pag-usapan nang mabuti. Hindi yung aabot tayo sa ganyan.
Magtataas ng boses si Andres.
ANDRES: Hindi! Hindi mo ko naiintindihan! Sawang-sawa na ko sa
buhay ko! Gusto ko nang mamatay!!!
Biglang darating ang kaibigan nilang
si Samuel.
SAMUEL: Maghunos-dili ka Andres!
Magugulat ang dalawa at mapapatingin.
Lalapit si Samuel sa kinatatayuan ni Jose.
SAMUEL: Ano ka ba Andres? Ganyan ka na ba ka-desperado sa buhay
mo?
Magtataka ang dalawa.
JOSE: Teka. Sino ka ba?
SAMUEL: Ano ba kayo? Ako 'to, yung kaklase niyo nung grade 7. Yung
nag-transfer na sa ibang school.
ANDRES: Sa … Sa … Samuel?
SAMUEL: Hoyyy!!! Anong Samuel? Hindi na Samuel ang tawag sa’kin ng
mga kaibigan ko ngayon. I am now … Samantha.
JOSE: Samantha? Eh Samuel lang ang pangalan mo noon ah!
SAMUEL: Basta, Samantha na ang tawag sa’kin ngayon. Hoy Andres!
Huwag ka ngang OA! (Pa-sweet) Hindi
mo ba naaalala, nung grade 7 tayo, pinapakopya pa kita ng assignment, sabay pa
tayong mag-recess, at ... Sabay pa tayong umuwi?
ANDRES: Hoy Samuel!
SAMUEL: Samantha nga eh!
ANDRES: Samuel, Samantha, Samuel, Samantha. Kahit sino ka pa! Wala
akong panahon para makipaglokohan sa'yo!
Sisingit si Jose at akmang sisisihin si Samuel.
JOSE: Ikaw kasi eh. Mas lalo mo pang pinalala ang sitwasyon.
SAMUEL: Ha? Eh bakit parang galit ka? Bakit kasalanan ko? Parang
kasalanan ko!
ANDRES: Hoy! Kayong dalawa! Huwag niyo na kong pakikialamanan pa.
Umalis na kayo! Para hindi kayo mapaghinalaan na pumatay sa’kin.
JOSE: Bro, hindi kami aalis dito. Bitawan mo na yang baril mo!
ANDRES: Ayaw niyong umalis? Sige! Kayo na lang kaya!
Itututok ni Andres sa dalawa ang baril
niya.
Sisigaw ang dalawa.
Iikot pa ang tatlo habang may
nakatututok nab aril sa dalawa.
JOSE: Bro, ano ba? Mag-usap tayo nang maayos. Hindi mo kailangang
gawin yan.
SAMUEL: Andres! Ikaw mismo. Ikaw mismo ang unang nanghuhusga sa
sarili mo. Ikaw mismo ang nagbababa sa kakayahan mo. Kaya ka nagkakaganyan,
kundi dahil din sa'yo.
ANDRES: Kaya nga eh! Kaya nga gusto ko nang mawala. Gusto ko nang
mamatay!
Itututok ni Andres sa bunganga niya
ang baril.
Mapapasigaw na naman ang dalawa.
JOSE: Bro, isipin mong mabuti. Kapag pinatay mo ang sarili mo.
Parang hindi mo na ring binigyan ng pagkakataon ang buhay mo na makapagbago, na
makapagsimula muli.
SAMUEL: Mawawalan ng kabuluhan ang buhay mo. Mauuwi sa wala lahat
ng pinaghirapan mo! Sinayang mo ang pagkakataong binigay sa'yo ng Diyos na
mabuhay.
ANDRES: Bakit? Binuhay niya nga ko, pero anong ginawa niya? Wala.
Wala namang kwenta ang buhay ko. Ni kabuluhan, wala. Kaya ano pang dahilan para
mabuhay pa ko. Mas maganda, tapusin ko na!
