Tuesday, April 24, 2018

DEAR TAO, NAGMULA KA BA TALAGA SA AMIN? LOVE, UNGGOY: Realistikong Pagsusuri sa tulang "Pagtatapat ng Dalawang Matsing" ni Adrian D'Cruz Balagot


Likha ni: Jun-Jun

Sa oras na itinatanong ko sa sarili ko kung saan ako nagmula, isa lang nagiging sagot ko. Galing ako sa ina ko. Pero saan ba galing ang aking ina, sigurado namang sa kanyang ina rin na galing din sa ina nito. Pero, kung aayusin ko ang tanong, saan kaya galing ang tulad ko? Saan galing ang mga tao?

Sa alabok. Sa ganito tayo nagmula. Ito ang turo sa atin nina Lelong at Lelang. Kaya dito rin tayo babalik. Ayon ito sa banal na kasulatan. Pero, may mga pag-aaral na nagsasabing sa Unggoy nagmula ang tao. Base na rin sa pisikal na anyo ng tao. Matagal nang itinuturo sa atin ng mga Science teachers natin noon na sa mukha't pangangatawan ang naging basehan para ikumpara ang tao sa mga unggoy na kung tawagin ay mga Apes. Kung totoo man ang sinasabi ni Charles Darwin na nagmula ang tao sa unggoy batay sa kanyang Theory of Evolution, aba'y malaking palaisipan ito.


Marami sa atin ang hindi naniniwalang galing tayo sa unggoy. Lalo na yung mga avid fan ng bibliya. Yung mga linggo-linggong nagsisimba. Paniniwala nila, si Amang nasa itaas ang humulma sa kanila. Sa madaling salita, hindi matanggap ng ilan sa atin na sa hayop tayo nagmula. Pilit nilang pinaninindigan na sina Eba't Adan ang dahilan ng lahat. Kung bakit may tao, kahit na ang mga hayop pa ang mas naunang ginawa ng Diyos kaysa tao. Ayon pa rin sa bibliya, na anila mahirap ipaliwanag kapag Divine Theory na ang pinag-uusapan.

Aminin man natin o hindi, mas maraming patunay ang pananaliksik ni Kuya Charles. Mas may paninindigan ang eksplanasyon ng mga ekperto't siyentipiko kaysa sa mga propeta. At sa korte, mananaig ang mga may ebidensya. Kaya't mas katanggap-tanggap na tayo'y sa matsing nagmula. Tanggapin man natin o hindi. Pero, kung iisipin, tanggap rin kaya nila na nagmula tayo sa kanila? Sa ugali at pagkatao ng mga tao ngayon, ni minsan kaya natanggap rin ng mga unggoy na galing sa kanila ang mga itinuturing nilang amo sa mundong ito? O baka naman hindi lang sa unggoy nagmula ang ilan sa atin, lalo na kung ibabase natin sa ugali ng tao sa kasalukuyan.

Sa tulang "Pagtatapat ng Dalawang Matsing" hinalaw ito ni Prop. Balagot sa teorya ni Charles. Mas nais ng manunulat na sa teoryang may sapat na paliwanag ibatay ang nais niyang ipamulat sa mga mambabasa. Hindi siya bumatay sa panrelihiyong ideya ng pinagmulan ng tao. Ipinamukha niyang maaaring mapagsama ang dalawang uri ng panitikan - tula at pabula. Ngunit, hindi ang manunulat ang persona ng tula. Kundi ang mismong karakter na kaniyang kinatha. Bagamat ang manunulat ang nagbigay ng sitwasyong magiging pundasyon ng mga mambabasa, ang mga karater niya ang nagdala ng kung ano ang nais ipaliwanag ng may-akda.

"Katoto alam mo ba ang bali-balita?
Na itong tao raw sa atin nagmula."

