Friday, October 28, 2016

Tanong Ko, Sagot Ko! (Katuwaang lang)

Likha ni: Jun-Jun
Magandang araw!
Nandito ako hindi talaga para magpatawa kundi para sagutin at bigyang linaw ang ilan sa mga gumugulo at gumugulo at gumugulo at gumugulo sa isip ko.
TANONG KO LANG!
Tulad nito, kilala niyo naman siguro si Agua? Yung kapatid ni Bendita! Yung babaeng tubig! Tanong ko lang, kapag ba si Agua galing sa CR, naghuhugas pa ng kamay?
Isa pa, bakit kaya sinasabi nila na yung mga manananggal daw kumakain ng sanggol kapag hatinggabi? Pero isipin niyo, paano kaya kakainin ng manananggal yung sanggol kung wala naman siyang tiyan?
Ito pa, kapag ba nagkaroon ng anak ang isang babaeng bampira, ano kaya yung dinedede ng baby bampira? Gatas o dugo?
Maraming pang tanong ang gumugulo sa isip minsan.
Talaga bang may Eagle na Blue para sabihin ng mga Atenistang Blue Eagles sila?
At isa pa. Hindi ba naaabutan ng curfew si Dora na gala ng gala?
At huli, bakit si Superman isinusuot muna ang pantalon bago ang brief?
Wala namang masama kung sasagutin ang mga tanong na ito. Wala naman sigurong sasama ang loob at magli-leave sa groupchat niyo kapag nagkataong naitanong ito ng kaibigan niyo.
Katuwaan lang. SAGUTIN NATIN!
Hindi ko alam kung naghuhugas pa ng kamay si Agua kapag galing sa CR. Tulad ng hindi ako sure kung nakakapagswimming ba siya tuwing summer!
Hindi ko rin alam kung kumakain talaga ng sanggol ang mga manananggal gayong wala siyang tiyan. Tulad ng hindi ako sure kung paano kaya nahahati ang tiyan ng manananggal kapag nabubuntis sila.
Wala rin akong alam kung gatas ba o dugo ang nasisipsip ng baby bampira. Tulad ng pag-iisip ko kung paano kaya nagli-lips to lips ang mga bampira eh di ba may mga pangil sila?
Sa totoo lang, hindi ko alam kung may eagle ba talagang kulay blue. Ang alam ko kasing kulay blue, ay parrot. Kaya dapat sa mga Atenistang yan, Ateneo Blue Parrot. Tutal para naman silang parrot magsalita! Pa-Sosyal! (Maarteng pagsasalita) Areneo! Right!
Hindi rin siguro naaabutan ng curfew si Dora na pagala-gala sa daan. Sigurado naman ang akong may dala siyang ID! Sa dami ba naman ng laman ng backpack niya, hindi malabong may ID siyang dala doon.
Hindi ko rin alam kung bakit mas inuunang isuot ni Superman ang pantalon bago ang brief. Ang iniisip ko lang, sana walang zipper ang pantalon dahil kapag nagkataong hilain niya para isara yung zipper ay baka may maipit. Wala pa naman siyang brief!
Madali ang buhay. Huwag gawing komplikado! Kung nalito kayo? Okay lang yan, at least gumagana amg mga utak niyo! Di ba nga mga Psychologist kayo???
Maraming Salamat!!!

PEKENG PAHAM

PEKENG PAHAM

Likha ni: Jun-Jun

 
Sa panahong uso ang kahambugan
Marami ang naglilinis-linisan,
Na sobra kung magparatang
Sa loob nama’y isang hunghang.

Minamaliit ang mga mangmang
Aniya’y maingay lang pero walang alam,
Akala mo siya’ydi makasalanan
Pekeng paham, maging totoo naman.

Image result for anino

KAIBIGAN

KAIBIGAN
Likha ni: Jun-Jun
 
Sa panahong ika’y nasa labas ng tahanan
Iyong kasama nang walang alinlangan
Katuwang sa mga trip at minsa’y kalokohan
Animo’y kapatid ang turing sa isang kaibigan.


TITSER

TITSER
Likha ni: Jun-Jun
 
Tanda na ating pangalawang magulang.
Itinuro ay purong kabutihan.
Tindi ng pagmamahal ay di masusuklian.
Samu’t saring pangaral, tayo’y biniyayaan.
Estrangherong ang malasakit ay walang hanggan.
Respetadong tao, makita natin saan man.


