Tuesday, December 13, 2016

Alamat ng Bangus

Bersyon ni JBS


Noong unang panahon, masaganang nakabibingwit ng yamang dagat ang mga tao. Tanging isda pa lamang ang nakukuha sa karagatan. Ang kani-kanilang mga nahuhuling isda ay ipinagbibili sa mga palengke habang ang iba ay inuuwi sa bahay upang makain ng pamilya.

 

Subalit ang masaganang pangingisda ay naging daan sa kasakiman ng ilan sa kagustuhang makapabingwit nang mas marami at kumita nang mas malaki. May mga nangingisda sa araw man o gabi para makarami ng huli, may mga nagpapasabog ng dinamita upang madaling makapangisda, may nagbubuhos ng mga kemikal sa tubig upang agad na lumutang ang mga isdang namamatay. Hanggang sa masira maging ang tahanan ng mga isda sa kailaliman ng karagatan. Naghari ang kasakiman ng tao sa paghahanapbuhay.

 

Dahil sa mga nangyari, nagalit ang diyosa ng karagatan. Ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan para protektahan ang lahat ng mga natitira pang isda. Itinago niya ang lahat ng mga isda upang hindi mahuli at makuha ng sinuman upang pagkakitaan. Nalugmok naman ang mga mangingisda dahil sa kawalan ng huli. Unti-unting nalugi ang kanilang negosyo at nagtiis na lang sa pagkain ng gulay.

 

Nagsisi ang lahat dahil sa pang-aabusong ginawa sa karagatan. Tuwing madaling-araw ay lumalabas ang mga mangingisda hindi para manghuli kundi para manalangin sa diyosa ng karagatan na muling ibahagi ang yamang dagat nito. Nangako silang hindi na muling sasamantalahin ang mga biyaya ng katubigan. Naawa naman ang diyosa. Nakita niya ang sinseridad sa pagsisisi ng mga mangingisda. Mula rito'y muli niyang ibinahagi ang mga isda sa mga tao. Natuwa ang mga mangingisda, mayroon na sila muling ipanghahanapbuhay at ipangkakain sa pamilya. Ngunit napansin nilang ang kanilang nahuhuling isda ay iba sa nakasanayan nilang mabingwit. Kakaiba ang isdang ito. Malaki, mataba, at maputi subalit punong-puno ito ng napakaraming tinik. Napansin nilang masasarapan ang tao dahil sa hugis at anyo nito pero mahihirapan din ang tao na kainin ang ganitong uri ng isda sa dami ng tinik. Gayunpaman ay hinuli nila ang mga ito, ibinenta sa palengke, at ipinakain sa pamilya.

 

Naisip nilang maaaring biyaya ng diyosa ng karagatan ang malaki, mataba, at maputing isda ito subalit kaparusahan din dahil sa dami ng mga tinik. Dito nila naunawaan na ang pagkain ng isdang ito ay hindi karaniwan, kailangang paghirapang tanggalin ang mga tinik upang matikman ang tunay na sarap nito. Katulad ng kanilang pangingisda, kailangang paghirapan nang husto at iwasang maging sakim upang makahuli nang mas marami.

 

Ang isdang ito ay kilala na ngayon bilang BANGUS.




Friday, November 11, 2016

SK ... Tuloy pa ba?