Mababanaanag sa unang dalawang taludtod na ito, na sa matagal na panahong alam na natin na sa unggoy tayo nagmula. Ang mga matsing pala'y ngayon pa lamang nalaman ito. At para sa kanila pa lamang, ito'y mga bali-balita pa lang. Wala pang siyetipikong eksplanasyon sa kanila nagmula ang mga itinuturing nilang amo sa mundong ito.

"Kayhirap isipin ang balitang iyan
Masasabi pa nga ... isang kahunghangan
Bakit kamo igan? Ang tanong ng malay
Ang munti kong damlay ...
nagugulumihanan."

Malamang ito rin ang unang nasabi ng mga taong unang nakarinig ng teorya ni Pareng Charles. At ngayong nalaman na rin ng mga matsing ang teorya ito, mismong sila nagulumihanan. Ibang-ibang tayo sa hayop, ibang-ibang rin sila tao.

Kung may pagkakakapareho man, sa pisikal na anyo. Dahil sa lahat ng hayop sa sanlibutan, unggoy ang pinakamalapit sa imahe ng tao. Ngunit hindi ito ang tinutuon ng manunulat. Hindi sa pisikal na katangian ikinumpara ang unggoy sa tao at ang tao sa unggoy. Kundi sa ugali at/o sa asal. Ito marahil din, ang dahilan kung bakit nagtataka ang mga tropang matsing sa bali-balitang sa kanila galing ang tao. Dahil kung pagkakapareho sa ugali't asal ang tinutumbok ng manunulat, malamang syento-porsyento, hindi papayag ang mga unggoy.

"Isipin mo ito! Sabad niyang muli,
Oo nga ... ang matsing ay pauli-uli
Di naman iniwan sa dusa't pighati
Ang mahal na anak sa ibang kandili."

Nais iparating ng manunulat sa pamamagitan ng mga matsing na kailanman, hindi iniwan ng matsing ang kanilang mga supling sa iba. 'Di tulad ng tao, pinapaampon ang kanilang mga anak o kaya nama'y iniiwan para maghanap-buhay sa ibayong dagat. Mas inuunang alagaan ang hindi naman anak. Ang matsing kahit sa tindi ng hirap, hindi hinayaang mawalay sa kanila ang sariling anak. Maaari ring tumbukin ng mga matsing ang mga taong ipinalalaglag ang kanilang anak sa hirap ng buhay o kaya nama'y hindi matanggap na sila'y mga ama't ina na sa murang edad.

"Matsing ba'y nagbakod ng puno niyog
Hinayaang bunga'y sadyang mangabulok
Sa labi ng iba'y kaniyang ipinagdamot
Panighaw sa uhaw ... pamawi ng pagod."

Lumilitaw naman sa saknong na ito ang pagiging madamot ng mga tao na iba sa mga matsing. Ang matsing, kahit na saging lang ang pangunahing pagkain, hindi naman kailanman ipinagdamot sa kapwa nila. 'Di tulad ng tao, lalo na ang mga nakaaangat sa buhay, kahit na gaano karami ang kinakain at halos buto't balat na ang mga pulubi sa lansangan, hindi man bigyan kahit barya lamang. Kahit lamang-tiyan, hindi marunong mamahagi ng biyayang nakamtan.

"Sa lahi ba natin ... ay may mapag-imbot
Ari ng iba ... pilit na inabot
Nungkang ang kapalit karangalang handog
Nang kinikilalang mahabaging Diyos."

Sa sumunod na saknong, pinalitaw ng matsing na ang tao ay hindi nila katulad, sapagkat ang tao ay ganid at/o makasarili. May ugali ang taong hinihila pababa ang mga taong nasa itaas upang sila ang mangibabaw sa lahat. Sa madaling salita, crab mentality. 'Di tulad ng mga matsing, ayaw ng taong nalalamangan sila ng kapwa. Gusto lagi ng tao na sa kanya lamang ang karangalan. Na para bang nais niyang maging Diyos. Ang mga matsing, kahit palambi-lambitin lang, hindi naman nagawang pabagsakin ang kapwa nila matsing.