Mamamatay ang ilaw ngunit walang
maririnig na putok ng baril.
Sisigaw sina Jose at Samuel.
------------------------ C4
---------------------------------
Tutugtog ang kantang “Batang-Bata Ka
Pa” ng Apo Hiking Society habang may mga ipinapakitang larawan ng mga
Pilipinong mag-aaral.
SAAN NAGTATAGO SI HAPPINESS? "SA PANININDIGAN"
Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni:
Maestro Jason B. Samson
Mga
Tauhan:
·
Ligaya
– isang estudyanteng sinubok ang paninindigan matapos
masangkot sa isang malaking eskandalo sa kanyang paaralan.
Magsisimula ang
dula sa pagpaparinig ng iba’t ibang tunog ng mga tanong nagsasalita sa iba’t
ibang emosyon.
Isang maikling
monologo ni Ligaya habang nakaupo. Biglang sisigaw.
LIGAYA: Oo!!! Ako … si Ligaya.
------------------------ B1
---------------------------------
LIGAYA: Tama kayo ng nadinig! Ligaya ang pangalan ko.
Ibig sabihin, walang poot. Walang galit. Sa pangalan, kilala ko ang sarili ko.
Alam ko ang kahulugan niya. Pero ako, yung mismong ako, tila hindi ko na yata
kilala ang sarili ko. Hindi ko siya makilala. Hindi ko na rin siya makita … at
maramdaman. Dahil sa isang ... iskandalo!
Maririnig ni Ligaya
ang isa-isang boses ng mga taong nasa likod niya na may kinalaman sa kaniya
hanggang sa manghina siya.
BABAE 1: (Nagagalit)
Nakakahiya ka! Honor student ka pa naman. Pero nagawa mong mandaya. Kami
nga itong halos hirap na hirap na sa mga exams, pero ikaw! Ikaw na nga
matalino, manadaraya ka pa!
LALAKI 1: (Nang-aasar)
Buti na lang nakipaghiwalay na ko sayo. Dahil kung hindi, baka mapasama pa ako.
Baka hindi ako maka-graduate tulad mo! Matalino, pero mandaraya? Nakakahiya ka!
Cheater!
BABAE 2: (Nanghihinayang)
Bes, pasensiya na ahh. Pinagbawalan na kasi ako ni Mommy na makipagkaibigan
sayo. Ayaw na niyang makita na kasama kita kahit saan dahil doon sa nangyari.
Sorry bes ahh.
LALAKI 2: (Nagmamakaawa)
Pasensiya na talaga. Ako naman talaga ang may utos sayo na nakawin natin yung
kopya ng mga exam sa office. Nadamay ka pa. Sana mapatawad mo pa ako.
Dalawang beses na
uulitin ang mga pahayag.
Sa huling sultada,
sabay-sabay na sasabihin ang mga pahayag.
Muling sisigaw si
Ligaya
LIGAYA: Tama na! Tigilan niyo na ko! Hindi ako mandaraya!
Ilang beses ko bang sasabihin na hindi ako nandaya. Matalino ako, masipag, pero
kailanman hindi ko magagawang mandaya! Hindi ko kailangang mandaya para tumaas
ang mga grades ko. Hindi ako mandaraya!
BABAE 1: (Nagagalit)
Kumalat na sa lahat. Sa facebook, sa twitter, at kung saan-saan pa na
nandaya ka. Nahuli ka na nga eh! Tapos ngayon, nagagawa mo pang magsinungaling.
LALAKI 1: (Nang-aasar)
Grabe ka! Ang lakas pa rin talaga ng loob mo no? Wala kang kahiya-hiya. Kaya
pala lagi kang perfect sa exams kasi mandaraya ka!
BABAE 2: (Nanghihinayang)
Nabalitaan din kasi ni Mommy Bes eh! Yung kaso mo sa Student Discipline Office,
nalaman niya. Kaya huwag na muna tayong magsabay pauwi Bes ahh.