Likha ni: Jun-Jun

Hindi ba't mismong si Pepe ang nagsabi na 'Ang Kabataan ay Pag-asa ng Bayan'? Pero bakit parang binabalewala ng marami sa atin lalo na ng mga taong gobyerno ang prinsipyong ito ng ating pambansang bayani?
Sa araw na ito (October 31) na sana magaganap ang eleksyon para Sangguniang Kabataan o SK na kasabayan ng Brgy. Election alinsunod sa batas. Pero tulad noong 2013 na dapat sana'y halalan para rito at ng mga sumunod na taon ay na-postpone na naman ito.
Ayon kasi sa kanila, maagang natututo ang mga nahahalal na opisyales ng SK sa katiwalian. Ang tanong, bakit mas iniisip pa nila ang pagkatuto ng mga kabataang maging corrupt kaysa sa matutunan kung paanong mamuno sa murang edad?
Our youth will be our future leaders. Ngunit bakit itong una sanang hakbang ng mga kabataan na maging pinuno ng kanilang komunidad ay tila pinagbabawalan? Imbes na sanayin ang mga ito in terms of leadership. Sanayin in terms of Public Service.
Ito ang dahilan ng ilang kontra sa SK Election taon-taon. Palabas lang ang mga sinasabi nilang ang pagpo-postpone ay upang makatipid sa budget. Marami tuloy ang nagtatanong, kanino bang budget ang tinutukoy nila't takot na takot silang maubusan?
Pero sa kabilang banda rin, seryosohin naman sana ng mga kabataang nahahalal sa SK ang kanilang tungkulin. Hindi lang sana puro pa-liga at pa-beauty contest ang gawin nilang proyekto. Maganda sigurong gumawa ng mga programang makatutulong sa pag-unlad ng komunidad. Tulad ng paghikayat sa mga out-of-school youth na pumasok sa Alternative Learning System o ALS, mga outreach program sa mga kapos-palad at matatanda, tutorial programs, paglilinis ng lansangan, pagtatatanim ng puno, at paghikayat sa kanila laban sa mga bisyo gaya ng sigarilyo, alak, at droga.
Ganitong uri sana ng mga proyekto ang gawin ng mga soon to be SK Officials sa bansa sa oras na matuloy na nga ang eleksyon.
Alam nating mahalagang may puwang ang ating mga kabataan sa pamahalaan. At dapat itong ipaglaban. Dahil mga kabataan din ang may malaking porsyento nang pag-upo ng mga opisyal sa ating gobyerno.
Nirekomenda nang ituloy sa 2017 ang halalan. Sana naman matuloy na ito, kung talaga nga bang may pag-asa pa ang ating mga kabataan.



Human Rights! Higit sa lahat

Likha ni: Jun-Jun

Sabi ng ilan, sobra-sobra na daw ang karapatan natin. Inaabuso na tuloy nang marami. May karapatan nga tayo, pero hindi ginagamit sa mabuting paraan. Sa madaling sabi, may karapatan pero hindi nauunawaan.
Totoo. Pero may isip ang tao. At kahit siguro 'no read, no write' ito, nauunawaan niya ang kanyang mga karapatan. Kung gagamitin man ito ng tao sa mabuti o masamang paraan, alam ng taong may consequences itong katumbas.
Sabi ni Hillary Clinton, "We have to keep working, keep fighting for right, no matter what". At tama siya. Ang ating mga karapatan ang tanging sandata natin habang nabubuhay sa lipunang ito.
Ang Karapatang Pantao o Human Rights ay hindi nagmula sa kaninumang tao, hindi sa kung sinong pangulo, hari o reyna. Ito ay biyaya ng Diyos, at alam nating lahat na wala nang mas tataas pa kaysa sa Diyos. Kaya't dapat itong pahalagahan, ingatan at dapat ding ipaglaban.
Tulad ng karapatang mabuhay na unang-una at pinakamahalagang karapatan sa lahat. Walang sinuman ang maaaring umagaw nito. Ang Diyos ang nagbigay nito kaya't siya lang ang maaaring bumawi nito.
Ang unang dapat na matutunan ng tao ay ang responsibilidad. Na kaakibat ng ating mga karapatan. Because all rights have its own responsibilities. And I think, if a person understand the responsibilities his rights, he will never be abuse it.
Tulad ng Freedom of Expression. Bagamat may karapatan tayong makapagpahayag, responsibilidad naman nating maipahayag ang ating saloobin sa maayos na paraan, sa mabuting paraan. Nang walang inaagrabyadong sinuman. Isang halimbawa nito ay sa social media na lantaran at malaya ang lahat ng netizens na i-express ang lahat ng nais nila, kahit na minsa'y nakakaapekto na ito ng hindi maganda.
Ito siguro ang kadalasang sanhi kaya't hindi nauunawaan ng ilan ang kahalagahan ng ating mga karapatan. Hindi isinasaalang-alang ng tao ang mga responsibilidad nito. At ang nagiging bunga, pang-aabuso dito.
Ngunit, saan ba dapat ito magsimula? Hindi ba't sa eskwelahan? Ang edukasyon ang pundasyon upang matutunan ng tao kung paano gamitin ang karapatan. Kaya't nararapat lamang na ipaunawa hangga't bata pa ang mga responsibilidad na kaakibat ng ating mga karapatan.
Minsan nang tinanggal sa atin ang ating mga karapatan. At alam kong hindi na tayo papayag pang ipagkait muli ito sa atin. We need to understand our rights. We also need to underdtand its responsibilities. That's why we're here, not just on this social media but on this world. Using our rights in a right way in the modern world, in this 21st century time.
Sa mundong, hindi magkaunawaan ang ilan nating mga kababayan. Ipaalala natin ang kahalagahan at tamang gamit ng ating mga karapatan. Anumang pagkakataon, ito'y dapat nating ipaglaban.
Ayon nga sa isang kanta, "To fight for the right, without question or pause. To be willing to march, march into hell for a heavenly cause."
Saan man at kailan man, napakahalaga ng karapatan.