"Bagama't sa atin ay may pagdaramdam
Di naman nauwi, sa walang hangganv kaguluhan
Tunay ngang dadaming ... normal sa nilalang
Ngunit hindi daan nang libong kamatayan."

Mapagtanim ng galit. Ito ang isa pang kaibahan ng tao sa unggoy. Hindi mapagmataas ang mga matsing tulad ng mga tao, na hindi marunong humingi ng tawad. Ugali rin ng tao ang mandamay ng iba, upang lumaki nang lumaki ang gulong pinasukan niya. Ang matsing, nagkakaroon din ng pagdaramdam sa isa't isa ngunit hindi naman ito nagtatagal at agad rin namang naaayos.

"Lahi ba natin ... kapuwa ay siniil?
Sa maling paratang, hatid ay hilahil
Di lang sa sarili ... maging sa kapiging
Pati na sa mga mumunti nilang anghel."

Isa pang ugali at/o asal nang tao na ibang-iba sa mga matsing ay ang pagiging mapagparatang. Nagbibintang kahit na walang kasiguraduhan. Maling paratang, ibinibintang sa iba para lang makatakas sa kasalanan o kaya'y may maidawit lang.

"Tayo ba'y nangwasak ng buhay ng iba
At hayaang mata'y mamugto sa luha
Nang mumunting supling na nangaulila
Sa bisig ng inang sakbibi nang dusa."

Ang tao rin ay masyadong inggitero't inggitera. Pinipilit na sirain ang buhay ng kapwa, para lamang sa pansariling interes. Walang pakialam kung may natatapakan o naaagrabyado na. Ito rin ang mga taong mapanira, mga taong walang ginawa kundi pakialaman ang buhay ng iba. Hindi marunong tumingin sa salamin para sa sarilung kamalian.

Sa kamangmangan nga ... tayo umiiral
Sa balat ng lupa, sa mundong ibabaw
Ngunit sa ati'y wala damdaming gahaman
Diwang mapangwasak ... pusok sukaban.

Wala ngang alam sa mundo ang mga unggoy. Di tulad ng tao na may mataas na kakayahang intelektwal. Pero kung sa pag-uugali't kilos ng tao, sadyang maipagmamalaki ang sa mga matsing. Di sila ang pinagmulan ng tao. Di sila ang pinagmulan ng mga asal ng tao.

Kung hindi matanggap ng tao na sa unggoy siya nanggaling, bakit hindi rin natin pakinggan ang panig ng mga matsing. Kung sila ba'y payag na tayo'y nanggaling sa kanila. Bagama't malabong mangyari ang sitwasyong inihayag ng manunulat, na makapagsalita ang mga matsing. Hindi naman malabong mangyari na maaari ngang kwestyunin tayo ng mga matsing na sa kanila tayo galing. Kung sa mga ipinaliwanag ng manunulat, ibang-iba ang unggoy sa tao at ang tao sa unggoy.

Ngunit kung kinukwestyon ng manunulat ang pinagmulan ng tao na unggoy dahil na rin aa ugali't asal nito, anong klase kayang hayop natin naituturing ang pinagmulan natin? Hayop na kapareho ng ugali't asal natin. Malamang na ibang hayop ang pinagmulan ng tao o kaya nama'y tao mismo ang pinagmulan ng tao. Mahirap isipin. Oo. Dahil kahit ang Diyos na siyang dakilang lumikha ng lahat, malabong gumawa siya ng nilalang na ganito ang asal at pag-uugali.

Sa pagiging madamot, ganid, mapagtanim ng galit, mapagparatang, inggitero't inggitera, at iba pang kasuklam-suklam na kilos ng tao, pinatuyan ng manunulat sa pamamagitan ng mga matsing na siyang naging persona't karakter ng may-akda na sadyang katangi-tangi ang tao. Patunay na hanggang ngayon, wala pa ring nakaaalam kung saan tayo nagmula.

"TAO ... Mag Isip Ka! Ikaw ba ... sa amin nagmula?"