PAKAWALAN

Likha ni: Jun-Jun

Limutin ang mga imaheng naiwan
Limutin ang mga alaalang nagdaan
Oo’t nilimot ko na nga nang tuluyan
Kahit mga mata ko ngayo’y luhaan.

Ngayon, narito na ako
Narito sa pinakamahirap na yugto ng buhay ko
Pakawalan ang pusong nagsusumamo
Pilit na sinusubukang matuto
Matutong pakawalan ang isang tulad mo.

Subukan mang ayusin ang lahat
Sabihin man ang paalam at salamat
Mga mata’y hindi pa rin maidilat
Pagpapalaya sayo’y hindi matupad.

‘Di masubukan ang pinangakong kalayaan
Nakakapit pa rin sa mga salitang binitiwan
Sana’y payagan kahit muling pagkakaibigan
Patuluyin sa pusong ako’y pinagsarahan.

Ngayon, narito na ako
Narito sa pinakamahirap na yugto ng buhay ko
Pakawalan ang pusong nagsusumamo
Pilit na sinusubukang matuto
Matutong pakawalan ang isang tulad mo.

Pilit na sinusubukang matuto
Matutong pakawalan ang isang tulad mo.

(Tula sa dating minamahal)



Send mo 'to sa kanya!

Likha ni: Jun-Jun

Kung bitter ka
I-send mo ‘to sa kanya

Sa umaga, huwag na
Huwag mo na kong itext
Ng “magandang umaga at gumising ka na!”
Dahil mas gugustuhin ko pang matulog ng mahaba
Kaysa magising sa katotohanang wala ka na.


Huwag ka nang magpapaalalang “kumain ka na!”
Dahil baka mainggit lang ako sa kape
Na hindi sinasantabi
Kahit malamig na.

Huwag mo na din akong sasabihang “ingat ka!”
Dahil baka isipin kong may pakialam ka pa.
Huwag naman sana kitang makasalubong sa SM at sa McDo pa
Kasi dito. Oo dito sa mga lugar na ito
Gumagala tayo at kumakain ng magkasama.

Don’t ask me na rin kung anong ginagawa ko
Dahil ayoko na malaman mong sa mga oras na ito
Ikaw pa rin ang iniisip ko.

Huwag mo nang ila-Like ang mga status at post ko.
Baka isipin kong inii-stalk mo pa rin ako.
Oo nga pala, tambay pa rin ako
Tambay pa rin ako sa wall mo
Kahit masakit makita ang mga pictures mo
Lalo na yung mga kasama ako.

Sa gabi, huwag ka nang magte-text na “magpahinga ka na”
Dahil wala nang mas nakakapagod pa
Na isiping baka pwede pa!
Na sana pinaglaban kita
Huwag mo na ring tanungin ang ginagawa ko
Dahil nakakahiyang sabihin
At nakakahiyang aminin
Na eto, iniiyakan ka!

Sa madaling araw,
Oo malapit nang mag-umaga pero iniisp pa din kita
Oo tulog ka na
Habang ako nananaginip pa
Nananaginip kahit bukas ang mga mata.

Buong araw ikaw ang sentro ko
Parang libro na maraming kabanata’t
pangalan mo ang pamagat

Bukas, aasa na naman ako
Aasa sa text mong “gumising ka na!”
Tanong ko lang,
Ilang araw pa kaya para makalimutan kita
Isa? Dalawa?
O baka naman hindi na.


BAYANI Pa More!!!


Likha ni: Jun-Jun



"Never Again", ito ang sigaw ng mga anti-Marcos na karamihan ay biktima ng Martial Law noon pang dekada '70. Malaking katanungan kasi ngayon kung nararapat bang ilibing sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Marahil ay marami pa ring loyalista ang dating diktador na itinuturing na bayani ang dating pangulo, dahil muntik pa ngang manalo ni Bongbong noong nakaraang eleksyon at makabalik sa kapangyarihan.

Pero pwede rin naman, sa totoo lang, maraming nagawa si Makoy para sa bansa sa dalawampung taon niya sa puwesto noon.

Hindi ba't naging pangalawa ang Pilipinas noon sa Japan pagdating sa pagproprodyus ng bigas? Naipatayo rin ni Imelda ang iba't ibang mga imprastraktura na nagpaganda pa lalo sa kalakhang Maynila.