✊yu


Friday, October 28, 2016

Tanong Ko, Sagot Ko! (Katuwaang lang)

Likha ni: Jun-Jun
Magandang araw!
Nandito ako hindi talaga para magpatawa kundi para sagutin at bigyang linaw ang ilan sa mga gumugulo at gumugulo at gumugulo at gumugulo sa isip ko.
TANONG KO LANG!
Tulad nito, kilala niyo naman siguro si Agua? Yung kapatid ni Bendita! Yung babaeng tubig! Tanong ko lang, kapag ba si Agua galing sa CR, naghuhugas pa ng kamay?
Isa pa, bakit kaya sinasabi nila na yung mga manananggal daw kumakain ng sanggol kapag hatinggabi? Pero isipin niyo, paano kaya kakainin ng manananggal yung sanggol kung wala naman siyang tiyan?
Ito pa, kapag ba nagkaroon ng anak ang isang babaeng bampira, ano kaya yung dinedede ng baby bampira? Gatas o dugo?
Maraming pang tanong ang gumugulo sa isip minsan.
Talaga bang may Eagle na Blue para sabihin ng mga Atenistang Blue Eagles sila?
At isa pa. Hindi ba naaabutan ng curfew si Dora na gala ng gala?
At huli, bakit si Superman isinusuot muna ang pantalon bago ang brief?
Wala namang masama kung sasagutin ang mga tanong na ito. Wala naman sigurong sasama ang loob at magli-leave sa groupchat niyo kapag nagkataong naitanong ito ng kaibigan niyo.
Katuwaan lang. SAGUTIN NATIN!
Hindi ko alam kung naghuhugas pa ng kamay si Agua kapag galing sa CR. Tulad ng hindi ako sure kung nakakapagswimming ba siya tuwing summer!
Hindi ko rin alam kung kumakain talaga ng sanggol ang mga manananggal gayong wala siyang tiyan. Tulad ng hindi ako sure kung paano kaya nahahati ang tiyan ng manananggal kapag nabubuntis sila.
Wala rin akong alam kung gatas ba o dugo ang nasisipsip ng baby bampira. Tulad ng pag-iisip ko kung paano kaya nagli-lips to lips ang mga bampira eh di ba may mga pangil sila?
Sa totoo lang, hindi ko alam kung may eagle ba talagang kulay blue. Ang alam ko kasing kulay blue, ay parrot. Kaya dapat sa mga Atenistang yan, Ateneo Blue Parrot. Tutal para naman silang parrot magsalita! Pa-Sosyal! (Maarteng pagsasalita) Areneo! Right!
Hindi rin siguro naaabutan ng curfew si Dora na pagala-gala sa daan. Sigurado naman ang akong may dala siyang ID! Sa dami ba naman ng laman ng backpack niya, hindi malabong may ID siyang dala doon.
Hindi ko rin alam kung bakit mas inuunang isuot ni Superman ang pantalon bago ang brief. Ang iniisip ko lang, sana walang zipper ang pantalon dahil kapag nagkataong hilain niya para isara yung zipper ay baka may maipit. Wala pa naman siyang brief!
Madali ang buhay. Huwag gawing komplikado! Kung nalito kayo? Okay lang yan, at least gumagana amg mga utak niyo! Di ba nga mga Psychologist kayo???
Maraming Salamat!!!

PEKENG PAHAM

PEKENG PAHAM

Likha ni: Jun-Jun

 
Sa panahong uso ang kahambugan
Marami ang naglilinis-linisan,
Na sobra kung magparatang
Sa loob nama’y isang hunghang.