Ito ang huling pahayag ng matsing, hindi sa kapawa matsing kundi mismong sa mga itinuturing nilang amo sa mundong ito.

...

Oras na upang ilabas ang iyong pakpak.
Iwagaywag, lumipad.
Dumapo sa iba namang pugad.
Tumuklas.
Umangat sa mas mataas.
Dahil ang mundong ito ay para lamang sa malalakas.
  -- MAESTRO



NASA ISIP KO


Likha ni Jun-Jun

Pag-ibig nga itong nasa isip ko
Kung minsa'y baluktot, misan ay wasto
Bulag ang katulad, tila nalilito
Tulad ng rosaryong maraming misteryo.
Kaya't kung tunay nga
Ito'y wagas at dakila
Siguraduhing ang dila
Tiyak na kapani-paniwala.

Kung magmamahal ka
Ng tapat at akma
Madarama mo'y
Kilig sa simula
Sa gitna ay ngiti
At sa dulo'y tuwa
Sa daraang araw, oras at sandali
Kahit na mag-isa, ikaw ay ngingiti.



BINABAE


Likha ni: Jun-Jun

Binabae
Bakla, Bading, Beki
Babae sa katawan ng Lalaki
Ito ang realidad
Katotohanang hubo't hubad
Anuman ang kanyang ganap
Mananatili siyang nasa alapaap.



Sa marami, siya'y pusong-babae
Salot naman, para sa ilan
Mahirap tanggapin
Sa mga husgado, paaalipin
Kahit panghuhusga ay sapitin
Ngiting may tuwa't saya ang dala sa'tin
Patuloy na hahanapin
Ang pagtanggap na sa kaniya'y inangkin
Bakla, siya ngayo'y aamin.

Noo'y nang-uubos ng lakas
Ngayo'y nagpapatawa ng wagas
Daig pa kung sinong maangas
'Di man niya alam
'Di alam ang naging landas
Masaya pa rin ang magiging wakas
Sa kanyang mukha mababakas
Ang pagtingin na sana'y patas
Upang dinggin din sa itaas
Sikretong napakamapangahas.

Mananatili ito
Sa kaniyang kapalaran
Sabihin mang mali
Ng banal na kasulatan
At ito'y ituring na kasalanan
Tanging dakilang lumikha lang
Ang huhusga sa hangganan.




KUNG TAYONG DALAWA NA LANG SA MUNDO


Likha ni Jun-Jun

Dumilat ako
Hinayaang makita ka
Ikaw lang
Wala nang iba
Pa'no ito?
Pa'no kung ito'y totoo?
Kung tayong dalawa na lang sa mundo
Pipikit pa ba ako?

Kung tayong dalawa na lang sa mundo
Hindi na ako kukurap
Mata ko'y ibabaling na sa iyo
Babantayan kita
Dahil baka pati ika'y mawala pa
Hindi ko kakayaning maging mag-isa pa.

Kung tayong dalawa na lang sa mundo
Magpapakilala na ko sayo
Ikukuwento ko na lahat-lahat sayo
Patatawanin na kita ng todo-todo
Isasayaw kita't aawitan
Ipararamdam sayo ng buong kasiyahan.

Kung tayong dalawa na lang sa mundo
Uubusin ko na lahat ng oras
Susulitin ko na lahat ng minuto
Wala kong sasayanging segundo
Kasama ka
Iikutin natin ang daigdig
Walang pagod na madidinig
Kasama ka

Kung tayong dalawa na lang sa mundo
Ayoko nang matulog pa
Ayoko nang kumain pa
Sasabayan na kita sa pamamahinga
Gusto kong kasama ka
At matira na lang tayong dalawa.

Para sa kantang
"Two Less Lonely People in the World"



ABAKADA


Likha ni Jun-Jun

Abakada
Bibigkasin ko
Iparirinig ko sayo
Bakit?
Wala
Dahil gusto ko.

