Ang lipunang Pilipino ay parang soap opera na may masalimuot na kuwentong wala na yatang katapusan at tayong mga manonood ay walang magagawa kundi abangan na lang ang susunod na kabanata.
Sunday, November 18, 2018
DILAWAN: Kasalukuyang Konsepto sa Usaping Politikal
Thursday, November 15, 2018
MEME: Ang Paglaganap nito sa Social Media
Thursday, September 27, 2018
ANG KWENTO NG PAGLIKHA ... NG GURO
Likha ni: Jun-Jun
Sa libro ng Genesis, nalaman ng sanlibutan kung papaano nilikha ng Panginoon ang lahat. Mula sa mga nakikita natin sa itaas at sa ibaba, sa gilid at sa gitna, sa harap at sa likod natin, ito ay ang daigdig. Ngunit hindi lang dito natatapos ang paglikha ng Panginoon. Sapagkat isang bagay pa ang Kaniyang nilikha sa araw na alam nating Kaniya nang pahinga.
Marahil ay makasalanang baguhin o dagdagan ang isang banal na kasulatang itinuturing bilang pinakamahalagang panatikan ng mundo. Ngunit ang malikot na imahinasyon ng manunulat ang nagtulak upang ituloy ang kwento sa ninanais niya, upang umakma sa malaking bahagi ng buhay ng sinuman pagdating sa pag-aambag ng kamalayan.
Ganito ang kwento ng paglikha.
Sa simula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa; ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig. Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Sa unang araw ay nilikha ng Diyos ang liwanag. Tinawag Niya itong araw. Ginawa Niya ang kadiliman. Tinawag Niya itong gabi.
Sa ikalawang araw Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!” At nangyari ito. Hinati ng Diyos ang tubig. Ang ibang tubig ay nasa ibaba. Ang ibang tubig ay nasa kalawakan na tinawag Niyang langit.
Sa ikatlong araw, pinagsama-sama ng Diyos sa isang dako ang tubig upang lumitaw ang tuyong bahagi. Tinawag Niya itong lupa. Ang tubig ay tinawag Niyang karagatan. Pinatubo Niya ang mga punong namumunga. Pinatubo rin Niya ang lahat ng uri ng mga halamang nagkakabinhi.
Sa ikaapat na araw ay nilikha ng Diyos ang dalawang tanglaw sa langit. Ito ang Araw, na magbibigay-liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin Niya ang mga bituin.
Sa ikalimang araw ay nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, gayundin ang lahat ng uri ng ibon.
Sa ikaanim na araw ay ginawa ng Diyos ang lahat ng uri ng hayop sa lupa —maaamo, maiilap, malalaki at maliliit. Huling nilikha Niya ang tao. Ang tao ay ayon sa Kaniyang larawan, ayon sa Kaniyang wangis. Ang mga tao ang mamamahala sa lahat ng Kaniyang ginawa. Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan at wangis. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, at sila'y pinagpala niya.
Pinagmasdan ng Diyos ang lahat ng Kaniyang ginawa at lubos siyang nasiyahan. Ang lahat ng mga iyon ay mabubuti.
Sa ikapitong araw, ninais na ng Diyos na magpahinga.
Ngunit naisip Niya, sino naman ang magtuturo sa tao tungkol sa buhay na Kaniyang ibinigay? Sino ang magtuturo sa tao na pangalagaan ang Kaniyang mga likha?
Naisip Niyang gumawa ng isa pang tao, kawangis Niya ngunit kaiba ang tungkulin unang mga taong Kaniyang ginawa. Kaya't nilikha Niya ang guro. Ang taong ito magmula noon ang magtuturo sa kapwa nito tao tungkol sa kabuluhan ng buhay at pangangalaga sa Kaniyang mga nilikha. Iyon ang huli Niyang paglikha.
Pinauna ng Diyos ang guro na matulog, sapagkat iyon ay araw ng pahinga. Bukas ay araw na naman ng Lunes at kailangang maagang gumising ang guro para sa Flag Raising Ceremony.