Minamaliit ang mga mangmang
Aniya’y maingay lang pero walang alam,
Akala mo siya’ydi makasalanan
Pekeng paham, maging totoo naman.

Image result for anino

KAIBIGAN

KAIBIGAN
Likha ni: Jun-Jun
 
Sa panahong ika’y nasa labas ng tahanan
Iyong kasama nang walang alinlangan
Katuwang sa mga trip at minsa’y kalokohan
Animo’y kapatid ang turing sa isang kaibigan.


TITSER

TITSER
Likha ni: Jun-Jun
 
Tanda na ating pangalawang magulang.
Itinuro ay purong kabutihan.
Tindi ng pagmamahal ay di masusuklian.
Samu’t saring pangaral, tayo’y biniyayaan.
Estrangherong ang malasakit ay walang hanggan.
Respetadong tao, makita natin saan man.


PAKAWALAN

Likha ni: Jun-Jun

Limutin ang mga imaheng naiwan
Limutin ang mga alaalang nagdaan
Oo’t nilimot ko na nga nang tuluyan
Kahit mga mata ko ngayo’y luhaan.

Ngayon, narito na ako
Narito sa pinakamahirap na yugto ng buhay ko
Pakawalan ang pusong nagsusumamo
Pilit na sinusubukang matuto
Matutong pakawalan ang isang tulad mo.

Subukan mang ayusin ang lahat
Sabihin man ang paalam at salamat
Mga mata’y hindi pa rin maidilat
Pagpapalaya sayo’y hindi matupad.

‘Di masubukan ang pinangakong kalayaan
Nakakapit pa rin sa mga salitang binitiwan
Sana’y payagan kahit muling pagkakaibigan
Patuluyin sa pusong ako’y pinagsarahan.

Ngayon, narito na ako
Narito sa pinakamahirap na yugto ng buhay ko
Pakawalan ang pusong nagsusumamo
Pilit na sinusubukang matuto
Matutong pakawalan ang isang tulad mo.

Pilit na sinusubukang matuto
Matutong pakawalan ang isang tulad mo.

(Tula sa dating minamahal)



Send mo 'to sa kanya!

Likha ni: Jun-Jun

Kung bitter ka
I-send mo ‘to sa kanya

Sa umaga, huwag na
Huwag mo na kong itext
Ng “magandang umaga at gumising ka na!”
Dahil mas gugustuhin ko pang matulog ng mahaba
Kaysa magising sa katotohanang wala ka na.


Huwag ka nang magpapaalalang “kumain ka na!”
Dahil baka mainggit lang ako sa kape
Na hindi sinasantabi
Kahit malamig na.

Huwag mo na din akong sasabihang “ingat ka!”
Dahil baka isipin kong may pakialam ka pa.
Huwag naman sana kitang makasalubong sa SM at sa McDo pa
Kasi dito. Oo dito sa mga lugar na ito
Gumagala tayo at kumakain ng magkasama.

Don’t ask me na rin kung anong ginagawa ko
Dahil ayoko na malaman mong sa mga oras na ito
Ikaw pa rin ang iniisip ko.

Huwag mo nang ila-Like ang mga status at post ko.
Baka isipin kong inii-stalk mo pa rin ako.
Oo nga pala, tambay pa rin ako
Tambay pa rin ako sa wall mo
Kahit masakit makita ang mga pictures mo
Lalo na yung mga kasama ako.

Sa gabi, huwag ka nang magte-text na “magpahinga ka na”
Dahil wala nang mas nakakapagod pa
Na isiping baka pwede pa!
Na sana pinaglaban kita
Huwag mo na ring tanungin ang ginagawa ko
Dahil nakakahiyang sabihin
At nakakahiyang aminin
Na eto, iniiyakan ka!

Sa madaling araw,
Oo malapit nang mag-umaga pero iniisp pa din kita
Oo tulog ka na
Habang ako nananaginip pa
Nananaginip kahit bukas ang mga mata.

Buong araw ikaw ang sentro ko
Parang libro na maraming kabanata’t
pangalan mo ang pamagat

Bukas, aasa na naman ako
Aasa sa text mong “gumising ka na!”
Tanong ko lang,
Ilang araw pa kaya para makalimutan kita
Isa? Dalawa?
O baka naman hindi na.