A ...
Ako ngayon
Malapit na yatang mamatay
Mamamatay na naghihintay
Naghihintay na lingunin mo
Kahit ang kasama mo'y siya
Kahit tuwang-tuwa ka sa kanya
Kung kaligayahan mo'y siya
Masaya na rin ako para sa inyong dalawa.

Ba ...
Baka rin naman hindi mo ko mapansin
Kahit tumayo pa ko sa harap mo
Kahit sumigaw pa ko sa dami ng tao
Kahit magpakita pa ko bilang multo
Kung kaligayahan mo'y siya
Masaya na rin ako para sa inyong dalawa.

Ka ...
Kasiyahan ko nga'y ikaw
Hindi na magbabago iyon
Kahit sumuko na pati imahinasyon ko
Kahit burado ka na sa panaginip ko
Kung kaligayahan mo'y siya
Masaya na rin ako para sa inyong dalawa.

Da ...
Dadalawin pa rin naman kita
Saan?
Sa'king alaala
Basta't dadalawin din ako
Ng mga ngiti mong walang humpay
Masaya ka nga ng panghabambuhay
Kung kaligayahan mo'y siya
Masaya na rin ako para sa inyong dalawa.

Para sa kantang:
"Stone Cold"



KAKAYANING BIGAT SA PAGLIPAD


Likha ni Jun-Jun

Sumuko ako noong umpisa
Akala ko kasi hindi ko kaya
Akala ko ako na lang mag-isa
Mahirap
Mabigat
Baka di ko kayanin.

Pero unti-unti
Nakayanan ko
Kahit mag-isa lang ako
Mahirap
Mabigat
Pero kinaya ko

Salamat sa mga guro ko
Pinatayo nila ako
Pinalakad
At saka pinalayo
Alam kong hindi ko na sila kasama
Sa panahong ako'y malaya na
Sa kabila ng mabigat na buhat-buhat ko
Hindi mabibigo at kakayanin ko.

Oras na para subukan
Ang bigat sa paglipad
Naisip kong kakayanin din
Ang bigat sa paglipad.

Oras na upang ilabas ang iyong pakpak
Iwagaywag, lumipad
Dumapo sa iba namang pugad
Tumuklas
Umangat sa mas mataas
Dahil ang mundong ito ay para lamang sa malalakas

Para sa kantang:
"Defying Gravity"




INTERNASYONAL NA ESTADO SA PANDAIGDIGANG ENTABLADO


Likha ni: Jun-Jun

Globalisasyon.
Integrasyon sa ASEAN.
Internasyonalisasyon.

Matagal nang bukambibig ito ng iba't ibang bansa. Ika nga nila, para ito sa tinatawag na "Global Competitiveness". Ilang dekada na rin bang pinag-uusapan ito at pinaplano? Kung hindi man, pinatatakbo o pinalalaganap na. Ngunit bakit sila-sila lang? Sila-silang malalaki at mayayamang bansa ang nakikinabang? Bakit naiiwan sa ere at muling bumabagsak sa lupa ang mga third-world countries tulad na lang ng Pilipinas?


Kung bukambibig ng mga taong-gobyerno pati na rin ang mga oligarkiya sa Pinas na nakikipagsabayan na tayo sa ibang bansa pagdating sa internasyonalisasyon, gumising ka! Huwag kang tanga sa katotohanan. Dahil tanging itong mga oligarka, elitista, at burgesya lang ang tunay na umuunlad.

Kung nararamdaman man ang tinatawag na "global competitiveness", malamang sa malamang, dito lang iyan sa kalunsuran. Dito sa siyudad. Paano naman ang mga probinsya't mga katutubo natin? Kung tutuusin nga, baka wala pa sa 10% ng buong kapuluan ang nakakaramdam nito. Dahil tanging mayayaman at mga may kapangyarihan lang ang nakakalasap ng hanging dala ng internasyonalisasyon.