Tumaas din ang literacy rate ng mga Pilipino dahil sa ganda ng kalidad ng edukasyon noon. Maganda rin ang imahe ng bansa sa panahong iyon sa mga foreign investors.

Pati ang pagsasaka't irigasyon ay maunlad noon. May displina ang lahat ng mamamayan noong rehimeng Marcos.

Pero sa kabila noon, mahigit 70 libo naman ang ipinakulong, 30 libo ang pinatay, tinorture, o basta na lang nawala na tinawag pa nga noon bilang Desaparesidos. Ang sanhin nito, ang batas militar ng pamahalaan.

At hindi ba, 20 bilyon dolyar na utang ang iniwan sa atin ng gobyernong Marcos na binabayaran at babayaran pa rin kahit ng mga anak at apo natin.

Hindi ba't nagsimula sa panahon niya ang katiwalian sa gobyerno mula sa pinakamataas na puwesto pababa at lumaganap pang lalo ang croniyism? Dahil din sa kanya, kaya nagsimulang bumuo ng mga alyansa ang mga rebelde nating kapatid sa katimugan ng bansa at naging aktibista ang mga kabataang estudyante.

Nabusalan sa bibig ang media at nawala ang Press Freedom. Maging mga kabalan sa politika ay pinatahimik. Mabuti nga't wala pa noong social media dahil paniguradong mahihirapan ang gobyernong Marcos na alisin ang Freedom of Speech at Expression sa mga Pilipino.

Anuman ang mangyari sa balitaktakan ng marami kung talaga nga bang bayani si Marcos, wala namang mananalo. Pare-pareho lang tayong pinagtatawanan ngayon ni Makoy kung saan man siya naroroon.

Ang mahalaga, huwag sanang makalimutan ang mga tunay na bayani ng kasaysayan na nagtaas ng kamao para sa demokrasyang tinatamasa natin ngayon upang hindi na rin maulit ang kadiliman ng nakaraan kailanman.

(P.S. Hindi ako bayaran at hindi ako kampon ng dilawan. Ako at ang aking mga ninuno ay biktima lamang)

Ang INA mo!!!

Likha ni: Jun-Jun

“Tanging ina niyo, ang laging nariyan para sainyo”. Oops! Hindi po ako nagmumura, nangangaral lang po.

Ina. Nanay. Mudra. Mama. Mommy. Mother. Ikalawa sa pinakapopular na salita sa buong mundo, ayon sa Reader’s Digest. Pumangalawa sa salitang ‘love’. Siya ngang tunay. Sa sobrang iksi at simple ng salitang ito, isa ito sa mga unang salitang natutunan at binigkas ng bibig natin. “Mama”, ang unang salitang binibigkas ng sanggol. Ngunit, kung basic definition lang naman, masasabi nating ang salitang ‘ina’ ay para sa babaeng nagluwal ng kanyang anak. Tapos na! Pero kung ilalarawan pa natin, tiyak maraming masasabi, maraming maiisip.

Ina. Ilaw ng tahanan. Nagbibigay liwanag sa mga anak (in short bumbilya). Isinakripisyo ang siyam na buwan at pagkatapos ay ang habambuhay nang pag-aaruga at pagmamahal sa mga anak. Kauna-unahang babaeng nakilala natin. Nagturo sa atin kung paano magdasal, kumain, maligo, at magbihis. Unang namalo at nangaral sa atin. Marami pa. At sa tingin ko, iba-iba pa.


ANG INA MO! Daig pa ang isang Empleyado! Hindi tulad ni ama na 8 oras lang ang trabaho. Si ina, 24 hours nang walang tigil, weekdays man o weekends. Minsan may overtime pa. Ang kaso, walang day-off, walang holiday, at wala pang suweldo. Kung meron man, madalang.

Pero marami ring sideline si ina. Isa-isahin natin.

ANG INA MO! Pwedeng maging alarm clock. Mas mauuna pang gumising sayo at mismong gigising para sayo. Pwede ring maging radyo na kahit kapit-bahay ay pwedeng makarinig. Magpapangaral, magbabalita, at mantsitsismis pa sayo.