Magsisimula na naman ang paggawa ng Lesson Plan, pagche-check ng mga test papers at quizzes, pagrerekord ng mga grades, at pagde-design ng mga visual aids. Buong araw na naman niyang makakapiling ang mga batang ituturing niyang mga anak kahit hindi niya kadugo't kamag-anak.
Pinagmasdan ng Diyos ang guro habang natutulog, naisip Niyang ang lahat ng Kaniyang ginawa ay talagang mabuti. Mabuti ang paglikha niya sa guro, kaya siguro, ginawa Niya ring guro ang Kanyang anak na nagkatawang-tao paglipas ng panahon. Ang nag-iisang Master Teacher ng mundo. Ito ang dahilan kung bakit dakila ang guro, dakila ang kanilang tungkulin, at dakila ang kanilang misyon. Dahil mismong anak ng Diyos, si Hesus ay guro.
Kung iisipin, baka nga guro ang pinakapaboritong propesyon ng Diyos sa mundo. 🌏
Sumunod na rin na nagpahinga ang Diyos.
Thursday, August 30, 2018
AGHAM AT MATEMATIKA SA WIKANG FILIPINO? BAKIT HINDI: Pagtuturo sa Midyum na Mas Mauunawaan ng Lahat
Likha ni Jun-Jun
Ayon
kay Acelajado (1994), kung sariling wika ang gagamitin sa pag-aaral o pagtuturo
ng anumang aralin, mas madaling matututo ang mga mag-aaral sapagkat konsepto na
lang tungkol sa pinag-aaralan ang kailangang pag-isipan nang mabuti. Sa
madaling salita, madaling sabihin ang iniisip ng isang tao kung sariling wika
niya ang gagamitin at mas madaling palaganapin ang pagkatuto sa eskwela lalo na
sa mga basiko o batayang kaalaman kapag ang inang wika o mother tongue ang
laging ginagamit.
Huwag
na nating itanggi pa, wikang Ingles ang midyum ng dalawa sa pangunahing
asignatura sa eskwelahan na Agham (Science) at Matematika (Mathematics).
Marahil sa dahilang lahat ng mga kaisipan bumabalot sa asignaturang ito ay
orihinal na nagmula sa mga kanluraning bansa. Kaya naman tinitingnan din natin
maging ang mga teknikal na salita nito bilang bahagi ng midyum na ginagamit sa
pagtuturo. Nakapaloob sa iisang lenggwaheng impluwensiya ng mga banyaga, ngunit
sa totoo lang, malaki itong kalokohan!
Alalahanin
nating isa sa mga barayti ng wika ang "jargon" o mga terminong
ginagamit lamang sa iisang larangan o disiplina at hindi ito pagmamay-ari ng
kahit anupamang wika sa buong mundo. Teknikal ang mga salitang ito, minsan pa
nga'y operational ang pagkakagamit. Ibig-sabihin,
eksklusibo lamang sa mga disiplinang pinag-aaralan o larangang
pinagkakadalubhasaan.
Napakahalaga
ng asignaturang Agham, ika nga "Science
is a systematized body of knowledge". Ang Science mismo ay nanggaling
sa salitang Latin na "scientia" na nangangahulugang karunungan. Samantalang
ang Matematika ay "the abstract science of number, quantity, and
space". Numerikal at lohikal ang pag-aaral ng mga espasyo sa pagbabagong
ng buhay. Nagaganap ito upang lubos na maisakatuparan ang karunungan. Ngunit
kung ang karunungang tinutukoy rito ay limitado lamang sa mga taong nakauunawa
ng iisang midyum nito, paniguradong walang maipupunlang dunong. Kung ang Agham ang
daluyan ng buhay at lunsaran ng kaalaman, marapat lamang na buksan ito sa
wikang nais gamitin ng sinumang nag-aaral o gustong matuto nito.