LALAKI 2: (Nagmamakaawa)
Patawad, dahil sa akin hindi ka na rin makaka-graduate. Dapat talaga, ako lang
yung may kaso eh. Pati tuloy ikaw. Patawarin mo ako.
Dalawang beses na
uulitin ang mga pahayag.
Sa huling sultada,
sabay-sabay na sasabihin ang mga pahayag.
Muling sisigaw si
Ligaya
LIGAYA: Oo!!! Oo na! Ako nga ito. Si Ligaya, yung
madaraya. Oo! Mandaraya na ko. Nandaya ako. Totoo, pumasok ako sa principal's
office at ninakaw ang mga kopya ng exams. Totoo, gumawa pa ko ng kodigo para sa
sagot ng lahat ng exams. Pero hindi ako masamang tao. Hindi. At hinding-hindi.
LIGAYA: Naririndi na ko sa inyo. Hindi ko na kayo
maintindihan. Kung galit kayo sa’kin, dahil nandaya ako sige iwanan niyo ko.
Iwanan niya na ko. At huwag na huwag niyo na kong babalikan pa.
Biglang tatayo sa
kinauupuan si Ligaya. Hindi na galit sa pagsasalita.
LIGAYA: Malapit na ang graduation, gusto kong makasiguro
na gagraduate ako with honors. Kaya nagpakasiguro ako. Pumasok ako ng
principal's office nang walang paalam. Hinanap ko ang mga kopya ng final exams
sa lahat ng subjects. Kinuha ko lahat nang iyon. Inuwi ko at nireview. Gumawa
pa ko ng kopya ng mga sagot para masiguro kong perfect ang mga scores ko. Oo!
Nandaya nga ako!
Titingin sa kawalan
si Ligaya.
LIGAYA: (Nagdudusa)
Ligaya … nasaan ka na ba talaga? Hindi na kita makita, o marinig, o maramdaman.
Ako yung sinisisi nila dahil sa kagagawan mo. Nagmamakaawa ako sayo. Tulungan
mo ako. Dahil sa kasalanan mo, baka hindi ko na matupad pa ang nga pangarap ko.
Hindi mo ba talaga ko tutulungan? Iiwanan mo na lang din ba ako? Tulad nila.
------------------------ B2
---------------------------------
Tutugtog ang
kantang “Sino ako” ni Regine Velasquez.
Nakatulala lamang si
Ligaya.
Pagkatapos ng
kanta. Magsasalita ulit si Ligaya.
LIGAYA: Oo. Natukso ako. Natukso ako ng kapalaran ko.
Niloko ako ng sariling ako. Pero maniwala kayo sa’kin, hindi ko ‘yon ginusto.
Hindi ko ginustong mandaya. Sana, sa muling pagkakataon, maintindihan niyo ako.
Ginawa ko yun dahil sa pressure. Sa pressure ng mga magulang ko. Nandaya ako
para siuradong makaka-graduate ako with honors. Pero ... Hindi. Hindi ako
masamang tao.
Titingin ng diretso
si Ligaya.
LIGAYA: Kung ayaw niyo kong patawarin, habambuhay akong
hihingi ng tawad sa inyo. Mom … Dad … I’m sorry, hindi ako gagraduate.
------------------------ B3
---------------------------------
Mahihimatay si
Ligaya.
SAAN NAGTATAGO SI HAPPINESS? "SA PAG-IBIG"
Iisahing-Yugtong Dula
Sa Panulat at Direksyon ni:
Maestro Jason B. Samson
Mga
Tauhan:
·
Mrs. Manzano – guro na nais itama ang
pagkakamali sa ngalan ng pag-ibig.
·
Reynaldo – isang estudyanteng umibig
sa kanyang sariling guro.
Sa isang maikling
monologo ni Mrs. Manzano magsisimula ang dula.