ANG INA MO! Pwedeng maging cook na magluluto ng lahat ng pagkain, paborito mo man o hindi. Pwedeng maging maid. Maglalaba, mamamalantsa, maglilinis ng bahay, all around kaya niya. Pwede ring maging security guard na magbabantay sa bahay kapag nasa trabaho na si tatay at nasa eskwela na sina ate at kuya. Pwede ring maging secretary na mag-aasikaso ng mga papeles mo, magbabayad ng tubig at kuryente, at magsusulat ng excuse letter ni bunso.

ANG INA MO! Pwedeng maging teacher na magtuturo magbasa, magsulat, at magbilang. Pwede ring maging nurse na mag-aalaga sayo kapag tinamaan ka ng sakit. Bibili ng gamot mo at kasama mo kay Doc. Pwede rin maging madre na magtuturo sayo magdasal, mangumpisal, humingi ng tawad, at manalig kay Lord. Ameeeen!!!!

ANG INA MO! Pwedeng maging photographer na ido-document lahat ng mahahalagang araw sa buhay mo. Mula birthday, graduation, hanggang kasal mo. Pwedeng maging Guidance Counselor na mahihingan mo ng payo tuwing may problema ka. At pwedeng maging clown kung boring ang bahay niyo.

ANG INA MO! Pwedeng maging pulis kung may nang-aapi sayo. Pwedeng maging unan na mayayakap mo kung nilalamig o di kaya’y broken hearted ka. At pwedeng maging best friend na masasabihan mo ng mga secrets mo.

ANG INA MO! Pwedeng maging IKAW … kung tutularan mo.


Si ina. Ang daming sideline. Ang daming trabaho. 24-7 ang papel sa buhay natin. Maraming maging pwede. Maraming kayang gawin. Ang paniguradong hindi niya kaya, ay tayo’y iwanan at itakwil. Kung pagalingan lang ng nanay … hayyy, wala kayo sa nanay ko!


POLITIKANG-INA NAMAN: Napaka-DRAMA ng Halalan sa Bayan ni Juan


Likha ni: Jun-Jun

Makulay. Maingay. At mala-fiesta. Ganito ang eleksyon sa bayan ni Juan Dela Cruz! Magulo. Marumi. Pero ganito rin ang eleksyon sa bayan niya. Kumpleto sa mga eksenang dramahan, plastikan, at patutsadahan. Kumpleto sa sound effects at mga theme songs. Maraming bida, pa-bida, mga extra, at special participation. Sapawan sa aktingan. Halos 100 milyong Juan Dela Cruz kasi ang bumubuo sa bansa. Mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Kasama pa ang mga Pilipino sa ibang bansa. Watak-watak dahil sa pagiging arkipelago ng kapuluan. Pero complete attendance kapag panahon ng halalan. Ganito ang mala-pelikulang drama ng halalan sa bayan ni Juan.


Aminin man natin o hindi, ibang klase ang halalan sa Pinas. Mula kampanya hanggang araw ng eleksyon, blockbuster ang politika. Kanya-kanyang trip ang mga kumakandidato sa panliligaw. Kanya-kanyang trip din ang mga botante sa pagpili. Ngunit di rin natin sila masisisi. Ito na ang nakasanayan ng lahat. Ito na ang nakagisnan. Mula pa sa mga estilo ng iba't ibang lahing sumakop sa atin. Nabuo ang mga ganitong konsepto na karaniwan nang laman ng halalan sa ating bayan.

KANDIDATO. Ito ang mga tauhan sa halalan. Alam nilang sila ang bida, ang kalaban ang kontrabida. Pero ang kaibahan, lalabas ang tunay na protagonista pagkatapos ng bilangan. Kadalasang sila ay anak ng mga dating nang politiko. O kaya, artista na popular sa bayan nila. Daig pa nila ang mga multo sa husay sa pagpaparamdam. Daig pa ang mga broadcaster sa husay sa pagsasalita. Daig pa ang mga artista sa mga guestings. Dalaw sa fiesta, graduation, kasal, binyag, at burol. Palibhasa, matira-matibay ang laban sa Pinas. Kailangan mong puntahan, kamayan, at ligawan, ang pinaka-kasulok-sulukan, kadulo-duluhan, at kadilim-dilaman ng mga eskinita. Makakuha lang ng maraming suporta. At nakababahala lang minsan, dahas ang kadalasang paraan ng iba lalo na kapag wala na talagang tyansa. Politikang ina naman! Ganito ang drama sa halalan.