Marahil
din ay kaya nangungulelat ang ilan sa mga estudyante ng dalawang asignaturang
ito ay dahil sa pagpipilit ng ilang guro at/o administrador na gamiting midyum
ng pagtuturo ang nakasanayan na sa mga ganitong uri asignatura. Sa tingin kasi
ng ilan, baduy o korning maituturing ang paggamit ng 'mother tongue' o unang
wikang natutuhan ng isang tao buhat sa kanyang lugar na sinilangan o
kinalakihan. Marami kasing mga terminong walang tiyak na katumbas sa isang
partikular na wikang gagamitin, maliban na lamang sa Ingles na pangunahing wika
sa mga disiplinang ito. Napakalahing dagok tuloy sa mga mag-aaral na pagsabayin
ang pag-unawa sa mismong aralin at pag-intindi sa midyum na ginagamit sa pagtuturo.
Kaya naman nagiging bunga nito ang pagkabagot at kawalan ng mabisang pagpokus
sa pinag-aaralan.
Pero
isipin natin, mas naunawaan natin noon kina Ka Ernie Baron at Kuya Kim Atienza
ang mga impormasyong may kinalaman sa Science at Trivia dahil ipinaliwanag nila
ito sa midyum na maiintindihan ng lahat. Naging popular din sa mga batang 90s
ang programang Sineskwela, Mathinik at ang ngayo'y Knowldege Channel dahil
natuto tayong buksan ang isip sa mga bagay na bahagi ng ating buhay gamit ang
pambansang wika.
Mismong si Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang nagsabing maaaring gamiting midyum ang wikang Filipino sa mga asignaturang tulad na lamang ng Agham at Matematika, ngunit malaking katangahan kung ituturo gamit ang midyum na wikang Filipino nang isinasalin nang husto ang lahat maging mga teknikal na salita nito. Totoo namang hindi bagay kung isasalin pa natin sa wikang Filipino ang mga terminolohiya sa asignaturang Science at Mathematics ngunit maaari pa rin nating maihatid sa klase ang mga aralin sa paraang mas magaan at mas madaling maintindihan.
Halimbawa
ay ang kahulugan ng Carbon Dioxide.
Carbon
Dioxide is a chemical compound. It is consists of a carbon covalently double
bonded to two oxygen atom. Its chemical formula is CO2.
Ito
naman ang salin ng kahulugan ayon mismo sa wikipedia.
Ang
KARBON DIOKSIDO (carbon dioxide) ay isang kompuwestong kemikal na binubuo ng
dalawang mga atomong oksiheno na kobalenteng nakakawing sa isang atomong
karbono. Ang pormulang kemikal ng karbon dioksido ay CO2.
Mapapansing
gumawa ng tuwirang salin sa teknikal na salitang "carbon dioxide"
bilang karbon dioksido. Anong nangyari? Mas lalo yatang lumala ang jargon nito.
At maging ang mga jargon sa loob ng pahayag ng kahulugan nito ay isinalin ng
direkta. Tila nababoy ang termino. Kung anong bigkas sa teknikalidad nito ay
pinagmukhang ganoon din binaybay sa wikang Filipino. Nawala na ang esensya ng
kahulugan dahil punto por punto na ang pagkakasalin na salita-sa-salita.
Maaari
sanang ganito:
Ang Carbon Dioxide ay pinaghalong kemikal na binubuo ng isang carbon na nakakawing ng dalawang beses sa dalawang atom mula sa oxygen (isang uri ng gas para mabuhay at makahinga ang tao). Ang chemical formula nito ay CO2.
Ngayon mapapansin na gumaan kahit papaano ang kahulugan. Ginawang operational ang pagbibigay-paliwanag sa bawat jargon na nasa loob ng pahayag. Mula sa isinaling kahulugan ng carbon dioxide, makatutulong pang lalo ang pagpapaliwanag nito sa tulong ng mga ilustrasyon. Naipaliwanag hindi gamit ang iisang midyum ng pagtuturo lamang kundi sa pagpapahayag na mas mauunawaan ng lahat. Hindi purong Ingles, hindi purong Filipino. Nanatili rin ang mga jargon.
Gamitin
naman nating halimbawa ang kahulugan ng Integer.
Integer
is a Latin word meaning "whole" and a number that can be written
without a fractional or decimal component.