MRS. MANZANO: Mrs. Manzano, iyan ang tawag sa’kin ng mga
estudyante ko. Isa kasi akong guro sa mataas na paaralan, 25 taong gulang na
ako at halos limang taon pa lang akong nagtuturo. Sa totoo lang, mga nasa Grade
9 ang mga hawak kong estudyante. Nakapapagod dahil sa halos limang section ang
tinuturuan buong araw, ako lang kasi ang nagtuturo ng Chemistry sa eskwelahan
namin. Gayon pa man, masaya na rin ako
dahil mahal na mahal ko ang mga estudyante ko, at alam kong mahal rin naman
nila ako.
Biglang magsasalita
sa gilid ng entablado si Reynaldo.
REYNALDO: Syempre naman, lalo na ako.
Magugulat si Mrs.
Manzano.
MRS. MANZANO: Ssshhh. Ikaw talaga! Mamaya may makarinig
sayo na iba diyan.
REYNALDO: Eh ano naman kung marinig nila, totoo naman eh.
------------------------ A1
---------------------------------
Mapapangiti si Mrs.
Manzano na parang kinikilig.
Tutugtog ang
kantang “Buwan” ni JK Labajo.
Sasayaw si Mrs.
Manzano at Reynaldo.
Pagkatapos ng
kanta. Mabibigla si Mrs. Manzano sa nangyayari at bibitawan niya sa
pagkakahawak si Reynaldo.
MRS. MANZANO: Reynaldo … mali 'to!
Magtataka si Reynaldo.
REYNALDO: Mali? Kailan pa naging mali ang umibig.
MRS. MANZANO: Hindi mali ang umibig. Ang tinutukoy kong mali
... ay ito. Itong ginagawa natin. Mali ito!
REYNALDO: Ma’am, eh di itama natin.
Biglang magtataas ng boses ang guro.
MRS. MANZANO: Reynaldo! hindi ako nakikipagbiruan!
REYNALDO: Ma’am, hindi kita niloloko!
MRS. MANZANO: Reynaldo, listen. Teacher mo ‘ko at
estudyante kita. Gano’n lang kasimple ‘yon.
REYNALDO: Oh ngayon Ma’am, ano namang masama doon?
Biglang magtataas ng boses ang guro.
MRS. MANZANO: Reynaldo! Hindi mo naiintindihan. Bawal
‘yon. Masama ‘yon.
REYNALDO: At ano naman ang mabuti?
MRS. MANZANO: Ano ba Reynaldo? Hindi mo talaga ko
naiintindihan. 25 years old na ko, ikaw … kinse anyos ka pa lang. Ano na lang
ang sasabihin ng iba? Ano na lang ang sasabihin ng mga makakakita sa’tin?
REYNALDO: Mrs. Manzano, walang kaso doon. Bakit natin
iisipin kung anong sasabihin nila? Kung anong makikita nila?
MRS. MANZANO: Kung alam mo lang sana.
Tatalikod na lang
si Mrs. Manzano dahil sa hindi alam kung ano pa ba ang pwede niyang sabihin.
------------------------ A2
---------------------------------
Lalapit si
Reynaldo. At yayakapin sa likod ang kanyang teacher.
Muling tutugtog ang
chorus part ng kantang “Buwan” ni JK Labajo.
Pagkatapos ng
kanta. Mabibigla muli si Mrs. Manzano sa nangyayari at bibitaw siya ulit sa
pagkakayakap sa kaniya ni Reynaldo.
MRS. MANZANO: Reynaldo! Pagbali-baligtarin mo man ang
mundo. Hindi talaga pwede. Hanggang estudyante lang ang turing ko sayo.
Hanggang doon lang.
REYNALDO: Ang iniisip mo lang ay ang sarili mo. Takot ka.
Hindi mo kayang palayain ang isip mo para marinig ng puso mo ang lahat ng mga
sinasabi ko.
MRS. MANZANO: Pwes, humanap ka ng iba. Yung kasing-edad
mo. Yung katulad mo na estudyante. Hindi ako.