BAYANI Pa More!!!


Likha ni: Jun-Jun



"Never Again", ito ang sigaw ng mga anti-Marcos na karamihan ay biktima ng Martial Law noon pang dekada '70. Malaking katanungan kasi ngayon kung nararapat bang ilibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Marahil ay marami pa ring loyalista ang dating diktador na itinuturing na bayani ang dating pangulo, dahil muntik pa ngang manalo ni Bongbong noong nakaraang eleksyon at makabalik sa kapangyarihan.

Pero pwede rin naman, sa totoo lang, maraming nagawa si Makoy para sa bansa sa dalawampung taon niya sa puwesto noon.

Hindi ba't naging pangalawa ang Pilipinas noon sa Japan pagdating sa pagproprodyus ng bigas? Naipatayo rin ni Imelda ang iba't ibang mga imprastraktura na nagpaganda pa lalo sa kalakhang Maynila.

Tumaas din ang literacy rate ng mga Pilipino dahil sa ganda ng kalidad ng edukasyon noon. Maganda rin ang imahe ng bansa sa panahong iyon sa mga foreign investors.

Pati ang pagsasaka't irigasyon ay maunlad noon. May displina ang lahat ng mamamayan noong rehimeng Marcos.

Pero sa kabila noon, mahigit 70 libo naman ang ipinakulong, 30 libo ang pinatay, tinorture, o basta na lang nawala na tinawag pa nga noon bilang Desaparesidos. Ang sanhin nito, ang batas militar ng pamahalaan.

At hindi ba, 20 bilyon dolyar na utang ang iniwan sa atin ng gobyernong Marcos na binabayaran at babayaran pa rin kahit ng mga anak at apo natin.

Hindi ba't nagsimula sa panahon niya ang katiwalian sa gobyerno mula sa pinakamataas na puwesto pababa at lumaganap pang lalo ang croniyism? Dahil din sa kanya, kaya nagsimulang bumuo ng mga alyansa ang mga rebelde nating kapatid sa katimugan ng bansa at naging aktibista ang mga kabataang estudyante.

Nabusalan sa bibig ang media at nawala ang Press Freedom. Maging mga kabalan sa politika ay pinatahimik. Mabuti nga't wala pa noong social media dahil paniguradong mahihirapan ang gobyernong Marcos na alisin ang Freedom of Speech at Expression sa mga Pilipino.

Anuman ang mangyari sa balitaktakan ng marami kung talaga nga bang bayani si Marcos, wala namang mananalo. Pare-pareho lang tayong pinagtatawanan ngayon ni Makoy kung saan man siya naroroon.

Ang mahalaga, huwag sanang makalimutan ang mga tunay na bayani ng kasaysayan na nagtaas ng kamao para sa demokrasyang tinatamasa natin ngayon upang hindi na rin maulit ang kadiliman ng nakaraan kailanman.

(P.S. Hindi ako bayaran at hindi ako kampon ng dilawan. Ako at ang aking mga ninuno ay biktima lamang)

Ang INA mo!!!

Likha ni: Jun-Jun

“Tanging ina niyo, ang laging nariyan para sainyo”. Oops! Hindi po ako nagmumura, nangangaral lang po.

Ina. Nanay. Mudra. Mama. Mommy. Mother. Ikalawa sa pinakapopular na salita sa buong mundo, ayon sa Reader’s Digest. Pumangalawa sa salitang ‘love’. Siya ngang tunay. Sa sobrang iksi at simple ng salitang ito, isa ito sa mga unang salitang natutunan at binigkas ng bibig natin. “Mama”, ang unang salitang binibigkas ng sanggol. Ngunit, kung basic definition lang naman, masasabi nating ang salitang ‘ina’ ay para sa babaeng nagluwal ng kanyang anak. Tapos na! Pero kung ilalarawan pa natin, tiyak maraming masasabi, maraming maiisip.

Ina. Ilaw ng tahanan. Nagbibigay liwanag sa mga anak (in short bumbilya). Isinakripisyo ang siyam na buwan at pagkatapos ay ang habambuhay nang pag-aaruga at pagmamahal sa mga anak. Kauna-unahang babaeng nakilala natin. Nagturo sa atin kung paano magdasal, kumain, maligo, at magbihis. Unang namalo at nangaral sa atin. Marami pa. At sa tingin ko, iba-iba pa.