The
set of integers {... -2, -1, 0, 1, 2, ...} consists of Zero (0); the Positive
Numbers (1, 2, 3, …), also called Whole/Natural or Counting Numbers; and its
inverses, the Negative Numbers (-1, -2, -3, ...)

Ito
naman ang salin ng kahulugan ayon mismo sa wikipedia.
Ang
BAUMBILANG (Ingles: Integer na mula sa Latin na integer) na literal na
nangangahulugang "buo": ito ay
likas na bilang na kabilang ang 0, ang mga positibong bilang (1, 2, 3, ...) at
kanilang mga negatibong bilang (-1, -2, -3, ...). Ito ang mga numerong hindi na
kailangang isulat na bahagi ng isang praksiyon at hating-bilang o desimal na
pumapatak sa loob ng isang pangkat (set) {... -2, -1, 0, 1, 2, ...}.
Mapapansin
na punto por punto rin ang pagsasalin. Maging ang mismong salitang
"Integer" ay isinalin sa Filipino bilang "Buumbilang" o
"buong mga bilang". Bagaman maaari nang maintindihan, medyo
komplikado pa rin ang pagpapahayag sapagkata alinlangan ang pagsasalin.
Maaari
sanang ganito:
Ang
Integer ay salitang Latin na nangangahulugang "buo" o sa Ingles ay
"whole". Ito ay mga numerong maaaring ipakita/isulat nang hindi
fractional component. Ibig sabihin, ang integer ay mga "whole number"
at hindi fractional o maging decimal number.
Ang
mga set ng integers {... -2, -1, 0, 1, 2, ...} ay binubuo ng Zero (0); Positive
Numbers (1, 2, 3, ...) na tinatawag ding Whole/Natural o Counting Numbers na
mas malaki sa zero; at ang kabaligtaran nitong Negative Numbers (-1, -2, -3,
...) na mas maliit naman sa zero.
Mapapansin
naman na naging magaan na ang pagpapakahulugan. Hindi isinalin ng tuwiran ang
mga teknikal na salita. Ginamit pa rin ito kahit na nasa wikang Filipino na ang
midyum ng pagpapahayag. At gaya sa halimbawang ibinigay sa Agham naipaliwanag
hindi gamit ang iisang midyum ng pagtuturo lamang kundi sa pagpapahayag na mas
mauunawaan ng lahat. Hindi purong Ingles, hindi purong Filipino. Nanatili rin
ang mga jargon.
Isang
malaking kamangmangan kung isasalin lahat sa wikang Filipino nang punto por
punto ang bawat salita. Mas lalong hindi mauunawaan, mawawalan pa ng esensya ang
pagpapaliwanag. Maling akala ng ilan na dapat ay magkaroon muna ng salin sa
ating wika ang mga salitang pagmamay-ari mismo ng mga disiplina at hindi lang
naman sa pagsasalin nito sa magaang paraam gamit ang wikang Filipino, mas
magiging mabisa ang pagpapaunawa sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga
ilustrasyon at mga konspetong may kinalaman sa aralin. Maaari pa rin namang
gamitin ang nasa midyum ng Ingles kung sagrado ang mga ideyang nakapaloob at
alinlangang maisalin ngunit ang pagtuturo sana'y nasa mother tongue na ng mga
mag-aaral. Sa pagsasalin naman, gamiting gabay ang ortograpiyang mula KWF.
Sa
huli, hindi dapat pinagpipilian ang wikang Ingles at Filipino na maging midyum
sa pagtuturo. Hindi rin dapat ikahon sa iisa lang. Maaaring pagsamahin, gawing
pantulong ang isa't isa sa mas mabisang pag-unawa. Sa ganitong paraan, magiging
epektibo ang pagtuturo at pagkatuto sa loob ng klase. Hindi lang magaan para sa
mga mag-aaral, kundi pati na rin sa guro. Mas mapauunlad ang kamalayan sa mga asignaturang
Agham at Matematika. Ngayo'y hindi na lang mula sa mata ng mga banyaga, inangkin
at inilapat na rin natin sa paraang swak at katanggap-tanggap. Hindi na
masyadong komplikado. Kaya na natin.