REYNALDO: Ma’am, ikaw na rin ang nagsabi sa akin noon.
Ayaw mong tumandang dalaga. Ayaw mong dumating yung panahon na mag-isa ka lang.
MRS. MANZANO: Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin.
REYNALDO: Eh ano? Anong ibig mong sabihin? Ano yung ako
lagi yung inuutusan mong bumili ng pagkain mo kapag recess na? Ano yung ako
lagi yung pinagdadala mo ng mga gamit mo ‘pag tapos na yung klase mo? Ano yung
ako lagi yung ka-chat mo kapag may announcement ka sa section namin? Ano yun
Ma’am?
MRS. MANZANO: Reynaldo! Ano ‘yang sinasabi mo? Hindi
dahil sa ikaw lagi ang inaasahan ko sa mga gagawin ko, eh gusto na kita.
Nagkakamali ka. Ang ibig-sabihin nun ay pinagkakatiwalaan kita. Mali ka ng
iniisip Reynaldo.
REYNALDO: Mrs. Manzano, hindi ako matalino sa klase mo.
Pero hindi ako tanga! Alam ko … nararamdaman ko … mahal mo ko.
MRS. MANZANO: Oo! Totoo. Mahal kita. Mahal na mahal kita.
Mabibigla si
Reynaldo sa sinabi ng guro.
MRS. MANZANO: Bilang estudyante. Bilang estudyante ko.
Hanggang doon lang, hanggang doon lang talaga. Pasensya na pero sana …
makaintindi ka na.
Maliliwanagan na sa
lahat si Reynaldo.
REYNALDO: Gano’n? Sige. Pipilitin kong intindihin.
Pipilitin ko Ma'am
Aalis si Reynaldo.
Lalabas ng entablado.
------------------------ A3
---------------------------------
Muling tutugtog ang
chorus part ng kantang “Buwan” ni JK Labajo.
Mapapaupo na lang
si Mrs. Manzano.
Magdidilim ang
entablado.
MARIA ISABEL ALCANTARA
Iisahing-Yugtong Dula
Sa
Panulat at Direksyon ni:
Maestro
Jason B. Samson
Mga
Tauhan:
·
Maria Isabel Alcantara – Guro
·
Abogado
·
Aling Estella – Ina ni Cassandra
·
Hukom
·
Mga tao sa hukuman
Pangkalahatang
Pagtingin:
Si Maria Isabel Alcantara ay isang napakahusay na guro.
Ngunit nabago ang kanyang buhay mula nang masiraan siya ng bait. Hanggang sa
inaakusahan siya ng pagpatay sa kanyang estudyante. Paano niya matatakasan ang
bangungot ng kanyang buhay?
Ang Pagtatanghal:
Magbubukas ang dula
sa isang hukuman. Papasok sa loob ng sesyon si Maria Isabel Alcantara.
HUKOM: People of the Philippines versus Maria Isabel
Alcantara.
ABOGADO: Maria Isabel Alcantara? Ikaw ba si Maria Isabel
Alcantara?
MIA: (Natatakot)
O … opo! Ako po yun.
ABOGADO: Sige, ipakilala mo sa hukumang ito ang iyong
sarili! Simulan mo!
MIA: Ako si Maria Isabel Alcantara. Apat na pung taong
gulang. Byuda. Walang anak. Nag-iisa man ako sa bahay, pero hindi sa buhay.
Marami akong anak, dahil isa akong guro. Isang mahusay na guro. Matagumpay ako
sa karera ko sa pagtuturo. Kabi-kabilang parangal at papuri ang natatanggap ko.
MIA: (Nagboboses-bata)
Sa katunayan nga, paborito ako ng mga bata. Sabi nila, ako raw ang
pinakamagaling nilang titser. Lagi nila ‘kong binibigyan ng gifts. Lagi nila
kong niyayakap. Gustong-gusto nila ko. Mahal na mahal nila ako. Ang mga
estudyante ko. Kaya mahal na mahal ko rin sila.