Bakit laganap pa rin ang kagutuman? Marami pa rin ang walang trabaho. May krisis-pandaigdigan pa rin. Bakit marami pa rin ang nangingibang-bansa? Bakit may child labor pa rin? Bakit mataas pa rin ang populasyon? Bakit may income inequality, job-and-skill mismatch at labor discrimination pa rin? Iyan ba ang bunga ng globalisadong kasunduan na ilang taon nang lumalaganap sa napakaraming bansa? Malamang yan, sasagutin na naman nila tayo ng mga malalalim na termino, mga statistics, mga pag-aaral na sila lang naman talaga ang nakauunawa. Para tayo, "OO" na lang.

Dapat kasi ganito.
Kung gusto talaga nating pumasok sa pandaigdigang entablado at maging "globally competitive", dapat sana palakasin muna natin ang bansa. Ang hirap kasi sa atin, sugod tayo nang sugod. Laban agad nang laban. Tuloy, talo tayo sa dulo. Dahil maliit lang tayo, kumpara sa mga dambuhala't halimaw na mga bansa. Palakasin muna sana natin ang ating "identidad". Unawain at pag-aralan ang  sarili natin. Kung saan tayo nagmula, kung sino tayo at ano tayo. Sapagkat ultimo wika at kultura natin, kung hindi man natin alam, kinakahiya naman.

Ang mga bansang Amerika, Tsina, Hapon, at isama na natin ang Korea. Mga bansang tinitingala natin ngayon. Inaambisyon. Bago pa man sila sumabak sa internasyonalisasyon, malakas na at pinalakas na nila ang kanilang "Lokalisasyon". Mataas ang pagpapahalaga nila sa kanilang identidad. Malaki ang respeto nila sa kultura at lalong-lalo na sa wika. Ni hindi sila kailanman pumayag na sakupin ng koloniyalismo ang mga utak ng mamamayan nila at kainin ng sistemang kultural ng ibang bansa.

Sa Pilipinas, hindi na natin makilala ang mga kababayan natin. Tuluyan nang nalunod sa kolonyalismo. Marahil ang sanhi nito ay ang pagsakop ng iba't ibang bansa natin kung babalikan ang kasaysayan. Pero hindi ito sapat na dahilan para talikuran na lang natin basta-basta ang orihinal na kung sino tayo, kung ano tayo. Kaya nga nagkakanda-leche-leche ang bansa natin ngayon dahil sa "colonial mentality" na iyan. Sakit nang maituturing ito. At anong uri ng sakit? Baka kanser na kamo. Dahil parang ang hirap hanapan ng lunas at madaling makahawa sa iba.

Ngayon, papasok tayo sa bagong laban. Ang internasyonalisasyon. Papasok tayo nang mahina. Walang laban. At anong ibebenta natin sa pandaigdigang merkado? Ang mga baon natin at maipagyayabang, impluwensya rin ng ibang bansa. Impluwesiya ng kolonyal na pag-iisip nating mga Pilipino. Kaya sa huli, pinagtatawanan tayo ng ibang bansa. Talo tayo! Hanggang sa dulo.

Tapos sasabihin ng mga ekspertong kuno, "globally competitive" na ang mga Pinoy! Ayos!

Kapatid. Huwag kang bulag at huwag na huwag kang mabubulag. Kung papasok tayo sa pandaigdigang paligsahan, alisin na natin ang kolonyal na mentalidad. Tanggalin na natin ang mga paniniwalang banyaga na hindi naman talaga swak kung tutuusin sa kulturang sariling atin. Buhayin natin ang atin! Palaganapin ang nasyonalismo, ang pagmamahal sa bansa at pagpapahalaga sa kultura. Ito ang susi para makasabay tayo sa ibang bansa sa daigdig. Makikita nila ang orihinal na tayo. Kung sino at ano tayo. Kung anong maipagmamalaki at magagawa natin sa ganitong mundo na patuloy na nagbabago. At makakasabay na rin sa modernong pagpaplano sa internasyonal na estado.

El FilibusteVirus

  Kabanata 1: Ang Bapor Tabo sa Gitna ng Pandemiya   Sa gitna ng community quarantine, nagsimula ang kuwento sa paglalakbay ng bapor tab...