Thursday, May 10, 2018
Isang Repleksyong Papel sa Artikukong "WIKANG KARANIWAN AT WIKANG AKADEMIKO" ni Jomar Adaya
Likha ni: Jun-Jun
Sapagkat dinamiko ang wika, kaya’t patuloy itong umuunlad. Ito man ay wikang karaniwan o wikang akademiko. Hindi ito labanan ng dalawang wika, bagkus ito’y pagpapakilala na dalawa o higit pa ang imahe ng wika partikular na ng wikang Filipino. Maaaring gamitin ito sa lahat ng paraan ng ating pakikipagtalastasan – pasalita man o pasulat. Patunay ito na malaya ang wika at malaya natin itong magamit.
Tunay na ang wikang karaniwan ay yaong wikang ginagamit ng mga tao upang sila’y higit at mabilis na magkaunawaan. Sa pasalitang anyo kasi, kadalasang hindi na natin tinitingnan ang gramatikal na pamamaraan nito. Bumabatay na lamang tayo sa kung paano natin maipararating ang ating sasabihin sa mas madaling pamamaraan ng pagkakaunawaan. Patunay dito ang halimbawang ibinigay sa artikulo ni Adaya patungkol sa pag-uusap ng drayber at pasahero.
Totoo na naipapahayag natin ng mas madali at maayos ang ating mga nais sabihin kapag ang wikang gagamitin natin ay likas sa ating dila. Mas komportable tayong magsalita at mas madali tayong mauunawaan ng ating kausap basta’t kabilang siya sa tinatawag na speech community. Ang paggamit ng wikang karaniwan ay paggamit din ng wikang kinalakihan at nakasanayan na. Kadalasan ito ay mga salitang popular. Ating ginagamit upang agad na maunawaan.
Sa wikang akademiko naman, ayon kay Adaya ginagamit ang wika sa mas mataas na antas. Ibig sabihin, mayroong mga batas at alituntunin ang paggamit ng wika upang maging istandard. Pumapasok na rito ang gramatikal na pamamaraan o ang pagkilatis ng istruktura ng mga salitang gagamitin sa diskurso. Ayon pa kay Adaya, kung ang wikang karaniwan ay walang malay o unconcious ang tao sa paggamit ng wika dahil mas iniisip nito ang paraan ng pagkakaunawaan, malayo ito sa wikang akademiko na ang mga tao ay may malay o concious. Ito’y dahil isinasaisip ng tao ang istruktura ng wikang kanyang gagamitin sa pakikipagkomunika nito sa speech community.
Sa imahe naman ng Filipino bilang wikang akademiko, tunay na nagagamit na ito upang mas mapataas pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa hindi lamang sa mababa at mataas na paaralan pati na rin sa kolehiyo. Pinatunayan ito nina Prop. Nocon, Stephen Walter at Diane Dekker, at Bro. Gonzales na nagbigay ng kanilang pruweba na mataas na ang pagtingin ng marami sa atin sa Filipino bilang midyum ng ppagtuturo sa akademya.
Nakikita natin na ang Filipino ay hindi na lamang pangkaraniwang wika ng nga Pilipino anuman ang estado nito sa buhay kundi pumapasok na rin sa mundo ng akademya upang maging kapantay na ng wikang Ingles bilang wikang akademiko.
Pagdating naman sa rehistro ng wika, nagkakaroon nito upang magkaunawaan ang mga raong nasa iisang pangkat – minsan batay sa akademya o propesyon. Dahil dito kaya’t nagkakaroon ng Jargon na tumutukoy sa bokabularyo ng iisang partikular na pangkat ng tao. Tunay na gumagamit ng code ang bawat tao sa pakikipagtalastasan dahil ayon kay Adaya, magkakaiba ang persepsiyon ng mga tao sa bawat bagay.