BOTANTE. Kung sila Sir at Ma'am ang mga bida. Sila naman ang manonood. Pero hindi tulad sa pelikula. Libre lang ang bumoto. Minsan pa nga, dito pa sila nagkakapera. Aminin na natin o hindi, uso pa rin ang vote-buying. Panahon pa yata nila lolo't lola iyan! At walang deadline kung kailan matatapos. Parang hindi na nga yata. Sa panahon ngayon, mas kinokonsidera na ng mga botante ang popularidad kaysa kalidad ng plataporma. Politikang ina naman talaga! Ganito ang drama sa halalan.

KAMPANYA. Ito ang trailer ng halalan. Panahon ng pagpo-promote. Narito ang pinaka-exciting na part ng drama ng halalan. Bukod kasi sa ganito nagkakainitan ang mga kandidato sa parinigan nila. Dito rin nagkakapera ang ilan. Pero, kung tutuusin, umaangat ang ekonomiya tuwing eleksyon. Mula sa mga campaign paraphernalia, tulad ng mga tarpaulins, flyers, pa-t-shirts, pakontes, pa-raffle at maging pa-concert. Hanggang sa mga pa-sweldo sa mga campaign managers, dancers, supporters, at iba pang tau-tauhan. Pero mas moderno na ngayon. Pwede nang mangampanya sa mga TV Screens. Mahal nga lang ang bayad. Pero kung gusto mo ng libre, meron na ring kampanya sa social media. Lalo na't ito ang pinakamakapangyarihan ngayon. Marami pang access na makukuha. Sa kabila ng lahat, pera ang nagpapaikot sa panahon ng kampanya. Pera ang nagiging sentro ng politika sa halip na Plataporma. Politikang ina naman Juan! Ganito ang drama sa halalan.

BOTOHAN. Ito na talaga ang highlight ng lahat. Ang araw na pinakahihintay. Ang araw na pipili si Juan na parang moviegoer sa kung anong pelikula (o kandidato) ang iboboto niya. Dito magkakaalaman kung sino o ano ang magiging box-office sa lahat. Pero minsan, dito nagaganap ang pinakamaruming pwedeng mangyari sa halalan -- ang dayaan. Hindi malayong mangyari ito lalo na noon na hindi pa automated ang sistema ng halalan sa bansa. Noong isinusulat lang ang mga pangalan ng mga nais mong iboto sa kapirasong papel at saka ihuhulog sa dilaw na kahon na kung tawagin ay "ballot box". Mabuti na lang ngayon, di-shade na lang ang balota. Kaso nga lang, dahil alam nating mahina sa techi-techi si Juan, samu't saring aberya't reklamo ang kapalit nito. Politikang ina naman! Ganito talaga ang drama sa halalan.

BILANGAN. Maraming nagsasabi na "You can win on voting but you might lose on counting". Ito minsan ang nangyayari sa ilang kandidato. Alam naman kasi natin ang pag-iisip ng mga pinoy, hindi papatalo. Walang imposible pagdating sa bayan ni Juan. Gagawin ang lahat, makaupo lang sa mga gintong upuan na kailangan mong makapatay para makaupo. Dito nagkaroon ng isyu sina Makoy at Tita Cory noong 1986 at sina GMA at FPJ noong 2004. Kaya nga nauso ang mga Watchdogs at Watchers para kontra-daya na rin. Pero minsan, nakakapagtaka lang rin. Ang ugali kasi ng pinoy, kapag natalo sa laban, sasabihing dinaya o kaya niluto. Iyon ang panget lang sa mga labanan lalo na dito sa Pinas. Hindi marunong tumanggap ng pagkatalo si Juan kapag talunan. Politikang ina! Wala na ganito na talaga ang drama sa halalan.

Ilan lamang ang mga ito sa bumubuo sa drama ng eleksyon sa Pinas. Nakakahiya mang isipin, pero totoo. Walang dudang kahit walang direktor ang mala-pelikulang halalang ito, nagaganap ang mga katotohanang bahagi na lamang ng ating kasaysayan. Anuman ang maging eksena sa politika ng ating bansa, kailangan nating subaybayan ito. Dahil, sa huli, kinabukasan rin nating lahat ang magiging ending ng dramang ito ni Juan at ng kanyang bayan.

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...