Biglang tatayo si
Maria Isabel Alcantara.
MIA: (Nagagalit)
Pero, sinungaling sila! Ayaw naman talaga nila sa akin. Kasi raw, masungit ako.
Istrikta raw ako. Eh paano akong hindi magsusungit sa kanila … napakaiingay
nila. Konting kibot, ingay! Konting bagay, ingay! Nagsusungit ako dahil gusto
ko silang disiplinahin. Ayaw nila sa’kin? Kung ayaw nila sa akin, pwes mas ayaw
ko sa kanila.
MIA: (Natatawa)
Pero alam kong nagbibiro lang sila. Hahahaha! Nagbibiro lang ang mga yun. Alam
ko naman gusto talaga nila ko. Hahahaha! Kasi lagi ko silang pinatatawa. Lagi
ko rin silang pinapauwi ng maaga. Marami rin akong regalo at sorpresa sa
kanila. Hahahaha! Gusto nila ko. Favorite nila ko!
ABOGADO: Maupo ka. Huwag kang tatayo hangga’t wala kaming
sinasabi. Mrs. Maria Isabel Alcantara, may estudyante ka bang nagngangalang
Cassandra Delos Santos?
MIA: (Natatakot)
Cassandra? Cassandra Delos Santos? Oo! Kilala ko siya. Bakit? Nasaan si
Cassandra? May problema bas a kanya? Anong nangyari sa kanya?
MIA: (Iiyak) Si
Cassandra. Ang pinakapaborito kong estudyante. Si Cassandra Delos Santos.
Napakabait ng batang iyon. Napakagalang. At napakamasayahin. Gustong-gusto ko
siya. Mahal na mahal ko ang batang iyon.
Biglang tatayo si
Aling Estella na galit na galit.
STELLA: Hayop ka! Sinungaling! Pinatay mo ang anak ko!
Pinatay mo si Cassandra! (Iiyak)
Pinatay mo siya. Pinatay mo ang anak ko. Magbabayad ka! Magbabayad ka!
MIA: (Natatakot)
Pinatay ko? Wala! Wala akong pinapatay! Sinong magbabayad? Wala akong dapat
panagutan. Wala akong pinatay.
Biglang tatayo si
Maria Isabel Alcantara.
MIA: (Nagagalit) Hindi
ako mamamatay tao! Ang tanging gusto ko lang ay matuto ang mga estudyante ko,
pero hindi ako mamamatay tao! Hindi! Hindi!
Medyo magkakagulo
sa loob ng hukuman.
HUKOM: Order in the court. Order in the court!
MIA: (Masaya)
Cassandra … halika iha! Sabihin mo sa kanila ang totoo. Halika! Sabihin mong
wala akong kasalanan. Sabihin mo! (Biglang
iiyak) Sabihin mo anak … Cassandra … Sabihin mo ang totoo.
MIA: (Natatawa)
Naalala mo ba Cassandra? Di ba sinamahan pa kita sa canteen. Tapos bumili ka ng
paborito mong tsokolate. Naaalala mo pa ba yun Cassandra?
ABOGADO: Maupo ka Mrs. Alcantara. Pwede ba, hindi ka
maaaring tumayo hangga’t hindi ka pinapatayo. At hindi ka maaaring magsalita
hangga’t hindi ka kinakausap.
Uupo si Maria
Isabel Alcantara
ABOGADO: Ngayon Mrs. Maria Isabel Alcantara, sabihin mo
sa amin. Naririto ba si Cassandra? Nakikita mo siya?
MIA: (Nag-aatubili)
Oo! Nandito siya! Nandito si Cassandra. Naroon siya! Nakangiti.
Masayang-masayang nakangiti sa akin. Ayun siya.
Tuturo sa dulo.
Mapapatingin ang lahat sa likod kahit wala namang taong naroroon roon.