Sa kabuuan, malaya nating magamit ang wikang taglay natin. Mapa-pangkaraniwan man ito o pang-akademiko, o batay man ito sa pagkakaroon natin ng rehistro pagdating sa wika. Ang pinakamahalaga, magamit at mapaunlad natin ito sa ating sariling pamamaraan. Isipin natin na ang wikang ginagamit natin sa araw-araw ay wika ng intelektwalisasyon. Kung saang wika tayo mas bihasa at kung saan tayo mas magkakaunawaan ay ang wikang magpapataas at magpapaunlad ng ating intelektwalidad.
#AkoSiJunJun
Tuesday, April 24, 2018
DEAR TAO, NAGMULA KA BA TALAGA SA AMIN? LOVE, UNGGOY: Realistikong Pagsusuri sa tulang "Pagtatapat ng Dalawang Matsing" ni Adrian D'Cruz Balagot
Likha ni: Jun-Jun
Sa oras na itinatanong ko sa sarili ko kung saan ako nagmula, isa lang nagiging sagot ko. Galing ako sa ina ko. Pero saan ba galing ang aking ina, sigurado namang sa kanyang ina rin na galing din sa ina nito. Pero, kung aayusin ko ang tanong, saan kaya galing ang tulad ko? Saan galing ang mga tao?
Sa alabok. Sa ganito tayo nagmula. Ito ang turo sa atin nina Lelong at Lelang. Kaya dito rin tayo babalik. Ayon ito sa banal na kasulatan. Pero, may mga pag-aaral na nagsasabing sa Unggoy nagmula ang tao. Base na rin sa pisikal na anyo ng tao. Matagal nang itinuturo sa atin ng mga Science teachers natin noon na sa mukha't pangangatawan ang naging basehan para ikumpara ang tao sa mga unggoy na kung tawagin ay mga Apes. Kung totoo man ang sinasabi ni Charles Darwin na nagmula ang tao sa unggoy batay sa kanyang Theory of Evolution, aba'y malaking palaisipan ito.
Aminin man natin o hindi, mas maraming patunay ang pananaliksik ni Kuya Charles. Mas may paninindigan ang eksplanasyon ng mga ekperto't siyentipiko kaysa sa mga propeta. At sa korte, mananaig ang mga may ebidensya. Kaya't mas katanggap-tanggap na tayo'y sa matsing nagmula. Tanggapin man natin o hindi. Pero, kung iisipin, tanggap rin kaya nila na nagmula tayo sa kanila? Sa ugali at pagkatao ng mga tao ngayon, ni minsan kaya natanggap rin ng mga unggoy na galing sa kanila ang mga itinuturing nilang amo sa mundong ito? O baka naman hindi lang sa unggoy nagmula ang ilan sa atin, lalo na kung ibabase natin sa ugali ng tao sa kasalukuyan.
Sa tulang "Pagtatapat ng Dalawang Matsing" hinalaw ito ni Prop. Balagot sa teorya ni Charles. Mas nais ng manunulat na sa teoryang may sapat na paliwanag ibatay ang nais niyang ipamulat sa mga mambabasa. Hindi siya bumatay sa panrelihiyong ideya ng pinagmulan ng tao. Ipinamukha niyang maaaring mapagsama ang dalawang uri ng panitikan - tula at pabula. Ngunit, hindi ang manunulat ang persona ng tula. Kundi ang mismong karakter na kaniyang kinatha. Bagamat ang manunulat ang nagbigay ng sitwasyong magiging pundasyon ng mga mambabasa, ang mga karater niya ang nagdala ng kung ano ang nais ipaliwanag ng may-akda.
"Katoto alam mo ba ang bali-balita?
Na itong tao raw sa atin nagmula."
Mababanaanag sa unang dalawang taludtod na ito, na sa matagal na panahong alam na natin na sa unggoy tayo nagmula. Ang mga matsing pala'y ngayon pa lamang nalaman ito. At para sa kanila pa lamang, ito'y mga bali-balita pa lang. Wala pang siyetipikong eksplanasyon sa kanila nagmula ang mga itinuturing nilang amo sa mundong ito.
"Kayhirap isipin ang balitang iyan
Masasabi pa nga ... isang kahunghangan
Bakit kamo igan? Ang tanong ng malay
Ang munti kong damlay ...
nagugulumihanan."