ANG INA MO! Daig pa ang isang Empleyado! Hindi tulad ni ama na 8 oras lang ang trabaho. Si ina, 24 hours nang walang tigil, weekdays man o weekends. Minsan may overtime pa. Ang kaso, walang day-off, walang holiday, at wala pang suweldo. Kung meron man, madalang.

Pero marami ring sideline si ina. Isa-isahin natin.

ANG INA MO! Pwedeng maging alarm clock. Mas mauuna pang gumising sayo at mismong gigising para sayo. Pwede ring maging radyo na kahit kapit-bahay ay pwedeng makarinig. Magpapangaral, magbabalita, at mantsitsismis pa sayo.

ANG INA MO! Pwedeng maging cook na magluluto ng lahat ng pagkain, paborito mo man o hindi. Pwedeng maging maid. Maglalaba, mamamalantsa, maglilinis ng bahay, all around kaya niya. Pwede ring maging security guard na magbabantay sa bahay kapag nasa trabaho na si tatay at nasa eskwela na sina ate at kuya. Pwede ring maging secretary na mag-aasikaso ng mga papeles mo, magbabayad ng tubig at kuryente, at magsusulat ng excuse letter ni bunso.

ANG INA MO! Pwedeng maging teacher na magtuturo magbasa, magsulat, at magbilang. Pwede ring maging nurse na mag-aalaga sayo kapag tinamaan ka ng sakit. Bibili ng gamot mo at kasama mo kay Doc. Pwede rin maging madre na magtuturo sayo magdasal, mangumpisal, humingi ng tawad, at manalig kay Lord. Ameeeen!!!!

ANG INA MO! Pwedeng maging photographer na ido-document lahat ng mahahalagang araw sa buhay mo. Mula birthday, graduation, hanggang kasal mo. Pwedeng maging Guidance Counselor na mahihingan mo ng payo tuwing may problema ka. At pwedeng maging clown kung boring ang bahay niyo.

ANG INA MO! Pwedeng maging pulis kung may nang-aapi sayo. Pwedeng maging unan na mayayakap mo kung nilalamig o di kaya’y broken hearted ka. At pwedeng maging best friend na masasabihan mo ng mga secrets mo.

ANG INA MO! Pwedeng maging IKAW … kung tutularan mo.


Si ina. Ang daming sideline. Ang daming trabaho. 24-7 ang papel sa buhay natin. Maraming maging pwede. Maraming kayang gawin. Ang paniguradong hindi niya kaya, ay tayo’y iwanan at itakwil. Kung pagalingan lang ng nanay … hayyy, wala kayo sa nanay ko!


POLITIKANG-INA NAMAN: Napaka-DRAMA ng Halalan sa Bayan ni Juan


Likha ni: Jun-Jun

Makulay. Maingay. At mala-fiesta. Ganito ang eleksyon sa bayan ni Juan Dela Cruz! Magulo. Marumi. Pero ganito rin ang eleksyon sa bayan niya. Kumpleto sa mga eksenang dramahan, plastikan, at patutsadahan. Kumpleto sa sound effects at mga theme songs. Maraming bida, pa-bida, mga extra, at special participation. Sapawan sa aktingan. Halos 100 milyong Juan Dela Cruz kasi ang bumubuo sa bansa. Mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Kasama pa ang mga Pilipino sa ibang bansa. Watak-watak dahil sa pagiging arkipelago ng kapuluan. Pero complete attendance kapag panahon ng halalan. Ganito ang mala-pelikulang drama ng halalan sa bayan ni Juan.


Aminin man natin o hindi, ibang klase ang halalan sa Pinas. Mula kampanya hanggang araw ng eleksyon, blockbuster ang politika. Kanya-kanyang trip ang mga kumakandidato sa panliligaw. Kanya-kanyang trip din ang mga botante sa pagpili. Ngunit di rin natin sila masisisi. Ito na ang nakasanayan ng lahat. Ito na ang nakagisnan. Mula pa sa mga estilo ng iba't ibang lahing sumakop sa atin. Nabuo ang mga ganitong konsepto na karaniwan nang laman ng halalan sa ating bayan.