Tatayo na naman si
Aling Stella na galit na galit habang umiiyak.
STELLA: Sinungaling! Isa kang baliw! Baliw ka! Pinatay mo
ang anak ko. Baliw ka! Kaya ka nagkakaganyan dahil nag-iisa ka lang. Walang
nagmamahal sayo! Wala kang kasama sa buhay. Wala! Kahit mga estudyante mo, ayaw
sayo! Kasi … isa kang baliw! Wala kang kwentang titser. Dahil baliw ka! Baliw!
MIA: (Natatakot) Baliw?
Sinong baliw? Hindi ako baliw. Hindi ako mamamatay-tao. Hindi ako kailanman
mababaliw at hinding-hindi ko magagawang pumatay. Hindi! Hindi ako baliw!
MIA: (Iiyak)
Hindi totoong baliw ako. Hindi totoong mag-isa lang ako. Maraming nagmamahal sa
akin. Marami. Gusto ako ng mga estudyante ko. Nandyan din mga co-teachers ko.
Sila, sila ang mga kasama ko sa buhay. Mahal nila ko gaya ng mahal ko rin sila.
MIA: (Natatawa)
Hahahaha Gusto ako ng mga estudyante ko, lalo na si Cassandra. Sinabi niya sa
akin na favorite niya ko. Hahahaha
STELLA: Tingnan niyo na! Baliw siya! Sinong maniniwala sa
pinagsasasabi niya, nasisiraan na siya ng bait. Dapat sa kanya sa ospital at
hindi sa kulungan!
Biglang sisigaw si
Maria Isabel Alcantara.
MIA: Pagmamahal! Iyon ang kailangan ko. Oo! Nag-iisa ako.
Nag-iisa lang ako. Nangungulila ako sa pagmamahal ng mga estudyante ko. Pero
hindi ko kailanman magagawa ang mga sinasabi ninyo. Isa akong guro.
Hinding-hindi ko kayang pumatay. Hindi ako mamamatay-tao at hinding-hindi ako
baliw.
ABOGADO: Mrs. Stella, tayo po ay nasa proseso. Maupo po
kayo! Mrs. Maria Isabel Alcantara, magpatuloy tayo. Sagutin mo kami ng diretso.
Nang walang paligoy-ligoy. Ano ho bang alam ninyo sa pagkamatay ng estudyante
ninyong si Cassandra?
Tatayo na namang
muli si Maria Isabel Alcantara, lalakad papuntang harapan ng hukuman. Kahit
pinipigilan siya, magpapatuloy sa pagpapaliwanag.
MIA: (Nakatulala)
Pinatay. Pinatay siya. Pinatay ang estudyante kong si Cassandra. (Biglang sisigaw) Pinatay siya! Walang
habas na pinatay.
MIA: (Nagagalit) Sa
likod ng gusali ng paaralan. Sa tambakan ng basurahan. Malupa at maputik ang
lugar na iyon. Maraming puno’t halaman. Walang masyadong tao ang dumadayo.
Hubad ang kanyang uniporme. Basag ang bungo. Bali ang mga buto. Sira ang buo
niyang pagkatao. Pinatay siya roon. Pinatay si Cassandra. At ang pumatay?
Kilala ko. Kilala ko ang pumatay sa kanya. Siya … ay si … si …
Subscribe to:
Comments (Atom)
El FilibusteVirus
Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...
-
Likha ni: Jun-Jun Ang Maharlika ay galing sa sinaunang wika ng India ...
-
Bersyon ni JBS Noong unang panahon, masaganang nakabibingwit ng yamang dagat ang mga tao. Tanging isda pa lamang ang nakukuha sa karagatan. ...
-
Likha ni: Jun-Jun Sapagkat dinamiko ang wika, kaya’t patuloy itong umuunlad. Ito man ay wikang karaniwan o wikang akademiko. Hindi ito la...