Malamang ito rin ang unang nasabi ng mga taong unang nakarinig ng teorya ni Pareng Charles. At ngayong nalaman na rin ng mga matsing ang teorya ito, mismong sila nagulumihanan. Ibang-ibang tayo sa hayop, ibang-ibang rin sila tao.
Kung may pagkakakapareho man, sa pisikal na anyo. Dahil sa lahat ng hayop sa sanlibutan, unggoy ang pinakamalapit sa imahe ng tao. Ngunit hindi ito ang tinutuon ng manunulat. Hindi sa pisikal na katangian ikinumpara ang unggoy sa tao at ang tao sa unggoy. Kundi sa ugali at/o sa asal. Ito marahil din, ang dahilan kung bakit nagtataka ang mga tropang matsing sa bali-balitang sa kanila galing ang tao. Dahil kung pagkakapareho sa ugali't asal ang tinutumbok ng manunulat, malamang syento-porsyento, hindi papayag ang mga unggoy.
"Isipin mo ito! Sabad niyang muli,
Oo nga ... ang matsing ay pauli-uli
Di naman iniwan sa dusa't pighati
Ang mahal na anak sa ibang kandili."
Nais iparating ng manunulat sa pamamagitan ng mga matsing na kailanman, hindi iniwan ng matsing ang kanilang mga supling sa iba. 'Di tulad ng tao, pinapaampon ang kanilang mga anak o kaya nama'y iniiwan para maghanap-buhay sa ibayong dagat. Mas inuunang alagaan ang hindi naman anak. Ang matsing kahit sa tindi ng hirap, hindi hinayaang mawalay sa kanila ang sariling anak. Maaari ring tumbukin ng mga matsing ang mga taong ipinalalaglag ang kanilang anak sa hirap ng buhay o kaya nama'y hindi matanggap na sila'y mga ama't ina na sa murang edad.
"Matsing ba'y nagbakod ng puno niyog
Hinayaang bunga'y sadyang mangabulok
Sa labi ng iba'y kaniyang ipinagdamot
Panighaw sa uhaw ... pamawi ng pagod."
Lumilitaw naman sa saknong na ito ang pagiging madamot ng mga tao na iba sa mga matsing. Ang matsing, kahit na saging lang ang pangunahing pagkain, hindi naman kailanman ipinagdamot sa kapwa nila. 'Di tulad ng tao, lalo na ang mga nakaaangat sa buhay, kahit na gaano karami ang kinakain at halos buto't balat na ang mga pulubi sa lansangan, hindi man bigyan kahit barya lamang. Kahit lamang-tiyan, hindi marunong mamahagi ng biyayang nakamtan.
"Sa lahi ba natin ... ay may mapag-imbot
Ari ng iba ... pilit na inabot
Nungkang ang kapalit karangalang handog
Nang kinikilalang mahabaging Diyos."
Sa sumunod na saknong, pinalitaw ng matsing na ang tao ay hindi nila katulad, sapagkat ang tao ay ganid at/o makasarili. May ugali ang taong hinihila pababa ang mga taong nasa itaas upang sila ang mangibabaw sa lahat. Sa madaling salita, crab mentality. 'Di tulad ng mga matsing, ayaw ng taong nalalamangan sila ng kapwa. Gusto lagi ng tao na sa kanya lamang ang karangalan. Na para bang nais niyang maging Diyos. Ang mga matsing, kahit palambi-lambitin lang, hindi naman nagawang pabagsakin ang kapwa nila matsing.
"Bagama't sa atin ay may pagdaramdam
Di naman nauwi, sa walang hangganv kaguluhan
Tunay ngang dadaming ... normal sa nilalang
Ngunit hindi daan nang libong kamatayan."
Mapagtanim ng galit. Ito ang isa pang kaibahan ng tao sa unggoy. Hindi mapagmataas ang mga matsing tulad ng mga tao, na hindi marunong humingi ng tawad. Ugali rin ng tao ang mandamay ng iba, upang lumaki nang lumaki ang gulong pinasukan niya. Ang matsing, nagkakaroon din ng pagdaramdam sa isa't isa ngunit hindi naman ito nagtatagal at agad rin namang naaayos.