KANDIDATO. Ito ang mga tauhan sa halalan. Alam nilang sila ang bida, ang kalaban ang kontrabida. Pero ang kaibahan, lalabas ang tunay na protagonista pagkatapos ng bilangan. Kadalasang sila ay anak ng mga dating nang politiko. O kaya, artista na popular sa bayan nila. Daig pa nila ang mga multo sa husay sa pagpaparamdam. Daig pa ang mga broadcaster sa husay sa pagsasalita. Daig pa ang mga artista sa mga guestings. Dalaw sa fiesta, graduation, kasal, binyag, at burol. Palibhasa, matira-matibay ang laban sa Pinas. Kailangan mong puntahan, kamayan, at ligawan, ang pinaka-kasulok-sulukan, kadulo-duluhan, at kadilim-dilaman ng mga eskinita. Makakuha lang ng maraming suporta. At nakababahala lang minsan, dahas ang kadalasang paraan ng iba lalo na kapag wala na talagang tyansa. Politikang ina naman! Ganito ang drama sa halalan.

BOTANTE. Kung sila Sir at Ma'am ang mga bida. Sila naman ang manonood. Pero hindi tulad sa pelikula. Libre lang ang bumoto. Minsan pa nga, dito pa sila nagkakapera. Aminin na natin o hindi, uso pa rin ang vote-buying. Panahon pa yata nila lolo't lola iyan! At walang deadline kung kailan matatapos. Parang hindi na nga yata. Sa panahon ngayon, mas kinokonsidera na ng mga botante ang popularidad kaysa kalidad ng plataporma. Politikang ina naman talaga! Ganito ang drama sa halalan.

KAMPANYA. Ito ang trailer ng halalan. Panahon ng pagpo-promote. Narito ang pinaka-exciting na part ng drama ng halalan. Bukod kasi sa ganito nagkakainitan ang mga kandidato sa parinigan nila. Dito rin nagkakapera ang ilan. Pero, kung tutuusin, umaangat ang ekonomiya tuwing eleksyon. Mula sa mga campaign paraphernalia, tulad ng mga tarpaulins, flyers, pa-t-shirts, pakontes, pa-raffle at maging pa-concert. Hanggang sa mga pa-sweldo sa mga campaign managers, dancers, supporters, at iba pang tau-tauhan. Pero mas moderno na ngayon. Pwede nang mangampanya sa mga TV Screens. Mahal nga lang ang bayad. Pero kung gusto mo ng libre, meron na ring kampanya sa social media. Lalo na't ito ang pinakamakapangyarihan ngayon. Marami pang access na makukuha. Sa kabila ng lahat, pera ang nagpapaikot sa panahon ng kampanya. Pera ang nagiging sentro ng politika sa halip na Plataporma. Politikang ina naman Juan! Ganito ang drama sa halalan.

BOTOHAN. Ito na talaga ang highlight ng lahat. Ang araw na pinakahihintay. Ang araw na pipili si Juan na parang moviegoer sa kung anong pelikula (o kandidato) ang iboboto niya. Dito magkakaalaman kung sino o ano ang magiging box-office sa lahat. Pero minsan, dito nagaganap ang pinakamaruming pwedeng mangyari sa halalan -- ang dayaan. Hindi malayong mangyari ito lalo na noon na hindi pa automated ang sistema ng halalan sa bansa. Noong isinusulat lang ang mga pangalan ng mga nais mong iboto sa kapirasong papel at saka ihuhulog sa dilaw na kahon na kung tawagin ay "ballot box". Mabuti na lang ngayon, di-shade na lang ang balota. Kaso nga lang, dahil alam nating mahina sa techi-techi si Juan, samu't saring aberya't reklamo ang kapalit nito. Politikang ina naman! Ganito talaga ang drama sa halalan.

BILANGAN. Maraming nagsasabi na "You can win on voting but you might lose on counting". Ito minsan ang nangyayari sa ilang kandidato. Alam naman kasi natin ang pag-iisip ng mga pinoy, hindi papatalo. Walang imposible pagdating sa bayan ni Juan. Gagawin ang lahat, makaupo lang sa mga gintong upuan na kailangan mong makapatay para makaupo. Dito nagkaroon ng isyu sina Makoy at Tita Cory noong 1986 at sina GMA at FPJ noong 2004. Kaya nga nauso ang mga Watchdogs at Watchers para kontra-daya na rin. Pero minsan, nakakapagtaka lang rin. Ang ugali kasi ng pinoy, kapag natalo sa laban, sasabihing dinaya o kaya niluto. Iyon ang panget lang sa mga labanan lalo na dito sa Pinas. Hindi marunong tumanggap ng pagkatalo si Juan kapag talunan. Politikang ina! Wala na ganito na talaga ang drama sa halalan.