"Lahi ba natin ... kapuwa ay siniil?
Sa maling paratang, hatid ay hilahil
Di lang sa sarili ... maging sa kapiging
Pati na sa mga mumunti nilang anghel."
Isa pang ugali at/o asal nang tao na ibang-iba sa mga matsing ay ang pagiging mapagparatang. Nagbibintang kahit na walang kasiguraduhan. Maling paratang, ibinibintang sa iba para lang makatakas sa kasalanan o kaya'y may maidawit lang.
"Tayo ba'y nangwasak ng buhay ng iba
At hayaang mata'y mamugto sa luha
Nang mumunting supling na nangaulila
Sa bisig ng inang sakbibi nang dusa."
Ang tao rin ay masyadong inggitero't inggitera. Pinipilit na sirain ang buhay ng kapwa, para lamang sa pansariling interes. Walang pakialam kung may natatapakan o naaagrabyado na. Ito rin ang mga taong mapanira, mga taong walang ginawa kundi pakialaman ang buhay ng iba. Hindi marunong tumingin sa salamin para sa sarilung kamalian.
Sa kamangmangan nga ... tayo umiiral
Sa balat ng lupa, sa mundong ibabaw
Ngunit sa ati'y wala damdaming gahaman
Diwang mapangwasak ... pusok sukaban.
Wala ngang alam sa mundo ang mga unggoy. Di tulad ng tao na may mataas na kakayahang intelektwal. Pero kung sa pag-uugali't kilos ng tao, sadyang maipagmamalaki ang sa mga matsing. Di sila ang pinagmulan ng tao. Di sila ang pinagmulan ng mga asal ng tao.
Kung hindi matanggap ng tao na sa unggoy siya nanggaling, bakit hindi rin natin pakinggan ang panig ng mga matsing. Kung sila ba'y payag na tayo'y nanggaling sa kanila. Bagama't malabong mangyari ang sitwasyong inihayag ng manunulat, na makapagsalita ang mga matsing. Hindi naman malabong mangyari na maaari ngang kwestyunin tayo ng mga matsing na sa kanila tayo galing. Kung sa mga ipinaliwanag ng manunulat, ibang-iba ang unggoy sa tao at ang tao sa unggoy.
Ngunit kung kinukwestyon ng manunulat ang pinagmulan ng tao na unggoy dahil na rin aa ugali't asal nito, anong klase kayang hayop natin naituturing ang pinagmulan natin? Hayop na kapareho ng ugali't asal natin. Malamang na ibang hayop ang pinagmulan ng tao o kaya nama'y tao mismo ang pinagmulan ng tao. Mahirap isipin. Oo. Dahil kahit ang Diyos na siyang dakilang lumikha ng lahat, malabong gumawa siya ng nilalang na ganito ang asal at pag-uugali.
Sa pagiging madamot, ganid, mapagtanim ng galit, mapagparatang, inggitero't inggitera, at iba pang kasuklam-suklam na kilos ng tao, pinatuyan ng manunulat sa pamamagitan ng mga matsing na siyang naging persona't karakter ng may-akda na sadyang katangi-tangi ang tao. Patunay na hanggang ngayon, wala pa ring nakaaalam kung saan tayo nagmula.
"TAO ... Mag Isip Ka! Ikaw ba ... sa amin nagmula?"
Ito ang huling pahayag ng matsing, hindi sa kapawa matsing kundi mismong sa mga itinuturing nilang amo sa mundong ito.
El FilibusteVirus
Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...
-
Likha ni: Jun-Jun Ang Maharlika ay galing sa sinaunang wika ng India ...
-
Bersyon ni JBS Noong unang panahon, masaganang nakabibingwit ng yamang dagat ang mga tao. Tanging isda pa lamang ang nakukuha sa karagatan. ...
-
Likha ni: Jun-Jun Sapagkat dinamiko ang wika, kaya’t patuloy itong umuunlad. Ito man ay wikang karaniwan o wikang akademiko. Hindi ito la...