Ilan lamang ang mga ito sa bumubuo sa drama ng eleksyon sa Pinas. Nakakahiya mang isipin, pero totoo. Walang dudang kahit walang direktor ang mala-pelikulang halalang ito, nagaganap ang mga katotohanang bahagi na lamang ng ating kasaysayan. Anuman ang maging eksena sa politika ng ating bansa, kailangan nating subaybayan ito. Dahil, sa huli, kinabukasan rin nating lahat ang magiging ending ng dramang ito ni Juan at ng kanyang bayan.

Saturday, February 13, 2016

SILENSYA

Likha ni: Jun-Jun

Sa gitna ng ingay ng klase
Tahimik siyang nasa isang tabi
Walang imik, walang ingay
Hindi mo mapapansin
Ngunit kahit na
Kahit na walang kang marinig sa kanya
Ramdam ko siya
Siya bilang si Maria Clara
Huwarang anak, mabuting ate
At tunay na kabarkada.

'Di ko napapansing nayayamot siya
Kahit alam kong kulung-kulo na
Kumikilos nang kusa sa mga trabaho niya
Pinalaki ng tama
Kaya naman kahanga-hanga
Malaki ang respeto ko sa kanya
Pagkat siya'y larawan ng tunay na Pilipina
Mahinhin, pero 'di mahina
Konserbatibo, ngunit 'di duwag
Tulad ng mahal na birheng si Maria
Tunay na may takot sa Diyos
At Matalino.
'Di ka nagmamaganda
Dahil authomatic na
'Di ka maarte at mayabang
Kung ano ka?
Totoong tao at kaibigan
Ganoon ka.

Sa kanyang angking kagandahan
Nagkakagulo ang lahi ni Adan
Ngunit kahit minsan, di ko nasubukan
'Di ko sinubukang maghulog sa kanya
'Pagkat ayoko
Basta't ayoko lang, mahirap na
Ayoko nang muling magkasala pa
Maganda siya
Walang bahid, walang duda
Mapasaloob man o sa labas niya
Siya'y may puso para kaninuman
Alam kong kapag dumating ang araw
Siya'y mabuti ring ina at katipan
Tulad na mabuti ring kaibigan.

Ako'y nagpapasalamat sa iyong ama't ina
'Pagkat bumuo sila ng isang prinsesa
Karapat-dapat ka ngang igalang
Ikaw na
Ikaw na talaga
Ikaw na ang pinagpala sa babaeng lahat
Salamat sa tiwala mo sa akin
Salamat sa pagkakaibigan natin
Ngayong ikaw ang aking Valentina
Tanggapin mo itong aking obra
Sadyang simple lang, tulad mo
Ngunit ang mensahe'y tagos sa buto
Likha ito ng seryosong side ko
Si Jun-Jun na kaibigan at kasing-ganda mo.


(Tula para sa aking matalik na kaibigan)

SALUDO

Likha ni: Jun-Jun

Saludo ako sa pagpasok niya sa kwadradong silid-aralan
Ngiting may kaba't panginginig ang dala niyang huwaran
Bawat pagsipat sa mga nasa upuan
Ay maaari at kayang-kaya niyang paglaruan.

Saludo ako sa walang patumanggi niyang pagsasalita
Gramatika'y perpekto, at talagang makata
Bagong pakulo, sa utak nami'y itatala
Kahit kalokohan, may kwenta man o wala.

Saludo ako kahit mahirap siyang patulan
Dahil sa talas ng malikot niyang isipan
Kumukulo man ang dugo sa kanya ng PLMarian
Siya'y sumumpa na ang patas ay laging nariyan.

Saludo ako sa mataas na respetong ibinibigay sa kanya
Saludo ako sa parokyang pagmamay-ari niya.

(Soneto para sa aking hinahangaang propesor sa kolehiyo)

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...